← Isla Busuanga
Chapter 10 of 14
KABANATA 10

CHAPTER 10- BANTA NG PAGSUBAYBAY

Iba naman ang nasa isip ni Garuda habang pinagmamasdan ang pagbaba ni Aling Moreng na galing sa loob ng kuta. Sinigawan niya. Hoy, Tanda.!“

“Hoy ka rin, ehe. Ba-Bakit po, Among.?“ nginig na tanong ng matanda.

“Bago lumubog ang araw, kailangang maiharap mo sa akin si Lumin.! Kung hindi.! Hindi mo na makikita ang paglaganap ng dilim. Patay kang matanda ka.!“ bulyaw pa ni Garuda, sabay tutok ng baril sa mukha ng matandang mali-mali.

Nangalog ang tuhod ni Aling Moreng. Hindi makapagsalita sa kabiglaanan. Pinilit itikom ang kanyang bibig upang ‘di makapagslita ng kung anu-anong kamalian.

“Tandaan mo, Tanda.!“ asik pa ni Garuda. “Hihintayin kita rito bago dumilim.“ ang dugtong at saka binigyan ng daan ang matanda.

Mabilis na umalis si Aling Moreng at nagkakanggagahol na sininop ang kanyang bahay. Nagsilid din siya ng ilang damit sa isang maliit na tampipi. “Kailangang magtago ako sa Nayong Dalisdis.” usal pa niya habang nakasilip sa siwang ng dingding upang tiyakin kung ligtas siya sa pagtakas.

Lagpas na ang katanghalian nang lumabas sa likod-bahay si Aling Moreng. Nangubli siya sa sagingan bago tinalunton ang mahabang pilapil sa gitna ng linangan. Sa pagmamadali, hindi niya napansin ang mga matang lihim na nagmamatyag sa kanya.

Umayon ang pakanang isinagawa ni Garuda. Sinadya niyang takutun si Aling Moreng upang sa pagtakas, kanyang susundan. Sa kagubatan sila nagdaan ni Mostafa, kasama ang ilang tauhan. Sakay sila ng kabayo at hindi iwinawalay ang paningin sa bawat awang ng punong kahoy upang tanawin ang nagmamadaling matandang babae.

Nang malagpasan ni Aling Moreng ang mga pinitak na tumutumbok sa lansangan, tumawid siya roon at ang kagubatan naman ang tinunton upang mapadali ang kanyang patutunguhan. Manaka-naka ang kanyang paglingon, ngunit dahil na rin sa may kalabuan ang kanyang mga mata, wala siyang nakitang sumusunod.

Maingat sina Garuda at Mostafa sa ganoong panunubaybay. Pakubli-kubli at laging nakasilip sa dala nilang largabista. Tinitiyak na ‘di mawawalay sa paningin nila ang matandang nasa kagubatan.

Nang marating ng pangkat ni Garuda ang magkasangang landas na patungo sa Baryo Wawa at Nayong Dalisdis, nasalubong nila si Buryas. “Tama ang dating mo.! Kamusta’ng lakad mo.?“ tanong ni Garuda sa kubling halamanan at saka tinanaw ang papalayong si Aling Moreng na ngayon ay lakad-takbo na sa kalsada.

“Totoo ang hinala mo, Garuda. Nakawala sa gapos ang taong ibinilad mo sa burol. Hindi ko siya nakita. Pero, natitiyak kong siya ang naglibing sa mga taong pinatay mo. Sa loob naman ng kubo ay natagpuan ko ang isang maletang kulay pula. Nakabukas. Doon nakahulma ang lalagyan ng baril at iba pang bagay. Siya nga si Leo Ladoza. Ang may baril na ginto.!“

Umasim ang mukha ni Garuda. Matagal na nag-isip. Nanghihinayang sa naturang maleta habang nakatanaw sa landas na patungong Nayong Dalisdis. “Sumama ka sa amin.!“ aya pa niya kay Buryas.

Matapos ang mahabang lakaran, sinapit din ni Aling Moreng ang sadyang pakay. Basa ang laylayan ng kanyang saya. Pawisan at humihingal na naupo sa unang baitang ng hagdanan bago nanawagan. “Hoy, Maling.! Nariyan ba kayo.?“ sigaw ng matanda. Namamaos at halos hindi makatingala sa matinding pagod.

Si Lumin ang tumugon sa panawagan. Lumabas sa balkonahe at namamanghang nagwika. “Inang.!“ ang tawag at mabilis na nanaog. Nagmano at inalalayan ang matandang tila hinihila ang dila sa dinanas na matinding hirap. “Maraming galos ang kamay mo, Inang.! Ano po ba’ng nangyari.?“ dugtong pang puna habang sila ay paakyat sa bahay.

“Ay naku, Lumin. Sa talahiban ako nagdaan. Sinalunga ko ang kasukalan at lumusong ako sa mababaw ng ilog.!“ ang sagot nang makaakyat sa balkonahe ang matanda at manghingi ng inumin kay Lumin.

Sumalubong sa pinto si Aling Maling. Mangha ang ibinungd na salita. “Ateng ba’t ganyan ang ayos mo.?“

Bahagyang napahikbi ang tinanong. Inakbayan ang nakababatang kapatid at gusto nang isalaysay kung bakit siya napasugod. Ngunit naiba ang kanyang paksa nang makapasok siya sa kabahayan at maupo. “Wala ba si Nario.?“ tanong pa niya habang pinupunasan ng bandana ang pawisan niyang mukha, kasunod rin ang pag-abot kay Lumin ng isang lumang orasang panggalang mula sa kanyang lukbutan. Ang relos na naiwan ng dalaga sa bayan at araw-araw niyang sinususian.

Kinuha ni Lumin ang nasabing bagay, matapos ilapag sa patungan ang basong may tubig. Agad niyang sinusian at isinunod ang oras sa huni ng ibong kalaw na may pambihirang katangian. Kung anong oras siyang humuni ngayon, bukas ay ganoon din

Ang naantalang sagot sa tanong ni Aling Moreng ay hindi na nahayag. Lumabas mula sa silid si Mang Nario. Hinihila ang isang paa sa paglakad pagkat kasalukuyang sumasakit ang kanyang tuhod. Dumaing muna bago nangamusta at nagtanong.

“Bakit naiiba ang dating mo, Ateng.?“

“Teka muna’t iinom ako.“ sabi ni Aling Moreng at iyon ang sinamantala ni Mang Nario upang utusan si Lumin.

