← Isla Busuanga
Chapter 12 of 14
KABANATA 12

CHAPTER 12- SAGLIT NA KATAHIMIKAN.

Kinabukasan, naglagay ng bantay si Garuda sa bukana ng bayan. Dalawang malalaking de makinang baril ang iniumang niya sa lansangang patungo sa ibang pamayanan. Sila’y nakakubli sa saku-sakong buhangin.

“Huwag kayong magkakamaling sumungaw sa natatanaw ko.!“ nakangising banta ni Garuda sa kanyang mga kalaban, kay Leo at sa pangkat ng Anak-Parang. Hawak nila ni Mostafa ang tig-isang de makinang baril.

“Bala ang sasalubong sa kanila.!“ sabi naman ni Mostafa, kasunod ang hudyat sa limang tauhan upang mangubli sa mabababang kakahuyan.

“Ngayon, tiyak ang kamatayan nila, lalo na si Leo Ladoza.!“ sabi pa ni Garuda habang sinisipat ang tuwid na landas. Hantad sa paningin pagkat punlang palay lamang ang nakatanim sa kanang gilid. Gayon din ang mabababang burol sa kaliwa nila ay luminis sa tingin, parang pinalis ang mga punong kahoy dahil sa pagpapabakod ng munisipyo.

Ngingisi-ngisi lang si Mostafa. Tinitiyak ang kamatayan ni Leo pagkat sila ni Garuda ang gagamit ng malaking baril. Walang pasumala dahil bihasa sila sa ganoong pagtudla.

“Sandali lang, Garuda.”ani Mostafa. ”Sa tingin ko ay sumuko ka na kay Marcaida.!”

“Ano.? Tarantado ka ba.?“ bulas ni Garuda. “Maghintay ka at babagsak din siya sa mga kamay ko.!“

“Ganoon ba.?“ maang na sabi ni Mostafa at nakangising nangalumbaba sa ibabaw ng de makinang baril at tila nagangarap na nagsumamo. “Huwag mo lang akong kalilimutan. Gutom tayo sa kaligayahan, wala nang dalaga rito. Matanda, marami.“ dugtong pang naghihinagpis.

“Oo nga, Mostafa. Namundok sila at iniwan tayong nagangalumata sa pag-ibig.” ani Garuda at bahagya pang lumungkot ang maasim niyang mukha.

Gustsong tumawa ni Mostafa. Pinigilan. Umayon na lang ang salita. “Mapanganib naman kung susundan natin sila sa bundok. Tiyak na puro tambang ang aabutan natin sa mga kalaban.”

“Ganoon nga.” ani Garuda at sumilip na lang sa largabista. “Alam kong nasa kagubatang iyon ang kuta ng Anak-Parang. Pero tandaan mo, hindi magtatagal, sasambulat ang lugar na iyon upang mapuntahan ko si Lumin.!“

“Paano, Garuda.? Kakaunti nalang tayo.!“

Tumawa ang pinunong kilabot bago sumagot..”Maghintay ka, Mostafa. May utak ako upang silang lahat ay mayanig, kasama na si Marcaida.

Nagtatakang napatunganga si Mostafa. Napatitig sa kausap at parang ayaw maniwalang may utak nga iyon. Iniba na lang ang usapan. “Wala pa si Leo Ladoza.! Baka naamuyan niyang dalawang matitinik ang naghihintay sa kanya.!“

“Huwag kang mainip. Mahaba pa ang maghapon at darating din ang tarantadong iyon. Maghintay pa tayo.!“ nakangising sabi ni Garuda at hinimas pa ang baril na hindi maaaring magkabisala kung siya ang gagamit.

Ang mga mamamayan naman ay lalong nasindak sa naiibang tanawin sa bukana ng bayan. Lumayo sila sa pangambang magkaroon ng digmaan sa pook na iyon. Lumagi na lang sila sa kani-kanilang tahanan at nagsipanalangin na maging ligtas sila sa pinangungublihan.

Samantala. Sa Nayong dalisdis ay makikitang masigla si Lumin sa paglalaba. Lagi siyang nakangiti habang kinukusot ang tsaketa ni Leo. Nakabantay sa kanya si Desto at wari’y nakikipagbiruan habang sumasalok sa balon at ibinubuhos sa batya ng dalaga.

Si Leo nama’y nasa lilim ng punong mangga at kausap si Mang Nario tungkol sa putukang naganap sa parang. Malimit siyang mapasulyap kay Lumin. Sa wari niya ay masaya sa pakikipagkuwentuhan kay Desto.

Lihin na napapangiti si Mang Nario sa kilos ni Leo. Sa tingin niya ay naninibugho ito at nagmamahal sa kanyang anak. Kailangan niyang magsalita upang mabura ang kanyang hinala. “Ang ibig mong sabihin, sa gubat inilibing ang mga namatay sa labanan, doon sa lumamg kamposanto.?“

“Ganoon nga ho, liban sa pangkat ng Anak-Parang na iniuwi sa kani-kanilang kamag-anak.“ ani Leo at muling bumaling sa dalawang nagbibiruan. Narinig niya ang usapan.

“Sige na, Desto. Magpahinga ka na. Puno na pala ang kalamba.!“ anang dalaga, matapos sulyapan ang umaapaw na malaking banga.

“Kahit limasin ko ang tubig sa balon, hindi ako mapapagod, lalo na kung ikaw ang sasalukan ko.“ sagot ng binatang nayon.

“Tumigil ka nga, Desto. Mauubos mo ba ang sibol ng tubig sa balon.?“ tanong pa ng dalaga sabay tindig upang magsampay.

“Ako na ang bubuhat sa palanggana.“ kagyat na alok ni Desto at agad na binitawan ang panalok sa balon.

“Huwag na.! Magaan lang ito.!“ tanggi ni Lumin.

Mapilit si Desto kaya lalong naging makulay sa tingin ni Leo ang kilos ng dalawa. Para niyang nakikita si Perenya sa panahong nililigawan ng ibang lalake. Natangay siya sa simbuyo ng alaala at kapagkuwa’y malungkot siyang pumasok sa kalapit na kamalig, matapos umakyat ng bahay ang kanyang kausap.

Nakita ni Lumin ang anyo ni Leo. Para siyang kinabahan sa huling sulyap sa kanya ng binAtang siyudad. AgaD siyang nagdahilan. “Parang biglang sumakit ang ulo ko, Desto.“ sabi pa niyang kasabay ang baling sa binatang nayon.

“Pahinga lang ang kailangan diyan, Lumin. Umakyat ka na at aalis na ako.” nag-aalalang sabi ng kanayon.

“Desto, pasensiya ka na, ha.? Maraming salamat sa pagtulong mo sa akin.” anang dalaga habang paakyat sa hagdanang nasa likod-bahay.

Tumulong muna si Lumin sa pagluluto, bago muling bumaba na may dalang nakabalot. Sa kamalig siya nagtuloy. Inabutan niyang nakatunganga si Leo sa harap ng de makinang baril at wari’y nag-iisip. Tumikhim siya.

Agad namang tumindig ang binata at nakangiting sumalubong sa bukas na pinto.

“Leo, tingnan mo itong pinabili ko sa bayan.“

“Ano ba ‘yan.?“ ang tanong sabay hawak sa nabiling bagay at siya na rin ang nagbukas matapos kalagin ang tali.“ Aba.! Isang ternong damit na panlalake.!“ sabi pa niya.

“Oo, isukat mo kung kakasya.” sagot agad ng dalaga.

“Bakit.? Sa akin ba ito.?“ walang kurap na tanong ng lalake.

“Oo, Leo. Huwag kang tatanggi dahil noong ibili mo ako ng damit, buong puso kong tinanggap. Isukat mo at lalabas ako.“ Iiling-iling na lang si Leo at nakatawa. Gayon ma’y ilang ulit din siyang nagpasalamat.

Nang muling pumasok si Lumin, Lalo siyang humanga sa kakisigan ni Leo. Hindi na mukhang mandirigma sa kasootan na parang pasadya ang pagkakatahi. Pantalong seda na kulay abuhin at polong puti na tama lang ang haba ng manggas. Magandang magdala ng damit ang pinagbigyan.

“Paano mong nalaman ang sukat ko.?“ tanong ng binata.

Napangiti ang dalaga, bago sumagot. “Tinantiya ko sa sukat ng tsaketa mo at ang iba ay kay Desto, pagkat sa tingin ko, hindi kayo nagkakalayo sa laki ng katawan, ‘di ba.?“ tanong pa ng babae.

“Paano mo namang nalaman ang sukat ni Desto at saan galing ang damit na ito.?“ tanong din ni Leo. Nakatawa.

“Sa bayan.“ sagot ng dalaga. “Nakiusap ako sa isang matandang babae na manghihitso upang biLhin nga ‘yan at ngayon lang dinala rito. Tungkol naman sa sukat ni Desto, minsan na siyang nagpatahi ng barong silangan kay Inang na dating modista rito.”

“Ganoon ba.?“nakatawa pa ring sabi ni Leo at iniba ang paksa. “Maraming salamat, Lumin. Nakakahiya. Ginastusan mo pa ako.”

“Hmp.! Ikaw nga riyan, dalawa pang bestida ang binili mo para sa akin.!“ papiksing wika ng dalaga at pahalukipkip pang tumalikod. Kinalabit siya ni Leo sa likod. Para siyang sinusuyo. Humarap naman siya at agad na ngumiti.

Ngumiti rin si Leo. Tumitig sa dalaga at walang katagang namutawi sa kanyang bibig.

“Bagay sa iyo. Lalo kang kumisig.“ puri ni Lumin. Nangingislap ang mga mata sa paghanga at pahapyaw pang inayos ang kuwelyo ng binata.

Biglang nawala sa sarili si Leo pagkat ganoon din si Perenya kung pumuri. Agad naibilanggo sa matitipuno niyang bisig ang malambot na katawan ng dalaga.

Kung hindi nakailag si Lumin, tiyak na sa labi siya nahagkan ng binata. Pigil ang hiningang nakiusap. Leo, bitawan mo ako.” piglas pa ng dalaga at saka bumaling sa pintuan pagkat naramdaman niyang nag-uusap ang tatlong matanda sa paglakad na parang may ginagawa. Gayong ang totoo, pinaglalabanan lang niya ang tukso ng pag-ibig sa dahilang baka makita sila ng matatanda sa ganoong ayos.

Ngunit mapilit si Leo. Biglang nagtagpo ang kanilang mga labi. Nandilat ang mga mata ni Lumin. Para siyang nanlupaypay sa kaligayahan, muling naulit ang kanyang kinasasabikan at ipinaubaya na lang ang paglamukos sa kanyang mga labi kahit ipagwalang bahala kung makita man sila ng matatandang ramdam na ang kaluskos sa paligid. Buong tamis na tinanggap ni Lumin ang timyas ng pag-ibig, ngunit sa kanyang pagpikit ay umukilkil sa kanyang diwa na ang halik ni Leo ay para kay Perenya at hindi para sa kanya. Nanghihina siyang kumawala at nagsalitang pabulong. “Hindi ako si Perenya.“

Dagling natauhan si Leo. Agad niyang binitawan si Lumin at humingi ng paumanhin. “Patawarin mo ako, Lumin. Hangga’t naririto ako at nakikita kita, lagi akong makakalimot at magkakasala sa iyo. Hindi ako karapat-dapat na mamalagi rito. Nakakahiya rin sa matatanda mo.“ anyong malungkot ang tinig habang patungo sa pintuan. Parang ayaw nang ipakita ang kanyang mukha at gusto na niyang umalis at puntahan ang pangkat ng Anak-Parang.

“Leo.!“ habol ng dalaga at pinigilan niya sa bisig. “Nauunawaan kita. Huwag kang mag-alala. Noon pa ay nahagkan mo na ako, ‘di ba.? Ano pa ang ikagagalit ko sa iyo.? Wala na.! “ sabi pa niyang nagmamakaamo. Kulang na lang ang sabihin niyang dahil sa halik na iyon, nawala ang kanyang hinhin at yumi kay Leo. Parang nagbago ang kanyang kilos at iyon ay para lang sa binatang siyudad.

Hindi umimik si Leo. Nanatiling nakatitig sa kawalan.

“Basta.! Hindi ka aalis.! Hindi ba’t nangako kang sasamahan mo akong manguha ng bulaklak.? Hindi ba.? “ garalgal na ang tinig ni Lumin. Halos gustong umiyak at panay ang yugyog sa kamay ng binata.

Saka lang ngumiti si Leo, kasabay ang pagtango at muling nangakong hindi na siya makakalimot.

Nang sumilip sa pinto ng kamalig ang tatlong matanda ay nakita nila ang naganap na halikan. Bigla silang umatras at may ngiti nagtanguan. Payag silang matuloy kay Lumin ang pag-ibig ni Leo Kay Perenya.

Matapos makapananghalian, gumayak na sina Leo at Lumin upang manguha ng bulaklak sa kagubatan.

“Malayo ba ang pupuntahan natin.?“ tanong ni Leo habang nakatayong naghihintay sa lilim ng punong mangga at balik sa dati ang kanyang kasootan.

Malayo rin kung sa lansangan tayo daraan.“ sagot ni Lumin, kasalukuyan niyang inihahanda ang isang pangnan na paglalagyan ng bulaklak.

“Sumakay tayo sa kareta.“ mungkahi ng binata.

“Hindi maaari. Mahihirapan tayong pumasok sa kasukalan. Saka… parang nakakahiya rin kung magiging tinginan tayo ng mga tao sa daan.“ sabi pa ng dalaga, kasabay ang paglalagay ng ilang bagay sa loob ng pangnan. Ang kakaning malagkit na nakabalot sa inilaib na dahon ng saging. Bote ng tubig at dalawang baso.

