← Isla Busuanga
Chapter 11 of 14
KABANATA 11

CHAPTER 11- ANG PANGANIB SA NAYON.

“Ayoko, Leo. Uuwi nalang ako.“ may hinampong tanggi ni Lumin. Nangangambang marami ang manganganib, dahil sa kanya. Ayaw din niyang mawalay ang binata at handang tanggapin kung sa kanila manunuluyan.

Hindi nakaimik si Leo sa mabagal na pangangabayo. Nag-aalalang marami ang madaramay kapag lumagi siya sa nayon. Sinabi na lang ang isang paalala. “Ang panganib ay lagi kong kabuntot.“

Umiling lang si Lumin. Nanunukat ang kilos. Lumayo ang kanyang likod sa dibdib ni Leo at ipinahiwatig ang nakaraang pangako ng binata. Hindi siya pababayaan.

“Paano kung malayo ka.?“ tanong pa ng dalaga. “Tiyak na paaangkin ako kay Garuda, huwag lang mapahamak ang aking mga magulang.“ malungkot na sudlong kasabay ang pagpatak ng luha.

Nagbuntong hininga si Leo. Nadarama niya ang pagmamakaamo ng dalaga. Ang pagpatak ng luhang bumasa sa kanyang bisig habang hinihigit-higit niya ang lubid ng kabayo upang magmarahan sa paglakad at malubos ang kanyang pag-iisip. “Hayaan mo, habang nasa daan tayo, pag-aaralan ko ang alok mo.” wika na lang ng binata nang binabagtas nila ang makitid at dahilig na landas sa gilid ng tubigan.

Bahagyang sumigla ang baling ni Lumin kay Leo. Nakangiti na siya at muling sumandal sa dibdib ng binata. Umaasa siyang makakamit ang pagpayag ni Leo sa tulong ng Maykapal pagkat hindi naglulubay ang dalangin niyang makasama ang lalaking pinakamamahal.

Ang tagpo sa dalawang nangangabayo ay nakakatukso. Nakaipit sa dalawang bisig ng binata ang malambot na baywang ng dalaga. Kandong nito ang bayong na kung ano- ano’ng laman, kasama na ang maliit na de makinang baril. Magkaiba ang kanilang upo. Pabuka ang lalake at ang babae naman ay bahagyang nakatagid. Nakalawit ang dalawang paa sa isang tagiliran ng kabayo. Paminsan- misang ay itinataas ang mga paa at iniilag sa halaman upang ‘di masabit ang kanyang bakya .

Mistulang titis na nag-aalab ang damdamin ni Leo. Nakalimot. Parang nadadarang siya sa pagkakadikit ng kanilang katawan ni Lumin. Nalalanghap niya ang mabining halimuyak ng dalaga. Naalala niya si Perenya. Ang namayapang kasintahan na kakambal ni Lumin. Hinahanap niya sa gunita ang kaibahan habang sinasamyo ang malagong buhok ng dalaga na sadyang inilugay ng hangin.

“Mababait ang mga magulang ko.“ patlang ni Lumin sa katahimikan. “Matutuwa sila kapag sa amin ka nanuluyan.“ sabi pang kasabay ang pagbaling at bahagyang sumayad ang kanyang pisngi sa labi ng binata. Hindi niya pinansin.

“Ang inaalala ko lang.“ bantulot na sabi ni Leo. “Madaramay sa panganib ang taga nayon. Daragsa ang mga dayuhan.”

“Wala kang kasalanan, Leo.!“ pagdakay salag ng dalaga. “Sadyang nananakop ang mga dayuhan. Ang panganib ay talagang daratnan natin. Magulo kahit wala pa tayo. Ang mahalaga, magkaroon ng kasagutan ang mga suliranin sa pagdating natin.“

Hindi kumibo si Leo. Ninamnam ang paliwanag ng dalaga. Pinagbuti na lang ang pangangabayo sa maputik na landas.

Sa kabilang dako. Abala ang magkapatid na Aling Maling at Aling Moreng sa paghahanda ng pananghalian. Ang una’y gumagatang ng bigas sa lalagyang bakol at ang huli’y nagpaparikit ng apoy sa kalan. Nagmamadali. Sa kanila nakaatang ang pananghalian ng mga kilabot.

“Bawasan ninyo ang sinaing.” pukaw ni Mang Nario sa dalawang matandang babae. “Sa bayan manananghalian ang hayop na si Buryas.!“ sudlong pa ng matandang lalake, matapos mahugasan sa batalan ang maputik niyang paa. Galing siya sa labasan at nagmanman sa paligid.

“Nario.!“ tawag ni Aling Maling. ”Huwag mong pakalasan ang boses mo mo.! Ba-Baka …” sabi pang ‘di natapos. Agad nanungaw at nagmatyag.

“Huwag kang matakot. Mamaya pa ang dating ng mga mangangain.!“ paasik pa rin ang salita ni Mang Nario. Sumusulak ang dugo. Nanghihinayang. Kung maibabalik lang ang kanyang kabataan, hindi siya papayag na mangibabaw ang kasamaan.

Nakayukong tumawa ang dalawang matandang babae sa huling katagang binanggit ni Mang Nario sa paraang pasigaw at may diin.

Tutop ni Aling Moreng ang kanyang tiyan sa pinipigil na pagtawa. Naisip niyang ganoon pala ang tawag ni Mang Nario sa mga bandido. Ang mga mangangain.

Si Aling Maling naman ay kumakaba ang dibdib sa inaakala niyang bigla na lamang sumama si Mang Nario sa mga nagbabalak na lumusob sa bisitas upang iligtas ang kani-kanilang anak na doon ay nakakulong. May halong nginig ang kanyang sawata.

“Matanda ka na, Nario. Ang mahalaga, nakatakas ang ating anak at huwag mo ng sundan sa kaingin.“

“Talaga.!“ sagot ni Mang Nario. “Ako man ay nangangamba. Ayokong maulit ang ginawang panunubaybay ni Garuda kay Ateng Moreng nang tuntunin nila si Lumin. Kailangan ding makiisa ako sa balak nina Desto at ilang kabataan dito sa atin.!“ sudlong pang banta kasunod ang pagbayo sa pasamanong kawayan.

“Iyan na nga ba ang kinatatakot ko, Nario.“ hinaing ng asawa. “Gusto ma bang mauna pa akong mamatay sa iyo.?“

“Oo nga naman, Nario.” sabad ni Aling Moreng. “Magdasal na lang tayo. Nawa’y patnubayan ang gagawing pagsalakay nina Desto bago mananghali. Pero, Diyos ko.! Ano’ng laban nila sa mga bandidong may baril.?“ dugtong pang nag-aalala bao sinimulan ang paghihimulmol ng manok.

Samantala, bumilis ang pangangabayo ni Leo nang malagpasan nila ang makitid na landas at pagsuba sa kasukalan at burol. Ngayon ay palusong na sila sa malawak na tubigan.

“Makatawid lang tayo at makaahon sa panibagong burol.“ ani Lumin, matatanaw na natin ang likuran ng aming bahay.“ dugtong pa niyang turo sa tamang landas na kanilang tinatahak.

Hindi kumibo si Leo. Lalong pinabilis ang pangangabayo. Hindi bago sa kanya ang tinatawid nilang tubigan. Nasasabik din siyang makaharap agad ang mga kilabot.

“Leo.“ muling pukaw ni Lumin. “Ki-Kinakabahan ako. Mag-ingat ka. Marami sila.“ nangangatal pang dugtong ng dalaga.

Hindi rin kumibo si Leo. Hinigpitan lang ang pagkakayapos sa baywang ni Lumin. Nadarama niya ang pag-aalala ng dalaga. Pagkatakot hanggang sa matawid nila ang mabilis na agos ng tubig at marating nila ang sadyang pakay.

Hindi nagtagal, nagulat pa si Mang Nario at nangamba nang makita ang pagdating ng anak at kaangkas nang kung sinong lalake sa pangangabayo. Binitawan niya ang tinutulisang buho na wari’y gagawing sibat. Iginala ang paningin sa likod-bahay at humigpit ang hawak sa gulok.

“ Tatang.!“ tawag ni Lumin, sabay talon sa lupa at tumakbong palapit sa ama.

Umilap ang paningin ni Leo at tumalas ang pandinig. Humanda sa ano mang mangyayari.

Umabot hanggang sa lutuan ang tinig ni Lumin. Kumaluskos ang mga nasa itaas at gusto pang mag-unahan sa pagbaba ang dalawang matandang babae.

“Anak ko.! Bakit ka nagbalik.?“ bulalas ni Aling Maling at nilagpasan pa ang asawang hinihimas ang balakang.

“Inang.!“ sabik ding tawag ni Lumin, kasunod ang mahigpit na yakap. Pagkaraa’y bumaling din siya sa kanyang ama at saka yumakap, gayon din sa kanyang inale.

“Nakarating ka ba sa kaingin.?“ may kabang tanong ni Mang Nario. Malimit ang sulyap kay Leo.

“Naku.! Hindi po , Tatang.!“ sagot ng dalaga.

“Bakit.?“ agad na tanong ni Aling Maling

“Kasi po,“ simulang paliwanag ni Lumin. “Nang malapit na akong abutan ng mga tauhan ni Garuda, sinaklolohan ako ni… ay siyanga pala, Tatang. Siya po si Leo, ang nagligtas sa akin.!“ ang sudlong na may sigla, saka itinuro ang binatang mabagal sa paglapit.

May ngiting bumaba sa kabyo si Leo. Bahagyang yumukod at nagbigay ng pang-umagang paggalang.

Ngumiti naman ang tatlong matanda. Bahagya ring nagsitango at sumagot bilang pagtanggap sa bati ng binata.

“Lumin.!“ namamalikmatang tawag ni Aling Moreng. “parang siya ‘yong nakasama natin sa kubo ni Marcaida.?“

“Siya nga po, Inang. Nag-ahit lang po ng balbas, kaya nagbago sa paningin. Tiyak pong mabibigla kayo kapag nalaman ninyo ang kanyang kasaysayan.

Napatitig si Leo kay Aling Moreng. Ngumiti siya at naalala rin ang kubo ni Marcaida.

Natigilan ang lahat nang tumikhim si Mang Nario bago nagsalita, kasabay ang paghawak sa balikat ng kanilang panauhin. “Kahit hindi pa lubos ang ating pagkakakilala, maraming salamat sa iyo. Tumatanaw kami ng utang na loob.”

Ngumiti si Leo at magsasalita sana kung hindi naunahan.

“Aba.! Diyos ko.!“ biglang sabi ni Aling Moreng. May naalala. “Baka makita tayo ng mga bandidong mangangain.!“ dugtong pang ‘di malaman kung tatawa o matatakot sa kanyang sinabi.

Napamulagat din si Aling Maling. Naalala ang panganib. Sa kanila manananghalian ang mga sinasabing mangangain. Natatakot siyang muling mapawalay ang pinakamamahal niyang anak.

Muling humigpit ang hawak ni Mang Nario sa puluhan ng gulok na nasa kanyang baywang saka siya luminga at nagwika. Ginawang kuta ng mga demonyo ang tahanan ng Diyos. Binihag nila ang mga bata at ikinulong sa bisitas. Kaninang umaga, nagbigay ng babala si Buryas. Araw-araw, isang bata ang papatayin at isasabay sa paghuni ng ibong kalaw sa katanghalian.” ang sabing kulang sa paliwanag. Hindi niya sinabing si Lumin ang dahilan.

“O, Diyos ko.! Ba-Bakit naman.?” nag-aalalang sabi ni Lumin. Nangangatal at hindi mapawasto ang kilos. Talagang mapagmahal siya sa mga bata.

“Malupit sila, anak. Itatago kita. Maaaring gumagayak na silang magtungo rito.” nag-aalalang sabi ni Mang Nario at hinila ng kamay ng dalaga.

Hindi mapakali si Leo. Malikot ang paningin. Parang nauuhaw na palisin agad ang masasama. “Sandali lang ho.” nasabi na lang niya sa matatanda at mabilis na lumayo.

“Leo.!“ nabiglang tawag ni Lumin. “Mag-ingat ka.!“ habol pa niyang ‘di makaila ang labis na pag-aalala.

Natigilan man ay hindi nagpahalata si Mang Nario. Matapos sundan ng tingin si Leo, inaya niya ang mag-anak upang itago si Lumin sa loob ng kamalig. Doon niya gustong malaman kung sino si Leo at kung ano ang pagkatao.