“Siyanga pala, Lumin. Nariyan na rin lang ang relos mo at tanging ikaw lang ang mayroon dito, gawin mo ang kahilingan ng mga mamamayan. Kunin mo ang tamang oras kapag humuhuni ang mga bagong kalaw sa mga punong kahoy. Gusto nilang masubaybayan ang pagdaraan ng mga oras.”

“Naitama ko na po, Tatang.“ sagot ni Lumin, matapos ikama sa kanyang kamay ang nasabing orasan.

“Ay naku, Lumin.“ sabad ni Aling Moreng. “Dalawa na ang relos na magagamit mo. Pilit na pinadala sa akin ni Marcaida ang kahitang ito. Ibigay ko raw sa iyo.!“

“Ayoko po, Inang.! Hindi ko matatanggap pagkat galing ‘yan kay Garuda.!“ tanggi

ni Lumin at umanyong ayaw hawakan ang nasabing bagay.

Si Aling Maling ang umabot sa kahita at sinuri ang laman. Nanggilalas siya pagkat ngayon lang nakarating sa kanilang nayon ang ganoong alahas.

“Huwag mong tanggapin, Anak. Pagtinanggap mo, ibig sabihin. Tanggap mo rin si Garuda.!“

“Talagang ayaw ko po, Inang. Tatanggapin ko lang ‘yan kung galing sa lalaking gusto ko.”

“Pero, bakit may pangalang Perenya ang kahitang iyan. Ibig sabihin, hindi si Garuda ang may ari. Mabuti pa, itago ninyo at pagdumating ang tamang panahon, isauli natin kay Perenya.!“ sabi naman ni Mang Nario, matapos makiusisa ang paningin sa hawak ng kanyang asawa.

“ Sino ba si Perenya, Anak. Kilala mo ba siya.?“ tanong ni Aling Maling.

Hindi agad nakasagot si Lumin. Nag-isip kung dapat ba niyang sabihin ang totoong kay leo lang niya narinig ang pangalang Perenya nang siya ay hagkan ng binata.

Nauntol ang iba pang pag-uusap nang magsalita si Mang Nario. “Bakit nga ba napasugod ka, Ateng ? Si Garuda ba ang dahilan.?“

“Ay, oo nga pala.!“ sabi ni Aling Moreng at saka lang itinuloy ang nauntol na pagsasalaysay. Ang lahat-lahat na pangyayari,

Biglang nabakas sa mukha ni Mang Nario ang labis na pangamba. Nagtanong na pagaralgal. “Hi-Hindi ka kaya nasundan, Ateng.?“

Hindi na hinintay ni Lumin ang sagot ni Aling Moreng. Mabilis siyang nanungaw upang silipin ang palikong daan na patungo sa bayan. Nasindak siya at napahinaing.

“Diyos ko.!“ nabigla pa niyang sambit. Nangatal ang buong katawan at hindi malaman ang gagawin.

Sumugod ang tatlong matanda sa durungawan. Nakita nila ang marahang paglapit ng mga nakakabayong pangkat ni Garuda. Pakubli-kubli sa bawat kasukalan at maingat na tinalunton ang bahay na pinasukan ni Aling Moreng.

“Ta-Tatang …” nanghihinang tawag ni Lumin. Pangkat nga ni Garuda ang dumarating.”

Napaunat ang tuhod ni Mang nario sa pagkakatayo. Agad nagpasiya. Patikod niyang hinila sa kamay si Lumin. “Sasamahan kitang magtago sa kabilang burol.“ sabi pa niya sa hangaring sa kaingin ng kapatid niya maihatid si Lumin.

“Ako na lang po, Tatang. Hindi naman ako pababayaan ni Amang Imoy.” tanggi ni Lumin sa dahilang may karamdaman ang kanyang ama at lalo lang silang matatagalan sa pagtakbo.

“Anak ko.!“ hinaing pang habol ni Aling Maling nang makita ang pagmamadaling tinungo ni Lumin ang hagdan sa likod ng bahay.

Lalong napahagugol ang dalawang matandang babae nang makita ang tumatakbong dalaga na nakatapak lamang.

“Ako ang may kasalanan.!“ paninisi ni Aling Moreng sa sarili. Pumapadyak sa batalan. Hinahampas ang sarili at hindi matanggap ang pagkakamali.

“Huwag, Ateng. Hindi mo kagustuhan ang nangyari.“ paalalang wika ni Mang Nario, gayong siya man ay sinisisi ang sarili sa dahilang kung hindi niya pinahabaan ang pag-uusap tungkol sa orasan ng ibong kalaw, disin sana, malayo pa lang ang mga kilabot, nakita na nila at maaaring nasamahan pa niya si Lumin sa pagtakas.

Lalo silang nabaghan nang rumagasa ang yabag ng mga kabayo at ang malakas na hiyaw.

“Hayun, Garuda.! Hayun.!“ sigaw ni Mostafa na sadyang nilagpasan ang bahay at sa duluhan nagtuloy.

Naudlot ang tangka ni Garuda na akyatin ang bahay ni Mang Nario. Agad siyang lumapit sa taong nagturo at nasisiyahang tumanaw. Halata ang kahayukan pagkat ngayon na ang pagkakataon at hindi na makakahadlang si Marcaida.

Nakangisi si Mostafa. Parang ipinagmamalaking tumama ang kanyang hinalang tatakas si Lumin pagkat hantad sila sa paglapit.

Inutusan ni Garuda ang tatlo niyang tauhan upang habulin at ibalik ang dalaga. Nagmamadali. Gustong matupad agad ang kanyang pagnanasa kahit sa ganoong lugar. Gayon man, nais din niyang makilala ang mga magulang ni Lumin. Umakyat siya sa hagdan ng batalan, kasunod sina Mostafa at Buryas. Naiwan sa ibaba ang iba pang tauhan.

Tinadyakan ni Garuda ang nakasarang pintong kawayan, kasunod ang malakas na halakhak.

Akma namang susugod si Mang Nario, may hawak na halabas at nangangalit ang bagang. “Tatagpasin ko ang ulo mo kapag pumasok ka rito.!“

Bahagyang natigilan si Garuda. Naparam ang paulit-ulit na halakhak bago nagtanong. “Ikaw ba ang tarantadong tatay ni Lumin.?“

Galit na tumango lamang ang matanda at siya naman ang nag-usisa. “Sino ka at ano ang kailangan mo sa anak ko.?”