Maglakad na lang tayo, baka malapit lang kung tutuntunin natin.” ani Leo at pahapyaw na nilinga ang tatlong matanda sa may durungawan.

“Naku.! Malayo rin at marami pang morsekong kakapit sa pantalon mo at sa damit ko.“ tanggi ng dalaga.

“Paano tayong makakarating sa pupuntahan, kung hindi maaaring mangareta at maglakad.? Lumipad na lang tayo.!“ nakatawang biro ng binata.

Natawa rin si Lumin, kasabay ang paghampas sa balikat ni Leo. “Mangabayo na lang tayo at nasa dawagan ang pinakamalapit na daan, patungo roon.“ sabi pa niya.

“O, sige. Dalawa nga pala ang kabayong naririyan. Tig-isa tayo.“ katig ni Leo at nilinga pa ang sinakyan ni Buryas.

“Ay naku.! Hindi ako marunong mangabayo. Iangkas mo na lang ako.“ mahinang sambit ng dalaga at wari’y nahihiya sa kanyang sinabi.

Napangiti si Leo, bago bumaling sa tatlong matanda na noo’y papalapit sa kanila. “Aalis na ho Kami. “ sabi niyang paalam.

“Mag-ingat lang kayo mga anak. Huwag kayong magpapaabot ng takipsilim sa kagubatan.“ sabi ni Aling Maling.

“Teka, Leo. Wala ka yatang dalang baril.? “ tanong naman ni Mang Nario.

“Nasa kamalig ho.“ sagot ng binata.

“Aba.! Dalhin mo, Leo. May panganib din sa kasukalan. Mabuti na ‘yong may pananggalang ka.!“

Bantulot ma’y sumunod na rin si Leo. Kinuha ang baril. Natatawa sa sarili pagkat balak sana niyang ipahinga ang kanyang kamay sa paghawak ng baril. Gusto niyang ituring na ang pupuntahan nila ay sadyang payapa.

Inunang isinakay ni Leo si Lumin sa kabayo. Nakatagilid ang anyo. Nakabaluktot ang isang paa at dinaganan naman ng isang hita. Payak lang ang kasootan. Palda at blusang kulay murang abuhin.

Naiwan ang tatlong matanda na may ngiti sa mga labi. Bakas sa kanilang mukha ang kasiyahan habang hatid ng tanaw ang dalawang magkaangkas sa kabayo. Malaki ang tiwala nila kay Leo.

Nakasandal ang kalahati ng likod ni Lumin sa dibdib ni Leo. May kandong na pangnan at itinuturo ang tamang landas sa madawag na kapaligiran.

“Ano’ng pabango ang ginagamit mo, Lumin.? Mahinhin ang sanghaya.“

“Wala. Baka bulaklak parang ang nasasamyo mo.?“ sagot ng dalaga at bumaling pa sa binata.

“Ayaw mo pang aminin, samantalang talahiban at kugon ang dinaraanan natin.”

“Talaga namang hindi ako, a.“ anang dalaga at inirapan pa si Leo kahit nakatagilid.

“Huwag momg sabihing itong sinasakyan natin ang nasansamyo ko. Wala yatang kabayong mahinhin ang amoy.!“ giit ni Leo at bahagyang dumiin ang salita.

Agad namang nagtakip ng bibig si Lumin upang mapigilan ang malakas na pagtawa. Napayuko na lang siya nang magsalita.. “Dito sa malayong lalawigan, gugo at katas lang ng mga mababangong bulaklak ang inihahalo namin sa tubig na pampaligo.“

Nakangiting tumangu-tango si Leo. Nag-isip, ngunit bigla ang maagap na paalala.

“Itaas mo’ng paa mo, baka masabit.?“

Noon nga ay kasalukuyan silang nagdaraan sa mayabong at masangang mga halaman. Makapal na kasukalan. Matinik na bungang damo at nagkalat din ang amorseko.

“Sayang ‘yang binti mo kung magugurlisan lamang ng halamang ligaw.“ sabi pa ni Leo habang minamasdan ang makinis na paa ng dalagang nakabakya.

Ngumiti lang si Lumin. Itinaas ang binting nakalawit at iniayon sa isa pa niyang paa na nakabaluktot.”

“Malayo pa ba.?“ paibang wika ni Leo upang mawala ang nadaramang pangungulila kay Perenya. Nadadarang siya sa katawan ni Lumin. Nakakulong sa kanyang mga bisig. Ayaw din niyang masira ang kanina lang ay naipangako niya sa dalaga. Hindi na siya makakalimot.

“Malapit na.” sagot ng dalaga sa tanong at itinuro ang natatanaw nilang burol.

“Sa kabila noon ay dalisdis. Doon namumunini ang magagandang bulaklak.“ dugtong pang sabi, ngunit bago nila narating ang pakay, may naraanan pa silang kulumpon ng mga sangahang halaman. Muling itinaas ni Lumin ang kanyang paa. Ibinaluktot pagkat muntik ng mahulog ang kanyang bakya sa pagkakasabit.

Sa ‘di inaasahan, biglang sumingasing ang sinasakyan nilang kabayo at nanindig ang balahibo sa batok.

“Ba-Bakit, Leo.?“ tanong ni Lumin nang magsimulang umalma ang kabayo.

“Kumapit kang mabuti sa kamay ko.!“ ani Leo habang sinasawata ang humahalinghing at natatakot na kabayo.

Mula sa halaman ay nahantad ang kasanhian. Isang malaking sawa ang paigkas na nagtaas ng ulo. Ibinuka ang bunganga at tangkang sakmalin ang tulad niyang hayop.

Biglang bumaling ang kabayo at walang babalang sumibad. Parang dinuldulan ng apoy ang ilalim ng kanyang punong buntot. Umilap at sinagasa ang kasukalan.

Natagtag ang dalawang sakay at umusos sa kinauupuan si Lumin. Tumitili. Labis ang sindak dahil minsan ay naging karanasan niya ang matakot sa sawa, at kung hindi sa maagap na pagsaklit ni Leo sa dibdib ng dalaga, tiyak na ang sakuna.

Malayo rin ang tinakbo ng kabayo bago nasawata. Humahalinghing sa pagod habang bumabaling sa kanyang dinaanan. Wari’y tinitiyak na hindi kasunod ang sawa.

“Talagang hayop sa damo.!“ galit na sambit ni Leo, saka nilingon ang pook na kinakitaan ng sawa upan tandaan.

Si Lumin naman ay parang nahihiya. Tutop ang dibdib. Nakayuko at pigil ang pag-iyak.

“Hindi ko sinasadya.“ nakahalatang wika ni Leo. “Mahuhulog ka kaya kahit paano’y nahawakan ko ang iyong dibdib.“ ang sudlong habang minamarahan ang lakad ng kabayo.

“Wala kang kasalanan, Leo. Salamat sa’yo.” agarang sukli ng dalaga upang pumayapa ang kalooban ng binata.

“Bakit laging namamagitan sa atin ang ganito.?“ nakatawang tanong ni Leo upang ang dalaga naman ang matiwasay sa ‘di sinasadyang pangyayari.

“Ikaw kasi. Lagi mo akong tinutukso.“ karakang paninisi ni Lumin.

“Bakit ako.?“ maang na tanong ni Leo at bahagya pang hinapit ang baywang ng dalaga.

“Paano po. Kung minsan, bigla kang mangyayakap o kaya’y manghahalik.! Di ba ganoon ang nanunukso.?“ patuloy pang sagot ni Lumin at ipinatong ang dalawa niyang kamay sa braso ni Leo upang ‘di na maulit ang pagdausdos niyang pababa.

Hinugot ni Leo ang isang malalim na buntong hininga. May lumbay ang guniguning dumapig sa kayang isip. Madaling ipaunawa at ipahiwatig ang laman ng kanyang puso. Mahirap paglabanan ang wagas na pag-ibig. Nanunumbalik ang kanyang pananabik at nagkakamali ang damdamin. Nadaraya kapag kawangis nang unang minahal ang ikalawang babaing malapit sa kanyang paligid.

Nadama ni Lumin ang bigat sa balikat ni Leo. Kinabahan siya sa pangambang nasaktan ang damdamin ng binata. Gusto niyang magsalita ngunit hindi malaman kung paano siyang hihingi ng paumanhin.

Tumawa si Leo upang palisin ang makutim na sapantaha ng dalaga. Ayaw niyang maging sanhi siya ng kalumbayan. Iniba ang tanaw nang mabungaran nila sa pababang dalisdis ang lipumpon ng mababangong sampaga. Iba-iba ang kulay at nararapat lamang sa magandang papuri.

Padausdos na bumaba sa kabayo si Lumin. Alalay siya ni Leo at doon, muling nasagi ang kanyang dibdib. Hindi na niya pinansin pagkat sa pakiwari, wala na siyang ipangingilag sa binata.

Pagsayad sa lupa, karakang nagyaya ang dalaga na mamahinga sila sa lilim ng isang punong kahoy.

“Ang sarap langhapin ang simoy ng hangin.” ani Leo nang makaupo sa nakausling ugat ng puno.

Si Lumin naman ay lumupasay sa malinis at tila mga ligaw na bermudang damuhan. Ipinugong ang mahaba niyang buhok upang bigyan daan ang dumaramping hangin sa kanyang batok.

Ang kagandahan ng paligid ay pansamantalang ay nagpapalimot sa mga hilahil. Ang aguy-oy ng hangin na nagmumula sa masinsing siwang ng punong kahoy sa kabilang burol ay para bang awitin na napakakandang pakinggan. Bumagay din sa katahimikan ang masiglang taguktok ng tuka mula sa isang ibong timpapalakol, habang naghahanap ng kulisap sa nangangalukabkab na balat ng patay na punong kahoy. Sumasalit din ang madalang at salit-salitang huni ng ibong punay at batadlawi. Ang kumukurukyang huni ng ibong sabukot at ang matitinis na huni ng mga maya habang palipat-lipat sa payat na sanga ng punong kahoy. Ang lahat ng pangyayaring ito ay laging nagaganap sa pook na iyon at maririnig ng sino man.

Nabighani rin si Leo. Hindi napigilan ang paghanga. “Ngayon lang ako nakarating sa ganitong pook. Kasiya-siya at mabango ang paligid.

“Talagang maipagmamalaki ang pook na ito. Likas ang pagkakahirang sa mga tanawin at kilos ng ibon.“ sabi naman ni Lumin habang tinatanaw ang walang sawang kunday ng mga bulaklak at dahon sa ihip ng hangin.

Nahalinhan ang muni ni Leo nang mapansin ang ilang amorseko at kauring bungang damo na kumapit sa kanyang pantalon. Marahan niyang inalis kasabay ang gunita sa nakaraan nang gawing pamarusa sa kanya ni Garuda ang matutulis at bilugang bungang damo sa kabilang pulo.

Nakatingin lang si Lumin. Bigla ang alaalang pumasok sa kanyang isip nang makita ang mga kumapit sa pantalon ni Leo. “Minsan,” aniya. “Naglaban kayo ni Garuda sa kubo ni Marcaida. Umabot kayo sa damuhan at doon mo pinagdiinan ang mukha ni Garuda. Ganyan din ang tumusok sa kanya. Kumpul-kumpol at nagsisigaw siya sa sakit.

Nasisiyahang napangiti si Leo. Masigla ang pananalita. ”Nang araw pa lang iyon. Nakaganti ako kay Garuda kahit may sakit akong amnesya.”

“Siyanga pala, Leo. Minsa’y nabanggit ko nga pala sa iyo noong tayo’y nasa kaundukan. Nang araw ding iyon bago kayo nag-away ni Garuda. Pilit niyang ibinigay sa akin ang nakakahitang alahas ni Perenya. Nakatago sa bahay. Ngayon ko lang naalala, dahil ikaw ang lagi kong naiisip kung may panganib. “ nahihiyang sabi ng dalaga.

Patuloy ang ngiti ni leo, Winalang bahala ang inilarawang pagkukulang ni Lumin. Naunawaan niya na ngayon lang sila nagkaroon nang maliwanag na pag-uusap. Saglit nilang nalimutan ang mga panganib. At doon nga pumasok sa kanyang alaala ang mumunting bagay na kung tutuusin, napakahalaga ang kinasasangkutan, lalo na ang kahitang may tatak ng pangalan ni Perenya. Marahan siyang nagsalita habang nakatitig sa dalaga. “Maraming salamat at nasa kamay mo ang pag-iingat. Wala akong alam na pagbibigyan kundi ikaw lamang.

“Ngunit..” salag pa sana ni Lumin kung hindi naunahan ng binata.

“Huwag ka sanang tumutol. Higit kong ikaliligaya kung tatanggapin mo ang alahas ni Perenya. Tulungan mo akong maiwasto ang dapat maukulan ng mga alahas.“ nagsusumamong paliwanag ni Leo.

Nakangiting tumango si Lumin. Nahikayat siya sa nangungusap na mga mata ni Leo. Nasaling ang kanyang damdamin. May pumitlag sa kanyang dibdib at nasasabik na mahalin ang tanging alaala ng kanyang kakambal, lalo na nga’t laging iniiyakan ni Aling Maling kapag nakikita. ”Bukas.” paibang paksa ni Lumin.

“Gaganda at babango ang altar ng bisitas. Masisiyahan si Padre Domingo sa una niyang misa rito. Magpapasalamat ang mga taga nayon sa ginawa mong pagliligtas sa mga batang ikinulong sa bisitas.”

Kumunot ang noo ni Leo. Nag-isip bago nagwika. “Linggo nga pala bukas.”