Sa lansangan ay mabilis ang hakbang ni Leo. Alam niya ang bisitas na nasa gitna ng pamayanan dahil minsan ay dumaan na siya roon. At ngayon, mailap ang kanyang mga mata. Handang makitalad.

Tulalang napatingin ang mga mamamayan. Nagtatalo ang kanilang loob sa dahilang nakakapag-alinlangan ang hantad na kakisigan ni Leo. Naisip nilang hindi maaaring mapabilang sa tauhan ni Garuda ang ganoong anyo.

Ang ilang kalalakihan na malakas ang loob ay nagsunuran kay Leo. May hawak silang sibat na buho at gulok sa baywang, ngunit may agwat ang layon sa pakikibaka. Para silang nagbabakasakali na ang taong kanilang sinusundan nila ay ang nababalitang malakas pumuksa ng mga dayuhan.

Sa dakong unahan ng landas ay maririnig ang tungayawan sa harap ng bisitas. Binubulyawan ng tatlong kilabot ang mga magulang na naroroon. Pawang mga babae ang nag-iiyakan.

“Layo,! Lumayo kayo rito.! Ang sino mang lumapit, mamamatay.!“ sigaw ng isang marahas na kilabot at inihanda ang kanyang baril, bilang panakot.

Naghalakhakan ang iba pang kasama. Nanunuya sa nakita nilang pagkabalino ng mga magulng. Ang pag-awat ng mga kababaihan sa kani-kanilang asawa sa tangkang paglapit sa bisitas.

Sumukdol ang palahaw ng mga batang may bilang na sampo. Karamihan ay babae at kinakalampag na ang sawaling dingding ng bisitas. Sumisigaw at tinatawag ang mga magulang.

Maging ang tanod sa tore ng kampana ay nagmamarali rin ng kanyang machinegun. Iniumang sa mga tao at parang hayok na humahalakhak.

“Kapag tumirik ang araw at humuni ang ibong kalaw, makakarinig kayo ng isang putok mula saloob ng bisitas. Ibig sabihin, patay na ang isang bata kapag hindi nagpakita si Lumin.! Naiintindihan ninyo.? Huwag kayong susugod upang ‘di sumabog ang bomba sa loob ng bisitas.! Maliwanag.?“ pasigaw na paliwanag ng isa pang kilabot at may kayabangang hinugot ang kanyang pistol upang tupdin ang kanyang banta sa kinaroroonan ng mga bata.

“Huwag po.! Diyos ko.! Maawa po kayo.! Huwag po sanang humuni ang ibong kalaw. Huwag po sana.!“ hinaing ng isang ina. Naglulumuhod sa kalsada.

“Diyos ko po.! Pabalikin po ninyo si Lumin. Maawa po kayo sa anak ko.!“ sigaw pa ng isang ina. Naglulupasay sa lupa at tila wala na sa wastong isip.

Ang mga ama naman ay natitigilan. Nag-aalalang kung papasok sila sa bisitas baka ‘di lang isang bata ang mamamatay, kundi lahat kapag sumabog ang bombang ipinanakot nilang nasa loob ng bisitas. Bukod pa roon, mahihirapan silang lagpasan ang de makinang baril na nasa itaas ng kampana.

Ang lahat ay nakita ni Leo. Ang kaawaawang tagpo sa harap ng bisitas. Nakadukmo ang ilang ina sa dibdib ng kanilang asawa at tinataghoy-taghoy ang pangalan ng anak. Ang iba nama’y nangangayupapa at nagmamakaawang huwag sanang ang anak nila ang mamatay.

“Ipagdasal ninyong mabilaukan sana ang ibong kalaw upang ‘di makahuni.!“ humahalakhak pang sabi ng isang kilabot habang nakaupo sa karetang magtutungo sa tahanan ni Mang Nario. Hindi nila ginagawa ang gayong pagkuha ng pananghalian. Sila ang hinahatdan ng pagkain at kaya lang kay Mang Nario, kasama na ang paghahanap kay Lumin.

Patuloy ang paglapit ni Leo. Agad sumilakbo ang galit. Nanlisik ang mga matang pinaglipat-lipat sa mga kalaban. Handang bumunot ng baril ang kamay niyang napupuluputan pa ng tingga. Nalimutan na niyang tanggalin dahil sa simbuyo ng galit.

Biglang nanlaki ang mata ng taong nasa kareta nang mabalingan ang paglapit ni Leo. Pinakasuring mabuti at nang makatiyak. “Si Leo Ladoza.!“ malakas niyang sigaw nang makita ang kumikisap na baril sa sinag ng araw habang nasa baina pa ng taong papalapit.

Sa loob naman ng bisitas ay kasalukuyang tinatakot ng tila baliw na kilabot ang mga nag-iiyakang bata. Isa-isang tinutukan ng baril habang siya ay humahalakhak. Sabik na hinihintay ang paghuni ng ibong kalaw nang marinig niya ang isinigaw na pangalan ni Leo Ladoza. Bumungad siya sa pinto ng bisitas. Nakangising hinigpitan ang hawak niyang baril pagkat umaasang sila ang magiging bayani sa tingin ni Garuda kapag napatay nila si Leo.

Napabalikwas din ang bantay sa tore ng kampana. Agad ipinihit ang machinegun upang paputukan ang papalapit na kalaban.

Ang mga magulang naman ay karakang napabaling. Nawala ang iyakan at nangatigagal. Sinusuri ang bagong dating. Palipat-lipat ang paningin habang lumalayong pakubli sa mga maglalaban. Alam nilang magkakaroon ng patayan. Daranak ang dugo at karamihan sa kanila ay nag-antanda sa pag-asang may dapat silang kampihan.

Sa ganoong igting ng pangyayari, agad kumilos si Leo. Parang kidlat kung magpapulandit ng punglo. Unang tinudla ang nasa tore ng kampana at pabalibag na bumagsak sa lupa. Sinunod niyang binaril ang mga nasa ibaba. Parang pinaghahampas sa pag-ilandang. Sabog ang tungki ng kanilang ilong at mistulang sinikarang tumilapon sa malayo.

Isa sa mga kilabot ang matibay. Bago nalagutan ng hininga, nakuha pang kalabitin ang gatilyo ng kanyang baril na nakatukod sa lupa at lumikha nang sunud-sunod na putok.

Sa ‘di kalayuan, biglang napamaang si Lumin. Napatigil sa pagsasalaysay tungkol kay Leo nang marinig ang putukan. Kinabahan siya sa huling sunud-sunod na putok. Alam niyang iyon ay galing sa maliit na de makinang baril. Ang sandatang naging karanasan niya sa pagpatay ng sawa.

“Huwag kang mangamba, anak.” ani Mang Nario. “Isang tunay na lalake ang nagligtas sa iyo. Hindi siya magagapi kahit de rapido pa ang hawak ng mga Demonyo.!“ pampalubag na sabi at inatasan ang dalaga upang ituloy ang pagsasalaysay.

Kahit nag-aalala, nagpatuloy si Lumin. Hindi niya ipinagtpat ang tungkol kay Perenya upang hindi malambungan ng lungkot ang pagdating ni Leo. Liban sa pakakahalik sa kanya ng binata ay ipinagtapat na rin niya ang pagtatangi at pag-ibig na sa kubo pa lang ni Marcaida ay alam na ni Aling Moreng.

“Kaya pala iba ang suot mong damit.“ nakatawang sabi ni Aling Maling. “ kala ko’y pinahiram ng pinsan mong si Azon.” dugtong pa ng ina at humahangang hinaplos ang damit na bigay ni Leo.

“Nagkakagulo sa labas.!“ kinakabahang sabad ni Aling Moreng.

Sumilip sa siwang si Mang Nario. Tumawa at nagwika. “Si Leo.! Kasunod ang mga taga rito.!“

“Tatang, salubungin natin.” Ani Lumin at hindi na hinintay ang sagot ng ama.

Natawa lang si Mang Nario sa pagmamadali ng anak.

Tangka sanang susugod si Lumin kung hindi niya nakita ang maraming taong nakapaligid kay Leo. Umiral ang likas na kahinhinan kapag ibang tao na ang kanyang kaharap. Naghintay na lang siya sa loob ng bakuran at doon nagmasid.

Si Mang Nario ang sumalubong kay Leo, kasunod ang dalawang matandang babae. Bakas sa kanyang mukha ang pananabik at agad na nagtanong. “Ano’ng nangyari.?“

“Ipagpaumanhin ho ninyo ang pangyayaring kararating ko lang, karahasan agad ang nagawa ko.” parang nahihiyang sagot ni Leo, habang kasunod niya ang mga tao at pinagkakaguluhan sa kareta ang bangkay ng mga kilabot.

“Aba,!“ mulagat na bigkas ni Mang Nario. “Natutuwa pa nga ako sa ginawa mo, Leo. Salot sa amin ang mga hayop na iyan.!“ ang sudlong at paismid na dinunghal sa kareta ang bangkay ng mga tauhan ni Buryas.

“Tata Nario.!“ tawag naman ni Desto habang nakasakay sa kalabaw na humihila sa kareta. “Maraming magulang ang nagpapasalamat sa kanya.!“ ang dugtong at itinuro si Leo.

Tumawang malakas si Mang Nario. Ipinagkapuri ang pagiging bayani ni Leo sa mga tao. Inakbayan pa ang binata at tinapik sa balikat.

“Kahanga-hanga siya, Tata Nario.” muling sabad ni Desto. “Mabilis siyang bumunot ng baril at walang pasumala kung tumudla.!“ Pinatunayan pa niyang walang bomba sa loob ng bisitas. Panakot lang pala.

Muli na namang natawa si Mang Nario at muli ring dinunghal ang mga nakatihaya sa kareta upang tiyakin kung sa ilong nga nabaril. Dahil doon, naisip niyang tama ang salaysay ni Lumin.

“Teka nga pala, Desto.!“ baling pa ni Mang Nario. “Saan mo dadalhin ang mga bangkay.?“

Saglit lang ang pag-iisip ni Desto bago sumagot. “Sa bukana upang gawing panakot kay Buryas.!“ malakas pang sagot habang ibinababa ang mga sandatang nakasakay sa kareta. Nagmamadali. Gusto niyang makabalik agad pagkat namataan niya si Lumin sa loob ng bakuran.

Nakangiti namang sumalubong si Lumin nang pumasok sa pinto ng bakuran sina Mang Nario at Leo. Hindi siya nakapagsalita sa pangambang mahayag sa mga taong nakamasid sa kanya ang tunay niyang damdamin. Pinipigil ngunit hindi naman maitago sa kislap ng kanyang mga mata.

Agad ring binalingan ni Mang Nario ang dalawang matandang babae na nakamasid lamang sa mga pangyayari. Niyaya niyang umakyat sa bahay. Nagmamadali kasunod sina Leo at Lumin.

Hindi na sumunod ang mga tao sa nakabukas na pinto ng bakuran at tumalikod silang pauwi sa kani-kanilang tahanan, matapos ang huling sulyap ng pasasalamat kay Leo habang ito ay paakyat sa hagdan.

“Ngayon.” bungad ng matandang lalake nang sila ay nasa kabahayan na. “Magaan na ang loob ko sa hinanda ninyong pananghalian.” ang sudlong at hinudyatan ang kanyang maybahay upang ipagsandok ang dalawang bagong dating.

“Sandali lang, Leo. Tutulong ako kay Inang.” paalam ni Lumin matapos maupo ang dalawang lalake at makitang lumabas din si Aling Moreng.

“Inang.!“ tawag ni Lumin nang makalapit sa hapagan. “Bakit para sa dalawa lang po ang nakahain.?“

“Ay naku, anak. Ang Tatang mo, ayaw pauna sa mga bandidong mangangain. Tapos na kaming mananghalian.“ natatawang sagot ni Aling Maling, habang ibinubuhos ang kusilba sa malaking tason. Ang minatamis na bungang kahoy na pinalaon sa isang garapon.

Napakunot ang noo ni Lumin. Gustong tumawa ngunit hindi na nagsalita.

“Talaga ‘yang Tatang mo, Lumin.” umiiling na sabad ni Aling Moreng. “Kanina, bulung nang bulong. Ngayon, tuwang-tuwa sa pagpapasandok.!“ nagsisisting sudlong kasabay ang paghango ng ulam sa balanga.

Handa na ang lahat sa hapagan nang atasan ni Aling Maling ang anak upang tawagin si Leo.

Pahapyaw munang sinulyapan ni Lumin ang paligid bago tumalima sa utos. Nais niyang masiyahan si Leo at ganahan sa pananghalian.