Muling humalakhak si Garuda at bigla ring tumigil. Kapagkuwa’y sinabi ang sadya. Gusto kong maging asawa si Lumin. Maging biyenan kita at gusto rin kitang barilin kung hindi rin lang alang-alang sa iyong anak.!“

Lalong tumapang si Mang Nario. Nag-uumalpas sa pagpigil ng dalawang matandang babae. Hinamon pa si Garuda. “Ituloy mo ang iyong banta at tayo ang maglaban.!“

Hindi namansin si Garuda. Bumaling lang kay Aling Moreng. Ngumisi at parang nagbabantang tinantuan ito ng daliri, kasabay ang pag-iling-iling ng ulo, ngunit bigla siyang nagulantang nang maalala ang tumatakbong si Lumin. Ang magandang dalagang hinahabol ng kanyang mga tauhan. Ang mga tauhan niyang gahaman din sa babae. Kahit patago, maaaring sumaling at sumamyo sa bango ng kanyang tinatangi.

Parang naninibughong bumaba sa hagdan si Garuda. HInudyatan ang mga tauhan upang sumunod sa kanya. Susundan nila ang mga naunang tumutugis kay Lumin.

Muling tumanaw ang tatlong matanda sa malawak na palayan. Sinubaybayan nila ang natatanaw pang dalaga, habang hinahabol ng mga kabayuhang kilabot.

“Diyos ko.!“ bulalas ni Alng Maling nang makitang nadapa ang kanyang anak. Bumubukal ang luha at panay ang yugyog sa braso ni Mang Nario sa akalang may magagawang tulong ang gayon niyang kilos.

“Bangon, Lumin.! Bangon.!“ sigaw naman ni Aling Moreng kasabay ang padyak sa sahig. Dumadarag at nagpapalahaw.

Hindi mapalagay si Mang Nario. Bumaba siya sa lupa upang abatan ang pagbabalik ng mga kilabot kung sakaling kasama ang kanyang anak.

Samantala, muling nakabangon si Lumin. May gasgas ang tuhod at siko. Basa at putikan ang katawan. Hindi niya alintana ang kirot na nadarama, maiwasan lang ang panganib. Sa ganoong pagkakataon, lalong bumilis ang kanyang pagtakbo sa makitid na pilapil.

Ngunit iba ang mga tumutugis. Hindi mapabilisan ang kanilang sinasakyan pagkat natitibag ang pilapil sa bigat ng kabayo at lalo pang bumabagal kapag sa pinitak dumaan. Bumabaon ang paa ng kabayo sa maputik na hasikan.

Ilang taga nayon ang lumapit kay Mang Nario. Mga kalalakihang may hawaK na gulok. Sila’y matatanda pagkat ang mga baguntao ay nakikipaglimas sa palaisdaan ni Desto. Ang matatandang iyon ay nangangamba at nangangalog ang mga tuhod sa kahinaan, ngunit handa silang tumulong kay Mang Nario ang kanilang Tenente del nayon. Sa ganoong pagkakataon, naisip din nilang ilikas sa ibang pook ang kani-kanilang anak na dalaga. Natatakot sila kay Garuda sa pagkakatuklas ng kanilang nayon.

Doon naman sa habulan ay narating ni Lumin ang isang nakapahalang na mahabang burol. Ito’y namamaybay sa malawak na tubigan. Ang naturang burol ay magubat at nasa kabilang pababa ang nasabing tubigan.

Pinasok ni Lumin ang kasukalan. Nawala siya sa paningin ng mga taga nayon. Lupaypay na siya sa pataas na pagtakbo sa burol. Punit-punit na ang kanyang damit sa malimit na pagkakasabit sa sanga ng mga punong kahoy at halaman.

Kahit humihingal, muling nilingon ni Lumin ang kabayuhang pangkat ni Garuda, bago siyang tumakbong pababa sa isang maliit na dalisdis pagkat nakita niyang masigasig pa rin ang paghabol ng mga kilabot. Lalong bumilis ang kanyang kaba at umaasa na lang sa isang magandang pangyayari. Matawid lang niya ang maluwang na tubigan ay maaaring makapagtago na siya sa makapal na kasukalan.

Subalit lalong nahirapan si Lumin sa pagtakbo. Parang may pabigat ang kanyang mga paa dahil sa agos ng tubig. Nalalabusaw ang bawat mahakbangan niyang tubig na pantay tuhod lang ang pinakamalalim hanggang sa madapa siyang pasubsob.

Naghihina man ay pinilit ni Lumin ang bumangon. Natatakot siya sa halinghing ng kabayo nang ang mga iyon ay lumusong sa tubig. Halos hindi na siya makahakbang sa hirap. Wari’y wala na siyang pag-asang makapagtago pagkat malayo pa ang kabilang pampang.

Isang pagkakataon lamang o sinadya ng tadhana, nasa kubling halamanang nasa gitna ng tubigan si Leo. Bagong paligo at tapos na ring magbihis. Ang agwat sa nagaganap na habulan ay hindi kalayuan. Nakita niya si Lumin. Tumatakbo at muli na namang napasubsob. Nabigla si Leo. Hindi makapaniwala. Para siyang kinilabutan. Napausal. “Perenya.!“ ang tanging nasambit, kasunod ang pagkatigagal. Kapagkuwa’y mariin siyang pumikit. Gustong subukan kung pangitain lang ang kanyang natatanaw, ngunit naroon pa rin sa pagdilat ang katotohanan. Nakita niyang nakabangon na ang dalaga at halos lumalakad na lang sa pagtakas. Lumagpas iyon at hindi siya nakita.

“Hindi.!“ nanlulumo pang usal ni Leo nang maalala ang kamukha ni Perenya. Ang dalagang hinagkan niya sa halamanan. Ang dalagang naipagkamali niya kay Perenya sa taguring tila pinagbiyak na bunga.

Naparam ang pagtataka at mga tanong sa sarili ni Leo, nang mabalingan niya ang isang nangungunang kilabot na kasagutan sa nakikita niyang pagtakbo ng babae.

“Tauhan ni Garuda.!“ sabi pa niya at patakbong humarang sa landas ng panganib. Sumusulak ang dugo. Handang pumatay upang mailigtas din si Lumin.

