CHAPTER 7- NAMIMITONG PAG-IBIG
“Sayang nga siya, Garuda. Napakaganda niya at sa tingin ko, kahawig din siya ni Perenya. Baka siya rin ‘yon at nagpunta sila rito.? “ sabi pang nakatawa.
“Talagang tarantado ka.! Hindi ba, kitang-kita natin ang pagkalasog ng katawan ni Perenya sa bangin.?“
“Kung sabagay, pero maiba ako, Garuda. Palagay ko, guwapo ka rin. Sabi mo, kakaunti lang ang lamang sa’yo ng lalaking iyon sa kakisigan. Hindi paligo kundi hilamos lang. Sasabihin ko sa’yo ang katotohanan. Huwag kang magagalit.“
“Ano ‘yon.? Sabihin mo.!“ masigasig na tanong ni Garuda.
“Isang hilamos lang ang lamang niya sa iyo. Kung maliligo ka, nakakalamang ka na, lalo na kung magbibihis ka ng maganda.!“
Parang dinagukang bigla ang dibdib ni Garuda. Hindi makahinga sa kaligayahan. Napatingala sa langit at tirik ang mga matang ninamnam ang mga papuri ni Mostafa. Wari’y hihimatayin ang kapara at paos ang tinig nang magsalita. “Teka muna. Parang nakakakiliti sa tainga ang sinabi mong mas makisig ako kung magbibihis ng maganda. Totoo ba ‘yon.?“
“Oo.! Bakit ‘di mo subukang maligo at magbihis ng maayos. Pagkatapos, bigla kang humantad sa bata mo.!“
Sabay sa pagtingala ni Garuda sa langit, siya namang pagtawa ni Mostafa.
“Gagawin ko ‘yon.!“ tila naghihingalong sabi ni Garuda. “Halika’t maghanap tayo ng damit na babagay sa akin.!“ dugtong pang baling sa nakatalikod na alalay.
Makaraan ang isang oras. Makikitang bagong paligo na si Garuda. Nakabarong silangan na ‘di lang malaman kung saang tindahan nakulimbat.
“O, ano’ng sabi ko sa’yo.? Ang kisig mong talaga.!“papalatak pang sabi ni Mostafa, matapos suklayan ang pistolero.
“Siyanga.?“nakatawang tanong ni Garuda at apurang dinukwang ang salamin upang silipin ang sarili. Tutuk na tutok. “Oo nga. Pe-Pero, totoo ba ang sinabi mo.?” alinlangan pang tanong habang sinisilip sa salamin ang mabalasik niyang mukha.
“Sabi nang oo.!“ nakatawang sagot ni Mostafa. “Teka muna. Pangit yatang tingnan ‘yang sinturon mong naliligid ng bala at may nakasuksok pang baril. Alisin mo.!“
“Pangit ba.?“ tanong ni Garuda sabay taas sa laylayan ng barong silangan.
“Oo.! Naaaninag at hindi magandang tingnan. Mabuti pa, alisin mo.! Manliligaw ka lang naman, ‘di ba.?“
“Baka ako mapalaban.?“ nagmamaktol pang tanong ni Garuda at bahagya pang pumadyak sa lupa.
“Sino’ng lalaban sa iyo.? Takot lang nila.!“ giit pa ni Mostafa at tinulungan pa si Garuda sa pag-alis ng baril sa baywang.
“O, sige. ! Maiwan ka rito. Sasamantalahin ko pagkakataong wala sa kubo si Marcaida. Ibibigay ko kay Lumin ang kahitang ito na puno ng alahas. Tiyak na matutuwa siya at kahit paano’y makakaamot ako sa kanyang kagandahan.“ nasisiyahan pang sabi habang hawak ang mga kumikinang na gintong alahas na pag-aari ni Perenya.
“Sige, umalis ka na.! “ sabi ni Mostafa. “Paalala lang, kung hahalikan mo siya, pumikit ka para lalong masarap.!“
“Tatandaan ko ‘yan.!“ ayon ni Garuda at mabilis na tinalunton ang landas na patungo sa kubo. Umaasang hahanga si Lumin sa soot niyang damit at sa sinasabing kakisigan niya.
Tumigil sa harap ng kubo si Garuda. Muling nagsuklay ng buhok. Inayos ang kuwelyo. Binasa na laway ang makakapal niyang labi at walang pasintabing pumasok sa kubo. Namataan niyang may gumagalaw sa likod ng kurtina. Agad niyang naisip si Lumin. Nagbibihis at hantad ang kagandahan. Dahan-dahan siyang lumapit. Umiral ang pagkagahaman at nalimutan ang balak niyang maging maginoo sa tingin.
Sabay sa biglang paghawi ni Garuda sa kurtina, pumikit siya at payapos na hinagkan ang kinasasabikang babae.