Nakadalawang alok din si Lumin bago nabaklas si Mang Nario sa pakikipagkuwentuhan kay Leo. Nagulat pa mandin at nagpaunang inantabayanan ang binata. “Ikaw na ang bahala kay Leo. Asikasuhin mo siyang mabuti.” bilin pa niya kay Lumin. Nakatawa at saglit pang sinilip ang hapagan bago muling tinungo ang salas, kasabay ang dalawang matandang babae.

Mula sa banggera, kinuha ni Lumin ang isang lumbo na yari sa bao ng niyog at ipinatong sa hapagan. Sawsawan ng kamay sa paghuhugas ng daliri ni Leo.

“Kumain kang mabuti. Ngayon, ako naman ang maglilingkod sa iyo“ nakatawang sabi ni Lumin nang sila’y makaupo at mailapit lahat ang pagkain sa binata.

“Huwag naman, Lumin.“ maliksing saway ni Leo at ipinadama ang pag-aalalang baka hindi makakain ang dalaga.

“Sasabayan din kita.“ ani Lumin. “Ipaghihimay lang kita ng alimango. Tiyak na galing ito kay Desto.” Ang sudlong habang binabaklas ang isang talukap.

“Sino’ng Desto.? Iyon bang nakasakay sa kalabaw.?“

“Paano mong nalaman.?“ balik tanong ng dalaga.

“Sa dahilang bigla siyang sumigla nang makita ka.“ sagot ng binata.

Bigla ang tawa ni Lumin. May halong tunog at bigla ring itinakip ang palad sa kanyang bibig. “Mabait si Desto.” sabi pa niya. “Malimit siyang magbigay ng alimango.“

“Siya ba, Lumin.?“ tanong ni Leo bago tininag ang sabaw ng tinolang manok sa malaking tason.

Natigilan si Lumin. Pumiksi. Alam niya ang ibig sabihin ni Leo. Kunwa’y nagtatanong ang kanyang mga mata.

Nangingiting yumuko si Leo. Dinama ang tapat ng kanyang puso at ipinahiwatig ang isang pag-ibig.

Napapitlag si Lumin. Umiling nang paulit-ulit. Umingos at kunwa’y naiinis nang magsalita. “Hmp.! Kumain ka na nga.!“

“Sumabay ka na rin.“ yaya ni Leo at pigil ang pagtawa.

“Oo.“ sagot ng dalaga at ipinagpatuloy ang pagbasag sa malaking sipit ng alimango . Gamit ang pamukpok na kahoy at sangkalan.

Makaraan pa ang ilang sandali, muling nagbalik si Desto. Pamasid-masid lamang sa harapan ng bahay pagkat naramdaman niyang nasa oras ng pananghalian ang dalagang nasa itaas. Matagal siyang nag-isip at ipinasiyang sa gabi na lang magbabalik.

Sa sandali ring iyon, matapos kumain, pumasok si Leo sa kabahayan. Inantabayanan siya ni Lumin hanggang sa pintuan.

Tumindig ang tatlong matanda at inalok na maupo ang binata.

“Maraming salamat ho sa inyo.” parang nahihiyang sabi ni Leo, kasaba’y ang pag-upo sa tabi ni Mang Nario. “Nakakahiya mang sabihin, ngayon lang ho akong nabusog nang ganito.“ sudlong pang kasabay ang pagkamot sa batok.

Natutuwang napalingon ang tatlong matanda kay Leo. Isang magandang pangungusap ang sinabi ni Aling Maling ukol sa likas na ugali ng lahing silangan.

“Ang pagkain ay lalong sumasarap sa puso ng may bahay kapag nalalasahan at nakakabusog sa panauhin.”

“Leo.” patlang ni Mang Nario sa usapan. “Sana, dinggin mo ang aking kahilingan.”

“Ano ho ‘yon.?“ tanong ng binata at napatingin sa matandang lalake.

Tumikhim si Mang Nario. Nilahukan muna nang malasang sangkap ang gustong sabihin. Masigla ang ginawang pagsasaad tungkol sa mga isinalaysay ni Lumin. Kung paanong iniligtas ni Leo ang kanyang anak sa kamay ni Garuda. Ang pag-aalaga habang may sakit. Ang mapait na karanasan ni Leo sa kabilang pulo.

Sa bahaging iyon, natigilan si Leo. Naglipat-lipat ang kanyang paningin sa tatlong matanda. Naisip niyang baka alam na nila ang tungkol kay Perenya. Gayon man, hindi siya kumibo. Hinintay lang na manggaling sa kausap ang pagtatanong.

“Ibig ko sanang bigyan mo kami ng pagkakataong makabawi kahit kaunti lang sa pinautang mong loob.“ sabi pa ni Mang Nario.

Muling natigilan si Leo. Bigo siya sa gusto niyang marinig. Nagtataka ang kanyang tinig. “Hindi ko kayo maunawaan.”

“Leo.“ ani Mang Nario. “Sa amin ka na manuluyan. Nakikiusap ako.” ang sudlong na mataos ang pagtingin at pagsusumamo.

Nakamasid lang ang dalawang matandang babae. Bitin ang paghinga at hinihintay ang magiging katugunan ng kanilang inaasahan. Mahalaga pagkat dahil kay Leo, nawala ang suliranin nila kay Mang Nario. Ang pagsama kina Desto sa gagawing pagsalakay sa bisitas upang iligtas ang mga batang doon ay nakakulong.

Gumitaw sa isipan ni Leo ang kagustuhan ni Lumin. Natitiyak niyang napagkasunduan na ang kahilingan. Bumuka ang kanyang bibig. “Bago pa man ho kami nakarating dito. Naisip ko nang tanggapin ang alok ni Lumin. Lamang, huwag naman ho ninyong sabihing utang na loob ang naganap na pangyayari. Kahit sino, ganoon din ho ang gagawin, lalo na kung sadyang si Garuda ang talagang pakay.”

Napangiti si Mang Nario. Lalong humanga sa katuwiran ni Leo at nagpasalamat din sa tinamong kagustuhan.

Humiling din si Leo. “Kung maaari ho sana. Mas gusto kong sa kamalig manirahan upang hindi ako makaabala kahit anong oras akong umalis at dumating.“

Tumango si Mang Nario. Nayag sa kahilingan at pangakong si Lumin naman ang mag-aasikaso sa pangangailangan ng panauhin.

Muling natigilan si Leo. Halatang gusto niyang tumutol at nahihiya siyang mapaglingkuran.

Maagap ang dalawang matandang babae. Magkatuwang na nakiusap. “Sana’y ituring mo kaming magulang dahil sa ikaw ay ulilang lubos na. Itiwasa’y mo lang ang iyong kalooban at isiping nasa sarili kang tahanan.“ sabi pa ni Aling Maling.

Lalong sumigla si Lumin sa paglilinis ng kamalig. Para siyang lumakas. Nakaya niyang kaladkarin at ipasok sa kamalig ang papag na kawayan na sadyang nasa lilim lang ng punong mangga at ginagawang pahingahan ninuman. Namitas din siya ng ilang naninilaw na dahon ng isis sa isang maliit na punong halaman at saka inisis ang papag bago binanigan. Naging maayos at umaliwalas ang kamalig kahit ang loob ay naliligid ng saku-sakong palay at bigas.

“Dahil sa akin, nahihirapan ka ngayon.” bungad ni Leo nang makababa ng bahay at makitang pawisan ang dalaga.

“Habang buhay man kitang paglingkuran ay kasiyahan ko, dahil utang ko sa iyo ang aking buhay.“ baling ni Lumin sa binatang nakatayo sa pintuan.

“Kung hindi rin dahil sa iyo.” sagot ni Leo. “Baka doon pa lang sa kubo ni Marcaida, napatay na ako ni Garuda. At ngayon naman, kung hindi rin dahil sa iyo, baka naging mapusok ako sa pakikipaglaban at maaaring patay na rin ako.”

Bahagyang sumimangot ang dalaga. Isa-isang dinampot ang mga ginamit na panlinis bago nagsalita. “Talagang mahusay kang sumalag ng katuwiran kahit hindi totoo. Ang mabuti pa, magpahinga ka muna upang mabawi mo ang nakaraang puyat at pagod.!“ payo pa niya at padabog ang ginawang paghagis ng walis tingting sa sulok ng kamalig kasunod ang paghampas ng kamay sa balikat ni Leo, bago nagwika ng pgmamahal sa binata. “Ayokong makakarinig ng kamatayan tungkol sa iyo. Ayoko.” dagdag pang salitang malungkot .

“Bakit.?“ napapangiting tanong ni Leo.

“Da-Dahil mahal kita.” nahihirapang amin ng dalaga, kasabay ang paglabas sa kamalig.

Nakamasid lang si Leo. Parang may lumbay habang hinihintay niyang makaakyat sa hagdan ng batalan ang dalaga, bago siya naupo sa papag.

Pag-akyat ni Lumin sa batalan, agad siyang sumawak ng tubig sa tapayan upang maghugas ng paa at kamay. Pagkaraa’y tinungo niya ang matatandang nasa salas at doon niya ipinagtapat ang tungkol kay Perenya. “Nakakabigla ma’y lakasan mo po, Inang ang iyong kalooban.”

“Bakit, anak.?“ nangangambang tanong na nga ni Aling Maling.

“Ang Perenyang tinutukoy ko ay si Ima. Ang aking kakambal.”

“Ano.? Linawin mo nga, anak.!“ nabiglang tanong ni Mang Nario.

“Ayon po kay Leo. Talagang kamukha ko si Perenya. May nunal din sa batok at bata pa siya noon nang mawalay sa paglubog ng barkong sinasakyan ninyo.”

“O,Diyos ko.! Siya nga, Nario ang anak nating si Ima.” bulalas ni Aling Maling, kasunod ang hagulgol.“ Noon pa, naramdaman kong buhay pa si Ima. O, Diyos ko.! Sana po, magkaroon ng himala upang siya’y aming makita.!“ dagdag pang dalangin pagkat hindi man lang sila nagkaugnayan.

Nagtatagis ang bagang ni Mang Nario. Nangangarap na matagpas ang ulo ni Garuda. Gumagaralgal ang tinig nang magsalita. “M-Minsan, kakausapin ko si Leo. Dadalawin natin ang libingan ni Ima.

Pumatsak din ang luha ni Aling Moreng habang inaalo ang kanyang kapatid. Nanghihinayang din siya. Sana raw, dalawa ang pamangkin niyang mamahalin.

Nakadukmo naman si Lumin sa balikat ng kanyang ina. Umaalon ang dibdib sa pagtangis. Higit sa lahat, siya ang unang nagkaroon ng pagkakataong makita ang kanyang kakambal. Ngayon, sa gunita na lamang ang lahat. Bakas na lamang ang babalikan at kung maaari lang sana. Nais niyang magbalik ang nakaraang pistang bayan. Inipit ang kanyang pag-iyak nang magsalita. “Ang kahitang dala ni Inang Moreng ay pag-aari po pala ni Perenya. Ang mga alahas na pilit kong tinanggihan nang iyon ay pilit ding ibinibigay sa akin ni Garuda. Napakasakit. Tanggi ako nang tanggi. Iyon pala, alaala ng aking kakambal.“

Marahang tumindig si Aling Moreng at nagbukas ng aparador. Kinuha ang kahitang nakatago at isa-isang dinama ang mga alahas na naroroon, habang lumalagaslas ang luha. “Kaawa-awa kong anak. Tanging alaala na lamang ang aming makikita, buhat sa iyo.” ang sabi pang nagpasidhi sa kanyang pinipigil na pagtangis pagkat ayaw niyang makabulahaw sa kabilang kamalig na kung saan ay doon natutulog si Leo.

Samantala, nasa bayan nga si Buryas at buong kayabangang nagpaalam kay Garuda matapos malaman ang naging kamatayan nina kenji at nau. Masigla siya dahil lalong malulubos ang kapangyarihan ni Garuda bilang pangkalahatang pinuno ng mga kilabot. Nagmamagilas nang malaman na sa kanya nakaatang ang pagpatay kay Leo.

Tumilansik pa ang laway sa pagsasalita. “Ihaharap ko sa iyo ang bangkay niyang nakatihaya s kareta.!“

“Magaling.!“ nakatawang sabi ni Garauda. “Lalo kitang hahangaan kung maisasama mo rito si Lumin.!“ kasunod pang sabi na may dagdag. “Sa bawat araw.! Isang bata ang papatayin mo, hangga’t hindi nagbabalik si Lumin.”