Muling tumango si Lumin, kasunod ang paliwanag. “Mula nang mangyari ang karahasan sa bayan, dumalang ang nagsisimba. Sa ngayon, si Padre Domingo na ang dumarayo sa mga baryo at nayon.“

Matagal na nag-isip si Leo. Kapagkuwa’y binago ang usapan. “Malayo rin ang kinukunan mo ng bulaklak. Ba’t ‘di ka na lang magtanim sa inyo.?“

“Mas mayabong at malalaki ang bulaklak na umusbong sa kagubatan. Parang makahiya na ayaw masasaling.” nakatawang sagot ni Lumin pagkat talagang iba ang uri at pambihira ang ilang halamang namukadkad sa bihirang marating ng tao.

Nagkamot na lang sa batok si Leo. Hindi na nag-usisa. Ang balak ay siya na ang pupupol ng bulaklak sa pangambang baka masabit sa siit ng kawayan ang nakabakyang dalaga. “Sayang ang magaganda mong binti.” sabi pa niya.

“Sobra ka naman.!“ pamaktol na tutol ni Lumin. Pinigilan si Leo. Hinila ang kamay upang muling maupo. Saglit na ngumiti bago inilabas mula sa pangnan ang inihanda niyang kakaning malagkit. Nakabalot sa dahon ng saging at nasasamyo ang naglalangis na latik.

Natigilan si Leo nang makita ang humuhulas na pagkain. Matagal siyang napatitig sa dalaga at saka nagwika. “Parang alam mong mahilig ako sa ganyang minindal.

“Damdam ko nga, Leo.” nakatawang sagot ng dalaga at binawi ang paningin sa binata. Tumindig siya at tangkang sumalok ng tubig sa umaaliw-iw na batis sa paanan ng dalisdis.

“Ako na lang.” saway ni Leo at kinuha sa dalaga ang hawak na lumbo upang maghugas sila ng kamay bago kumain.

Bago magdapit-hapon ay pabalik na sina Leo at Lumin. Umaapaw sa bulaklak ang pangnan ng dalaga. Bawat hakbang ng kanilang kabayo ay palapit sa pook na may panganib.

“Lumihis na lang tayo, Leo. Natatakot ako sa…Ay , Diyos ko.! Natapakan ng kabayo ang buntot ng sawa.!” Nabigla pang sambit ni Lumin nang makitang pumasag ang ahas upang hilahin ang buntot niyang nasaktan.

Dagling umiwas ang kabayo na ‘di gaanong natakot sa mabagal na pagtakbo pagkat nasa malayo ang ulo ng sawa.

“Dito ka muna sa gawing palanas.“ ani Leo at ibinaba ang dalaga sa pangambang muling tumakbo ang kabayo at ipinulupot ang lubid sa masangang halaman.

“Ba-Bakit, Leo.? Umalis na lang tayo.!“ panikluhod ng dalaga.

“Hindi, Lumin.! Hangga’t buhay ang sawa. Laging nasa panganib ang sino mang magagawi rito, lalo ka na.!“ ani Leo at iwinaksi ang kamay ng dalaga upang hanapin ang ulo ng dambuhalang sawa na may ugaling kapag nasaktan ay lalong bumabangis sa pagganti.

Isang mahabang sanga ng kahoy ang dinampot ni Leo. Pinaghahampas ang halamanang hanggang baywang ang taas. Mailap ang kanyang mga mata at hindi pansin ang panawagan ng dalaga. Ang mahalaga, itataya niya ang kanyang buhay sa kapakanan ng sino mang magagawi roon na tulad ni Lumin.

Di Kawasa’y tila umalon ang mga dahon. Nahahapay ang sangahang halaman. Umikot ang mistulang agos ng luntiang kasukalan at pumapaligid sa nais lingkisin.

Tumatag sa pagkakatayo si Leo at pinakiramdaman kung saan susulpot ang panganib.

Pigil naman ni Lumin ang paghinga. Nangangalog ang tuhod sa nakikitang daluyong ng wari’y ipo-ipong umiikot sa lalaking kanyang pinakamamahal. “Leo.! Sa likuran mo.!“ bigla pa niyang sigaw na hindi pa man natatapos ay umalingawngaw na ang isang putok.

Naramdaman din pala ni Leo ang papalapit na kamatayan. Ang nakangangang ulo ng sawa. Ang matutulis na pangil, naglalaway at parang palasong itinudla sa kanya upang manuklaw.

Agad binitawan ni Leo ang hawak niyang sanga at bigla ring pumihit at kabud na lang na may pumutok sa kanyang kamay.

Saka pa lang sumayad sa halamanan ang sangang binitawan ni Leo. Patunay lang na kahit napupuluputan ng tingga ang kanyang kamay, sanay na siya sa ganoong kalagayan.

Pasingasing na umurong ang ulo ng sawa. Ang punglo ay pumasok sa bunganga at naglagos sa bungo. Nanalunton hanggang sa dulo ng kanyang buntot ang itinakdang kamatayan. Halos magkabuhul-buhol ang sawa sa pamimilipit at nabubunot ang halamang mahalihaw, hanggang sa kumalma ang daluyong ng kamatayan.

Nanlalambot na naupo sa isang malaking bato si Lumin. Panay ang hingal at hingang malalim. “Salamat po, Diysos ko.” nasambit pa niya habang papalapit si Leo at siya’y itindig.

Sa ganoong pagkakataon, si Lumin na ang yumakap kay Leo. Mahigpit at may luha ng kaligayahan. “Ayokong makikita kitang nasa bingit ng panganib. Mamamatay rin ako pag may nangyari sa iyo.”

Natigilan si Leo. Handa na naman siyang makalimot sa sinabi ng dalaga. Nakatingala sa kanya at gustung-gusto niyang hagkan sa labi ngunit nanaig sa kanya ang isang pangako. Sa pisngi na lang niya hinagkan, mariin at matagal hanggang sa tahimik silang sumakay sa kabayo.

Kinabukasan, maagang gumising si Lumin. Dadalhin niya sa bisitas ang mga bulaklak. Dumaan muna siya sa kamalig upang tingnan kung gising na si Leo, at nabungaran niya sa bukas na pinto ang binatang nakagayak ng pandigma. Bagong paligo.

Sa ganoong kanayunan, sadyang malayo ang paliguan sa kanilang tahanan. Ang tubig ay galing sa balon at pinaaagos sa alulod na kawayang patungo sa malaking tapayan na nasa loob naman ng paliguan. Doon ay sapat ang mga pangangailangan upang maginhawahan ang sino mang papasok sa parisukat na buhusan ng tubig.

Napatitig si Lumin kay Leo bago nagtanong. “Aalis ka.?“

“Bagay sa iyo ang suot mong kulay puti, lalo kang pumuti.“ paibang sagot ni Leo habang minamasdan ang kaharap na kagandahan.

“Nanunukso ka na naman.!“ paingos na wika ng dalaga.

“Totoo ang sinabi ko, Lumin.”

“Tumigil ka nga, Leo. Baka nagugutom ka lang. Halika’t luto na ang agahan.“ pabirong tudyo ng dalaga at hinila sa kamay ang binata.

Hindi naman nagtagal, sabay ding bumaba sina Leo at lumin. Naraanan nila si Aling Maling, kasalukuyang nagwawalis sa lupa.

Umunat sa pagkakayuko ang matandang babae. Matamang tinitigan ang binata at nagbigay ng isang mapagpalang bendisyon at kahilingan kay Luming. “Isama mo sa dalangin ang kaligtasan ni Leo. Ipaabot mo rin kay Padre Domingo ang pagsunod na lang namin.

Tumigil din si Mang Nario sa paglilinis ng kanyang lugasan ng palay at agad siyang nagpaalala. “Mag-ingat ka lang, Leo.” pabaong sabi ng matandang lalake nang sila ay magkalapit. Nakangiti pagkat naalala niya ang kagabing kuwento ni Lumin, tungkol sa sawang napatay ni Leo. Hindi nasayang ang paalala niyang magdala ng baril si Leo. “Alam mo, Leo.” dugtong pa ng matanda. “Isa na namang panganib ang nabawasan sa kabundukan ng Busuangga. Balita rito ang dalawang dambuhalang sawa na pumapatay ng tao at mga alagang hayop. Salamat , Leo.“

“Dapat lang hong si Lumin ang unang pasalamatan. Siya ang unang nakapatay ng sawa.”

Napangiti lang si Mang Nario. Iniba ang paksa. Inulit ang pag-iingat ni Leo pagkat hindi na iba ang turing nila sa binata.

Lubos namang napasalamat si Leo sa malasakit ng mga magulang ni Lumin. Para siyang nanghihinayang na kung hindi namatay si Perenya, magiging magulang sana niya sina Mang Nario at Aling Maling.

Magkasabay na lumabas sa bakuran ang dalawang magkahiwalay ang landas. Kapwa mabigat ang kanilang hakbang.

“Paano, Lumin.? Tutuloy na ako sa bayan.”

“Oo, Leo. Pero, sa-sana…” hindi naituloy ang gustong sabihin ng dalaga.

“Ano ‘yon.?“ matamlay na tanong ng binata.

“Sa-Sana… Samahan mo akong magsimba.” sagot ng babae. May kaba. “Kaya lang, nangako kaming hindi ka aabalahin sa mga lakad mo.” bantulot pa niyang sudlong.

Masiglang tumawa si Leo. Tumango. Ang totoo, nasasabik siya na laging kasama si Lumin sa ganoong lakarin. Sandali niyang nalilimot ang mga sagwil na nilikha ng tadhana. Ganoon din sila ni Perenya. Laging nagsisimba.

Nagbalik sa kamalig si Leo at nagpalit ng anyo. Suot niya ang damit na bigay ni Lumin. Nag-ahit siya at pinagbuti ang pagkakasuklay ng buhok.

Nagniningning ang mga mata ni Lumin sa pagtanaw kay Leo, nang lumabas ito sa kamalig. Natutuwa siya pagkat nasunod ang gusto niyang ang bagong damit ang isuot ng binata. Pilit niyang ikinubli ang paghanga kay Leo. Hindi siya nagsalita. Ngumiti lamang at inihudyat ang kanilang pag-alis.

May ngiti naman sa mga labi ang matatanda ni Lumin nang malamang magsisimba rin si Leo. Parang matatag ang kanilang kalooban at nasisiyahan kapag nakikita ang ganoong pangyayari.

Magaan na ang hakbang ng dalawang naging isa ang landas na patutunguhan. Masaya ang kanilang pag-uusap at may halo pang mumunting tudyuan.

“Ang bawat maraanan natin ay napapalingon.” sabi ni Leo. “Baka kung ano ang isipin nila sa iyo, lalo na si Desto.“ mahinang dugtong ng binata at lihim na ang pagsulyap sa paligid.

“Hindi naman.“ umiiling na sabi ni Lumin. “Talaga lang na matulungin si Desto at malapit ang loob sa amin. Kung minsan, nagpapasaring din ngunit dinadaan lang sa biro.

“Kaya pala ang sigla mo kahapon nang sinasalukan ka niya ng tubig sa balon.” patuksong sab I ni Leo.

Natawa si Lumin. Hindi niya masabi ang katotohanang tila naninilbihan na si Desto. Maging ang alulod na patungo sa paliguan ay araw-araw niyang binubuhusan ng tubig upang dumaloy at mapuno ang tapayang naroroon. Hindi rin niya masabi ang totoo kung bakit siya masigla, dahil nilalabhan niya ang tsaketa ni Leo. “Aba.!“ nabigla pa niyang sabi. “Narito na pala tayo.!“ natatawa pang sudlong at niyaya si Leo sa loob ng bisitas upang panoorin ang gagawin niyang pagtulong kay Padre Domingo sa pag-aayos ng altar.

Tumanggi ang binata. “Nakakahiyang pumasok kung wala akong gagawin. Maghihintay na lang ako dito sa harapan at mag-aantabay sa pagdating ng mga matatanda.“

Bantulot si Lumin sa pagtanggi ni Leo, ngunit nahihiya namang mamilit. Naisip niyang umiiwas lang si Leo sa karagdagang puna ng mga magsisimba kung abutan silang magkasama sa loob ng bisitas. “Pag nagsimula ang misa, lumapit ka sa akin, ha.?“ sabi na lang niya. Malungkot ang mga mata at wari’y nakikiusap.

Tumango si Leo at tinanaw ang pagpasok ni Lumin sa bisitas. Naramdaman niya at nakita ang katamlayan ng dalaga.

Hindi nagtagal, pumarada sa tagiliran ng bisitas ang karetang sinakyan nina Padre Domingo at ang dalawa niyang binatilyong sakristan. Pumasok sila sa pintong naroroon habang tinatanaw ang dagsa ng mga taong papalapit sa harapang pinto ng bisitas.

Bago nagsimula ang misa ay marami na ang tao sa loob ng dalanginan. Sa labas ay ganoon din. Nagmamadali upang makalapit sa altar na hindi nilapastangan ng mga kilabot pagkat wala silang pakialam sa relihiyon.

Sa may puwang na bangko naupo si Lumin nang matapos ang pagsasaayos ng altar. Dumalas din ang lingon niya kay Leo at naghihintay habang hindi pa nagsisimula ang misa.

Di kawasa’y isang tinig ang nakiusp. “Maaari bang tumabi sa upuan mo, Lumin.?“

Para pang nagulat ng tinawagan nang malingunan niya si Desto ang nagsalita. Hindi siya umimik at tumango na lamang. Nabigo sa kanyang inaasahan, ngunit hindi siya nagpahalata.

Hindi na rin lumapit si Leo sa nakitang dahilan. Isa pa ay kausap niya si Mang Nario, kararating lang at kasama ang dalawang matandang babae. Sa labas na lang sila naupo nang magsimula ang misa.

Agad nagsimulang magdasal si Aling Maling. Pabulong, iisa ang lagi niyang dinadalangin. Ang kapakanan ni Perenya o Ima. Ang makita at mayakap ang nawalay na anak. Ngunit ngayong patay na si Perenya, nasasabik pa rin siyang ipanikluhod sa Maykapal ang makasama ang namayapang anak sa ano mang paraan. Yumuko na lang siya at sumunod sa dalangin ng mga tao.