Subalit sumpa yata ng langit. Bumunghalit ang tili ni Aling Moreng dahil sa nakakakiliting halik sa kanyang leeg. Umiral ang pagkamali-mali sa pagsigaw. “ A-h-h.! Kinabkab ng kabayo ang bosyo ni Moreng.!“ sabay tulak sa lalake at paghiyaw. “Bastos.! Pati ba naman ang tulad kong luoy na ay pagnanasaan mo pa.?“ dugtong pang sigaw at inapura ang muling pagsusuot ng damit na papalitan sana.
Nanlaki ang mga mata ni Garuda sa pagdilat. Nalarawan sa kanyang mukha ang pagkarimarim. Marahan siyang umurong. Padahak na lumura sa lupa at nananalim ang mga matang tumalikod upang lumisan.
Siya namang pagpasok ni Lumin. Humahangos mula sa pagkukula ng damit sa likod-bahay kasunod ang tanong. “Bakit, Inang.! Ano’ng…” biglang napatigil ang dalaga. Nangalog ang tuhod nang una niyang makita si Garuda. Nakangisi sa kanya.
“Bagay ba sa akin ang damit ko.?“ bumgad ni Garuda at pinatikas ang tindig na animo’y bubunot ng baril.
Hindi makakibo si Lumin. Nanatili sa pinto at umiral ang kaba sa dibdib pagkat papalapit ang kilabot.
“Hindi ka makasagot. Nabigla ka sa kakisigan ko, ano.?“ anang Garuda at pagdaka’y lumuhod kasabay ang pagbukas sa kahita ng alahas at nagtanong na parang maginoo. “Payag kang pakasal tayo.?“
Lalong nasidak si Lumin. Hindi makasagot sa biglaang pangyayari.
Nakatawa namang tumindig si Garuda. Biglang hinawakang pahila ang kamay ng dalaga at pilit na pinadadakot ang kahita, kasunod ang salita. “Tanggapin mo ang tanda ng aking pagmamahal at sa nalalapit nating pag-aasawa..!“
“Ayoko.! Bitawan mo ‘ko.!“ impit na sumamo ni Lumin at pilit na iwinawaksi ang kanyang kamay, sanhi upang malaglag ang kahita.
Lalong nag-alab si Garuda. Tangka niyang yapusin ang dalaga at hagkan upang masunod ang bilin sa kanya ni Mostafa, ngunit humadlang ang sagabal.
“Bitawan mo ang pamangkin ko.!“ pasugod na sigaw ni Aling Moreng at hinilang pasabunot si Garuda.
Sa labas ay pasugod rin si Leo. Galing siya sa pangangahoy at narinig din niya ang tili ni Aling Moreng. Hustong pagpasok niya sa kubo, nakita niyang umilandang ang matanda sa pagtabig ni Garuda.
Si Lumin naman ay nag-uumalpas pa rin sa tangkang paghalik sa kanya ng indones. Natatakot siyang masayaran ng ibang bibig ang labi niyang inilalaan lamang sa iisang lalake na kung saan ay siya niyang pakaiibigin.
Ang hadlang ay biglang dumating. Kinabig ni Leo ang nakatalikod na kilabot at isang malakas na bayo ang ginawa niya sa gahaman.
Nabitawan ni Garuda si Lumin. Nagpupuyos ang kaloobang hinarap ang taong nanakit sa kanya. “Ikaw na naman.!“ ang singhal at karakang humalihaw ang kamay sa anyong pagbunot ng baril, ngunit wala namang hawak nang itutok sa kalaban. Lalo siyang nag-init. Naalala si Mortafa. Ang dahilan kung bakit wala siyang baril.
Napasiksik sa sulok ng kubo ang nanginginig na si Lumin, na kung saan ay doon nakabulagta si Aling Moreng. Niyugyog niya at tinawag. “Inang….Inang ko, o Diyos ko. Wala siyang malay.!“
Halos magiba naman ang kubo sa paghahamok ng dalawang lalake. Nasukat ni Garuda ang bigat ng kamao ni Leo. Umabot sila sa labas at doon sa likod-bahay nagpambuno.
Sumadsad sa damuhan si Garuda at padapang napailalim. Nagkakawag at ‘di makaalpas sa pagkakakubabaw ni Leo.
Animo’y sagad ang galit ng binatang may sakit na pagkalimot sa nakaraan. Dalawang kamay niyang iningudngod sa damuhan ang mukha ni Garuda.
Napasigaw sa sakit ang kilabot na indones dahil sa kulumpon ng matutulis na bungang damo ang dumuro sa kanyang pisngi. Nagsikapit at halos mapuno ang kanyang mukha. Pilit siyang nagpipiglas at saka lang nakatakbo.
Hahabol pa sana si Leo kung hindi narinig ang isang panawagan mula sa durungawan ng kubo.
“Leo.! Tulungan mo ako.! “Tinig ni Lumin ay sapat na upang magbalik ang kanyang tinawag.
“Ano’ng lagay niya.?“ tanong ni Leo.