“Garuda.! Mali ang paraan mo sa pagpapabalik kay Lumin.!“ sabad ni Marcaida nang ‘di sinasadya’y mapadaan siya sa mga kilabot. “Lalong darami ang mga kalaban mo.! Mag-aalsa rin ang mga taga Nayong Dalisdis. Magsisisi ka.! At ikaw naman, Buryas. Hambog ka rin naman. Alam mo ba ang katangian ni Leo Ladoza.?“ sudlong pang baling kasabay ang pagturo.

“Oo.!“ sagot ni Buryas. Mapula ang mukha at padaskol ang salita. “Siya ang tumalo kay Turla.!“

“Umingos si Marcaida. Isinampay ang tuwalya sa kanyang balikat at nanunuyang tumalikod upang sumakay sa karetang nasa labas ng bakod.

“Kaya kong talunin si Leo Ladoza.!“ habol pang sabi ni Buryas, saka humarang sa landas ni Marcaida.

Nakangising sumunod si Garuda. Gusto niyang mag-init si Buryas upang maging masugid sa tungkulin. Natutuwa siya kay Marcaida at balak pang gatungan sa pang-iinis. Alam niyang magaling ang dalagang espanyola sa pangangantiyaw. Tiyak na maghihimagsik ang kalooban ng sino man at magpapasiklab sa galit. “Daig ni Buryas ang kapatid kong si Turla.“ sabi pa niya,

“Tama si Garuda.!“ ayon ni Buryas. “Ako ang pangatlo sa kanyang bilis. Kaya kong talunin si Leo Ladoza.”

Namula ang mukha ni Marcaida. Hindi malaman kung tatawa o magagalit. Tumingin muna kay Garuda, bago bumulyaw kay Buryas. “Punyeta.! Kung si Garuda ay hindi uubra, ikaw pa.!“

Biglang nangitim ang mukha ni Garuda. Sa kanya tumama ang tudla. Higit na malaki ang gawak kaysa kay Buryas. Nanginig ang baba at nanlaki ang butas ng ilong.

“Kaya kong patayin si Leo Ladoza. Kahit tumulong ka pa.!“ pasigaw pang sabi.

Sa ‘di kalayuan ay nakamasid si Mostafa. Nakaupo sa pasamano ng kuwadra at nakikinig sa uspan. Agad siyang lumapit. Hindi papayag na masapawan ng gatang, kakalusin agad. “Totoo ang sabi ni Garuda.! Sa akin lang, tutulo ang utak ni Leo Ladoza.!“

“Puro kayo mayayabang.!“ asik ni Marcaida. “Tingnan ko lang ang galing ninyo.! Umpisahan natin kay Buryas. Dalian mo at baka ang naulinigan kong putukan mula sa malayo ay galing sa kinaroroonan ni Leo Ladoza.!“ ang sudlong at humahalakhak pang lumayo upang maligo sa batis. Bukod sa tuwalya, kapansin pansin din ang maliit na de makinang baril sa kanyang balikat.

Lumisan ding nag-aapoy ang damdamin ni Buryas. Hindi pinansin ang babala ni Marcaida. Higit na masakit ang inabot niyang panunudyo. Kung aalagatain, dalawa lang ang kinatatakutan niya sa baril. Sina Garuda at Mostafa. Isa rin siyang matibay ang dibdib sa patayan. Ayaw na hinahamak at ginagawang maliit sa pataasan ng galing.

Ang sama ng loob ay ibinunton ni Buryas sa pangangabayo. Madalas ang haplit at pinaaalimbukay ang maputik na lansangan. Naraanan niya ang kareta ni Marcaida. Lalo niyang pinabilisan ang pangangabayo upang kahit tilamsik lang ng putik, makaganti siya sa kinaiinisang babae.

Buong lakas na sumigaw si Marcaida. “Estupido.! Bumalik ka rito.!“

Bumaling naman si Buryas. Iniharap ang kanyang kabayo at tangka ring sumigaw, ngunit sa nanlilisik niyang mga mata, naaninag niya ang anyubog ng isang tila lalaking tulad ni Marcaida. Nakatayo sa kareta at pigil-pigil ang lubid ng kalabaw sa tangkang pagsibad dahil nagulat sa bigla niyang pagdaan.

Nangangalit pa rin ang bagang ni Marcaida, kahit tumigil na ang kareta. Umunat sa pagkakayuko at handang bumunot ng baril. Naghahamon ng isang desapyo.

Nawala ang panlilisik ng mga mata ni Buryas. Tumawa hanggang sa humalakhak. Itinuloy ang baling ng kanyang kabyo sa pag-ikot. Hindi niya pinatulan ang babae sa hudyat na rin ni Garuda. Kumakaway at itinataboy siyang palayo.

Nagtatawanan sa pinto ng kuta sina Garuda at Mostafa. Nakatanaw sila sa dalawang gusto sanang magsubukan sa baril. Pinigilan ng pinunong indones pagkat nanghihinayang siya kay Marcaida at upang masiyasat din ni Buryas kung ano ang naulinigan nilang putukan mula sa malayo.

Nagpatuloy sa paglayo si Buryas. Nagmamadali. Umaasa siyang babalik si Lumin na kasama si Leo. Iyon ang magandang pagkakataon na hinihintay niya upang maipakita kay Marcaida kung gaano siya kabagsik sa baril.

Doon naman sa bukana ng Nayong Dalisdis ay nakaabang ang binuong pangkat ni Desto. Siya ang umakong tatambang sa pagbabalik ni Buryas. Ang bilang nila ay hindi lalagpas sa sampu. Matatapang ngunit walang karanasan sa pakikibaka. Ang tangi pang sandata na alam nilang gamitin ay ang sibat na buho at ang gulok nilang nakasukbit sa baywang. Nakakalat sila sa mga kublihan. Ang tangka nila’y sibatin si Buryas kahit ito’y nakatalikod.

Subalit alinlangan si Desto nang magsalita. “Gusto kong makatiyak. Ikaw, Pule. Umakyat ka sa mataas na puno.! Pasama ka kay Omeng upang maliwanag ninyong makita kung may dumarating. Alam nating bihasa si Buryas sa paghawak ng baril. Ayokong may malagas sa atin. Kukuha ako ng baril kay Tata Nario. Kahit paano, pag-aralan natin ang paggamit.

Balisang tumango ang mga maiiwan. Ngkaroon nang makutim na sapantaha. Kinabahan, nakaramdam ng kabiguan. Ang kamatayan sa punglo ni Buryas. Ang kilabot na nakita nilang mayabang kung magpaputok ng baril. Walang mintis at tinatamaan kahit munting garapa lamang. Gaano na lang kung ang ulo nila ang patatamaan.

Kapapasok pa lamang ni Desto sa bakuran ni Mang Nario nang maulinigan niya ang panawagan ng mga naiwang kasama. “Bakit.?“ ang tanong matapos niyang damputin sa sulok ng bakod ang isang de rapidong Thomson.

“Dumarating si Buryas.!“ anang Pule. Humihingal sa pagtakbo.

“Kumubli kayo.!“ utos ni Desto sa mga kasama. Agad niyang sinuri ang hawak na baril. Pinag-aralan kung paano ang paggamit. Bahala na kung tama ang kanyang pagkakasa.

Sa gayong pagmamadali, nakukuha pang sumilip ni Desto sa siwang ng mga halaman. Nakita niyang rumaragasa si Buryas. Malapit na sa bukana at doon sa iniwan nilang kareta.

“Kumalat kayo.!“ muling utos ni Desto sa mga natatarantang kasama. Nahalata niyang may kaba ang mga iyon, dahil sa limit ng pagsulyap sa kamalig at para bang humihingi ng saklolo kay Leo.

Dahil sa alingasngasang iyon, bumaba si Mang Nario at may bagabag na gustong makibalita. Luminga-linga at tumanaw sa gawing bukana. Hindi na niya kailangan ang magtanong kay Desto. Natanaw niya ang papalapit na panganib. Nagmamadali.

Sa lansangan ay madarama pa rin ang nagpupuyos na damdamin ni Buryas, dahil sa naging paklian nila ni Marcaida. Mabilis ang paglapit niya sa bukana. Nananalim ang mga mata sa pag-asang doon magaganap ang paghaharap nila ni Leo. Ngunit una niyang natanaw ang karetang nakahambalang sa daan. Kahinahinala.

Agad narating ni Buryas ang tanawing iyon. Mga duguang bangkay ang kanyang nabuglawan. Pirat ang mga ilong at alam niya kung sino ang may gawa. “Leo Ladoza.!“ mariin niyang usal at tiniyak pang naroroon ang kanyang pakay. “ Nagkamali ka.! Hindi mo dapat na ipinakita sa akin ang tanawing ito kung sadya mo ‘kong tatambangan.!“ ang dugtong habang inihahanda sa pagputok ang hawak niyang Thompson. Pagkaraa’y iniwan ang kanyang kabayo at naglakad na lamang, palapit sa bahay ni Mang Nario. Palinga-linga at handang ibugnos ang galit.

Si Lumin ang higit na nasindak sa kilos ni Buryas. Nanginig ang kanyang katawan habang nakasilip sa awang ng durungawan.

Karakang umakyat ng bahay si Mang Nario upang tumulong sa pagsasara ng mga nakabukas na daanan. Kumuha rin siya ng gulok. Ayaw niyang gambalain ang inaakalang pagkakahimbing ni Leo sa kamalig. Alam niyang marami sila, sapat sa iisang kalaban.

“Na-Nario.!“ nanginginig na tawag ni Aling Maling nang makitang may tangang gulok ang kanyang asawa at handang bumaba ng hagdan. “Huwag mo kaming iwan. Mamamatay ako sa takot.“ sabi pang kasunod ang pangungunyapit at pag-iyak.

Natigilan si Mang Nario. Nag-isip. Nadarama niya ang panghihina ng asawa. Kailangang nasa tabi siya ng kanyang mag-anak sa oras ng panganib. Isinara na lang niya ang pinto at nag-abang na lamang kung aakyat ang kanilang kinatatakutan.

“Leo Ladoza.!“ narinig nilang sigaw mula sa labas.

Napakislot si Lumin. Kaba ang nagtulak upang balakin niyang bumaba at magtungo kay Leo, ngunit pinigilan siya ni Mang Nario.

“Hinahamon kita, Leo Ladoza.! Lumabas ka.!“ sigaw pa ni Buryas.

“Huwag kang lumabas, Leo.!“ nausal ni Lumin at itinuon na lang ang pagsilip sa kamalig.

Si Buryas ay nasa labas ng bakuran. Nasa mukha ang kabangisan at lalong nilakasan ang pagsigaw. “Huwag kang magtago, Ladoza.! Alam kong naririto ka.! Hinahamon kita.!“ paniniyak ni Buryas pagkat natanaw niya ang kabayong sinakyan ni Leo sa ilalim ng puno. Silakbo ang sanhi upang pagsunud-sunurin ang pagpapaputok ng baril. Paitaas.

Hindi mapakali ang mga nagtatago sa halamanan. May halong takot ang hangaring masibat si Buryas. Baka hindi tumama at sila naman ang ulanin ng punglo. Gayon man, kailangan nilang magtanggol upang masawata ang naririnig nilang pamali-maling tili ni Aling Moreng sa itaas ng bahay.

Ang katahimikan sa loob ng kamalig ay nagambala. Bumukas ang pinto at iniluwa si Leo. Mapupunang wala ang tinggang pabigat sa kanyang mga kamay. Handang makipaglaban. “Tinatanggap ko ang iyong hamon.!“ sigaw niya habang naglalakad sa gawing tagiliran ni Buryas. Tanawan ang agwat at nanlilisik din ang kanyang mga mata pagkat namumukhaan niya ang kilabot.

Gulilat si Buryas sa pagkakalingon. Tumatakam. Parang masarap na pagkain ang kanyang nakita sa pagsasalita. “Masusubok ko ngayon ang galing mo sa baril.! Humanda ka.!“ bulyaw pa niyang nakatawa at marahang ibinaba ang hawak na de makinang baril. Hindi inaalis ang tingin sa kalaban.

Naraanan ni Leo ang pangkat ni Desto sa halamanan. Sa kanya nakatingin at bakas sa mga mata ang pag-asa. “Ako ang kanyang pakay. Hayaan ninyong kami ang maglaban.“ ang sabing ‘di rin inaalis ang paningin kay Buryas at humakbang siyang palayo upang ‘di gaanong masindak ang mag-anak ni Mang Nario.

Nakangisi si Buryas. Nakasunod ang pananaw kay Leo at tila nangangati ang mga daliri sa pagbunot ng baril.

Si Mang Nario ay hindi kumukurap. Nakasilip sa awang ng durungawan at gustong makita ang magaganap na pangyayari.