Dumating ang sandali ng pagsesermon ng pari. Malagom ang kanyang tinig, abot hanggang sa labas ng bisitas.

Matamang nakinig ang lahat. Nanahimik at ayaw makaligtaan ang pangaral. Gusto nilang maitanim sa isip ang simula hanggang sa huling bahagi.

“Mga anak.” Ang panawagan ng paari sa pinakabuod ng sermon. “Ang karahasang nangyayari sa atin ay hindi kagustuhan ng Diyos. Ang lahat ay likha ng demonyo. Isinugo niya rito ang mga balakyot at masasama niyang kampon upang lumaganap ang kasamaan at mawalan tayo ng sampalataya sa Panginoon. Alam kong ito ay pagsubok lamang ng Diyos, kung hanggang kailan mananatili sa ating mga puso ang ispirito ng Maykapal. Lagi tayong manalangin. Hilinging matapos na ang ating kaapihan. Iadya ang taong hindi makakailang sugo naman ng Diyos upang puksain ang masamang nilalang. Ang taong tumutulong sa atin ay malimit gumawi sa bayan. Binubunot niya ang punlang inihasik ng demonyo upang maiwan ang mabubuting tanim sa tudlingan. Bukambibig ang kanyang pangalan. Siya ay si Leo Ladoza. Ang pangunahing katulong ng ating mga Anak-Parang. Mabuhay siya.!

Maraming salamat sa pagkakaligtas niya sa mga paslit na ikinulong dito sa bisitas. Salamat, Leo Ladoza. Salamat din ang pahatid ng mga magulang sa misang ito. Salamat sa pagkakaligtas niya sa kanilang mga anak.”

Napayuko si Leo nang maglingunan sa labas ang maraming tao. Sa kanya ang tingin. Hindi niya inaasahan na magiging bahagi siya sa ganoong pagkakataon.

Tapos na ang misa, ngunit patuloy pa rin ang makadiyos na pangaral ng pari.

“Mga mamamayan ng Nayong Dalidis.“ sabi pa niya. ”Ibinibigay ko sa inyo ang isang

mabiyayang umaga. Manatili kayong nananalig sa may Likha. Huwag kalilimutang manalangin tuwing sasapit ang orasyon. Ang Panginoong Hesus ang matibay na pananggalang para sa ating kaligtasan.” dugtong pang sabi ng mabait na pari at matagal na tumanaw sa gawi ni Leo pagkat nakita niya ang paglingon ng mga tao sa banda roon. “Paalam, Leo Ladoza. Nawa’y maligtasan mo ang mabibigat na panganib.” kaway pa niya sa inaakalang tama ang kanyang hinalang si Leo nga ang nakatanaw din sa kanya. Pagdaka’y mabilis siyang lumabas sa tagiliran ng bisitas, kasunod ang mga sakristan. Sumakay sila sa kareta upang sa kabilang baryo naman magmisa.

Naiwan ang mga tao. Nakatanaw sa papalayong pari. Bawat isa ay nagpapasalamat sa tinamo nilang biyaya at nanghihinayang din kung bakit nagmamadali ang nasabing alagad ng Diyos.

“Maging si Padre Domingo ay nakikiisa sa dalanging maligtasan mo ang ano mang mabibigat na panganib na darating sa iyo.” sabi ni Lumin kay Leo. “Sayang, nagmamadali siya kaya hindi kita naipakilala.” nakangiti pang sudlong ng dalaga at hindi alintana ang mga taong nakatingin sa kanila. “Kaya lang, nakakainis ito. Hindi ka man lang pumasok sa bisitas.” pahabol pang sambit na nauwi sa maktol at pabulong ang sumbat habang naglalakad silang pauwi sa bahay, kasunod ang matatandang magulang.

Napakamot sa batok si Leo. Hindi makasagot pagkat papalapit ang binatang nayon na gusto niyang idahilan.

“Lumin.!“ tawag ni Desto. “Mamayang gabi, magsasadya ako sa inyo.“ mahina niyang dugtong sa natitigilang dalaga.

Tumango si Lumin at saka lang ngumiting nagtanong. “Bakit.?“

“Gus-Gusto ko sanang ipagtapat ang malaon ko nang nadarama sa iyo.” ang sagot na may garalgal ngunit halata ang sigasig.

Kinabahan si Lumin. Paanas din ang sagot. “Desto naman, katatapos lang nating magsimba, iba na agad ang nasa isip mo.

“O, sige. Mamayang gabi na lang, ha.?“ giit pa ni Desto.

Mapagbigay si Leo. Nakabaling. Kunwa’y tinatanaw si Mang Nario at ang dalawang matandang babae na siya ang ipinagmamalaki sa mga kanayon.

Saka lang humiwalay si Desto nang sapitin nila ang bakuran ni Mang Nario. Kumaliwa siya sa gubatan at hindi na nagtuloy sa anyaya pagkat gabi ang usapan nila ni Lumin.

Nagtuloy sa kamalig si Leo at nagpalit ng damit. Kinuha ang kanyang baril, at sumakay sa kabayo upang muling umalis.

Nagpaiwan sa labas ng bahay si Lumin. Inantabayanan ang pagdaraan ni Leo. Nakatanaw siya sa landas na patungong bayan. Nabuo sa kanyang balintataw ang isang masamang pangitain. Para niyang nakikita ang mga demonyong binanggit ni Padre Domingo. Nagsisingisi. Nag-aabang sa kamatayan ni Leo. Namuo ang luha sa kanyang mga mata. Gusto niyang pigilan si Leo ngunit hindi niya magawa.

“Mag-ingat ka, ha.?“ tangi niyang nasambit nang magpaalam si Leo. Naiwan siyang nag-aalala. Tuluyang pumatak ang kanyang luha habang tinatanaw ang papalayong binata.

Madaling narating ni Leo ang pook na kung saan ay ginawang himpilan ng mga Anak-Parang.

“Baka malagay ka sa panganib.?“ nag-aalinlangang ding sabi ni Wana nang malamang sa bayan ang tungo ni Leo.

“Magmamanman lang ako.” sagot ni Leo, ngunit halata ang pagnanasang makaharap si Garuda.

“Ipaubaya mo na siya sa akin.” sumamo ng babae.

Bahagyang umiling si Leo. Ayaw niyang tawaran ang pagkababae ni Wana. Matamlay ang mga mata nang magsalita. “Sa pagkakataong ito. Kailangan ang lalake sa lalake at lakas sa lakas.”

Nagkibit lang ng balikat si Wana. Hindi sa ganoong paraan lamang siya pagagapi.

May sarili siyang pamamaraan at tanging babae lamang ang maaaring gumawa.

Matabang din sa pakikinig ang mga tauhan. Mga babaing kaisa ni Wana sa hangarin. Lumayo sila at nagbalik sa dating puwesto.

“Nasasabik akong patayin si Garuda.!“ giit pa ni Wana.

“Ang lahat ay ipaubaya natin sa tadhana.” ani Leo. “Maitatakda kung sino sa ating tatlo ang mamamatay at papatay. Aalis na ako.

Humabol ang salita ni Wana. “Magsama ka ng tauhan ko.!“

Umiling si Leo bago nagwikang pasalamat. “Ayokong masuong sa panganib ang mga tauhan mo.“ dagdag pang sabi.

Napatindig si Alfon mula sa pagkakaupo sa nakahandusay na puno. Kumibot ang kanyang mga labi upang makisabad. “Ang kirot ng panganib ay nasa isip lamang. Masarap mamatay kung dahil sa inang bayan.”

Natigilan si Leo. Bumaling kay Alfon at tuwid ang paningin na nagwika. “Paano mong makikita ang ningning ng bukas kung kamatayan lamang ang gusto mong harapin.?“

“Iyan ang sinasabi mo, Leo. Ngunit iba ang ginagawa mo. Ikaw ba ay walang kamatayan.?“ mapagtantong tanong ni Alfon.

Bahagyang nanlisik ang pananaw ni Leo. Mariin ang ginawang pananalita.

“Minsan na akong pinatay ni Garuda sa kalungkutan. Hindi ko na inaasahang muli pa akong mabuhay sa kaligayahan.!“

Hindi na nakuhang sumagot ni Alfon nang tantangin ni Leo ang lubid na kabayo upang lumisan. Nagmamadali.

Ang landas na patungong bayan ay mistulang inalimpuyo sa ragasa ng kabayo ni Leo. Para bang hinahabol ang mga naantalang oras na nagdaan. Wala sa kanyang hinagap na ang sinasabing panganib ay maagang darating kahit malayo pa siya sa bayan. Sa pagkakataong iyon, hindi niya inaasahan na siya naman ang matatambangan.

Ang lambong ng kamatayan ay bahagya nang sumaklob sa katawan ni Leo. Handa na ang mga demonyo upang siya ay hilahin sa impiyerno.

Sa bukana ng bayan ay nakatakda ang madugong kamatayan. Sasagitisit ang malalakas na punglo at maglalagos sa katawan ng masasawing nilalang.

“Dumarating si Leo Ladoza.!“ sigaw ng isang kalbong kilabot habang nakasilip sa largabista at matanaw sa palikong landas ang pagsulpot ng kanilang kalaban.

Ang babala ay naging kalabisan upang magkagulo ang mga demonyong nag-aabang. Agad iniumang ang dalawang machinegun sa papalapit na katunggali. Tuwang-tuwa sila at panay ang ngisi habang nakasilip sa ginawa nilang panabing.

Sila ang mga tauhan ni Sutan Kalagara. Pansamantalang pumalit sa mga indones na nagsawa sa pagbabantay at pag-aabang kay Leo.

“Sayang.” anang isang kilabot. “Kung hindi nainip sina Garuda at Mostafa, makikita nila ang kamatayan ni Leo Ladoza.!“

“Magaling sa masinggan ang dalawang iyon. Tawagin ko kaya para tayo makatiyak.!“ nag-aalalang wika ng isa pang may hawak ng de makinang baril.

Pilit ang kabangisang nabakas sa mukha ng unang kilabot na may largabista. Ayaw niyang maabala sa inuman ng tuba sina Garuda at Mostafa. Ipinagmalaki pang magaling din siyang manudla at tinapik-tapik pa ang hawak niyang de makinang baril.

Lima ang demonyong nag-aabang sa bukana ng bayan. Ang tatlo pang kalbo ay maliliit na de making baril ang hawak. Hihintayin nila at bibiglain ang paglapit ni Leo. Titiyaking hind sasablay ang hawak nilang sandata, ngunit sila’y nainip. Sa malas ay hindi nagbabago ang agwat ng kanilang hinihintay. Tumindig ang may hawak ng largabista at sinilip ang gustong makita.

Sa kabilang dulo ng lansangang abot ng tanaw, parang nanibago si Leo sa anag-ag na anyo ng kanyang patutunguhan. Sa tingin niya ay tila kumipot ang landas na papasok sa bayan. Tumigil siya at dinukot sa bulsa ng kanyang tsaketa ang maliit na teleskopyo. Doon ay maliwanag niyang nakita ang mga nakalanggotseng buhangin. Tinambakan pa ng halaman, ngunit kita naman ang mga nakausling sandata at taong nakasilip din sa largabista.

Biglang napasigaw ang kilabot na may panilip. “May teleskopyo si Leo Ladoza.! Nakita na tayo.!“

Malayo man ang kalaban ay napilitang magpaputok ang isang may hawak ng machinegun. Bumuga ang maraming punglo at kitang-kita ang pagtilapon ni Leo, kasunod ang pagsubsob ng kanyang kabayo.

“Patay.!“ malakas na sigaw ng kilabot habang sinisilip sa largabista ang paggulong ni Leo sa bambang.

Hindi pa nasiyahan ang mga bandido. Dalawang malalaking baril ang magkasabay na ginamit upang wasakin ang kinaroroonan ni Leo. Pinasagadsaran ng punglo ang kinahulugang kanal ni Leo at gustong tadtarin ng uka ang pook na iyon.

Ang putukan ay nakaganyak upang lumapit ang mg nakakaretang kilabot na lumilibot sa bayan. Mga indones na nagsisingisi sa kasabikan. Inako nila ang pagkuha kay Leo nang malamang nahulog iyon sa matalahib na bambang at ipagmalaki kay Garuda ang katibayang bangkay na sila ang pumatay.

Hinaplit ang kalabaw. Rumagasa ang kareta ng mga kilabot at palapit sa nasabing pook. Para silang baliw sa pagmamadali. Nakahanda ang kanilang baril. Puputok at titiyakin ang kamatayan kung buhay pa ang kalaban.

Tama ang himaton. Nakasubsob si Leo sa ‘di kalalimang bambang na walang tubig, ngunit umaagwasa naman ang dugong nagmumula sa kanyang mga sugat. Tahimik ang paligid. Walang gumaalaw. Kung mamalasin, tila bahagya na lamang ang init ng buhay sa taong naroroon.

Sa kuta naman ay biglang napatindig si Garuda sa pakikipag-inuman ng tuba kay Mostafa nang marinig ang putukan. “Si Leo Ladoza lamang ang may lakas ng loob na pumunta rito.!“ nakangisi pang wika. Tiniyak ang kamatayan ng kalaban pagkat sa kanilang de makinang baril nagmula ang bugso ng putukan. Muli siyang naupo. Ang balak ay maghintay na lamang upang ituloy ang tagayan nila ni Mostafa.

Ang alingawngaw ng putukan ay umabot hanggang sa Nayong Dalisdis. Napakislot ang mga Anak-Parang. Humigpit ang hawak sa kanilang sandata at iisa ang naging hinala. Kailangan ang agarang saklolo kay Leo.