“Wala siyang malay.“ naluluhang salubong ng dalaga.
Agad pinangko ni Leo ang matanda at inilapag sa papag. Pinagmasdang mabuti bago nagwika. “Magkakamalay na siya. Gumagalaw na ang kanyang daliri.“
“Salamat po, Diyos ko.! Teka, kukuha ako ng inumin.“ natutuwang sabi ng dalaga. Nagmamadali.
Uminom naman ang matanda, ngunit pagkara’ay muling pumikit. Parang tinatamad at inaantok.
“Hayaan mo siyang makapagpahinga. Lalabas na ako.” sabay talikod ni Leo at tinungo ang pintuan.
“Sandali lang, Leo.” mahinang bigkas ni Lumin at saka lumapit sa binata.
“Maraming salamat sa tulong mo.“ dugtong pa niyang nagniningning ang mga mata upang antalahin o malimutan ni Leo ang tangkang paghabol kay Garuda.
“Nangako ako sa iyo. Tutulungan kita sa abot ng aking kaya.” may ngiti sa matang sabi ni Leo.
Matagal na nag-ugnay ang kanilang paningin. Marahang hinaplos ng binata ang mahabang buhok ng dalaga. Ang buhok na nilalaro ng hangin.
Ginawang suklay ni Leo ang kanyang mga daliri at kinawit ang buhok ni Lumin. Banayad na hinila ang dulo at marahan ding hingkan. Tila nahihiyang napayuko ang dalaga. Hindi rin makatagal sa titig ng binata. Damdam niya’y gumapang sa kanyang buhok ang init ng labi ni Leo.
“Lalabas na ako.” halos pabulong na sabi ni Leo. Nasa kilos ang pag-ibig at ‘di maialis ang pananaw sa dalaga.
Hindi rin makasagot si Lumin at hindi rin makatingin. Nangangambang ipagkanulo siya ng kanyang mga mata
“Ang sabi ko’y lalabas na ako, Lumin.” ang sabi, sabay hawak sa magkabilang balikat ng dalaga.
Saka lang nagtaas ng paningin si Lumin. Muling nag-ugnay ang kanilang mga mata. Naganap ang pinangangambahan ng dalaga. Nahalata nga siya ng binata dahil sa ningning ng kanyang paningin. Niyakap siya at hindi naman malakasan ang pagtutol. ”Leo, ba-baka makita tayo ni Inang,? Bitawan mo ‘ko.“ pabulong na saway ng dalaga at nilinga pa ang matanda sa papag, ngunit bigla siyang natigilan nang maramdaman sa pisngi niya ang nag-aalab na labi ng binata.
“Mahal kita, Lumin.“ pabulong ding sabi ng binata.
“Leo, baka dumilat si Inang.?“ patuloy na saway ng dalaga pagkat nararamdaman niyang gumagapang ang labi ng binata, patungo sa kanyang bibig.
“Leo, huwag. Him-m-m-p.!“ at tuluyang nasusian ang labi ng dalaga. Lubusan siyang napapikit. Muli niyang nadama ang unang halik na kailan ma’y hindi na niya malilimutan.
Anaki’y walang sawa ang dalawang magsing-irog. Ayaw maglubay ni Leo at si Lumin naman ay nagpapaubaya at mahigpit ding yumakap pagkat noon lang niya naramdaman ang panghihina ng tuhod. Para siyang nakalutang sa alapaap.
Isang malalim na buntong hininga ni Aling Moreng ang nagpabaklas sa dalawang magkayakap. Agad silang lumapit at hinagod ni Lumin ang noo ng matanda.
Dumilat si Aling Moreng at matagal na pinaglipat-lipat ang paningin sa dalawang kaharap, saka nagtanong. “Nasaan si Garuda.?“
“Wala na po siya, Inang. Wala ring nangyari sa akin, dahil sinaklolohan ako ni
Leo.“
“Marami pong salamat, Diyos ko. Gayon din sa’yo Leo“ anang matanda at marahan siyang bumangon.
“Lalabas na ho ako.“ ani Leo, matapos tumango sa matanda at bumaling sa dalaga.
Agad na tumindig si Lumin sa pagkakaupo sa papag at nagpaalala. “Mag-ingat ka kay Garuda. Huwag kang lalapit, tiyak na gaganti sa iyo.”
Tumango lang si Leo bago tumalikod. Natisod niya ang kahita ng alahas na nasa lupa. Dinampot niya at nagtanong.“ Sa iyo yata ito.?“
“Hindi.!“ umiiling sa sagot ni Lumin.“ Dala ‘yan ni Garuda at pilit na ibinibigay sa akin.“ dugtong pa at sinawata ang kamay ni Leo. Ayaw niyang tanggapin.
“Itago mo na lang at sa isang pagkakataon. Ipasauli mo kay Garuda.“ pilit ni Leo at inilagay sa palad ng dalaga ang nasabing kahita.