Ang tatlong babae ay nakaluhod. Nakaharap sa altar at dumadalanging iisa ang kanilang sumamo. Ang kaligtasan ni Leo sa panganib.

Muling pumukaw sa katahimikan ang tinig ni Buryas. Nagyayabang . “Hinihintay ka ni Garuda.! Naipangako ko sa kanya ang bangkay mong nakatihaya sa kareta.! Pero, higit niyang hinihintay na maibalik ko sa kanya si Lumin.! Alam kong kasama mo siya.!“

Lalong sumulak ang dugo ni Leo. Tinanto ng hintuturo si Buryas bago nagwika.

“Para kang nakakatiyak.! Ngunit higit akong nakakatiyak na isa ka sa masugid na humabol noon kay Perenya.!“

Bigla ring nag-init si Desto nang marinig ang pangalan ni Lumin. Tumindig siya at tangkang umangan ng baril si Buryas.

Sa ganoong pagkakataon, ang dating mukhang unggoy na si Buryas ay parang naging musang. Isang alamid na nakakita ng bubuwit na sisilain. Mabilis siyang bumunot ng baril at umalingawngaw ang sunud-sunod na putok.

“He-Hesusmarya.!“ bumunghalit sa bibig ni Aling Moreng, kasunod ang pag-aantanda.

Napasubsob si Lumin sa balikat ng kanyang ina. Nag-aalala siyang baka kung napaano na si Leo.

Nanlaki naman ang mata ni Mang Nario sa pagkakasilip. Nakita niya ang buong kaganapan at kung sino ang tinanghal na bangkay. Si Buryas.

Hindi nagpabaya si Leo nang bumunot ng baril si Buryas. Nag-alala siyang baka mapahamak si Desto. Tatlong punglo ang agad niyang pinawalan at umuka sa ilong at mga mata ng kalaban.

Huli na nang magpaputok si Desto. Maraming punglo ang nasayang at ilan lamang ang tumama kay Buryas habang ito ay nakasandal sa isang malaking punong kahoy.

“Patay na si Buryas.! Ligtas ka na Lumin.!“ nagbubunying sigaw ni Desto at saka humarap sa tahanan ng dalaga.

Muling naglabasan ang maraming tao. Ilan sa kanila ang nakasaksi sa buong pangyayari. Nasisiyahan habang pinagmamasdan ang bangkay ng taong pinakamalupit at maituturing na salot sa kanilang nayon.

Lumapit si Desto kay Leo. Idinaop ang kanyang palad sa kamay ng taong nagligtas sa kanya. “Maraming salamat. Kung hindi dahil sa iyo, patay na ako.!“

Ngumiti lang si Leo at ipinagpag ang magkahawak nilang kamay ni Desto na para bang sinasabing wala ‘yon.

Natutuwa namang inako ni Desto ang pagkuha ng karetang nasa bukana upang isakay din si Buryas.

“Totoo nga palang mabilis ka, Leo.“ bungad ni Mang Nario sa paglapit.

“Hindi naman ho, Tatang. Kailangan lang para maiganti ko si Perenya.

“Mabuti na lang at natadtad ng punglo ang tulad niyang hayop.!“ mariing bigkas ni Mang Naraio habang nakadunghal kay Buryas.

Napatingin si Leo kay Mang Nario. Naisip niyang bukas na ang aklat ni Perenya. Ang talambuhaysa pagsasaad ni Lumin. Ang simula at ang wakas.

Hindi naman nagtagal, bumalik si Desto na sakay ng kareta. Nagmamasipag ang kilos at agad nagpatuwang kay Puke upang isakay ang bangkay ni Buryas.

“Paano po ba ito, Tata Nario. Saan ko sila dadalhin.?“ nanunuliraning tanong ni Desto, kasabay ang sulyap kay Lumin sa durungawan.

Anyong nag-isip si Mang Nario. Ayaw niyang mailibing sa lupang payapa na nasa bayan ang maruruming basura. Bumaling siya kay Leo bilang paghingi ng panukala.

“Para ho sa akin.“ ani Leo. “Gusto ko silang dalhin sa bayan. Si Garuda ang bahala sa kanila.“

“Tama ang sinabi mo.!“ natatawang sabi ng matanda. “Nangako nga pala ang makuskos-balungos na si Buryas kay Garuda. Dadalhin ka niyang nakatihaya sa kareta. Kaya lang, mag-ingat ka.“

“Salamat ho.“ sabay tango ni Leo at kinuha ang kabayo ni Buryas na nagkataong papalapit sa kanila . Akay ng isang bata.

Matapos itali ni Leo ang lubid ng kabayo sa hulihan ng kareta, sumulyap din siya sa mga nasa durungawan bilang pamamaalam.

Ligalig si Lumin habang tinatanaw ang papalayong kareta na magtutungo sa bayan. Natatakot siyang ‘di mawari. Ayaw niyang magkatagpo sina Leo at Garuda.

Kagat na ang dilim nang sapitin ni Leo ang bukana ng bayan. Mabagal ang kanyang pangangareta. Nakikiramdam. Iniisip kung paanong mailalapit sa kuta ang kanyang sinasakyan. Mailap ang kanyang mga mata at bawat kaluskos ay nililinga.

Tahimik ang kabayan. Madilim ang mga tahanan. Ang pangyayaring iyon ay nagsimula lang nang dumating ang mga kilabot. Maagang naghahapunan ang mga mamamayan at natutulog pagsapit ng dilim. Maging ang mga aso ay sa loob na ng bahay namamalagi. Tumataking lamang at hindi maaaring tumahol sa lansangan pagkat pinagkakatuwaan lamang ng mga kilabot. Binabaril sa ulo.

Ang namamayaning huni ng mga kuliglig at kagaykay sa gabi ay biglang binulahaw ng halakhakan, kalampagan at tudyuan ng mga lasing na kilabot sa isang pondahan.

Malayo pa ang nasabing tindahan nang bumaba sa kareta si Leo. Kinalagan ang kabayong nakatali sa hulihan ng sasakyan at hindi na sinino ang mga nag-iinuman ng tuba sa katuparan ng isang balak. “Kayo ang maghahatid ng kareta sa kuta.“ usal pa niya matapos itaboy na pasulong ang kalabaw at makasakay siya sa kabayo upang magbalik sa nayon.

Sa pondahan ay patuloy ang inuman ng tuba. Patuloy din ang kaguluhan. Ang mahahayap ng sigawan at paninindak.

“Kapag kami ang umiinom, huwag kayong magsasara.!“ palitang sigaw nina Mostafa at Datu Budjik. Sila pala ang pasimuno sa umpukan at sinisinok na sa kalasingan.

Natitiliang napaupo na lamang sa isang sulok ang matandang manininda dahil sinisisi ang asawa niya kung bakit hindi agad naitago ang inuming kabababa lang sa kanilang palatubaang niyog.

Samantala. Humihilis ang gulong ng kareta. Lumalangitngit sa paglapit dahil sa walang rumerenda. Lumilikha ng panibagong anyo sa mga lasing at gumagalaw sa kadiliman.

“Datu budjik.!“ tawag ng isang tauhang kalbo. “May dumarating na elepante.!“ sabi pa sa pagitan ng sinok at pagtawa.

“Gago.! Kambing ‘yan na may hilang barko ni Kenji.!“ salungat ng isa pang kalbo na uuga-uga sa pagkakatayo.

“Mga ulol.!“ bulyaw naman ni Mostafa. “Salubungin ninyo.! Sitahin kung sino ang sakay ng karaeta.!“ suglong pang nayayamot dahil ayaw niyang naaabala sa pag-inom.

“Ho-o-o.! Tigil.!“ padipang sigaw ng dalawang kalbo nang makalapit ang mabagal na sasakyan.

Tumigil ang kalabaw. Bumaling-baling ang ulo at saka suminga ng hangin.

Magkasabay namang lumapit ang dalawang lasing. Pumaling-paling din ang ulo at namumungay ang mga matang sinipat sa dilim ang sakay ng kareta.

“Si Buryas.! Lasing din.!“ pasinok na sabi ng isa at saka tumawa.

“Oo nga.! Tulog na sila.!“ anang isa pa at namaybay sa palibot ng kareta at ngumingisngis na tila baliw.

Hinaplus-haplos ng dalawang kilabot ang katawan ng kalabaw. Niyakap at hinalikan sa pisngi. Nang magsawa at wari’y hindi nagustuhan ang amoy ng kalabaw, nag-unahan sila sa pagsakay at sabay ring nahulog.

Nalingunan ni Mostafa ang pangyayaring iyon. Hindi malaman kung tatawa o magagalit sa dalawang tauhan ni Sultan Kalagara. Lumakad siyang pasuray-suray patungo sa kareta. “Sino ba’ng sakay.?“ tanong niya sa dalawang kalbo.

“A-Ang pangkat ni Buryas.! Lasing din.” sagot ng isa.

Biglang nag-init ang ulo ni Mostafa. Minadali ang paglakad upang usugin ang sinasabing lasing. “Buryas.!“ sigaw niya nang makalapit. Akmang aakyat sa kareta, ngunit hindi naitama ang paa sa wastong tutuntungan. Muntik pa siyang mangudngud dahil sa matinding galit at pagsigaw. Bumugnos ang nainom niyang tuba. Lumabas sa bunganga at ilong. Masakit sa pandama at bumara sa hingahan ang kinain niyang pulutan.

Matagal din bago nahimasmasan si Mostafa. Hindi na niya nilingon ang kareta. Ang tangka ay maglakad na lamang yamang malapit lang ang kuta. Ipauubaya na lang niya kay Garuda ang pagpaparusa.

Sa dilim ng gabi ay maaaninag na naglalakad ang pinaghalong pangkat nina Mostafa at Datu Budjik.

Isang kilabot ang umaakay sa lubid ng kalabaw. Ang iba’y nangagsabit sa hulihan ng kareta. May nahuhulog, may gumugulong sa daan at natitisod kahit sa maliit na sagka lamang.

Hindi naman nagtagal, sinapit nila ang kuta. Isang tauhan ni Mostafa ang tumapat sa pinto at isinigaw ang pagdating ni Buryas.

Umabot sa pandinig ni Garuda ang alingasngasan sa labas. Dali-dali siyang lumabas kahit nasa kasarapan ang kanilang hapunan.

Si Marcaida lang ang sumunod. Nasasabik siyang malaman kung ano’ng kinalabasan ng pagbabalik ni Buryas. Nakita niyang bukas na ang pinto ng kuta at pumapasok ang isang kareta.

“Nagbalik si Buryas.!“ nakatawang sigaw ni Garuda. “Ibig sabihin, natupad ang pangako niya sa akin.!“ sabik pang dugtong habang ipinupunas sa kanyang damit ang mamantika niyang mga kamay at agad ring nag-utos na bigyan siya ng sulo. Gusto niyang makita ang inaasahang anyo ni Leo upang ipagmalaki kay Marcaida. Ngumisi pa siya nang balingan ang nasa likurang espanyola.

Pakiling namang sinipat ni Marcaida ang papalapit na kareta. Naaninag din niya ang mga nakahiga sa sasakyan. Nag-aalinlangan ang kanyang pangmasid at pumiksing nakapamaywang.

Aligaga si Garuda. Hawak ang isang sulo at hindi pinansin ang mga sumalubong na lasing sa pangunguna ni Mostafa. Ang hanap niya’y si Lumin. Wala siyang makitang babae sa mga dumating. Idinunghal niya ang sulo sa kareta. Ang liwanag na pananglaw ay hindi sumapat upang labanan ang biglang pagdilim ng kanyang mukha. Nabayo niya ang tagiliran ng kareta at tigagal na nagmuni.

Sa sulok ng mga mata ni Mostafa, nakita niya ang ikinilos ni Garuda. Natawa siya hanggang mauwi sa halakhak. Umasa siyang magkakaroon ng gulpihan at naghintay siya kung gaano kalakas ang lalagapak sa katawan ni Buryas.

“Tarantado.!“ bulyaw ni Garuda at malakas na binayo sa ulo si Mostafa sa akalang kaayon ni Marcaida sa pangungutya.

“Ba-Bakit, Garuda.?“ tanong ni Mostafa, habang hinihimas ang kanyang ulo. Nagtataka. Ibinaling ang paningin sa kareta. Napamulagat sia at nawala ang pagkalasing. Nakilala niya si Buryas sa tanglaw ng liwanag.

Si Garuda nama’y muling bumaling sa kareta. Nangangalit ang bagang at inalimura si Buryas. “Ang sabi mo’y si Leo Ladoza ang ihaharap mong bangkay na nakatihaya sa kareta.! Bakit ikaw, tarantado ka.?” at saka tumalikod ang kilabot upang lumisan. Hindi sinasadya, natanglawan niya ang babaing espanyola.