Bahagyang binagalan ng kilabot ang takbo ng kanyang kabayo. Nanlilisik ang mga matang sinipat si Leo, kasabay ang pagbunot ng baril. Isang putok ang umalingawngaw, ngunit hindi galing sa kanya. Bumagsak siyang patilapon sa tubig. Uka ang tungki ng ilong at humalo ang kanyang dugo sa tubig.

Ang punglo ay galing kay Leo, at matapos isuksok ang kanayng baril, padipang hinarang ang kabayong wala nang sakay. Pinatigil at paigpaw na sinakyan upang siya naman ang humabol sa dalaga.

Patuloy pa rin ang pagtakbo ni Lumin. Hindi niya nakita ang mga pangyayari pagkat nakakahilam ang tilamsik ng tubig. Putok lang ng baril ang kanyang narinig. Halos panawan siya ng ulirat sa matinding takot. Ayaw na niyang lumingon sa dahilang nadarapa lang siya sa tubig.

Sa ganoong pagkakataon, lalong nabanaag ang kariktan ni Lumin. Humapit ang basang damit sa maganda niyang katawan. Lumitaw ang maputing balat sa punit-punit niyang kasootan. Iyon ay labis upang lalong maulol si Garuda kapag siya ay nakita.

Nakalito kay Lumin ang papalapit na tilamsik ng tubig mula sa paa ng kabayo. Balak pa sana niyang bumaling, kung ‘di siya nawalan ng panimbang. Doon naganap ang pinakamatiding sakit. Isang nakausli at matalas na bato ang kanyang nabagsakan.

Nakaramdam siya ng hapdi sa gitna ng dibdib at agad umagos ang dugo. Gayon man, pilit pa rin niyang bumangon at tangkang tumakbo, subalit ang isa niyang tuhod ay nalinsaran din at ‘di makahakbang sa sakit. Naisip niyang ito na ang kanyang katapusan.

Nasa ganoon ang pangyayari nang saklitin ni Leo ang dalaga at isakay sa kabayo, kasunod ang paglingon. Nakita niya ang dalawa pang kilabot sa ibabaw ng burol at pasugod ang pangangabayo nang makababa sa tubigan.

Si Lumin ay nawalan ng malay sa matinding takot at sa nadaramang sakit ng katawan. Nakalungayngay siya habang hapit ni Leo sa baywang.

Umalingawngaw sa paligid ang malakas na sigaw ng isang kilabot. Pinatitigil si Leo, kasunod ang pagpapaputok ng baril bilang panakot upang ‘di tamaan si Lumin.

Tumilansik ang tubig sa paligid ng dalawang tinutugis. Sunud-sunod ang punglo ng Thompson. Papalapit ang tudla sa kabayo.

Parang kidlat na pumitlag ang kamay ni Leo. Kahit may tingga pang pabigat sa kamay, binunot ang kanyang baril at halos magkasabay na pinaputukan ang mga tumutugis.

Magkasabay ding bumagsak ang dalawang kilabot. Walang hiningang tumilapon sa tubig at doon dumanak ang masaganang dugo.

Pinangatawanan na ni Leo ang paglayo.. Nangangamba siyang baka mayroon pang humahabol at madamay ang nakalungayngay na dalaga. Hindi siya nagkamali. Narinig niya ang halinghing ng kabayo mula sa kabilang pampang.

Sina Garuda ang dumarating at natanaw pa nila ang pagpasok nina Leo at Lumin sa masukal na kagubatan. Nanlilisik ang kanilang mga mata at hindi man magbadya, mababakas sa kanilang mukha ang pagtataka kung sino ang tumangay kay Lumin.

Di kawasa’y hinaplit ni Garuda ng kanyang kabayo. Dagli namang sumunod sina Mostafa at Buryas upang habulin ang dalawang tumatakas. Naraanan nila ang dalawang tauhan na nakabulagta sa tubig. Hindi gaanong pinansin ngunit tumimo sa kanilang isipan na isa ring mananandata ang kanilang tutugisin.

“Heto pa ang isa.!“ sigaw ni Mostafa. “Butas din ang taluktok ng ilong.!“ sudlong pang tila nang-uuyam sa pagngisi at paagapay na humabol sa kanyang pinuno.

Lalong nanalim ang mga mata ni Garuda habang nakatuon sa kagubatan. Kung maaari lang, gusto niyang walisin ang kasukalan, matanaw lang ang lalaking umagaw kay Lumin.

“Siya si Leo Ladoza.!“ mariin pang bulas ni Garuda. Nakakatiyak pagkat naalala niya ang isang banta. Punglo ang ipampipitik sa kanilang ilong.

Naglalatang ang poot sa dibdib ng mga kilabot. Ibig nilang pasukin ang kasukalan, ngunit dumidilim na sa loob ng kagubatan. Magiging tagibang ang kanilang kalagayan kung pataksil ang gagawing panunudla ni Leo. Mahirap maghanap sa kadiliman.

“May naisip akong paraan upang magbalik si Lumin sa kanyang mga magulang.!“ sabi ni Garuda. Para bang iyon na ang lunas sa nagngingitngit niyang kalooban. Ibinaling ang kanyang kabayo upang magbalik sa pinanggalingang bahay ni Mang Nario.

Samantala, natanaw ni Leo mula sa isang burol ang paglayo ng pangakat ni Garuda. Lumuwag ang kanyang paghinga. Minarahan na lang ang pangangabayo sa hangaring ‘di gaanong matagtag ang madugong sugat ni Lumin sa dibdib. Wala siyang alam na paraan kundi ang ipatong ang kanyang palad sa sugat ng dalaga upang maampat ang dugo kahit madama niya ng dibdib ni Lumin.

“Nilalagnat siya.” Naaawang bulong ni Leo nang maramdamang mainit ang kanyang kaangkas at bahagya pang sumasalit ang panginginig. Niyakap niya ang dalaga. Marahan ngunit mahigpit. Nais niyang maisalin agad ang init ng kanyang katawan sa giniginaw na babae. Parang tuksong naalala niya si Perenya. Malambot din ang katawan. Gayon ma’y madalas din siyang luminga sa paghahanap ng kanlungan. Isang pahingahan na bago man lang lubusang dumilim ang kanyang masumpungan.