Sa kabilang dako, narating ni Garuda ang kuta sa pahangos na pagtakbo. Hindi sa takot kundi sa galit. Naranasan niya kung gaano kasakit ang matusok ng bungang damo na ginamit niyang parusa noon kay Leo sa kabilang pulo. Hindi lang niya matiyak kung iyon ay ganti sa kanya pagkat hanggang ngayon, malabo ang pagkakakilala niya sa bantay-kubo ni Marcaida.
Kasalukuyan namang namamahinga si Mostafa sa lilim ng isang punong kahoy. Inaantok. Nakapikit at nangangarap na nagpapasarap si Garuda sa mga sandaling iyon. Hindi niya nakita ang nagdudumaling paglapit ng kanyang pinuno.
“Mostafa.!“ sigaw ni Garuda. Nagpupuyos sa galit.
Napabalikwas ang tinawag. Halos magdugtong ang kilay sa nakitang anyo ni Garuda. Punit-punit ang barong. Pantal-pantal ang mukha. Nangingitim ang paligid ng mga matang namumula. Sabog ang buhok at animo’y hidi pa rin naliligo.
“Tarantado ka.! Kung hindi mo pinaiwan ang baril ko, hindi ko inabot ang ganito.!“ bulyaw ni Garuda at gumanting binayo sa ulo si Mostafa. “Akin na ang baril ko.!“
Walang kibong ibinigay ni Mostafa ang nasabing sandata at saka siya sumunod sa nagmamadaling pinuno, patungo sa kubo.
“Parang pinagtampuhan na naman ng kapalaran ‘yang kara mo, Garuda.!“ bati ni Marcaida na noo’y pabalik na rin sa kubo at halata ang pang-uuyam.
“Ito’y gawa ng alalay mo sa kubo. Papatayin ko siya.! Huwag kang makikialam at magkakamatayan tayo.!“ galit na sigaw ni Garuda. Nasa mukha ang kabangisan nang tumigil sa paglakad.
“Punyeta.! Ang tapang mong umatake, porque alam momg walang pistol si Leo.!“
“Papatayin ko siya sa parehas na labanan.! Kung gusto mo, tumulong ka pa sa kanya.!“
Natawa lang si Marcaida. Naisip niyang lalong galitin ang kilabot. “Kung totoo lang ang hinala ko kay Leo, hindi ka uubra sa kanya.!“
“Ano.? Ano’ng hinala mo sa kanya.?“ sabog ang laway na tanong ni Garuda.
“Siya si Leo Ladoza. Ang batikang pistilero ng silangan na tumalo sa kapatid mong si Turla.!“
Biglang tumawa si Garuda at biglang nagsalita. “Ngayon ko lang naalala. Kapangalan pa niya ang taranadong pinahirapan ko sa kabilang pulo. Leo pala ang kanyang pangalan.
“Ganoon nga ang narinig ko, Garuda. Bakit.?“
“Dahil may hinala akong siya nga ang ginapos ko sa kabilang pulo. May palatandaan akong makikita kung siya nga iyon. Ikaw, Marcaida. Paano mong natiyak na siya nga si Leo Ladoza.?“
Agad sumagot ang tinanong. “Simple lang, Garuda. Ilang veces ko siyang sinubaybayan sa periodico. Narinig ko rin ang voces niya sa radio, at higit sa lahat, pinanood ko ang paligsahan na kung saan ay siya ang nagwagi. Ang kilos, ang tindig at lalong higit sa lahat, ang kanyang kaguapuhan. Ang lahat ng katangiang iyon ay muli kong nakita sa sanasabi mong alalay ko sa kubo.!“
“Magaling.! Kung totoo ang sinabi mo. Hindi na ako mahihirapang hanapin ang tarantadong iyon.!“
“Ano’ng ibig mong sabihin, Garuda.?“
“Wala ka nang pakialam, Marcaida.!“ ang sagot bago bumaling. “Mostafa. Tawagin mo si Buryas at magdala ng largabista.!“
“Ano na namang calocohan ang binabalak mo, Garuda.? Maninilip ka ba.?“ muling tanong ng babae nang makaalis si Mostafa.
“Pwe.! Maghintay ka na lang at malalaman mo rin.!“ ani Garuda matapos lumura sa lupa.
Hindi naman nagtagal, bumalik si Mostafa na kasama si Buryas.
Sumalubong si Garuda at nagwika kay Marcaida. “Siya si Buryas. Ang pangatlo kong kilabot sa baril, ngunit mas magaling naman kung kay Turla lamang.!“
“Kilala ko siya, Garuda.” anang espanyola matapos siyang ngisihan ni Buryas.
“Siya ba ang isasagupa mo kay Leo Ladoza.?“
“Hindi, Marcaida.! Gusto ko lang mapatunayan ang hinala ko at ang sa iyo.!“ ang sagot at saka bumaling. “Buryas.! Magpunta ka sa tabing dagat. Sipatin mo ang kabilang pulo at tingnan mo kung naroroon pa sa ibabaw ng burol ang taong nakatali sa puno. Madali ka.! Hihintayin kita sa kubo ni Marcaida.