Nakangiti si Marcaida. Nakatitig kay Garuda. Nang-uuyam ang paningin at pinabulalas ang isang malakas na halakhak.

Parang dinagundong ang tainga ni Garuda. Lalo siyang nag-init at pasigaw na nagbadya. “Para kang walang malasakit sa ating organisasyon.!“

“Estupido.!“ ganting sigaw ni Marcaida. “Kahit si Don Q, ay galit sa taong mayayabang. Iyan daw ang nomero unong razon kaya tayo naririto.!“ at tumalikod ang babae matapos lumura sa harapan ni Garuda habang lumalayong Humahalakhak.

“Tumawa ka ngayon.! Sa susunod , ako naman.!“ habol pang sigaw ni Garuda, kasunod ang pagpukol ng sulo sa dinaanan ni Marcaida.

Noon nama’y nakarating na si Leo sa Nayong Dalisdis. Malayo pa’y naririnig na ang yabag ng kanyang kabayo.

Agad sumilip sa awang ng kurtina si Lumin. Halos malunod sa galak ang kanyang puso nang matiyak kung sino ang dumating.

“Salamat naman at ligtas kang nakabalik.“ natutuwang salubong ni Aling Maling at napahawak pa sa braso ni Aling Moreng na nakikigalak din sa pangyayaring iyon.

Matapos isara ni Mang Nario ang pinto, siya naman ang nagsalita. “Mabuti na lang at walang nangyari sa’yo. Kamusta’ng lakad mo.?“

“Umayon lang ho ang tadhana sa gusto kong mangyari.“ sabi ni Leo matapos magmagandang gabi sa mga dinatnan at higit na kapansin-pansin ang malimit niyang pagsulyap sa dalagang nayon.

Lagi ring nakangiti si Lumin. Sabik ngunit hindi maipakita sa gawa ang kanyang pagmamahal. Nahihiya at ‘di maihantad sa mga magulang ang labis niyang pag-ibig at pasasalamat sa matiwasay na pagbabalik ng binata.

“O, sige.” sabi ni Mang Nario. “Habang inihahanda nila ang ating hapunan, ituloy mo Leo kung ano ang nangyari sa bayan.“ ang dugtong at pinagbuti pa ang pagkakaupo sa magkaharap nilang sopa ni Leo.

Agad namang lumabas ang tatlong babae. Tumuloy sila sa silid-lutuan. Masisigla at mabilis ang kilos, lalo na si Lumin.

Katatapos lang nilang maghapunan nang pumailanlang sa katahimikan ang taginting ng isang kudyapi. Mabagal ang himig at bumagay sa malambing na awiting nanunuot sa damdamin.

“May nanghaharana kay Lumin.“ mahinang bigkas ni Aling Moreng at luminga pa kay Leo.

Tumindig si Mang Nario at bahagyang sumungaw sa durungawan. Kapagkuwa’y ngumiti at hinudyatan ang kanyang asawa.

“Ako na ho ang magsasabi kay Lumin.” agaw ni Leo at tuluy-tuloy na nagtungo sa kusina. Inabutan niyang tumigil si Lumin sa paghuhugas ng pinggan at wari’y nakikinig sa umaawit.

“May nanghaharana sa iyo.” bungad ni Leo.

Bahagya pang nagulat si Lumin. Nakangiting humarap at nagwika. “Si Desto ang kumakanta.”

“Kabisado mo pala ang kanyang tinig.?“ tanong ni Leo.

Nagkaroon ng kahulugan kay Lumin ang mapanalakab na tanong ni Leo. Ang bahagyang pagkakangiti ng binata ay nagdulot ng kaba sa kanyang puso. Natigilan siya. Pilit pinaglabanan ang pangamba at tinimpi ang pagsasalita. “Paano naman, ugali na nila ang mangharana kapag wala rin lang magawa sa kanilang bahay.”

“Ang dahilan, maganda ka.“ nakangiti pa ring sabi ni Leo.

Nakangiti na rin si Lumin. Nawala ang kaba at pabiro na ang sagot. “Talaga.! Kamukha ko yata ang kakambal kong hinangaan mo.!“ ang sabing umiingos habang pinupunasan ang basang kamay.

Parang may sumundot sa puso ni Leo. Pilit ang pagtawa at agad ibinalik ang paksa sa nanghaharana. “Kung hindi ako nagkakamali, may gusto sa iyo si Desto.”

“Hayan ka na naman, a.!“ anang dalaga kasunod ang pag-irap.

“Totoo ang sinabi ko, Lumin. Handa siyang mamamatay sa pagtatanggol sa iyo.!“

Napasandal sa banggera si Lumin. Bumaba ang tinig. “Mabait si Desto. Parang kapatid lang ang turing ko sa kanya.“

Di kawasa’y natapos ang awit sa ibaba. Sumulyap sa batalan si Leo bago nagwika. “Pakisabi na lang sa matatanda ang pagbaba ko.”

“Ay.! Huwag, Leo.! Huwag kang manaog.! Samahan mo akong humarap sa kanila.!“ paimpit na pigil ng dalaga at hinila sa kamay ang binata.

“Nakakahiya, Lumin.” iwas ni Leo. Ayaw niyang makaasiwa at magimg bantay sa ganoong pagkakataon. Pinisil niya ang kamay ng dalaga bilang pagtanggi. Hidi naman nagpilit si Lumin. Pumasok siya sa kabahayan at nakita niya sa balkonahe sina Desto, Pule at Omeng na siyang gitarista.

Agad tumindig ang tatlong haranista nang makita si Lumin. Nagmagandang gabi at bahagya pang nagsiyukod.

Nakangiting gumanti ng paggalang si Lumin at inalok na muling maupo ang tatlong binata.

“Ikaw na ang bahala sa kanila, Lumin.” masiglang wika ni Mang Nario at tinapik pa sa balikat ang tatlong kanayon.

Saka lang naupo ang mga lalake nang makapasok sa salas si Mang Nario at makaupo ang dalagang kanilang hinaharana.

“Pasensiya na kayo kung naantala ang paglabas ko.” nakangiti pa ring wika ni Lumin.

“Kami nga ang nahihiya.!“ sagot ni Desto. “Baka naabala ka, Lumin.?“

“Hindi naman.” umiiling na sabi ni Lumin. ”Natutuwa nga ako at ang kaugalian ng ating nayon ay hindi pa ninyo nalilimutan.” Sabi pa ng dalaga at bahagyang umisod sa durungawan pagkat natanaw niya ang paglabas ni Leo sa kamalig. Ang pag-upo sa bangkong kawayan sa tabi ng mandala at kahit madilim, naaninag niya ang katamlayan ng binata.

“Sino’ng tinatanaw mo sa dilim,?“ tanong ni Desto at pahapyaw na tumanaw sa karimlan.

“Ha.?“ nabiglang wika ni Lumin. “Wa-Wala.“ nauutal pang dugtong at agad ibinaling ang pananaw sa lansangan upang iligaw ang paningin ng nagtanong.

“Huwag kang mag-alala kay Garuda.“ sabi ni Desto . “May bantay sa bukana at handa kaming magtanggol para sa ating nayon.”

Parang walang narinig si Lumin. Nakangiti lang at ‘di maiwasan ang panakaw na sulyap sa bandang gawi ni Leo.

Di kawasa’y humimig si Omeng. Nagpasakalye sa gitara at siya na rin ang umawit ng katutubong indayog ng dalagang silangan. Patungkol kay Lumin ang diwa ng kanta. Maganda ang pagkakahambing ng bawat kataga sa mutyang nililiyag. Nasa kilos ng gitarista ang maayang pagsinta at kumikindat pa ang mga mata hanggang sa matapos ang pagkanta.

Hindi nagbigay ng pagkakataon ang gitarista. Ayaw niyang makapamagitan ang paklian sa harapang iyon. Biglang kinalabit ang bagting ng kudyapi. Isang masayang pasakalye ang hinimig. Hinudyatan si Desto at tatlo silang umawit. Idinaan sa kanta ang isang kahilingan. Isinasaad na gusto nilang pakantahin ang dalaga.

Natigilan si Lumin, lalo na nang matapos ang kahilingan. Halata ang pagtanggi. Hindi mapakali. Patuloy ang panakaw na sulyap kay Leo at pagbuntong hininga.

Nakatanaw lang ang tatlong haranista. Nasasabik sila na muling marinig ang tinig ni Lumin kapag umaawit. Para bang may pipit-puso sa lalamunan kung kinakailangan ang indayog sa pagkanta.

“Huwag muna, Desto.“ samo ng dalaga. “Hindi pa napaparam ang sindak ko kay Garuda. Sa susunod na lang , ha.?“

Nakangiting tumango si Desto. Pinayapa ang kalooban ng dalaga. Pinasigla ang harapang iyon sa pamamagitan ng kanyang pagkanta.

Masaya man ang mukha at nakatingin si Lumin kay Desto, iba naman ang laman ng kanyang isip. Kahit palihim, nasusubaybayan niya ang kilos ng lalaking may pitak sa kanyang puso.

Doon naman sa ibaba, halata ang kalungkutan ni Leo. Tumindig siya at naglakad-lakad. Nakatungo. Bagsak ang balikat sa katamlayan. Ginugunita ang nakalipas nila ni Perenya. Madilim at masalimuot ang kanyang isip.

Samantalang sa balkonahe ay Masaya. Patuloy ang awitan at taginting ng bagting, ngunit patuloy pa rin ang pagmumuni ni Lumin. Hindi lang mahalata pagkat lagi siyang nakangiti. “Kapag nag-iisa, naaalala niya ang kakambal ko.“ bulong pa niya.

Hindi sinasadya, nasundan ng tingin ni Desto ang pagsulyap ni Lumin sa kadiliman. Nakita niya si Leo. Sa tingin niya ay nagbabantay sa paligid at hindi madalumat ang niloloob. Nahalata rin niya kay Lumin ang timping kalungkutan. Nabigyan niya ng kahulugan ang magkasalungat na anyo sa mukha ng dalaga. Laging nakangiti ngunit malamlam naman ang ilaw ng kanyang mga mata.

Nagbuntong hininga si Desto at pinakinggan na lamang ang gitaristang umaawit ng patula. Ang hindi masabi ni Desto ay idinaan na lang sa kanta ng kanyang kasama. Maganda ang buod. Isang pag-ibig na hindi maihayag ng isang binatang nayon.

Sa bahaging iyon, natawa si Desto. Naisip niya ang kalikasan ni Lumin. Isang bulaklak na isinupling at namukadkad sa nayon ay mahirap pigtalin sa tangkay ng panahon. Hindi malalanghap ang sanghaya kung sa iba nakabaling.

Matapos ang awitan at pagtatanong ni Desto kay Leo, namaalam ang tatlong haranista. Nag-aalala silang baka naiinip ang mga kasama nilang nagbabantay sa bukana.

“Mag-ingat kayo.“ ani Lumin. “Bihasa sa labanan si Garuda.”

Nasisiyahang nagpaalam si Desto sa paalala ni Lumin. Damdam niya’y handa siyang mamamatay sa pagtatanggol ng kanilang nayon. “Sakali mang ako’y mabigo.” sabi pa niya. “Umaasa akong hindi magpapabaya si Leo. Magagamit niya ang machinegun na ipinatago ng Tatang mo sa kamalig.” sudlong pa niya at saka sumungaw sa pinto ng salas upang magpaalam sa mga matantanda.

Makalipas ang ilang sandali, nag-utos si Mang Naraio kay Lumin upang tingnan kung ayos na ang tulugan ni Leo sa kamalig.

Sa batalan bumaba ang dalaga at kumatok sa imbakan ng bigas.

“Bakit.?“ nakangiting tanong ni Leo nang buksan ang pinto.

Hindi sumagot ang dalaga. Pumasok siya at tumitig sa mukha ng binata. Parang may hinahanap.

“Bakit.?“ muling tanong ni Leo. Naparam ang ngiti. Nagtataka, ngunit walang lumbay na mababakas sa kanyang mukha. Ibig niyang malaman kung bakit sinusuri siya ng dalaga.

Halata ang pagkahabag ni Lumin. Hindi siya sumagot. Umusal lang sa sarili. “Itinatago niya ang kalungkutan. Nagkukunwari lang siyang masaya kapag ako ay kaharap.”

“Bakit ba.?“ naguguluhan ngunit nakangiting tanong ni Leo. Kasabay din ang paghawak sa magkabilang balikat ng dalaga.