Isang guwang na animo’y bunganga ng kuweba ang naraanan ni Leo. Napatigil siya at pinagmasdan ang paligid. Tiniyak kung tama sa kanyang panlasa ang hinahanap na kanlungan. Kailangan niyang magsiysat hangga’t may liwanag pa sa siwang ng mga punong kahoy. Natatakot siyang mapabayaan si Lumin. Gusto niyang malunasan agad ang madugong sugat ng dalaga sa dibdib.

Matapos mailapag at maisandal sa malaking ugat ng punong kahoy ang wala pa ring malay na babae, saka niya ito binabalan ng kanyang tsaketa. Pumasok din siya sa naturang kuweba upang magsiyasat. Nakita niyang maliit lamang ang paligid. Parang silid-tulugan lamang ang luwang. May nakagiray na papag, yari sa kawayan at gapok ang isang panukod.

“Marahil, dating pahingahan ito ng kaingero.“ bulong pa ni Leo habang iniuusod ang isang malaking bato sa ilalim ng papag na ginamit din ng kung sino upang magpantay ang nasabing himlayan.

Muling lumabas si Leo. Pinangko niyang buong ingat si Lumin. Ipinasok sa loob ng guwang at inihimlay sa pinagpagan niyang papag. “Basa ang kanyang damit.“ usal pa niya habang inaalis ang ibinabalabal niyang tsaketa sa katawan ni Lumin.

Pagkatapos, ang damit naman ng dalaga ang kanyang inalis. Walang itinira pagkat basa rin ang panloob at dagli pang naisuot ang tsaketa sa hubad na katawan ng may lagnat. Ibinitones niya ang tsaketa, liban sa tapat ng sugat na gusto niyang gamutin.

Nakahingang maluwag si Leo nang makitang tumigil na sa pagdurugo ang sugat ni Lumin. Maliit lang pala at hindi malalim. Masigla siyang lumabas upang mangalap ng mga dahon na panglunas sa lagnat at pilay. Natutunan niya kay Mang Baste ang bagay na iyon nang minsang magtagal sila sa kabilang pulo.

Sa kabilang dako naman, malayo pa lang ay natanaw na nina Mang Nario at Aling Maling ang papalapit na pangkat ni Garuda. Sa kabila ng ligalig, naibsan ang pangamba ng mag-asawa pagkat hindi kasama ang kanilang anak.

“Maaaring nakatakas siya at patungo na ngayon sa kaingin.“ pampalakas-loob pang sabi ng matandang lalake at nabakas sa kanyang mukha ang kasiyahan.

“Sana nga, Diyos ko.! Pero, ano ‘yong narinig nating putukan.?“ may kaba pa ring tanong ni Aling Maling.

Natigilan si Mang Nario, ngunit karakang binago ang kilos. Binigyan ng dahilan ang putukan. “Iyon ay panakot lamang upang tumigil sa pagtakbo ang ating anak.“

“Salamat naman kung ganoon lang.“ sabi naman ni Aling Moreng. “Umakyat na tayo.!“ sudlong pang aya at nagpaunang namaitang sa hagdanan pagkat takot siya sa tanto ni Garuda.

Dalian namang lumisan ang ilang taga nayon nang matiyak nilang hindi kasama si Lumin sa pagbabalik ng mga kilabot. Sila man ang natatakot sumugba sa panganib pagkat ang alab ng labanan ay hindi pa nagagatungan. Alam din nila at narinig ang sinabi ni Garuda. Hindi babarilin ang magulang ni Lumin na kanyang napupusuan.

Panay naman ang paalala ni Alng Maling kay Mang nario nang sila’y makapanhik at makapagsara ng bahay. “Huwag mo silang sisinghalan at baka tayo naman ang balingan.!“

Hindi umimik si Mang Nario. Maaari siyang magpakumbaba, alang-alang sa kanilang kaligtasan.

Di kawasa’y rumagasa ang yabag ng mga kabayo, kasunod ang malakas na kalampag sa dingding ng bahay. Ilang ulit at halos mabutas ang sawali

Nagpipigil sa sariling nagbukas ng durungawan si Mang Nario sa kagustuhang makibalita.

“Nakatakas ang anak mo, Tanda.!“ sigaw ni Garuda.“ Pero kung papatayin kita, natitiyak kong babalik siya upng silipin ang iyong bangkay.!“ ang sudlong, kasabay ang pagbunot ng baril at itinutok sa matanda.

“Kahit patayin mo ako.! Hindi mapapasaiyo ang anak ko.!“ pabugnos na singhal ni Mang Nario at pakuyom na binayo ang pasamanong kawayan.

“Huwag po.!“ pahagulgol na sigaw ni Aling Maling. “Hindi mo makukuha sa ganyang paraan ang pag-ibig ng aming anak.!“ dugtong pang wika habang nagpipilit na sumungaw sa durungawan upang takpan si Mang Nario.

Ngumisi lang si Garuda. Pinakinggan muna ang mga sumamo ni Aling Maling bago ang unti-unting paghigit sa gatilyo ng kanyang baril.

Malakas na tumikhim si Mostafa upang sumawata. Alalahanin mo, Garuda, ang nangyari sa kabilang pulo. Lalong umilap si Perenya nang patayin mo ang dalawang matanda. Magpapakamatay din si Lumin, Huwag lang mapasaiyo.!“

Natigilan si Garuda. Naudlot ang tangka. Marahang isinuksok ang kanyang baril at mariing nagwika. “Bibigyankita ng pagkakataong mabuhay kung magbabalik ang anak mo sa loob ng isang linggo.!“

Mabibigo ka, Lalake.!“ sagot ni Mang Nario, kasabay ang pag-iling ng ulo.

Humalakhak si Garuda. Parang nakakatiyak pagkat pinagbatayan niya ang pagsuko ni Perenya, kapalit ng buhay ni Aling Gelang. “Kailangang makasal kami ni Lumin,!“ sabi pa niyang nakangisi at kasunod ang banta. “Kung hindi matutupad ang gusto ko. Bata, matanda sa pamayanang ito.! Mauutas.!“

Maraming kalapit-bahay ang nakarinig sa banta ni Garuda. Natakot sila. Narinig pa nilang maiiwan si Buryas. Magbabantay at mag-aabang sa pagbabalik ni Lumin. Sa pangyayaring iyon, paano na silang taga nayon.? Hindi sila makakalayo sa pamayanan pagkat ang pangatlong kilabot ni Garuda sa paghawak ng baril ay handang pumatay. Hindi nila matatakasan ang bagsik ni Buryas sa panunudla.