Agad namang lumisan si Buryas, matapos kumuha ng kabayo. Kung susuriin ang nasabing kilabot, mahagway ang katawan at may mukhang unggoy.
“ Ang hinala naman ni Marcaida ang gusto kong mapatunayan.! Halika na, Mostafa.!“ nanggigigil na aya ni Garuda sa paglakad.
Sumunod si Marcaida upang malaman kung may utak nga si Garuda. Inabutan nila si Leo sa likod ng kubo. May pasang buho upang gamitin sa nasirang bahagi ng kubo.
“Ngayon, magkakamatayan tayo.!“ bungad ni Garuda sa paglapit at paikot na sinipat si Leo.
Matapos ibagsak ang pasang mga buho, nakiramdam ang bantaykubo. Hindi nagsalita, tanging mata lang ang gumalaw.
“Lalong tumibay ang hinala kong ikaw nga ang taong itinali ko sa kabilang pulo. Bakas pa sa iyong mga kamay ang nangingitim na pinagtalian ng lubid. Paano kang nakarating dito.?“ mabalasik na sigaw at tanong ni Garuda.
Dahil sa sigaw na iyon, humahangos na lumabas sa kubo si Lumin. Una niyang naisip ang kapakanan ng kanyang minamahal.
“Wala akong nalalaman sa sinabi mo.!“ galit ding sagot ni Leo at nilinga ang dalagang nililiyag.
Napatigil sa labas ng pinto si Lumin. Takot siya kay Garuda. Sa tingin niya ay lalong pumangit dahil sa nakaraang pangyayari. Ngunit nang makita niyang may baril ang kilabot, patakbo siyang lumapit kay Marcaida.
Agad namang nagpasiklab si Mostafa ayon sa salita. “Kapag tinatanong ka.! Sumagot ka nang mahusay.!“ ang sabing sabay bunot ng baril at itinutok sa sintido ni Leo.
“Huwag, Mostafa.! Ipahiram mo sa kanya ang iyong baril.!“ sabi pang humahakbang na palayo at tuluyang winarat ang soot niyang barong na walang panloob, sanhi upang mahantad ang libagin niyang katawan.
“Papatayin ka niya.! Ipagtanggol mo ang iyong sarili. Isuot mo ito.!“ sabi ni Mostafa at inihagis ang sinturon niyang may baril kay Leo.
Nasalo nga ni Leo, ngunit para siyang naninibagong ‘di malaman ang gagawin, kung saan ibabaling ang baril. Sa kaliwa o sa kanan.
Sa inis ni Mostafa, tinulungan na niya si Leo sa pagsusuot ng sinturong may baril. Itinapat niya sa gawing kanan, ayon sa paghawak nito sa buho at panaling yantok.
“Bago tayo maglaban.! Sagutin mo ang tanong ko.! Ikaw ba si Leo Ladoza.?“ sigaw ni Garuda at humanda sa ikikilos ng binatang silangan.
Hindi sumagot si Leo. Galit ang mga matang itinitig sa kaharap.
Panay naman ang iyak ni Lumin sa paulit-ulit na sumamo kay Marcaida, “Awatin mo si Garuda.! Mapapatay niya si Leo.!“
Wari’y walang naririnig si Marcaida pagkat matiim ang pagkakatitig niya kay Leo habang may baril sa baywang.
Walang sawa ang sumamo ni Lumin. Nagmamakaawa at nagmamadali.
“Hayaan mo sila, Binibining dela Cruz. May gusto lang patunayan si Garuda.!“
Agad tumalikod si Lumin at tangkang siya ang aawat sa dalawang maglalaban.
Muling sumigaw si Garuda. “Ayaw mong sumagot, pero ngayon, mapipilitan ka ring magpakilala.! Bunot.!“
Nangangalit ang bagang ni leo. Handa siyang lumaban ngunit nalilito siya kung paanong gagamitin sa tamang paraan ang baril.
Dagling pumagitna si Lumin. Malakas ang tinig. “Leo, huwag kang lumaban.! Mapapahamak ka lamang.!“ saka siya lumapit sa binata habang lumalagaslas ang luha sa kanyang pisngi. Hindi naitago ang malaking pag-ibig at kapagkuwa’y niyakap niya ang taong pinakamamahal upang hindi makapagpaputok si Garuda.
“Lumayo ka, Lumin.” sawata ni Leo. “Madaramay ka. Tandaan mo lamang , maligaya akong mamamatay sa iyong pag-ibig“ ang dugtong at marahang pinigilan ang dalaga upang ilayo.
“Hindi.! Hindi ako aalis.! Sabay na tayong mabubuwal dito.!“ tanggi ng dalaga at lalong humigpit ang yakap sa binata.