“Sa malayo nanggaling ang putukan. Maaaring sa bayan nagmula.” ani Wana. “Gaano man ang bilis ni Leo sa panganganbayo. Hanggang sa kalagitnaan lamang ng palikong landas ang maaari niyang marating.!“

“Bilisan ninyo.!“ sigaw naman ni Alfon sa pagmamadali. Panay ang buntong hininga habang isinisingkaw ang kalabaw na hihila sa kareta. May hinala siyang natambangan si Leo. Makutim ang pangitain lumambong sa kanyang isip. Ang alam niya, hindi si Leo ang may hawak ng de makinang baril.

“Madali kayo.!“ sigaw din ni Wana, habang paikut-ikot ang sinasakyan niyang kabayo. Inaantabayan ang dalawang kareta na may lulang mga Anak-Parang.

“Mabuti pa, Wana.! Mauna na tayo.!“ amuki ni Alfon. Nakasakay din sa kabayo at halata ang pagkainip sa mga nasayang na sandali ng paghihintay.

Samantala. Naunang naglundagang pababa sa kareta ang limang kilabot nang mapalapit sila sa talahibang kinaroroonan ni Leo. Iniwan nila sa kareta ang malaking de makinang baril at ang dinala ay ang maliliit lamang.

Ang isang kilabot ay humanda sa paggamit ng pampasabog upang matiyak ang kanilang tagumpay sa paglusob. Pauklu-uklo siyang luminga sa kahabaan ng talahib. Hinahanap kung saan ipupukol ang nasabing pampawindang ng buhay.

Noon nama’y malapit na ring marating nina Alfon at Wana ang palikong landas. Naudlot ang kanilang pagmamadali nang muling mamiyapis ang nakakabinging putukan at ang makayanig-dibdib na pagsambulat.

“Diyos ko.!“ sambit ni Wana. Lalong hinaplit ang sinasakyang kabayo pagkat malapit lang sa kanilang pandinig ang nagaganap na putukan.

Magin si Alfon ay gusto ng mawalan ng pag-asa. Sa kanyang pandinig, higit ang pamamayani ng mga de makinang baril at pagsabog ng isang granada. Sa kanyang agam-agam, mahirap makaligtas ang taong nais nilang saklolohan.

Sa palikong landas ay bumungad ang karetang sinakyan ng mga patrulyang kilabot. Nagulat ang kalabaw sa malakas na putukan at tumakbong pasalubong sa dalawang nakakabayong sina Alfon at Wana.

Patalong bumaba sa kabayo si Alfon. Hinarang ang kalabaw na kasalukuyang bumabagal sa pagtakbo. Sumakay siya sa kareta at binuhat ang naroroong de makinang baril.

“Alfon.!“ tawag ni Wana nang makababa sa kabayo at makapangubli sa masukal na bahagi ng palikong landas. Hawak ang isang largabista.

Lumapit ang tinawag. Dala ang de makinang baril at nakisilip sa largabistang hawak ni Wana. Nakita niya ang itinuro ng babae.

“Dapa.!“ biglang hiyaw ni Alfon at kinabig si Wana. Nasilip niya ang pagbuga ng dalawang de makinang baril, mula sa mga kilabot na nag-aabang sa bukana ng bayan.

Mahaba ang putukan. Nangabuwal ang talahiban. Parang ginunting at paulit-ulit ang gustong patamaan.

“ Baka naroroon si Leo.?“ tanong ni Wana nang matiyk na hindi sila ang puntirya ng kalaban.

“Marahil.!“ sagot ni Alfon at karakang isinauli kay Wana ang largabista, matapos masilip ang mga kilabot na pawang nakatayo at nakatanaw sa malayo. Sinamantala niya ang pagkakataon. Iniumang sa bukana ng bayan ang dala niyang de makinang baril at pinaputok na walang patumangga na galit ang kanyang bagang at parang ayaw nang tigilan ang pananalanta.

“Tama na, Alfon.!“ saway ni Wana, kasabay ang halakhak nang masilip sa largabista ang mga natimbuwang na kalaban. Nangingisay sa ibabaw ng saku-sakong buhangin.

Tumigil naman si Alfon. Binitawan ang hawak na sandata at tinungo ang talahibang humapay sa tama ng bala. Nagmamadali, kasunod si Wana.

Nakita nila ang kabayo ni Leo. Walang buhay at kabi-kabila ang sugat. Sa gawi pa roon, nakita rin nila ang nagkalat na bangkay ng mga kilabot. Lasug-lasog ang katawan at mahihinuhang sinambulatan ng pampasabog.

Si Wana ang unang dumunghal sa hukay. Natigilan at nanghilakbot. “Diyos kong mahabagin.! Hindi.!“ hinaing pang sambit nang makita si Leo. Halos naliligo sa sariling dugo at nakasubsob sa gilid ng kanal.

Napasugod si Alfon at pagdaka’y tumalon sa hukay. Iniahon si Leo at inihiga sa damuhan ang maputlang katawan. Animo’y wala nang buhay.

“ Buhay pa siya.! Hindi ko lang matiyak kung gaano kalubha ang kanyang mga sugat.!“ kinakabahang wika ni Wana.

Di kawasa’y bumungad sa palikong landas ang tatlong kareta ng mga Anak-Parang. Ang ikatlong kareta ay ang sinakyan ng mga kilabot. Akay din nila ang dalawang kabayong sinakyan naman nina Alfon at Wana.

Minadali ni Alfon ang hudyat sa mga baong dating. Kailangan nila ang karetang masasakyan ni Leo.

Nagbabaan ang mga babaing Anak-Parang at tulung-tulong na isinakay sa kareta ang nanghihinang si Leo. Ang iba nama’y tumalima sa utos na pulutin ang sandatang nagkalat sa gawi ng mga nakabulagtang kilabot.

“Malapit dito ang Nayong Dalisdis.” ani Wana. “Nabanggit sa akin ni Leo ang pakikipanuluyan niya sa mag-anak ni Mang Nario. Doon ko siya gagamutin.“ ang sabi pa habang nakaunan sa kanyang kandungan ang ulo ng sugatan.

Sumakay sa kanyang kabayo si Alfon at hinayaang makalayo muna ang karetang sinasakyan ni Wana, bago inatasan ang dalawa pang nakakareta upang humanda sa pag-aabang kung sakaling may hahabol na kalaban.

Naglundagang pababa sa kareta ang naggagandahang dilag ng Anak-Parang. Nagsidapa sa damuhan at nangubli sa kasukalan. Kung wawariin, tila sanay na sila sa paghawak ng baril at maging sa labanan.

“Naiwan ang tsaketa ni Leo.!“ nabiglang usal ni Alfon nang mabalingan ang nasabing bagay na nakasampay sa putul-putol na talahib. Kinuha niya at isinampay sa bandang batok ng kabayo.

“Punong Alfon.!“ hiyaw ng isang tauhan. “Tawag ka ni Wana.!“

Tinanaw ni Alfon ang nauunang kareta at nagmamadaling hinabol. “Bakit.?“ tanong niya nang abutan ang kareta.

“ Masama ang lagay ni Leo.! Mauna ka na sa Nayong Dalisdis. “Papaghandain mo si Lumin ng kinulong tubig at mga damong ligaw na pampaampat ng dugo. Dalian mo.!“ may halong sigaw sa huling utos.

Naramdaman ni Alfon ang kalubhaan ng mga pangyayari. Nakita niya ang pamumutla ni Leo. Tila wala nang buhay sa pagkakahiga. Kailangan ang malakas na haplit sa kabayo upang mapadali ang sa kanya’y ipinag-uutos.

Sumisikdo ang dibdib ni Wana. Pasigaw ang bawat utos sa mga tauhan, pagkat mahalaga ang buhay ni Leo sa Isla Busuangga . “Gumisi pa kayo ng damit.! Hindi maapula ang dugo sa kanyang sugat.!“ utos pa niya.

Nakitulong na rin ang iba pang tauhan. Ibinalibid sa hubad na katawan ni Leo ang pira-pirasong damit na pinunit sa kanilang kasootan .

Samantala. Malayo na ang narating ni Alfon nang mapansin niya ang tsaketang sumampay sa kanyang kandungan, hanggang sa marating ang sadyang pakay.

“Lumin.! Lumin.!“ nagmamadali niyang tawag sa dalaga.

“Ba-Bakit, Alfon.?“ nangangambang salubong ni Lumin sa dating kamag-aral noong sila’y nasa mababang paaralan. Agad niyang iniwan ang pagsasampay ng damit sa tagiliran ng bahay.

Napadungaw din ang tatlong matanda sa bahay. May kaba sa kanilang dibdib.

“A-Ano’ng nangyari.?“ agad na tanong ni Mang Nario, kahit nasa hagdan pa lamang.

“Napahamak ho si Leo.!“ sagot ni Alfon habang akay ang kanyang kabayo sa loob ng bakuran.

“Diyos ko.!“ impit na bulalas ni Lumin, kasunod ang pagkagat sa ibaba ng kanyang labi. Para siyang natulig. Halos hindi na niya narinig ang pagbabalita ni Alfon. Ang mga habilin ni Wana pagkat tila gumuho na sa kanya ang sandaigdigan.

Napatakbo ring bumaba ng bahay si Aling Maling. Napaluha nang dahil sa unang pag-ibig ni Lumin at pangalawa na ang habag kay Leo.

Sina Aling Moreng ay sa silid-lutuan nagtuloy. Siya ang nagpakulo ng tubig at naghanda sa iba pang pangangailangan.

Sa harap ng bahay lumaganap ang kalungkutan. Di kawasa’y napansin ng mag-anak ang duguang tsaketa ni Leo sa likuran ng kabayo.

Kinuha ni Mang Nario ang nasabing kasootan at saka iniladlad. Sinuri kung ano ang kinasapitan ni Leo.

Higit sa lahat, si Lumin ang unang nangipuspos sa tanawing iyon. Parang sasabog ang kanyang dibdib at natatakot sa tuwirang pagsulyap.

Nang magbalik si Mang Nario mula sa kasukalan, siya rin ang unang nakakita sa pagdating ng mga Anak-parang sa pangunguna ni Wana. Nakita rin niya ang ilang kapit-bahay na gustong makibalita.

“Tabi kayo mga bata.!“ saway ni Wana nang sumalubong ang mga paslit sa pinto ng bakuran.

Mugto na ang mga mata ni Lumin nang siya’y lumapit sa kareta. Nakita niya si Leo. Nakapikit at para bang wala nang pag-asang makabangon.

Nakamasid lang si Wana kay Lumin. Hinahanap ang wastong kasagutan sa kanyang hinala. Iba ang kilos ng umiibig at iba rin ang nagmamalasakit lamang. Napagkuro niya ang katotohanan. Naaawa siyang mabigo ang unang pag-ibig ni Lumin.

Ang pagbibigay daan ni Wana ang sinamantala ni Lumin. Dinukwang niya si Leo at marahang hinaplos ang mukha. Hindi alintana kung maging bukas na aklat ang nadarama niyang damdamin. Humikbi. Tumutulo ang luha at umuusal kung bakit nangyari ang ganoon.

“Lumin,“ pukaw ni Wana. “handa na ba ang mga gagamitin.?“ dugtong pa niya habang inaangat sa kanyang kandungn ang ulo ni Leo.

Si Mang Nario ang sumagot. Matamlay. Parang hindi matanggap na makakalunas pa ang dala niyang mga damong ligaw.

Si Aling Moreng nama’y nagkakamali sa pagmamadali. Nagkakandapaso sa malagablab niyang paggatong. Gusto niyang maihabol ang kinulong tubig.

“Sa ikadadali.” sabi naman ni Mang Nario. “Doon na lang tayo sa kamalig.” pasya pang dugtong at ininguso ang patutunguhan habang nakaalalay sa pgbuhat ng may sugat.

Madaling naihanda ni Aling Maling ang papag na himlayan ni Leo. Binuksan ang maliit na durungawan upang pumasok ang hangin. Sinamsam ang kalat at saka lumabas para makaluwag sa loob ng kamalig.

Hindi humihiwalay si Lumin hanggang sa paghimlay ni Leo. Laging hawak ang isang rosaryo. Nagdarasal at humihingi ng saklolo sa Maykapal.

Kamusta ang lagay niya Duktora.?“ hindi matiis na tanong ni Mang Nario.

“Hindi ko pa matiyak, Tata Nario.” sagot ni Wana. “Dugo pa lang ang inaapula kong maampat.” Ang sudlong habang kinakalag ang buhul-buhol na bigkis sa katawan ni Leo.

Matapos maghugas ng kamay, sinimulan ni Wana ang pagpunas sa hubad na katawan ni Leo sa pamamagitan ng isang malinis na damit, gamit ang kinulong tubig sa pagsusuri kung gaano kalubha ang mga sugat ng binata. Sanay si Wana sa ganoong pagkakataon, bagamat nangingislap ang pawis sa kanyang mukha.

Isang malalim na buntong hininga ang hinugot ni Wana sa kanyang dibdib. Inangat ang kanyang mukha. Nilinga ang mga naroroon. Ngumiti at nagwika.

“Hindi pasisid ang mga punglong tumama sa kanya. Gumawak ngunit daplis lamang. Mabubuhay siya.”

Bigla ang kasiyahan sa mukha ng mga nakarinig. Nakikita nila ang katuparan pagkat tumigil sa pagdurugo ang kaliwang balikat at kanang tagiliran na may sugat ni Leo.

“Salamat po , Diyos ko.” pahinaing na usal ni Lumin. Sagad ang kaligayahan at gusto pang tumangis sa biglang bugso ng pagmamahal. Ngunit kumakaba pa rin ang dibdib sa dahilang tila nahihirapang dumilat ang binata.