Lihim ding binilinan ni Garuda si Buryas. Hayaang gumala si Mang Nario upang hanapin si Lumin at makapaghatid ng balita. Sinabi pang bago lumalim ang gabi, magpapadala siya ng apat na tauhan upang may makasama si Buryas sa pagbabantay. Kapagkuwa’y pasigaw pang binantaan ang mga mamamayan.

“Mauubos kayong lahat kapag hindi ninyo sinunod ang mga kagustuhan ni Buryas.!“ kasunod ang paitaas na pagpapaputok ng submachinegun, bago naisipang magbalik sa bayan.

Sa kabundukan nama’y gumawa ng siga si Leo sa bungad ng kuweba. Narinig din niya ang pagpapaputok ni Garuda. Saglit siyang nag-isip, ngunit winalang bahala na lang at inuna ang kapakanan ng may sakit.

Sa tulong ng liwanag mula sa siga, napagmasdan ng binata ang kagandahan ng dalaga. Nanariwa sa kanya ang kaanyuan ni Perenya. Walang pinag-iba. Kawangis ang buong pagkatao at nakakapagdulot ng kapighatian.

“Talagang napakaganda niya.” usal pa ni Leo, habang dinidikdik sa loob ng kaputol na buho ang damong panapal sa sugat. Puluhan ng balaraw ang ginamit niyang pandikdik sa halamang damo.

“ Mahapdi ito. Kawawa ka naman.” bulong pa ni Leo, nang itapal ang gamot sa sugat.

Bahagyang umalon ang dibdib ng dalaga. Wari’y naramdaman ang kirot kahit wala pa siyang malay.

Matapos isara ni Leo ang suot na tsaketa ni Lumin, nagbanda siya sa may paanan pagkat alam niyang natapilok ang dalaga. May kapinsalaan at nakita nga niyang namamaga ang kaliwang tuhod ng babae. Kailangan niyang hilutin at tapalan ng luyang dilaw.

Sa labas ng yungib nahiga si Leo. Pasandal sa lilim ng punong kahoy na di kalayuan sa ginawa niyang dapog. Tahimik ang paligid liban sa manaka-nakang huni ng mga ibon. Ngiyaw ng musang at kulisap na sadyang lumalayo sa usok ng siga.

Nilagom ng lamig ang buong katawan ni Leo. Manipis ang kasootan niyang kamisadentrong bagamat mahaba ang manggas, nakatupi naman ng tatlong ulit. Naghalukipkip siya ng kamay at pinagpatong ang dalawang paa, bago pumikit. Hindi niya ipinangtakip sa mukha ang sombrero upang madaling makita kung may panganib.

Ganoon din sa loob ng kuweba. May lagnat pa in si Lumin. Mahina ang pagdaing at wari’y gising ang muni. Naramdaman niyang may dumurong lamig sa kanyang talampakan. Nanunton sa buo niyang katawan at lumikha nang walang katulad na ginaw.

Kinabukasan, nagpapagakpakan at nagtitilaukan pa lamang ang mga tatsaw ay naglalakad na si Leo pabalik sa yungib. Bitbit ang dalawang labuyo na maaaring nadakma niya sa dalay rayang sanga pagkat madilim ang paligid at sa ganoong oras, maamo ang manok.

Unti-unting namamanaag ang liwanag sa loob ng kuweba nang gumalaw si Lumin. Marahang nagmulat ng mga mata at pinagala ang paningin. Wala na siyang lagnat ngunit nagtataka kung saan siya naroroon. Biglang nasindak nang maalala ang mga pangyayari. Napabalikwas siya at anyong titindig kung hindi naramdamang masakit ang kanyang paa.

“Diyos ko.!“ mariing usal ni Lumin sa pag-aakalang inabutan siya ni Garuda. Nanghihinang napaupo sa papag ang dalaga at saka lang napansing iba na ang kanyang kasootan. Naisip niyang si Garuda ang may gawa. Napaluha siya sa pag-aakalang hindi na siya dalaga. Isinubsob ang mukha niya sa dalawang palad na para bang wala nang umagang darating, ngunit dagli ring natigilan nang masalat ang ilang dahon sa kang noo. Tinanggal niya at napag-alamang iyon ay gamot sa lagnat. Lumukob sa kanya ang pag-aalinlangan pagkat hindi niya matanto kung sino ang gumamot sa kanya. Kung sino ang naglagay ng luyang dilaw sa kanyang pilay at kung sino ang nagtapal ng dahon sa kanyang sugat. Ang lahat ay hininala niyang si Garuda

“Hinihintay lang niya akong gumaling upang…” usal pa ni Lumin nang matiyak na hindi pa nagbago ang kanyang pagkadalaga. Naramdaman din niyang may kumakaluskos sa labas ng kuweba. Nanginig siya at kinabahan. Tangi niyang nagawa ay umurong sa papag nang pumasok ang inaakala niyang si Garuda. Sumiksik siya sa sulok at itiniklop ang dalawang paa. Pinagbuti rin niya ang pagsasara ng tsaketa upang matakpan ang buo niyang katawan.

Nasa loob na si Leo. Hawak ang dalawang tuhugan ng inihaw na labuyo sa isang palapa ng saging. Bahagya siyang nakayuko at natatakpan ng sombrero ang kanyang mukha, ngunit mahahalata sa kilos ang pagkabigla at kasiyahan nang makitang gising na ang dalaga. “Huwag kang matakot. Hindi ako masamang tao.” sabi pa niya at inalok na kumain si Lumin, matapos ilatag sa papag ang dahon ng saging at ilapag sa ibabaw ang dalawang inihaw na manok, kasunod ang pasasalamat sa nakita niyang tila magaling na ang dalaga.

Walang imik si Lumin. Hindi niya matinigan ang binata pagkat sa loob ng kuweba, bahaw ang maririnig sa nagsasalita.

“Sige na. Kumain ka na.” ulit ni Leo bago lumabas sa yungib.

Bahagyang nabawasan ang sindak ni Lumin. Natiyak niyang hindi si Garuda ang taong kalalabas pa lamang, ngunit natatakot din siyang galawin ang pagkain.

Muling pumasok si Leo. May dalang tubig sa bumbong at pasandal na itinayo sa sulok ng papag.