Napakagat-labi lang si Lumin. Halata ang pinipigil niyang pag-iyak pagkat wala naman siyang tamang maidadahilan.

“Ano ba’ng nangyayari sa iyo.?“ muli at muling tanong ni Leo, kasabay din ang marahang pagyugyog sa dalaga.

“Wa-Wala.“ napilitang sagot ni Lumin. “Teka’t aayusin ko ang higaan mo.” paiwas pang sudlong gayong kanina pa niya naihanda ang gamit ni Leo sa pagtulog.

Naghalukipkip ng kamay si Leo. Pinagmasdan ang paulit-ulit na ginagawa ni Lumin.

“Kamusta nga pala ang mga nangharana.?“ tanong pa niya.

“Mabuti naman. Tinanong nga ni Desto kung sino ka.“

“O, ano’ng sagot mo.?“

“Sabi ko. Ikaw ang nagligtas sa akin, nang…”

“Hindi ‘yan ang gusto kong itanong. Baka nag-aalala siyang maging hadlang ako sa kanyang hangarin.?“ agap na tanong ni Leo.

“Marahil ay hindi naman. Sa katotohanan nga, humanga pa siya nang malaman ang ginawa mo. Bayani ka raw.” Pakli ng dalaga at humarap na kay leo.

“Labis namang papuri ang sinabi niya. Ang totoo, kahit wala ka roon, talagang maglalaban kami ng mga humahabol sa iyo. At ako pa nga ang dapat magpasalamat. Kung hindi kita itinakas, malamang, patay na ako sa dami ng punglong naiwasan ko mula sa kalaban.

“Lalo mo akong pinahanga, Leo. Ibang-iba kang talaga kung magpakumbaba. Sige, magpahinga ka na. Aakyat na ako.“ ang paalam at tinungo ng dalaga ang pinto.

“Sandali lang, Lumin.”

“Bakit.?“ tanong ng dalaga at ‘di naituloy ang pagbukas ng pinto.

“Kanina, napakagat-labi ka at anyong maiiyak, bakit.?“ tanong pa ni Leo.

Nasaling ang damdamin ni Lumin. Agad nagbadya ang pusong umiibig.

“Nasasaktan ako kapag nakikita kitang nalulumbay sa iyong pag-iisa.“ sabay bukas ng pinto at agad lumabas ang dalaga upang ikubli ang luhang gustong sumungaw sa kanyang mga mata.

Kinabukasan, madilim pa nang bumangon si Leo. Isinuot ang tsaketa at sumbrerong nagpadilim sa kanyang mukha. Matapos tiyaking puno ng punglo ang kanyang baril, pinasan naman ang de makinang baril na may mahabang saluksukan ng bala at isinampay naman sa kabila niyang balikat. Sa pagbukas niya ng pinto, nabugaran niya si Lumin. Nagmamadali.

“Kahit kape lang, uminom ka muna nang mainitan ang sikmura mo.”

“Salamat, Lumin. Bakit maaga kang gumising.?“ tanong pa ni Leo at saka ibinaba ang mga nasa balikat. Kapagkuwa’y hindi tasa ang inabot kundi ang kamay ng dalaga.

“Kanina pa ako gising. Pinakikiramdaman kita. Kaya lang, hindi ko alam na ganitong oras ka aalis.“ sagot ni Lumin.

“Nag-aalala akong bka maagang sumalakay sina Garuda, bilang ganti sa nangyari kay Buryas.“

“Aabangan mo sila.?“ nangangambang tanong ng dalaga.

Tumango si Leo bago sumagot.“ Aabatan ko sila sa lansangan upang ‘di madamay ang mga taga rito.“

“Paano ang pagkain mo.? Hindi pa ako nakapagluto.“

“Napakabait mo, Lumin. Huwag kang mag-alala. Sanay ako sa kagubatan. Hindi ako magugutom.“ ani Leo at saka lang binitawan ang kamay ng dalaga. Subalit hindi naman niya napigilang haplusin ang pisngi ng dalaga hanggang sa leeg.

“Mag-ingat ka. Bumalik ka agad, ha.?“ paalalang bilin ni Lumin matapos mainom ng binata ang kape at makasakay sa kabayo, kandong ang de makinang baril.

Ilang saglit lang ang lumipas. “Magpahinga na kayo, Desto. Ako naman ang magbabantay sa banda roon.” sabi ni Leo nang maraanan niya sa bukana ang mga tumalagang magtatanggol sa nayon. Nakita rin niya ang maliliit na de makinang baril na hawak ng mga bantay.

“Iidlip lang kami, Leo. Babalik din ako.“ habol na salita ni Desto sa papalayong binata.

Makalipas pa ang ilang sandali. Umakyat si Leo sa isang mataas na burol. Doon sumilay sa kanya ang malagintong silahis ng bukang liwayway sa silangan. Doon din niya iniumang ang de makinang baril, paharap sa lansangan na patungo naman sa bayan. Manaka-naka’y sumisilip siya sa teleskopyo upang tiyakin kung may dumarating.

Ang hinala ng mga taga nayon ay hindi nakabula. Higit sa Baryo Wawa, dalawang kareta at kabayuhang pangkat ng mga kilabot ang patungo sa nayon. Iyon ay pinamumunuan ni Mostafa. Wala si Garuda pagkat ayaw niyang iwan ang kuta. Wala siyang tiwala sa mga singkit na mas makiling kay Marcaida at baka agawin ang kanyang pamumuno.

“Tulad nang ginawa ni Garuda sa Baryo Wawa.!“ sigaw ni Mostafa. “Ang mga nakakabayo ay sumunod sa akin. Papasukin natin ang kagubatan.! At kayo namang nasa kareta, dito sa lansangan daraan. Bibiglain natin sila pagkat sa dami ng punglong tumama kay Buryas, tiyak na may katulong si Leo Ladoza.!“ sabi pa niya.

Matapos pumalaot sa kasukalan ang pangkat ni Mostafa, nagpatuloy naman ang dalawang kareta sa malubak na lansangan.

Agad nanalim ang mga mata ni Leo nang matanaw sa palikong landas ang kareta ng mga kilabot. Dagling ipinamulsa ang ginamit niyang teleskopyo at saka inihanda ang de makinang baril. Para siyang uhaw na sinisipat ang nauunang kareta.

“Kaunting lapit pa.!“ usal ni Leo. Umiigting ang bagang sa galit, ngunit lingid sa kanya, papalapit din ang pangkat ni Mostafa sa burol na pinag-aabangan niya.

Ganap na ang liwanag ng umaga sa naturang pook nang mabulabog ang mga ibong nanginginain sa paligid. Pumunit sa katahimikan ang nakakabinging pagpapaputok ni Leo. Nangangalit ang kanyang kalam’nan sa walang tantan na panunudla.

Labis na nasalanta ang mga kilabot sa nangungunang kareta. Sila ang lahing singkit na sadyang iniumang ni Mostafa sa bugso ng panganib. Ang kasunod namang kareta na sinasakyan ng mga tauhan ni Sultan Kalagara ay naglundagang pababa upang mangubli sa kasukalan.

“Nasa burol ang nagmamasinggan.!“ sigaw ng isang kalbo na may tali pa sa ulo. Halos lumuwa ang mata sa galit. Patakbong nagbalik sa kareta at iyong hawak sa de makinang baril, agad naganap ang walang patumanggang pagpapaputok. Sanhi upang magulat ang kalabaw at paragasang itinakbo ang karetang sinasakyan ng kilabot. Parang umaalon kaya hindi maitama ang malaking baril na nakapatong sa unahang upuan ng sasakyan.

Gumanti si Leo. Nakipagsabayan. Nagsalubungan ang mga nakakamatay na punglo. Umaangil at sumisiyok sa hangin.

Parang pinutakti ng punglo ang nananalasang kilabot. Nangingisay hanggang sa mabalaho ang kanyang kareta sa isang lunbak.

Tumigil sa pagpapaputok si Leo nang wala na siyang makitang nakahantad na kalaban. Hindi niya matiyak kung gaano pa karami ang kanyang kabarilan pagkat ang mga iyon ay malayo pa sa pananaw.

Sa bahaging iyon, ginamit ni Leo ang kanyang baril na kumikinang. Dinugtungan ng silindrong tubo at saka ikinama ang teleskopyo sa ibabaw ng baril. Sa ngayon. Larawan ng isang makapangyarihang sandata ang hawak ni Leo. Malakas at kayang patamaan ang kahit nasa malayong kalaban.

Nagsimulang igala ni Leo ang kanyang panilip. Maliwanag niyang nakita at nakilala ang mga tauhan ni Sultan Kalagara. Mga kalbo at may tali pa sa ulo. Mga lukayong nagsisipangubli sa kasukalan. Nanlilisik ang mga mata, ngunit sadyang hindi nila makikita ang lumalapit na punglo. Isa-isang bumaligtad ang mga tauhang inutasan ni Sultan Kalagara upang tumulong kay Mostafa. Nabubutas ang tali nila sa noo at nanginginig sa pagkakayukayok.

Nalibang si Leo sa panunudla. Lingid sa kanya. Natanaw na siya ng pangkat ni Mostafa mula sa kasukalan.

“Ang ulol.! Siya pala ang bumibira sa lansangan.!“ galit na asik ni Mostafa at pahablot na nang-agaw ng baril sa katabi niyang tauhan. Ang baril na mataas ang kalibre. Mahaba at pangmalayuan ang lakas. “Tiyak na ikaw si Leo Ladoza.! Sabog ang utak mo.!“ bulong pa niya at patalong bumaba sa kabayo. Pinagbuti ang pag-asinta sa kalabang nasa malayo at nakatagilid sa kanya.

Biglang umangil ang sunud-sunod na putukan. Sabog ang ulong bumaligtad kay Mostafa ang katabi niyang tauhan, kaya nawala ang puntirya at hindi naitama ang pagtudla kay Leo.

Napabaling si Mostafa sa pinagmulan ng putukan. Nanlaki ang kanyang pananaw sa dami ng mga Anak-Parang na lumulusob na galing din sa kagubatan ng Baryo Wawa. Higit na mahalaga kay Mostafa ang sarili niyang kaligtasan kaysa buhay ng mga naggagandahang dilag ng Isla Busuangga. Mabilis niyang dinaklot ang maliit na de makinang baril mula sa namatay niyang tauhan at agad bumirang walang puknat sa mga nakakubling kalaban.

Marami rin ang nalagas sa pangkat ng Anak-Parang, dahil bihasa ang mga kilabot sa paggamit ng baril.

Natuon ang pansin ni Leo sa dalawang pangkat na naglalaban. Nakita niya sa teleskopyo ang mga pangyayari. Nasa tagibang na kalagayan ang mga Anak-Parang. Mauubos. Kailangan ang mabilis niyang pagtulong. Agad niyang ipinihit ang machinegun at pinaulanan ng punglo ang gawi ng mga dayuhang manlulupig.

Parang hinalukay ang mga kilabot. Narindi sila sa bangis ni Leo. Marami ang nangabulagta at mapalad namang nakapangubli si Mostafa sa isang malaking punong kahoy at tiniyak ang kaligtasan sa ‘di pagsungaw.

Tumapang at lumakas ang loob ng mga Anak-Parang nang malamang nasa panig nila si Leo. Sabay-sabay silang lumusob habang nagpapaputok.

“Atras mga bata.!“ sigaw ni Mostafa. Umiral ang karuwagan sa nakitang gipit nilang kalagayan. Dagling tinalon ang isang kabayo at mabilis na tumakas kahit nagkakandasalabid sa mga sanga at baging, kasunod ang ilang tauhan na sakay din ng mga kabayong nakaligtas sa putukan.

Nagbunyi ang mga Anak-Parang sa pamumulot ng mga sandatang nagkalat sa lupa, ngunit makikita rin sa ilan ang luha ng kalungkutan dahil sa kamatayan ng karamihan sa kanila.

“Sayang.!“ ani Wana. “Nakatakas pa ang hayop na si Mostafa. Kay tagal kong inasinta kung bakit ‘yon pang katabi niya ang tinamaan ko.!“

“Hindi pa tayo bihasa sa paggamit ng baril. Muntik pa tayong maubos kung hindi tumulong si Leo.“ sabi ni Alfon at malungkot na bumaling sa mga nasawing karamihan ay babae.

“Halika’t puntahan natin.“ lumuluhang yaya ni Wana at nagpaunang tinalunton ang masukal na patutunguhan.

Nakamasid lang si Leo. Itinukod ang kanyang siko sa de makinang baril at saka nangalumbaba habang naghihintay.