“Lumin.! Umalis ka riyan.!“ sigaw din ni Garuda.
Hindi tuminag ang dalaga.
“Kahit nariyan ka.! Magpapaputok ako.! Kaya kong patamaan ang noo niyang ‘di mo kayang takpan.!“ asik ni Garuda at handang gawin ang kanyang sinabi upang masarili niya ang dalagang nililiyag.
Lalong nalito si Lumin. Isang pasiya ang agad niyang nabuo. Patakbo siyang lumapit kay Garuda at nagsumamo. “Buhayin mo lang siya, sasama na ako sa iyo. Kung hindi, magpapakamatay ako.”
Napahalakhak ang kilabot. Pinigilan ang kamay ng dalaga at saka nagbadya.
“Patayin ko man siya.! Tiyak, sa akin ka rin.! Mostafa.! Ilayo mo ang babaing ito. Ang mahalaga ngayon, makilala ko ang sinasabing si Leo Ladoza.!“
Tumatag sa pagkakatayo si Leo. Susubukan niyang makipagsapalaran. Parang alam niyang may kaalaman siya sa paghawak ng baril, ngunit mahina lamang ang puwersang nananalunton sa kanyang ugat at kalam’nan. Hindi ganap na matatag, paudlut-udlot lamang at agad nalilimutan ang tunay niyang galing.
Pigil ni Marcaida ang paghinga.. Sabik din siyang makita ang kahihinatnan ng gayong subukan. Kaya lang, alam niyang hindi bibiguin ni Garuda ang kahilingan ni Lumin. Sakali man, handa rin siyang tumulong kay Leo.
Patuloy ang pagtangis ni Lumin. Pilit na umaalpas sa pagpigil ni Mostafa. Hindi niya alintana ang pananamantalang paghawak sa kanya ng kilabot at ang iisipin ni Aling Moreng tungkol sa kanya.
Napilitan namang kumilos si Aling Moreng kahit masakit pa ang kanyang katawan. Sumilip siya sa awang ng munting durungawan at bigla siyang natakot. Si Garuda ang una niyang nabuglawan at malakas ang tinig.
“Ano pa ang hinihintay mo, Ladoza.!“ inip na sigaw ni Garuda.
Kumilos ang kamay ni Leo. Marahan. Tila nangangapa at marahang binunot ang kanyang baril.
Kunot ang noo ni Garuda. Nanulis ang nguso at nanlilisik ang mga mata sa wari’y kidlat sa pagbunot ng baril.
Umalingawngaw ang isang putok. Mariing napapikit si Lumin. Takot siyang makita ang kaganapan, ngunit narinig niya ang malakas na halakhak ni Garuda. Lalo siyang kinabahan.
“Hindi siya si Leo Ladoza.! Bigo ka sa hinala mo, Marcaida.!“ parang baliw na sigaw ni Garuda, sabay suksok ng baril.
Walang kibo si Marcaida. Ang kilos niya kanina ay hindi nakita ni Garuda. Bago umalingawngaw ang isang putok, nakabunot na ng baril ang babaing espanyola. Handa sa dapat gawin, subalit hindi na itinuloy sa nakita niyang pangyayari. Sa ibaba ang puntirya ni Garuda. Muli niyang isinuksok ang kanyang baril at iyon ay hindi na nakita ng mga kilabot pagkat kay Leo sila nakatingin. Wari’y kaya ni Marcaida ang maghamon ng duelo.
Halos mapugto ang hininga ni Lumin. Unti-unti siyang sumulyap sa gawing kinatatayuan ni Leo. Bigla ang tuwa niya at nahimasmasan lang nang makitang nakatayo pa ang binata sa dahilang baril lang ang pinatamaan ni Garuda.
“Nakita mo, Marcaida ang katunayang hindi siya ang pinagmamalaki mong pistolero.!“ sabi ni Garuda. Parang nakakauyam at ngumisi pang sinagad ang kayabangan. Muling binunot ang kanyang baril sa paraang kagulat-gulat sa bilis. Pinaikot sa daliri bago pabalibag na isinuksok sa kanyang baina. Gustong pahangain ang dalagang mestisa.
Ngunit iba ang napatunayan ni Marcaida. Hindi pansin ang pakitang gilas ni Garuda. Nag-isip siya at bumulong. “Segun sa mga pangyayari, talagang may sakit na amnesia si Leo at maaari ding siya ang taong pinahirapan sa kabilang pulo.“ at saka niya sinundan ng tingin si Garuda habang papalapit kay Lumin.
“Tinupad ko ang kahilingan mong buhayin ko siya. Halika na.!“ yaya ng kilabot sabay hawak sa kamay ng dalaga.
Lalong namalisbis ang luha ni Lumin, pagkat natatakot siyang pahinuhod ngunit handa namang sumama, mabuhay lang si Leo.
“Sandli lang, Garuda.!“ hadlang ni Maraida at magilas pang namaywang.