Pilit namang kinikilala ni Lumin ang lalaking kapapasok pa lamang, ngunit siya’y nabigo. Madilim-dilim pa sa loob at lagi pang nakayuko ang natatakpang mukha ni Leo dahil sa sombrero.

“Magalang naman siya kung kumilos.” bulong ni Lumin. Kalakip ang pagtataka kung saan galing ang ‘di niya nakikilalang si Leo. “Pero, bakit may baril siya.?“ sudlong pang nag-aalinlangan, bagamat sa kaibuturan ng kanyang puso, naiiba naman ang kanyang kaharap sa tulad ni Garuda.

“Huwag kang mangamba. Ipanatag mo ang iyong loob.” ani Leo sa nadaramang pag-aalinlangan ng dalaga.

“Ka-Kasamahan mo ba si Garuda.?“ parang may bikig sa lalamunang tanong ni Lumin. Kinakabahan sa isasagot ni Leo.

“Hindi mangyayari ang sinabi mo. Tiyak na mamamatay ang isa sa amin kapag kami’y nagkita.!“ sagot ni Leo.

Nakahinga nang maluwag si Lumin bago nagsalita. “Alam na ni Garuda ang sa amin. Natatakot akong umuwi.“

“Huwag kang matakot. Dito’y ligtas ka.” anang binata at muling inalok kumain ang dalaga. Alam niyang magdamag na gutom ang kanyang kausap.

Ngumiti si Lumin. Lumitaw ang maganda at mapuputing ngipin sa kislap ng umaga, bago nilinga ang pagkain.

“Ayoko sanang iwan ka sa ganyan mong kalagayan, danga’t mahalaga ang pakay ko sa bayan.” wika ni Leo sabay tindig mula sa pagkakaupo sa bingit na papag.

“Mapanganib sa pupuntahan mo. Naroon si Garuda.” paalala ng dalaga. Unti-unting nawawala ang pangamba sa kanyang kaharap.

“Kung sakaling makaligtas ako.“ sabi ni leo. “Gabi na ang dating ko. Kung hindi naman ako makabalik, mayroon ka bang ibang pagtataguan.?“

Sa kaingin. Sa kapatid ng Tatang ko.” sagot ni Lumin.

“Pilitin mong makarating doon. Wala kang kasama rito. Kawawa ka naman.” ani

Leo at muling inalok na kumain ang dalaga at saka ibinigay ang kanyang balaraw upang may magamit ang dalaga sa ano mang sandali.

“Mag-ingat ka sa iyong patutunguhan.“ tanging nasambit ni Lumin sa paglabas ni Leo. Naiwan siyang nag-iisip. Marami pa sana siyang gustong itanong kung hindi lang nahalatang nagmamadali ang lalake. “Parang hindi iba sa akin ang kanyang tinig. Ang tindig at kilos. Mukha siyang maginoo at malayong samantalahin niya ang kawalan ko ng malay. Pero, Diyos ko.! Siya ang naghubad sa akin. Nakakahiya,! “ usal pa niya at matagal na napatunganga habang nakatitig sa mga damit niyang nakapatong sa isang malaking bato na nasa loob din ng kuweba.

Naputol lang ang pag-iisip ni Lumin ng kumalam ang kanyang sikmura. Hinawakan ang balaraw at hiniwa ang nalalanghap niyang inihaw na sagana ang sarap dahil sa karanasan ni leo sa paglalagay ng sangkap na galing din sa kabundukan.

Noon nama’y nilandas ni Leo ang madawag na kasukalan. Sakay siya ng kabayo at sinadyang lumihis sa Nayong Dalisdis upang madaling marating ang landas na sa palagay niya ay patungo sa bayan pagkat my natatanaw siyang tuktok ng simbahan.

Papaitaas na ang araw nang sapitin niya ang bungad ng pamayanan. Lihim kung sumulyap sa kanya ang mga tao at may halo pang takot sa pag-aakalang isa rin siya sa mga kilabot. Hindi siya makilala dahil sa sumbrerong halos ikubli ang mailap niyang mga mata.

Isang pondahan ng tuba ang natanawan ni Leo. Nakaramdam siya ng panganib pagkat sa harapan ng tindahan ay mapapansin agad ang de makinang baril na nakaantabay sa kareta. Umigting ang kanyang bagang at dagling umasam. “Narito ka sana, Garuda.” bulong pa niya habang inaalis ang tinggang pabigat sa kanyang mga kamay.

Matapos maitali ang lubid ng kabayo sa sanga ng halaman, marahang lumapit si Leo sa pondahan. Narinig niya ang usapan.

“Kapag kami ang umiinom, palabasin mo ang anak mong dalaga.!“ singhal ng isang kilabot. Ang pinuno ng pangkat na pasuling-suling ang ulo.

“Ginoo. Wala rito ang anak ko. Nasa malayong baryo. Nagtatanim ng palay.!“ sagot ng matandang babae. Nanghihina ang boses. Halos mangudngod ang mukha sa hapagan ng pondahan dahil bigla siyang hinila sa kamay.

“Sinungaling! Palapit pa lang kami, natanaw ko na siya.! Ang anak mong dalagang parang ipinaglihi sa hinihikang unggoy!“ saka siya humalakhak na ‘di mawari kung umiiyak o nauulol.

“Wa-Wala po rito.” giit pa ng matandang nakapilipit ang kamay at panay ang iling ng ulo.

Nakatawang binitawan ng kilabot ang kamay ng matanda. Bumaling sa apat pa niyang kasama na kasalukuyang tumutungga ng tuba. Nanghiram siya ng de rapidong baril upang bistayin ng bala ang dingding na kung saan ay naroroon sa kabila ang kanyang hinala.

“Naku po, Diyos ko.! Huwag po.! Anak, lumabas ka na.! Dali.! sigaw ng matanda.

Bigla namang naghalakhakan ang limang halang ang kaluluwa. Nakatudla ang kanilang paningin sa panggagalingan ng dalaga.

Marahang nahawi ang kurtina ng pinto at sumungaw ang hinahanap na dalaga. Nanginginig sa takot at ‘di malaman kung susulong o uurong. Ang dalagang tila pinagtampuhan nga ng tadhana. Bukod sa pangit. Payat at tama ngang sabihin na kawangis ng sakiting unggoy. Kaya naman, hindi na itinago sa ibang pook, tulad ng ibang dalaga sa bayan.