“Tama ang hinala kong ikaw ang nakikipalaban.!“ nakatawang bungad ni Wana nang sapitin nila ang burol.

“Tama rin sa oras ang pagdating ninyo.“ sagot ni Leo at marahang tumindig. Kinamayan sina Wana at Alfon.

“Ayokong matulad sa Baryo Wawa ang Nayong Dalisdis. Alam kong gaganti si Garuda sa ginawa mong pagpatay kay Buryas. Naghanda kami, ngunit lagi mo kaming nauunahan.

“Pareho din ‘yon, Wana. Kung hindi kayo dumating, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin.”

“Mahihirapan silang daigin ka, Leo. Kami ang dapat magpasalamat sa iyo. Muntik na kaming maubos kung ‘di ka tumulong.“ sabay turo sa mga kasamahan niyang may buhat-buhat na sugatan at patay na ang karamihan.

“Kawawa naman sila.” sabi ni Leo. “Ngunit sa ngayo’y malaking dagok din kay Garuda ang sinapit ng kanyang mga tauhan. Hindi ko siya nakita sa labanan.“ dugtong pa ni Leo.

“Hindi ko rin siya nakita.” ani Wana. “Kung nagkataon, tatakas din siyang dala ang alaalang halos maubos ang kanyang tauhan.!“ dugtong pa ng babae.

“Ngunit higit na masakit ang kamatayan ng mga tauhan mo. Mga babaing dapat sana ay nasa tahanan lamang.“

“Huwag kang manghinayang, Leo. Alam kong maligaya silang namayapa pagkat natakasan na nila ang kaapihang idinulot sa amin ng mga buhong na dayuhan. Sa kabila pa roon ng kamatayan, may buhay sila roon na ang kapurihan ay sinlinis at puti ng alapaap. Limot na nila ang maruming karanasan dito sa lupa.

Tumangu-tango si Leo sa kanyang narinig. Damdam niya’y ganoon din ang nadarama ng babaing pinuno kung naging kabilang iyon sa mga nasawing palad.

“Siyanga pla, Leo.” sabi pa ni Wana. “Magtatayo ako ng himpilan sa burol na ito, upang sa tuwina’y may hahadlang kay Garuda.!“ dugtong pang may tatag dahil sa mga sandatang nasamsam nila at hindi lang maibulalas na gusto rin niyang lusubin ang kuta.

Noon nama’y abala si Alfon sa pangangasiwa kung saan dadlhin ang bangkay ng mga Anak-Parang na kung saan nakatira. Ang mga kilabot naman ay ililibing sa lumang kamposanto.

Pagkaraan pa ng mga sandali, napasuntok si Garuda sa hapagan nang malaman ang buong pangyayari sa ulat ni Mostafa. Nagdilim ang kanyang mukha at padabog na ibinalibag ang basong may tuba.

Ang usapan at pagkabasag ng baso ay naging sanhi upang lumapit si Marcaida at karakang sumabad sa usapan. “Hindi importante kay Don Q, kung maubos man ang alepores mo rito, Garuda pagkat madali niyang palitan. Pero ang mabalitaan niyang napapasa ibang kamay ang mga sandatang iniingatan mo, tiyak na hindi ka niya mapapatawad.!“

Hindi kumibo si Garuda. Nanlilisik ang mga matang tumitig sa babae at saka biglang tumawa na tila may ibig sabihin.

“Ba’t ‘di ka magresponde, Garuda.? Hindi makukuha sa pagtawa ang bagay na ito.!“

Biglang tumigil sa pagtawa si Garuda nang magsalita. “Huwag kang magalit, Marcaida. Ngayon ko lang naisip. Kung talagang may malasakit ka sa ating organisasyon. Bahaginan mo ako ng iyong talino, tulad nang pagtulong mo noon kay Kenji. Kalimutan na natin ang alitan.

Natigialan si Marcaida at tila naiilang sa sinabi ni Garuda. Namaywang siya at gumilas ang tindig, ngunit nag-ikom lamang ng labi.

“Inaamin kong malaki ang pagkakasala ko sa iyo.” sabi pa ni Garuda. “Ngunit sa kalagayan nating ito, damay ka rin sa suliranin. Ayokong maubos ang aking mga tauhan. Matutulungan mo ba ako.?“

Saka lang natawa si Marcaida bago nagsalita. “Kung ganyang aminado ka sa iyong pagkakamali, bakit hindi kita tutulungan, lalo na kung ang ating organisacion ang nakataya. Sabi mo, ayaw mong maubos ang iyong tauhan. Madali lang. Ang baluarteng ito ang pangontra sa kalaban. Materiales fuertes. Kahit ang buong mamamayan ng Isla Busuangga ang umatake, walang magagawa. Bakit kailangan pang lumabas kayo ng bayan, samantalang dito lang, bastante tayo sa mga pangangailangan.”

“Paano si Lumin.? Gusto ko siyang makita.!“ giit ni Garuda.

“Kalimutan mo muna siya, Garuda. Tungkulin muna bago ang puso. Hintayin mong dito lumapit ang mga sagabal upang mabuksan ang landas na patungo kay Lumin.“

“Parang may katuwiran ka, Marcaida. Saka na lang ang pag-ibig. Sa ngayon, ako naman ang mag-aabang sa bukana ng bayan. Paghahandaaan ko ang muling pagpasok dito ni Leo Ladoza.!“

“Ikaw ang bahala, Garuda. Tiyakin mo lang na laging preparado ang ilalagay mong guardia upang hindi makapasok maging ang grupo ng Anak-Parang,! Intiende.?“

“Oo, Marcaida. Gagawin ko ang payo mo.“ nakatawang wika ni Garuda. Subalit kung napansin lang ng babae, may kahulugan ang huling ngisi ng kilabot at ang pagkindat kay Mostafa.

Muli na namang lumipas ang mga oras. Sa ganoong kanayunang tulad ng Nayong Dalisdis, kapag ang araw ay kanina pa lumubog, sinasabing malalim na ang gabi nang pumasok si Leo sa bakuran ni Mang Nario. Tahimik ang paligid at laganap ang kadiliman liban sa bahagyang anag-ag ng liwanag mula sa loob ng kamalig.

Matapos maitali ni Leo ang kanyang kabayo sa puno ng mangga, pumasok siya sa kamalig. Pasan ang naturang baril. Nagulat pa siya sa nakitang palayok na nakasalang at umaaso pa sa init ng bagang nasa tungkong kalan. Nakita rin niya si Lumin. Nakayupyop sa unan na nakasandal sa ulunan ng papag at wari’y nakatulog sa paghihintay. Ibinaba niya sa sulok ang de makinang baril.

Gulat na napabalikwas si Lumin nang maramdaman ang kamay na dumantay sa kanyang balikat. “Leo.! Sa-Salamat at ligtas kang dumating.!” lito sa kaligayahang wika ng dalaga. Hindi mapawasto kung paanong aayusin ang buhok niyang humarang sa mukha nang siya’y tumayo.

Nabakas ni Leo ang luhang bumasa sa pisngi ng dalaga at halatang galing sa pag-iyak. “Hindi ka na sana naghintay. Napuyat ka tuloy.” mahina pa niyang bigkas habang hawak sa magkabilang balikat ang dalaga at madarama sa tinig ang pagkahabag.

“Puyat na ba ito.? Tulog nga ako nang dumating ka.” nakatawang sabi ni Lumin.

“Kailangan ding ihanda ko ang iyong hapunan. Sandali, sasandukan kita.“ masigla pang dugtongng dalaga at marahang kumawala sa pagkakahawak ng binata.

Nakatingin lang si Leo sa ginagawa ng dalaga. Matamlay ang kanyang pananaw at may lakip na habag.

“Nagsigang ako ng dalag. May halong puso ng saging na butuan, kaya puti ang sabaw. Halika na.” yaya pa ni Lumin sa binatang patuloy ang pagmasid sa mabilis niyang kilos.

“Napapagod ka nang dahil sa akin. Nakakahiya tuloy sa matatanda mo.”

“Naku, Leo.! Bayani ka sa kanila. Sila pa nga ang nag-utos na dalhin ko rito ang kalanan para daw manatiling mainit ang pagkain mo.

Umiiling na tumawa si Leo. Gayon ma’y nagpasalamat siya habang naghuhugas ng kamay sa nakahandang lumbo. Pagkatapos, naupo siya sa harap ng hapag- kainan.

“Saluhan mo ako.“ aya pa niya sa dalaga.

Tumango si Lumin at pasawak na naghugas ng kamay. Tumawa siya at nagsalita.

“Ngayon ko lang naramdaman ang gutom. Kanina pang tanghali, wala na akong ganang kumain.”

Gulilat na nagtanong si Leo. “Bakit.?“

Nagtapat si Lumin. “Nang marinig naming ang putukan, hindi na ako mapalagay. Ganoon na lamang ang kaba ko. Lagi akong nakatingin sa daraanan mo, ngunit hanggang sa humapon, hindi kita matanaw. Si Desto ang nakita kong pauwi. Saka lang ako nakahingang maluwag nang sabihin niyang naroroon ka at abala sa pakikipag-usap.

Lumalim ang habag ni Leo. Nahayag na naman ang tunay na damdamin ng dalaga. Pinilit niyang ‘di pansinin at sinagot ang wastong kadahilanan. “Napalaban nga ako at nakatulong ko pa ang pangkat ng Anak-Parang sa paghadlang kay Mostafa.“

“ Napatay n’yo siya.?“ agad na tanong ni Lumin at ‘di naituloy ang pagsubo.

Umiling si Leo at nagwika. “Nakatakas siya. Labis na nanghinayang si Wana, pero agad siyang nagpasiya. Gagawin niyang himpilan ang pook na iyon upang maging handa sa muling amba ng panganib. Naghintay pa kami roon hanggang sa gumabi, ngunit walang dumating na ganti ng kalaban.

“Naging kamag-aral ko noon si Wana. Malimit ko rin siyang maisama rito kapag panahon ng mga bungang kahoy.” ani Lumin habang tinitinikan ng isda si Leo

“Masakit din ang naging karanasan niya sa kamay nina Garuda at Mostafa. Sa palagay ko, siya ang magiging mahigpit kong kaagaw sa paghihiganti.”

Hindi kumibo si Lumin. Sumulyap lang kay Leo. Ipinagpatuloy ang pagkain hanggang sa sila’y makatapos at makapagligpit.

“Matulog ka na.“ anang dalaga at saka nagpaalam na siya’y lilipat na sa kabilang bahay.

Lumapit si Leo kay Lumin. Marahang hinawi ang buhok na humarang sa mukha ng dalaga bago nagsalita “Kanina, may bahid ng luha ang pisngi mo. Umiyak ka ba.?“

“A…E..Na-Naisip kong baka nagbalik ang inyong kalaban.” wari’y nahihiyang sagot ni Lumin at bahagya pang napayuko.

Inangat ni Leo ang baba ng dalaga. Tinitigan, sabay ang salita. “Ganyan din kung mag-alala si Perenya. Paano kong paglalabanan iba ka sa kanya.? Paano rin kung makalimot ako at mahagkan kita, tulad nang ginagawa ko sa kanya.? Mapapatawad mo kaya ako.?“ mga tanong na wari’y nagsusumamo.

Nalito ang dalaga. Hindi malaman ang isasagot. “E-Ewan ko, Leo. Naguguluhan ako sa mga tanong mo.“ halos pabulong niyang bigkas at saka bumaling sa pinto upang lumabas.

“Lumin.” habol ni Leo. “Bukas, hindi ako aalis ng maaga. Matulog ka lang.”

“Talaga.?“ maang na baling ng dalaga at nakangiting napatitig sa binata.

“Oo, Lumin. Gusto kong pagbigyan ang kahilingan ni Wana. Ipaubaya ko raw sa kanya ang araw ng bukas sa paghihintay ng kalaban. Gusto niyang makatiyak sa paghihiganti pagkat alam din niyang kakaunti na lang ang bilang ng mga dayuhan.

Napahawak sa kamay ni Leo si Lumin at naliligayahang nagbadya. “Samahan mo na lang akong mamupol ng bulaklak sa gubat.”

Agad namang tumango si Leo, ngunit gumitaw sa kanyang isipan ang nakaraan. “Talaga bang mahilig ka rin sa bulaklak.?“

“Oo, Leo. Pero ang iba ay ilalagay ko sa bisitas.“

Hindi na kumibo ang binata, hanggang sa ihatid niya ng tanaw ang dalagang lumingon pa sa kanya bago tuluyang umakyat sa hagdan ng batalan.