“Maraming dugo ang nawala kay Leo.” ani Wana. “Para siyang nasisilaw gayong ang tingin niya sa paligid ay madilim. Mahina ang kanyang katawan. Noon pa, alam kong kulang siya sa tulog at pahinga. Lagi siyang nag-iisip at walang kapanatagan.“ dugtong pa ng babaing pinuno, habang pinupunasan ang nalalabi pang dugo sa katawan ng binata. “Alfon,” tawag pa niya.“ Saglitin mo sa bahay ang isang bag ng medicine kit para matahi ang mga sugat ni Leo.”

“Oo.”sagot ni Alfon, alam niya kung saan kukunin ang utos pagkat malimit din siyang magpuntasa bahay nina Wana kapag nag-uulat tungkol sa rantso.

“Sayang ang damit mo, Lumin. Mahusay pa yata.?“ puna ni Wana nang makita ang puting damit na ginigisi lamang ng kanyang tinanong.

“Hindi naman.“ sagot ni Lumin. ”Ang mahalaga, matakpan ang kanyang sugat.” ang sudlong at ipinagpatuloy ang ginagawa sa puting saplot na pinuri pa ni Leo nang sila’y magsimba kaninang umaga. Ang damit na unang nadampot ni Aling Moreng sa silid ni Lumin dahil sa pagmamadali.

Dapit-hapon na nang tumindig si Wana mula sa bingit ng papag. Nagbuntong hinga at iniliyad ang dibdib matapos ang iba pang pangangailangan ni Leo.

“Kailangan niya ag laging paghigop ng sabaw at sariwang gatas ng kalabaw. Kakain siya ng mga luntian at dilaw na gulay. Kasama ang iba pang pampalakas ng katawan. Guro ka, Lumin. Alam mo ‘yon.”

Tumango lang ang kausap. Hindi nagsalita. Tila ayaw niyang mapukaw ang pananahimik ni Leo.

Nakasilip sa pinto ng kamalig si Aling Maling. Siya ang sumagot. “Sagana rito ang pagkaing kailangan ni Leo. Madali siyang lalakas.”

“Mabuti naman ho at sa inyo siya nakipanuluyan.“ nakangiting sabi ni Wana habang naghuhugas ng kamay sa isang palanggana.

“Nagkataon lang, Duktora.“ sagot ni Mang Nario. “Ang mahalaga. Maraming salamat sa tulong mo kay Leo.”

Napakislot si Wana. Ang kanina pa gustong salagin ay ngayon lang sinagot.

“Tata Nario, huwag naman ninyo ‘kong tawaging Doktora. Hindi pa ho ako tapos.”

Natawa lang ang matandang lalake. Ibinadya ang pahiwatig. “Matatapos ka rin kapag tahimik na sa ating bayan.“

Malungkot na napatungo si Wana. Naalala ang namayapang ama. Malabo ng matupad ang kanyang pangarap na magkaroon ng manggagamot ang kanilang pulo dahil sa kanyang sinapit. “Si Leo ang dapat nating pasalamatan, Siya ang pinakamalakas pumuksa sa ating kalaban.“

Hindi nagtagal, nagyaya na si Wana upang sila ay lumisan. Kailangan nila ngayon ang higit na paghahanda upang tumibay ang kanilang tanggulan sa kaparangan, walang makakapasok na kalaban sa Nayong Dalisdis.

Sumunod si Mang Nario hanggang sa labasan. Buong puso niyang tinanggap ang sunud-sunod na pamamaalam ng mga Anak-Parang. Nakangiti siya ngunit sa ubod ng kanyang puso, naroroon ang isang bahagi ng kalungkutan. Ang tingin niya sa namamaalam ay hindi Anak-Parang kundi pawang anak ng hilahil.

Ang dalawang matandang babae ay agad nagtungo sa silid-lutuan. Pinagtuwangan nila ang pagsasabaw ng isang dumalagang manok. Namigtal din sila ng talbos ng kamote at iba pang bungang kahoy na sagana sa tawag ng kalusugan.

Naiwang bantay si Lumin. Buong puso niyang ginagap ang kamay ni Leo. Idiniit sa kanyang pisngi at pinagmasdan ang mukha ng binata.

Para namang naalimpungatan si Leo. Marahang dumilat ang nanlalamlam niyang mga mata. Luminga-linga sa paligid at tumigil lamang nang mapagsino si Lumin. Ngumiti siya at kumislap sa ilaw ng kanyang balintataw ang natatagong pagmamahal sa dalaga.

Lalong humigpit ang hawak ni Lumin sa kamay ng binata. Parang pilit ang iginanting pagngiti. Nangingipuspos ang tinig nang magsalita. “Ang bilin ko sa iyo, lagi kang mag-iingat. Bakit ngayon ay ganyan ka.?“

“Naligtasan ko naman ang mabigat na panganib.” nanghihinang sagot ng lalake, ngunit nakuha pa ring haplusin ang pisngi ng babae.

“Halos panawan ako ng hininga nang makita ko ang tsaketa mong butas-butas. Akala ko’y kasama kang…O, Diyos ko, kailan pa matatapos ang pagsuong mo sa panganib.?“ naluluhang sabi ni Lumin at bahagyang gumitna nang upo sa bingit ng papag.

Muling pumikit si Leo. Bumaling sa kabila at nagsalaysay kahit pahapyaw lamang. “Naramdaman ko ang papalapit na kareta. Sa tulong ng patpat, isinungaw ko ang hinubad kong tsaketa. Kunwa’y ako ang umahon sa hukay. Binaril nila. Nagkabutas-butas. Sumabay ako. Inuna ko ang may granada. Sumabog. Damay silang lahat.“ tumigil sa paputul-putol na salaysay si Leo. Parang humingal sa pagsasalita .

“Mabuti naman at agad kang natagpuan ni Wana.“ nakangiti nang sabi ni Lumin. Panatag na ang loob. Ang nasa isip, palalakasin niya ang binata at paglilingkurang ganap.

Nang sandali ring iyon, nagdidilim pa rin ang kuta sa paningin ni Garuda. Nanlilisik ang mga mata sa bigong akala na patay na si Leo, ngunit ang balita ay umabot sa kanya. Ang mga tauhan niya ang nangamatay at nawawala pa ang mga sandatang nasa bukana ng bayan. Lingid sa kanya, kinuha ng ilang lalaking taga bayan na kasapi rin sa pangkat ng manghihimagsik.

“Maaaring katulong ni Leo Ladoza ang pangkat ni Wana.!“ mariin namang sabi ni Mostafa, kasabay ang bayo sa hapagan ng tuba at nakikisabay lamang sa pagdarabog ni Garuda.

Dahil doon, lumapit si Marcaida. Kanina pa siya nagmamasid at hindi matiis ang ‘di makialam. “Dumarami ang kalaban, samantalang nababawasan ang iyong alepores.!“

Biglang napabaling si Garuda sa nagsalitang espanyola. Nagliwanag ang dating madilim niyang mukha at gumitaw ang isang ngiting may kahulugan, ngunit lingid sa pinatungkulan. “Ang suliranin ko’y suliranin mo rin. Magtulungan tayo, Marcaida.“ sabi pa niyang kasabay ang pagpapatayo kay Mostafa upang ialok ang likmuan sa dalagang mestisa.

Nagbigay si Marcaida. Naupo. Handang makipaglaro. Ninamnam niya ang mga pangyayari tungkol sa kinasapitan ni Wana sa kamay nina Garuda at Mostafa. Pumalatak muna ang kanyang dila bago nagsalita. “Delicado nga ang situacion mo, Garuda. Makalibre ka man kay Leo Ladoza. Kay Wana, hindi.!“

“Kaya nga ako umaasa sa tulong mo, Marcaida.” pasumamong sabi ni Garuda at umanyong nakakaawa.

Natawa si Marcaida. Hindi maturol kung pagbibigay lamang ang iginanting sagot. “Bueno, nagbago rin lang ang pakikitungo mo sa akin, tutulungan kita.“

Agad tumindig si Garuda. Masisinag ang umaapaw na kaligayahan sa kanyang mukha. “Salamat, Marcaida.!“ aniya at nangako pang mag-iisip ng sariling pamamaraan sa ikalalakas ng kanilang balakin. Ipinahiwatig din niya na ang paghahanda ay hindi sa harapang iyon kundi sa ibang pook. Kailangang lumabas sila ni Mostafa upang maitaguyod ang wastong pamamaraan. Kailangang ipaglihim tulad ng pagkakangisi niya na sadyang inilingid kay Marcaida.

Magkasabay na lumabas sa kuta ang mga kabayong sinakyan nina Garuda at Mostafa. Nag-aalangan ang pangalawa nang magsalita. “Lumiliit na ang ating paligid. Ilang sagupaan pa, burado na tayo sa islang ito.!“

Humalakhak ang una. Idinaan sa nakakatawang anyo ang pagmamagaling kay Mostafa. Nakabural ang mga mata at nakausli ang nguso sa pagsasalita. “Handa na ako sa ganoong kagipitan, sa dahilang malakas ang kibot ng aking utak. Ibig sabihin, matalino ako at may panapat na lakas sa mga kalaban.

Napakamot sa ulo ang pangalawang barilero. Bahagyang inilapit ang kanyang kabayo sa kausap na pinuno. “Hindi ko maarok ang ibig mong sabihin. Ang alam ko, mahirap sumagupa sa kalaban kung ganitong nasa labas tayo ng kuta.”

“Tarantado.!“ naiinis na bulas ni Garuda. Tinumbok niya ang tunay na layunin.

“May pag-uusapan tayong lihim. Ibig kong patunayan kay Marcaida na ako ang higit na mautak. Gusto kong matupad ang banta ko noon na ako naman ang hahalakhak sa bandang huli.!“

Naghalakhakan ang dalawang kilabot habang nilalandas nila ang dating kubo ni Marcaida. Tiwala ang kanilang pagsulong na para bang walang sagabal.

Kinagabihan, bihis na bihis si Desto nang pumasok sa bakuran ni Mang Nario. Soot ang barong silangan na pinatahi niya kay Aling Maling at kumikislap ang buhok sa mumurahing pamada. “Magandang gabi po.” bungad pa niya sa hagdanan at tumanaw pa sa kamalig. Nakita niya ang anag-ag na liwanag ng kingke sa siwang ng sawali. Alam niyang naroroon si Leo, ngunit wala siyang alam sa naganap na sakuna ng binatang siyudad. Dahil sa maghapon siyang nagtambak ng burak sa pampang ng kayang palaisdaan. Abala ang kanyang isip. Hindi na inalintana ang putukang naganap sa malayo. Ang mahalaga, bago dumilim, makatapos siya sa ginagawa upang paghandaan ang pagtungo kay Lumin.

“Aba.! Si Desto pala. Tuloy ka.!“ sabi ni Aling Maling nang makasungaw sa durungawan

Binuksan ni Mang Nario ang pinto. Pinatuloy niya sa salas si Desto na nagbigay-galang sa mga dinatnan. Pinaupo siya sa magkaharap na likmuang nagigitnaan ng isang mesita.

Napilitang lumabas si Lumin mula sa silid-lutuan. Katatapos lang niyang iligpit ang kinainan ni Leo nang marinig ang tinig ng panauhin. Para siyang kinabahan.

Si Desto nama’y pinung-pino ang kilos. Tila ba ngayon lang siya naging panauhin ni Lumin. Tumindig siya at bahagyang yumukod bago nagbigay-galang.

“Magandang gabi sa iyo, Lumin.“ sabi pang halata na ang nakatakdang masinsinan niyang panunuyo.

“Magandang gabi rin sa iyo, Desto.” ang sagot na paos ang tinig. Naupo siya sa kabilang likmuan. Tipid ang kanyang ngiti. Tunay na ang kabang nagmumula sa kanyang dibdib. Naalala niya ang sinabi ni Desto nang manggaling sila sa bisitas.

Maging ang tatlong matanda ay nanibago rin sa kilos ni Desto. Niyaya ni Aling Maling sa isang silid si Aling Moreng upang doon pag-usapan ang kanilang hinala. Lumabas naman sa balkonahe si Mang Nario upang doon naman magnilay. Mayroon silang nakatakdang suliranin na kung ‘di maaawat. Makakasama sa kanilang samahan at pag-ibig.

“Mag-isa ka ngayon. Nasaan sila.?“ tanong ni Lumin at itinago sa ilalim ng mesita ang dalawa niyang kamay. Magkakuyom at nanlalamig.

“Sinadya ko, Lumin. Nasasayang ang panahon. Sawa na ako sa pagbibilang ng bituin sa langit.” sagot ni Desto. Tuwid ang paningin sa kausap.

Napatungo si Lumin. Hindi malaman kung saan susuling ang paningin. Wari’y humahanap ng saklolo. Gayonman, pilit pa ring ibinigay ang wastong katugunan sa pakikipag-usap. “A-Ano’ng ibig mong sabihin.?“

“Payak lang, Lumin. Kung minsan, sagabal din ang may kasama. Hindi ko masabi sa iyo ang tunay kong damdamin.”

Lalong natilihan si Lumin. Dumalas ang kurap ng kanyang mga mata at hindi na gustong magsalita.

“ Ngayon.“ patuloy ni Desto. “kung baga sa panahon. Hinog na ang bungang matagal ko ring tiningala at binantayan. Napakatamis na upang pigtalin sa sungkit ng pagsuyo.“ ang sudlong pang pahaging, ngunit tuwid ang tumbok.

Mailap ang mga matang napasulyap si Lumin kay Desto. Talagang naninibago siya sa kanyang panauhin. Dati, hindi niya maringgan nang ganoong malalamuyot na pangungusap ang binatang kaharap niya ngayon. Umid ang dila sa ganoong paksa at hindi makabanggit sa kanya ni katiting na pasagilang bingit tungkol sa pag-ibig.