“Nagkasundio kayong dalawa, gayong ang sa atin ay hindi pa tapos.!“
“Kalimutan mo na ‘yon, Marcaida.! Si Lumin ang may gusto at wala ka nang pakialam.!“
“Mayroon, Garuda.! Kailangan ng ating organisacion ang impormacion na manggagaling sa kanya.
“Dahilan mo lang ‘yon, Marcaida. Kung gusto mo, mag-usap na lang tayo sa pamamagitan ng baril.! Nagmamadali ako. Sabik na ‘kong pagbigyan ang kagustuhan ni Lumin.!“
“Mabuti pa nga, Garuda. Para mapadali ang ating discusion.!“ tanggap ni Marcaida at humanda sa pakikipagsubukan.
“Lumayo ka muna, Lumin. Baka kung saan lang matapat ang baril ng babaing Ito.!“ ang sabi kasunod ang hudyat kay Mostafa upang muling ilayo ang dalaga.
“Garuda, sayang si Marcaida. Alam mo na ang ibig kong sabihin. Ilang araw na lang ba ang ipaghihintay mo kay Lumin. Mananagot ka pa kay Kenji at sa ating organisasyon.“ mahinang bigkas ni Mostafa bago inilayo ang dalagang nayon.
Lihim namang nagpasalamat si Lumin sa paghadlang ni Marcaida, bagamat nag-aalinlangan siya sa kapakanan at kaligtasan ng dalagang espanyola. Nahihiya rin siya sa mga binigkas ni Garuda. Lumabas na siya pa ang nasasabik na sumama sa kinatatakutan niyang indones
Nakayuko naman si Leo. Hindi malaman ang gagawin. Para siyang nahihiyang ‘di makakibo sa pagkakatulala. Pakiramdam niya’y isa siyang inutil ayon sa paulit-ulit niyang alaala.
Kapagkuwa’y namayani ang katahimikan. Nagpakiramdaman ang dalawang maglalaban. Lumitaw ang tunay na anyo ni Marcaida. Para siyang lalaking nangangalit ang mga daliri sa gagawing pagbunot ng baril.
Si Garuda nama’y naniningkit ang mga mata sa pagkakatitig kay Marcaida. Subalit bigla siyang naudlot sa pagdating ni Buryas. Nakakabayo.
“Garuda.! Wala ang taong nakatali sa burol.!“ ulat ni Buryas.
“Hindi bale pagkat siya’y naririto. Mostafa.! Bitawan mo si Lumin. Muli akong yumuyuko kay Marcaida, pagkat ayokong sa ganitong paraan matatapos ang kanyang buhay. Pero, gaganti ako sa lalaking ito.!“ ani Garuda at pasugod na tinungo ang kinatatayuan ni Leo. Walang taros na pinagsusuntok.
Bumagsak na paluhod ang binatang siyudad. Parang walang ganang lumaban at gusto na lang niya ang lumubog sa kinaluluhuran.
Sinamantala ni Garuda ang pagkakataon. Walang habas ang ginawa niyang panununtok, kasabay ang pagsigaw.“ Tarantado.! Yayanigin ko ang utak mo.!“
“Tama na.! Tama na.!“ awat ni Lumin at niyakap ang sinisintang walang malay.
Tumigil naman si Garuda at hinudyatan sina Mostafa at Buryas. May kahulugan ang buka ng bibig.“ Ilayo ang tarantadong ito.! Ayokong makita siya rito.!“.
Naghinala si Lumin sa dalawang nakangisi. Agad siyang nagbanta kay Garuda.
“Tulad nang sinabi ko.! Pagnamatay si Leo, magpapakamatay na rin ako.!“
“Narinig ninyo ang sinabi ni Lumen.? Hindi dapat mamatay ang tarantadong ito.! Dalhin na lang sa kuta para pakinabangan.!“
“Talaga bang kinakalaban mo ‘ko Garuda.? Huwag mong alisin ang guardia ko rito.!“ bulyaw ni Marcaida at muling tumalaga sa pagbunot ng baril, bagamat kanina ay hindi na siya nakialam sa ginawa ni Garuda pagkat manu-mano lang ang labanan at alam din niyang kung lumaban lang si Leo, madaragdagan ang bukol ni Garuda.
“Pwe.! Tayo na mga bata.! Tandaan mo lang, Marcaida.! Darating ang araw. Babawiin kong lahat ang pagbibigay ko sa iyo.!“
“Punyeta.! Puro ka banta.!“ ang asik at kung hindi lang bumaling si Garuda, baka nabunot niya ang kanyang baril.
“At ikaw, Lumin.! Ayokong nakikipag-usap ka sa tarantadong ito.! Baka ako makalimot at mabaril ko lang siya.!“ ang sigaw bago lumisan.
Matagal din bago nagkamalay si Leo sa yugyog ni Marcaida. Dumaraing na masakit ang ulo at nakapikit na bumangon.