Saglit na tumigil sa pagsasalita si Desto. Napayuko. Inisip ang susunod na kataga. Ang pananambitan na paulit-ulit din niyang sinaulo nang siya’y nagpapapasok ng tubig sa saplad ng palaisdaan.

Tahimik din si Lumin. Patuloy ang kaba ng dibdib. Kung maaari lang, ibig na niyang put’lin ang salitaan. Wala siyang maisip na dahilan upang maawat si Desto sa pagtatapat ng pag-ibig. Naaawa siyang biguin ang binata o kaya’y papaghintyin at pagkatapos, mabibigo rin sa bandang huli at baka pa ito mapahiya.

Muling nag-angat ng paningin si Desto. Itinudla sa kaharap, kasunod ang wika.

“Kung alam mo lamang, nasasaktan ang kalooban ko kapag nakikita kitang kausap ng ibang lalake. Tulad kaninang umaga. Nakita ko kayo ni Leo, patungo sa bisitas. Naisip kong lumalayo ang agwat natin. Baka ako ang mahuli. Hindi kaya, Lumin.?“

Ang dalaga naman ang napayuko. Hindi matagalang salubungin ang paningin ni Desto. Mga matang nangingimbulo at nagmamakaawa sa kanya. Para siyang nasukol. Nanoot sa kanyang palad ang lamig ng pangamba, ngunit dagli ring naparam nang maalala at mapag-isip ang sinabi ng kanyang kaharap. “Siyanga pala, Desto. Nabanggit mo si Leo. Wala ka bang nabalitaan tungkol sa kanya.?“

“Wala.! Bakit.?“ nagtatakang sagot at tanong ng binata. Agad nagpaliwanag.

“Maghapon ako sa palaisdaan at malayo naman sa kabahayan ang aming tahanan.”

“Natambangan siya at nasugatan ng mga kalaban.!“ pahayag ng dalaga at kahit lagom lamang, naihayag niya ang mga pangyayari.

“May narinig nga akong putukan. Pero hindi ko pinansin sa dahilang ikaw ang nasa isip ko.” Sabi ni Desto.

Saka lang tumamis ang ngiti ni Lumin. Nahuli niya at nalaman kung bakit naging madulas ang dila ni Desto sa pananalita. Nahalata niyang saulado lamang ang lahat. “Halika’t puntahan natin siya at madalaw mo tuloy.” yaya pa niya at nauna pang tumindig.

Parang bantulot sa pagtayo si Desto. Halata ang pagkalito. Parang nalimutan ang susunod niyang sasabihin. Ang pinakamadali niyang isaulo ngayon ay ang sumunod na lamang kay Lumin.

Nasisiyahang tumango si Mang Nario nang maraanan siya sa balkonahe at magpaalam ang anak na lilipat sila sa kamalig. “Mabuti nga para malaman ni Leo ang kahalagahan niya sa mga taga rito.!“ habol pang sabi at ipinagpatuloy ang pagmamasid sa kadilimang tinatanglawan ng mga alitaptap.

Napadalas ang kamot ni Desto sa kanyang ulo habang sinusundan si Lumin. Ang talagnag pakay niya ay kailangang ipagpaisantabi muna. Mahirap madaliin pagkat ang pag-ibig niya ay tulad ng gabing iyon na babahagya lamang ang natatamong liwanag mula sa kamalig.

Tumawag muna si Lumin bago binuksan ang pinto. Nakita niyang nakaupo sa papag si Leo at nakasandal sa ilang patong na unan. “May panauhin ka.!“ nakangiti niyang bungad.

“Sino.?“ nakatawang tanong ni Leo. Bahagyang umangat sa pagkakasandal.

Hindi sumagot si Lumin. Pinapasok niya si Desto.

“Magandang gabi sa iyo, Leo. Kamustang sugat mo.?“ bungad ni Desto at marahan siyang lumapit upang ipamalas ang pag-aalala.

Gumanti ng kabutihang asal si Leo. Nakangiting inalok na maupo si Desto kahit sa magkakapatong na sako ng palay. “Wala nang sakit ang sugat ko. Baka bukas lang, maaari na akong magtungo sa bayan.“ sabi pa niyang tila pabiro.

“Leo.!“ nabiglang tawag ni Lumin. ”Kailangan mo pa ang pahinga. Magpalakas ka muna.” patuloy na wika ng dalaga habang nakaupo sa bingit na papag.

“Tama si Lumin.” ayon ni Desto. “Hayaan mo, bukas magpapadala ako ng sariwang hipon upang palakasin ang katawan mo.”

“Nakakahiya naman sa iyo, Desto.“ ani Leo.

Umiling-iling ang binatang nayon. Ipinaliwanag ang likas nilang kaualian. “Nasa pangangalaga ka ni Lumin. Katungkulan namin ang tulungan siya bilang isang kanayon.”

Napangiti si Lumin sa kanyang narinig. Lihim siyang humanga sa pagkakamaginoo ni Desto. Naakit siyang pakinggan ang pag-uusap ng dalawang binata.

“Tulad mo, Leo. Gusto ko ring makapagtanggol sa ating bayan, kaya lang, may sakit si Inang. Mahina ang kanyang katawan. Ayaw niyang lumayo ako at dadalawa ng lang daw kami sa bahay.”

“Nagawa mo na ang sinabi mo, Desto. Ikaw ang unang nagtanggol kay Lumin nang tangkain siyang kunin ni Buryas.

“Nakakahiyang isipin, Leo. Mabilis si Buryas. Kung hindi sa tulong mo, nasirang Desto na ako ngayon. Ikaw ang dapat na hangaan.”

“Hindi, Desto.” nakangiting sabi ni Leo, kasabay ang pag-iling. “Ang punto rito. Handa mong ipagtanggol si Lumin kahit malagay ka sa panganib.” ang sudlong kasunod ang pagsulyap sa dalaga.

Biglang napalunok si Lumin at saka lihim na inirapan si leo.

“Kung hindi naman sa bilis mo.” giit pa ni Desto. “Baka…”

“ Huwag na kayong magtalo.! “ sabad ni Lumin. “Para sa akin, kapwa kayo bayani.!“

Natawa ang dalawang binata. Sabay pang bumaling at iniba ang tanaw sa nasang hindi masuwatan dahil sa pagtatalo.

“Siyanga pala, Lumin. May sadya yata sa iyo si Desto, paano kayong mag-uusap dito.?“

“Galing na kami sa itaas.” mabilis na sagot ni Lumin sa pangambang ituloy ni Desto ang pagtatapat ng pag-ibig.

“Oo nga, Leo. Sige. Hindi na ako magtatagal.“ sabi na lang ni Desto, saka tumindig pagkat nahalata niya ang pag-iwas ni Lumin. Gayon man, ngumiti siya at nagpaalala ng kaukulang pag-iingat sa kalagayan ni Leo.

“Salamat sa dalaw mo, Desto,“ pahabol na wika ni Leo bago nakalabas ang kanyang panauhin.

Muling nagbalik si Lumin, matapos ipaalam sa matatanda ang pag-alis ni Desto. May dala siyang bakol at agad idinaan sa biro ang pagtatampo. “Nakakainis ito. Lagi akong ibinubuyo.“ at patalikod pang naupo sa papag. Kandong ang bakol.

“Ano’ng ibinibuyo.?“ pinipigil ang tawang tanong ni Leo.

Si Lumin ang natawa. Nadaig ang balatkayong pagtatampo, ngunit pinilit pa ring umingos. “Iniiwasan ko ngang magtapat ‘yong tao. Tapos, ipaaalala mo pang…”

“May sadya yata sa iyo si Desto.? Paano kayong mag-uusap dito.?“ sabi pang ginagad ni Lumin ang mga katagang binanggit kanina ni Leo.

Tumawang nag-iisip si Leo. Gusto niyang dagdagan ang panunukso. “Narinig ko yata ang sinabi niya sa iyo kaninang umaga.”

Bahagyang nagitla si Lumin. Humarap sa binata at nagwika. “Hindi lang pala kamay ang mabilis sa iyo.! Pati tainga.!“ saka siya tumawa bilang biro.

Nagbago ang himig ng salita ni Leo. Mababa. “Gusto ko lang malaman kung may pagtingin ka kay Desto noong nakalipas na panahon.”

Marahang umiling si Lumin. Ipinagtapat ang nasa loob. “Hanggang sa nakakabatang kapatid lang ang turing ko sa kanya. Walang nang iba.“

“Ilan taon na ba si Desto.?“ tanong ni Leo.

“Beinte anyos lang ‘yon. Dito sa lalawigan. Ang lalaking maglulupa at magdaragat, madaling tumanda. Bata pa ‘yon, samantalang ako ay beinte tres na.” nakatawang sagot ni Lumin.

“Alam ko.!“ nagmamadali namang sabi ni Leo.

“Siyempre alam mo, dahil kay…”

“Oo na nga.! Pero ikaw , ‘di mo alam ang nalalaman ni Perenya. Ako’y beinte kuwatro anyos na. Matanda na, ‘no.?“

“Hindi nga, ‘no.? Mukhang matanda pa sa iyo si Desto.“ pairap na sagot ni Lumin.

“Bakit ikaw.? Taga lalawigan din. Pero, tulad ka rin ng kakambal mo. Mukhang bata pa rin.!“

Muling umirap si Lumin, bago sumagot. “Kasi naman, pagdarasal lang at pagtuturo ang nakagisnan kong trabaho.”

“Kaya pala maputi ka dahil hindi ka nabibilad sa araw.”

“Nabibilad rin ako, pero hindi madalas. Inaako kasi ni Desto ang pagtulong kay Tatang. Kaya lang, talagang kapatid lang ang turing ko sa kanya.”

“Bakit naman.?“ tanong uli ni Leo at sinudlungan pa kung may ibang minamahal noon ang dalaga.

Napatingin si Lumin kay Leo. Matagal. Nakikimi ang tinig nang magsalita.

“M-Mayroon na.”

Tumaas ang kilay ni Leo. Parang sinusukat ang damdamin ng dalaga.

Makaitlong kumurap si Lumin. Hindi niya matagalan ang makipagtitigan kay Leo.

Ibinaling ang paningin sa iba at marahang kinalag ang tali ng isang sako ng bigas na nasa kanyang tabi.

“Maaari ko bang malaman kung sino ‘yon.?” tanong ng binata.

Bantulot ang tango ni Lumin. Hindi malaman ang isasagot. “Ka-Kaya lang, hindi ko masasabi sa iyo ang pangalan. Tahimik lang siya noon. Walang kinikimkim na paghihiganti. Nakamit niya ang pagtatangi ko dahil sa biglang pangyayari. Makalawang ulit na niya akong nahagkan sa labi.“ tumigil muna si Lumin sa pagsasalita. Sinimulan ang pagtatakal ng bigas upang ilagay sa bakol.

Matagal na naugnay ang paningin ni Leo sa nakayukong dalaga. Nililimi ang narinig at binabakas ang katotohanan.

Di kawasa’y naulinigan nila ang paglapit ng tatlong matanda. Nag-uusap at nangangapa sa dilim.

Tumindig si Lumin. Binuksan ang pinto at isinungaw ang hawak na ilawan.

“Kamusta’ng lagay mo ngayon, Leo.?“ tanong ni Mang Nario nang makapasok sa kamalig.

“Mabuti na ho.” ang sagot na nakangiti.

“Hindi yata nababawasan ang pagkain mo.?“ tanong naman ni Aling Maling habang inaayos ang ibabaw ng mesita.

“Marami na ho ang nakain ko. Pinapalitan lang ni Lumin.” muling sagot ni Leo.

“Mabuti naman.“ tumatangong sabi ni Aling Moreng. Nasisiyahan din. Ibig niyang lumakas agad si Leo.

Dumungaw sa maliit na durungawan si Mang Nario. Minasdan ang tahimik na kadiliman. Naisip niyang sa ganoong oras, kailangan ng tulog na si Leo. Tinawag ang anak. “Lumin, kahit ngayon lang na mahina pa si Leo, antabayan mo muna ang kanyang pagtulog. Aakyat na kami.”

“Huwag naman ho.” sansala ni leo. “Pagod na nga siya, mapupuyat pa.”

“Baka kailangan mo ang tulong.?“ ani Lumin. “Mahirap ang nag-iisa.“

“Lalo lang akong ‘di makakatulog kung nakikita kitang hindi pa nagpapahinga. “ tanggi pa ni Leo.

Hindi na kumibo si Lumin. Tumindig siya at sumunod na rin sa paglabas ng tatlong matanda. Kilik ang bakol.

Halos magdamag na ‘di nakatulog si Lumin. Nag-aalalang baka hindi nakaunawa si Leo at maniwalang may iba na siyang iniibig.

Naging palaisipan din kay Leo ang ipinagtapat ni Lumin. Pinagtagni-tagni ang nakalipas na pangyayari. Nagkuru-kuro at kapagkuwa’y ngumiti siya bago natulog.

Kinabukasan, laganap na ang liwanag nang magising si Lumin. Napabalikwas siya at kinakabahang nagtungo sa silid-lutuan.

Ang bawat sandali ay mahalaga sa isang nagmamadali. Nagkakandapaso si Lumin sa pagsasangag ng kanin. Ang balanang mabalingan ay tinatanong kung gising na si Leo.

“Tulog pa.” sagot ni Aling Maling sa bungad na batalan. Hawak ang nakatimbang gatas ng kalabaw.

Saka lang napanatag ang loob ni Lumin. Nagbuntong hininga at isinabay na rin ang pag-aayos sa sarili.

Ilang sandali pa ay bumaba na sa batalan si Lumin. Dala ang agahan ni Leo. Napangiti pa siya nang makita ang mga kanayon na kausap ni Mang Nario.

“Lumin.“ tawag ng ama. “May dala silang pagkain ni Leo.” ang sabi pang kasunod ang mga tao.