“Akayin natin siya.“ ani Marcaida at pinagtulungan nila ni Lumin ang binata upang makapagpahingang pahilig sa nakaadyang silungan.
“Sa kubo na lang ako, Senyora. Natatakot akong totohanin ni Garuda ang banta niya kay Leo.”
“Mabuti pa nga, Binibining dela Cruz. Talagang nakakamatay ang selos. Hayaan mo na lang siyang makapagpahinga.” ani Marcaida at nagpaalam na pupunta sa kuta upang muling kunin si Abueg at ituloy ang pagkumpuni sa nasirang kubo.
Nilinga muna ni Lumin si Leo, bago tuluyang pumasok sa kubo. “ Nakapikit pa rin siya at parang may dinaramdam.“ bulong pa rin ng dalaga at nabakas sa kanyang mukha ang habag sa binatang tila inaantok.
“Ano ba’ng nangyari kay Leo.?“ pukaw ni Aling Moreng.
“Inang , nakakatayo ka na po pala.!“
“Oo, anak. Nakita ko ang kalupitan ni Garuda. Ano ba’ng kasalanan ni Leo.?”
“Kasi po, Inang.” simula ni Lumin. Isinalaysay niya ang buong pangyayari, liban sa pagkakahalik sa kanya ni Leo.
“Tayo pala ang dahilan. Kawawa naman siya. Hayaan mo, ako na ang bahalang mag-asikaso sa kanya.” anang matanda habang sinisilip sa durungawan ang binatang nakahilig sa bunton ng kugon. Awang-awa siya kaya isinaloob na lang ang pagmamakaawang ginawa ni Lumin kay Garuda, dahil din siguro sa utang na loob.
Nang marating ni Marcaida ang kuta, inabutan niyang pinagagalitan ni Kenji si Garuda.
“Nang magpaputok ka, kasalukuyang binabantayan ko ang Hepe ng pulisya. Nakikipagkomonikasyon siya sa kanilang punong himpilan. Mabuti na lang at hindi narinig sa kabilang linya ang putok ng baril.”
“Nagtanggol lang ako, Kenji.” ani Garuda. Nakabusangol ang nguso.
“ Punyeta.! Ikaw ang namilit na makipagduelo sa’yo si Leo.!“ sabad ni Marcaida.
“Sinaktan niya ako.!“ sigaw ni Garuda at pinaghantaran ang baku-bako niyang mukha dahil sa naglalakihang pantal.
“Nagtataka ka kung bakit sinaktan ka ni Leo.? Dahil ba sa nagpakita ka ng magandang moral.?“
“Ano’ng ibig mong sabihin,? Talaga bang kinakalaban mo ako.?
“Tama na, Garuda.!“ sigaw ni Kenji. ”Hindi magugustuhan ni Don Q, ang inyong pag-aaway.! Masisira ang paniwala niyang may utak ako upang maging ligtas ang ating kalagayan.!“
Umismid lang si Garuda. Muling bumusangol. Hindi naniniwalang may talino si Kenji. Ngayon lang niya naisip. Dapat sana, hindi nila iniwan si Leo sa kabilang pulo na hantad sa ibabaw ng burol. Baka may nagligtas.
Nakatanaw lang sa ‘di kalayuan sina Mostafa at Buryas. Natatawa sila sa anyo ni Garuda. Parang batang pinagagalitan. Nililigis pa ang daliri na ‘di lang malaman kung bubunot ng baril at handa naman nilang tulungan kung sakali.
“Ano nga pala ang dahilan at galit ka sa bantay-kubo ni Marcaida.?“ matigas na tanong ni Kenji. Halata ang poot at nilinga pa si Nau sa ‘di kalayuan. Handa ang kanyang mga tauhang singkit sa biglaang pangyayari.
“Balak niyang agawin sa akin si Lumin.“
Natawa si Kenji at saka nagwika. “Baka kung mapagsamantalahan mo na ang dalagang iyon, humanap ka uli ng iba.?“
“Hindi na, Kenji.!“ sabay iling. “Si Lumin lang ang gusto kong maging asawa.!“
“Umiibig ka na nga, Garuda. Sige, malaya ka sa iyong pangarap, ngunit ayokong gagawa ka ng karahasan.!“ ani Kenji at saka lang tumalikod upang lumayo.
Sumunod si Marcaida kay Kenji. Nagmamadali pagkat ayaw niyang makipagtalo sa pinunong indones.
Naiwan si Garuda. Nakatanaw sa dalawang papalayo at kahit walang kausap, nagsalita. “Paggumawa ako ng karahasan, isa ka, Kenji sa mamamatay. Kayong dalawa ni Leo.!“
Ang pagbabantang iyon ay sumukdol sa langit, hanggang sa lumipas ang maghapon at gumabi. Lumaganap ang dilim at may nagsindi ng kingke sa kubo ni Marcaida.