“Ineng, isama mo na rin ang munting nakayanan namin.“ anang isang matandang babae.

“Naku naman po.! Maraming salamat po sa inyong lahat.“ anang dalaga at nalarawan sa kanyang mukha ang kasiyahan pagkat maipagkakapuri niya kay Leo ang kagandahang loob ng mga taga nayon. Malalim kung tumanaw ng utang na loob.

Nagsunuran ang mga tao kay Lumin na patungo sa kamalig. Sari-sari ang kanilang bitbit. May gatas ng kalabaw, itlog ng manok, atay ng baboy, mga bungang kahoy na hinog sa panahon at ang pumipisig pang hipon na padala ni Desto.

Gising na si Leo. Nakaupo sa gilid ng papag at pinakikiramdaman ang papalapit na usapan sa labas.

“Magandang umaga sa iyo, Leo.” halos sabay-sabay na bati ng mga tao.

Nabigla man ay nakuha pa ring gumanti nang paggalang si Leo. Nakita niya ang mga pagkain na sapat upang siya ay lumakas. Para siyan nahihiyang ‘di mawari at pinanay na lang ang pasasalamat sa bawat pnauhin.

Maging si Lumin ay dinalas amg pakikilugod sa mga tao. Ang paghawak sa kamay ng bawat panauhin ay tanda ng isang tinatanaw sa buhay.

“Itinuturing ka nilang bayani.” ani Lumin nang makalabas ang mga tao. “Ang karamihan sa kanila ay ina ng mga batang iniligtas mo sa bisitas.”

Umiling si Leo. Hindi matanggap ang ganoong pagkilala sa kanya. “Ang ginawa ko’y bunsod lamang ng isang paghihiganti.”

Umiling din si Lumin. Ipinagpilitan ang malaking kabawasan sa panliligalig ni Buryas. “Tumahimik dito sa nayon at natamo ang kahit pansamantalang katiwasayan. Di ba malaking bagay iyon.?“ tanong pa ni Lumin.

Ang pagtatalo nila’y nauntol sa pagdating ni Wana, kasama ang ilang tauhan. Muling nilinis ang sugat ni Leo at kailangan ding palitan ang nakatapal na gasa.

“Ilang araw lang, lubusang matutuyo ang mga sugat mo, Leo. Lapat ang pagkakatahi at sapat ang karagdagang gamot na galing sa siyudad.” sabi ni Wana, matapos bigkisan ang katawan ni Leo.

“Nakakahiya naman sa iyo. Naaabala ka tuloy.” anang binatang nagpapasalamat at sumulyap pa kay Lumin, pagkat pagod rin ito sa pagtulong kay Wana.

“Wala kang dapat alalahanin.” sagot ni Wana. “Magkatulong tayo sa ating layunin. Dapat lang na magkaisa tayo at inaasahan ko namang hindi mawawala sa atin ang pagbibigayan. Kahit ano’ng hilingin mo sa akin, pagbibigyan kita.

Tumango lang si Leo. Wari’y naunawaan niya ang ibig sabihin ni Wana. Hindi siya nagsalita at sumulyap na lamang kay Lumin.

Nagniningning ang mga mata ni Lumin. Parang alam din niya ang pahiwatig ni Wana. Magiging matiwasay siya kung tama ang kanyang hinala, ngunit iyon ay nasa isip lamang. Nahihiya siyang magsalita at baka iba ang gusto ni Wana. Binalingan na lang niya ang mga pagkaing bigay sa binata upang sinupin.

Di kawasa’y isang hiyaw ang narinig mula sa labas ng kamalig. “Dumarating si Torio,!“

Tumindig ang dalawang babae. Sumungaw sa pinto si Wana at si Lumin nama’y sa munting durungawan. Nakita nila ang pagdating ni Torio. Ang nakatalagang tiktik sa bayan. Nakasakay sa kalabaw at humahangos sa paglapit.

“Bakit ngayon ka lang.? Sana, naibalita mong may nag-aabang sa bukana ng bayan.!“ bungad ni Wana na may paninisi.

“Mahirap kunin ang pagkakataon.“ hunihingal na sagot ni Torio habang nakatanaw sa kanya ang tatlong matanda na nakaupo sa lilim ng puno.

“Bakit.?“ tila galit pang tanong ni Wana at saka lumabas sa kamalig

“Itinaboy ni Garuda ang mga taong malapit sa bukana. Ayaw palabasin ng bayan sa pangambang makarating ang balitang nagbabantay sila at nag-aabang ng kalaban. Kahit gabi, nagbabalak akong makalusot, ngunit may ilawan silang de pila, abot hanggang sa palayan ang liwanag at lagi pa silang nakasilip sa largabista.

Hindi ako makaraan. Kinabukasan, biglang nagkagulo. Patay ang mga bantay sa bukana. Ako ang unang lumapit. Kasunod ang ilang mamamayan. Kinuha namin ang mga nagkalat na baril at itinago sa aming mga bahay. Di nagtagal, dumagsa ang maraming dayuhan. Galit na galit si Garuda. Itinaboy ang gustong lumapit. Hindi na nagtanong kung sino ang kumuha ng mga baril sa akalang kalaban ang may gawa. Subalit nanatili sila roon hanggang gabi. Ngayon umaga lang ako pinaraan ng mga bagong palit na tauhan ni Sultan Kalagara. Nagkunwa akong magsasaka. May pasan akong araro at akay na kalabaw sa dahilan kong mag-aararo. Pumayag naman ang mga sira-ulong kalbo. Si Punong Alfon ang nagsabi sa akin na naririto ka raw.

“Naiintindihan kita, Torio. Pero, mas nakakasiya kung nadala mo rito ang mga baril.!“ ani Wana, matapos ang maluwag na paghinga.

“Mahirap, Wana. Mabigat, lalo na ‘yong dalawang masinggan. Tiyak na mahaharang ng mga bantay sa bukana.“ sagot ni Torio.

“Hindi bale. Tiyakin mo lang ang pagkakatago.“ ani Wana. “Kaya lang, muntik nang mamatay si Leo sa paliko.“

“Nasabi nga sa akin ni Punong Alfon. Nasaan siya.?“ tanong pa ni Torio.

“Halika. Pumasok ka.!“ aya ni Wana at nagpaunang pumasok sa kamalig.

“Magandang umaga, Binibining Dela Cruz, gayon din saiyo, Leo.” bungad ng bagong dating. Anyong nahihiya.

Magandang umaga rin sa iyo, Torio. Lumin na lang ang itawag mo sa akin. Tuloy ka.“ nakatawang aya pa ni Lumin.

“Gayon din sa iyo, Torio. Maupo ka.“ alok din ni Leo. “Nagkulang ako, Leo. Napahamak ka tuloy.”

“Wala kang kasalanan, Torio. Narinig ko ang katuwiran mo.” ani Leo at kinamayan pa si Torio habang nakaupo sa bulto ng palay.

Nakangiti lang sina Lumin at Wana. Papalapit naman sa kanila ang tatlong matanda.

Doon naman sa kuta ay naging palaisipan din kay Marcaida ang mga suliranin ni Garuda. Pinagtagni-tagni niya ang mga pangyayari at lumabas sa kanyang pagkukuro, sila’y nakasuong na sa panganib. Alam din niya na ang paglutas sa ganoong suliranin ay hindi natatapos sa marahas na paraan, kailangan ang matamang pagninilay at pag-iisa sa kapaligiran.

Nakasakay ng kabayong lumabas ng kuta si Marcaida. Nakasukbit sa kanyang balikat ang isang maliit na de makinang baril at ang pistol sa baywang.

“Ingat lang, Marcaida.” paalala ni Garuda. “Laganap na ang pangkat ng Anak-Parang sa kasukalan.“ dugtong pang may pamarali upang maging makatotohanan ang kanyang pag-aalala.

Ngumiti lang si Marcaida. Bahagyang ikinibit ang balikat upang ikama ang nakasukbit na sinturon ng thompson. Ang baril na mapamuksa na ‘di lang matiyak kung kanino iuumang sa nadarama niyang pag-aalinlangan. Gayon ma’y nagpasalamat din siya sa paalala at saka niragasa na kanyang kabayo ang landas na patungo sa batis.

Naiwan sina Garuda at Mostafa sa lilim ng isang punong kahoy. Nasa labas sila ng kuta at doon gingawa ang lihim nilang pag-uusap.

Ilang araw na lang, mabibitag ko rin si Marcaida. Ipakikita ko sa kanya na higit ang kagalingan ng tuso sa matalino.” sabi pa ni Garuda.

Napahawak sa baba si Mostafa. Nag-isip bago nagsalita. ”Bakit maghihitay pa tayo.? Daanin na lang natin sa biglaan.!” nakatawang umiling ang batikang kilabot. Sinabi ang tunay na layunin. “Ang gusto ko’y madaig si Marcaida sa sarili kong pamamaraan at saka ko siya hahalakhakan.!“

Nanlalaki ang mga matang napangisi si Mostafa. Umasam sa katuparan pagkat lagi ngang sila ang hinahalakhakan ng babaing espanyola.

Tiniyak ni Garuda ang tagumpay. Tumindig sa pagkakaupo at luminga sa paligid. Inutusan niya si Mostafa upang tawagin sina Sultan Kalagara at Datu Bidjik. Gusto niyang makibahagi sa pag-uusap ang dalawang tulad nilang ‘di binyagan. Hindi lang lang sa kaisipan kundi gagawin pa nilang katatawanan tulad ng mga nakaraang pangyayari.

Sa kabilang dako. Ang batis na dinarayo ni Marcaida ay nasa gawing malayo sa kabahayan, pagkat ang saluysoy na malapit lamang sa dati niyang kubo ay natutuhang gawing paliguan ng mga kilabot. Ayaw niyang makasalo sa batis ang mga iyon, lalo na si Garuda. Ngayon, nasa liblib siya ng batis na nakasanga sa ilog. Tiwasay ang kanyang kalooban. Hindi siya naniniwalang mararatimg ng mga Anak-Parang ang pook na iyon sa dahilang mula sa bantayan ng kuta ay tanaw ng largabista ang paligid at ang taong naroroon sa tore ay ang kaibigan niyang si Marata. Ang tanging natitira sa tauhan ni Kenji at kamag-anak ni Nau. Nagsimula ang pagkakaibigan nila nang iligtas niya si Nau sa lupit ng karatistang si Brus li.

Ang mga sandali ay umikot, at sa oras ding iyon, nakaharap na ni Garuda sina Sultan Kalagara at Datu Budjik. Sabay-sabay silang nagtungo sila sa dating kubo ni Marcaida.

May dalang tuba si Mostafa at nangunguna sa paglakad. Siya ang nangasiwa sa loob ng kubo upang maging maayos ang kanilang pagpupulong.

“Kailangang manatili tayo sa islang ito.!“ bungad ni Garuda nang sila’y pumaikot sa isang maliit na hapagang kawayan.

“Sana nga.!” natutuwang sabi ni Sultan Kalagara pagkat wala na silang puwang sa kani-kanilang bansa.

“Paano.?“ nag-aalinlangang tanong ni Datu Budjik. Naduduling ang mga mata sa pagtataka. Alam niyang dumarami na ang kanilang kalaban.

Biglang tumawa si Garuda at bigla ring tumigil. Dinampot ang baso niyang puno ng tuba. Sinagad ang tungga bago nagsalita. “Wala tayong suliranin sa kalaban. Matatag ang kuta at natitiyak kong hindi sila makakalapit.! Ang dapat nating unahin ay si Marcaida.!“

“Hindi ba’tgusto mo ring makaganti sa kanya.?“ kagyat na tanong ni Mostafa kay Sultan Kalagara.

Kagyat ding tumango ang tinanong. Hindi lang isa kundi ilang ulit na tango.

“Inaamin ko.! Naglalagot ang poot sa aking dibdib sa tuwing makakakita ako ng kalabaw na may hilang kareta. Ginawa akong kalabaw ni Marcaida.!“

Nagkatugma ang halakhak ng dalawang indones. Ganoon ang gusto nilang pagtawanan. Lalong sumisigabo ang kanilang pang-uudyok.

Masakit nga ang ginawa sa iyo ni Marcaida.! Kailangang makaganti ka rin sa paraang hindi tayo gagamit ng dahas.!“ sulsol pa ni Garuda sa nasang masubukan ang kanyang katusuhan, laban sa katalinuhan ni Marcaida.

“Mahirap yatang mangyari ang sinabi mo.?“ tanong ni Sultan Kalagara bago ibinaba ang hawak na baso. Nag-aatubili ang kalooban. Hindi matanggap na maigugupo nila ang katatagan ni Marcaida sa mahinahong paraan.

“Madali.!“ ani Garuda. Binilang ang kanilang ulo. Ibig sabihin, apat silang mag-iisip. Siya ang mangunguna. Kailangang maging makatotohanan ang panimula. Itinaas ang isa niyang paa sa upuan. Ipinatong sa kanyang tuhod ang isa niyang siko. Nangalumbaba, matapos alisin ang saklob sa ulo upang sumingaw ang init sa kanyang anit.

Tumahimik sa loob ng kubo. Walang imikan, ngunit tuloy ang tunggaan ng tuba. Taginting lang ng baso ang maririnig. Animo’y mga pipi na nakapangalumbaba at tirik ang mga matang nakatutok sa bubong ng kubo.

Ang tagisan ng utak ay parang nahahalintulad sa apat na malalaking buslo, laban sa isang maliit na lumbo. Isasalok sa tubig upang makita kung alin ang mas maraming laman. Ang lumbo ay isang tabo na walang butas.

Ilang araw din ang lumipas bago nabuo ng apat na kilabot ang inaakala nilang magandang bitag kay Marcaida. Naghanda sila at naghintay na lamang ng isang angkop na pagkakataon.