Muling napabulalas ng halakhak ang pinuno ng pangkat at wala sa loob na isinauli ang hiniram niyang baril, kasabay ang pagbural ng mga matang sulipat.

Subalit iba ang umabot ng baril, dahil lahat sila ay abala ang mga mata sa nakakabalasing na dalaga. Akala nila ay maganda.

Si Leo ang kumuha ng baril. Nakatayo siya sa likuran ng mga kilabot at malakas na binayo sa ulo ang pinunong kalbo, bago ang mariing sigaw. “Matuto kang gumalang sa matanda.!“

Napauklo ang kilabot, kasunod ang sigaw. “Sino ba’ng anak ng…” hindi naituloy ang tangkang pagmumura ng pinuno at agad na bumaling. Ngunit dulo ng baril ang lalong nagpaduling sa kanyang mga mata.

Hindi rin makakilos ang apat pang kasama pagkat kasado na ang hawak na baril ni Leo

“Sino ka.? Hindi mo ba kami kilala.?“ galit na tanong ng pinuno.

“Higit kong kilala sa mukha ang mga tauhan ni Garuda.!“ sagot ni Leo at paatras na lumakad sabay hudyat sa mga kilabot upang lumayo sa pondahan.

“Kami’y tauhan ni Sultan Kalagara. Lahing matatapang at sanay maghuramentado.

Hiniya mo ako.!“ ang sigaw kasunod ang pagbunot ng pistol at sumabay din ang kanyang mga kasama.

Handa si Leo. Palibhasa’y sanay ang kamay niya sa pabigat na tingga, parang walang ano mang iniumang ang baril na kanina ay nakatutok sa lupa at ngayon ay bumuga na ng kamatayan. Mahabang putok ang naganap bago bumagsak ang limang kilabot na pawang warat ang dibdib.

Lihim namang nagalak ang mga nakasaksi. Naglapitan sila kay Leo.

“Ginoo, nanganganib ka sa ginawa mo. Saan ka ba galing at tila baguhan ka rito.?”

Nag-aalalang tanong ng matandang may ari ng pondahan.

“Ako ho ay dayuhan lamang na naghahanap ng tindahang maaaring bilhan ng mga kagamitang pambabae.“

“Nasa kabila lang ang tindahan ni Pasyo. Naroroon ang mga panindang hinahanap mo, Amang. Pero huwag kang magtatagal, baka biglang dumating ang iba pang bandido.“

Ngumiti lang si Leo sa paalala ng matanda. Agad niyang tinungo ang naturang pamilihan.

Nang mga sandali ring iyon, agad nag-utos si Kenji kay Garuda. “Patingnan mo kung ano ang narinig nating putukan.“

“Iyon ay galing sa submachinegun. Tiyak na lasing ang may hawak na bataan ni Sultan Kalagara.!“ sagot ni Garuda. Panatag ang loob pagkat wala siyang narinig na ibang uri ng baril sa putukang iyon.

“Kahit na.! Ibig kong makatiyak at dapat ding managot sa akin ang sino mang nagsasayang ng bala, lalo na kung wala namang kalaban.!“

Bumusangol ang mukha ni Garuda. Bumubulong. Parang ayaw sundin ang kagustuhan ni Kenji at gusto pang sumagot.

“Huwag ka nang tumutol.!“ sabi ni Kenji. “Kailangan nating makasiguro, pagkat pinatay din ni Leo Ladoza ang matitinik mong tauhan. Baka sa bandang huli, maging ikaw ay ‘di umubra sa taong iyon.?“ dugtong pang nang-iinis.

“Anong hindi.?“ bural ang mga mata ni Garuda. “Kay Buryas lang.! Patay na siya.!“ pagmamalaki ni Garuda. Parang umuusok ang tainga sa galit.

Doon naman sa ‘di kalayuan. Tahimik lang si Marcaida sa pakikinig. Nagmamasid at natatawa sa anyo ni Garuda. Kaunting gatong lang, tiyak na magliliyab.

Samantala. Nang magbalik si Leo mula sa tindahan. May bitbit na siyang malaking bayong at siksik sa laman. Isinakay niya iyon sa kareta na may sakay ding malaking de makinang baril at saka itinali ang lubid ng kabayo sa hulihan ng nasabing sasakyan.

“Gi-Ginoong dayuhan.! May dumarating.!“ sigaw ng dalagang nasa loob ng pondahan. Natataranta. Hindi malaman kung magsasara o hindi ng tindahan.

Lumingon si leo. Nakita niya ang dalawang kabayuhang kilabot. Papalapit nga sa kanila at nanlilisik ang paningin. Gumitna sa daan si Leo at naghintay. “Tauhan sila ni Garuda. Ang mga hayop na tumugis kay Perenya at pumitik sa aking ilong.!“

Sa ‘di kalayuang agwat, nanuri ang mabalasik na tingin ng dalawang kilabot nang makita ang nakagitnang tao sa lansangan.

“Si Leo Ladoza ‘yan.!“ sigaw ng isang nangunguna at sabay pa silang nagkasa ng baril upang paputukan ang lalaking nakaharang sa kanilang daraanan.

Mabilis si Leo. Sabay sa pagkisap ng kanyang baril sa sinag ng araw, dalawang punglo ang pumulandit at sadyang alam ang babaunan.

Umilandang mula sa kabayo ang mga tauhan ni Garuda. Sila ang unang inutusan upang magsiyasat, ngunit sinawing palad. Butas ang tungki ng kanilang ilong at kumikisay na sa lupa.

Lalong humanga ang mga nakasaksi sa bilis ni Leo at sa kumikinang na baril. Bawat isa ay may salita ng pag-asa habang nakamasid sa binatang namumulot ng mga sandatang nagkalat sa lupa.

Sa kuta rin ng mga sandaling iyon, biglang naudlot si Garuda sa pakikipag-inuman kay Mostafa. Napabulalas. “Putok ng magnum.! Narito na si Leo Ladoza.!“

Nabigla rin si Kenji. Muling nag-utos. Si Garuda na ang inutusan upang harapin ang taong kanyang pinangangambahan. Ang taong maaaring sumira sa kanilang layunin.

Subalit ang taong hahanapin nila ay nakasakay na sa kareta at kasalukuyang papalabas na ng bayan. Nag-iisip at minamadali ang haplit sa kalabaw “Kailangang maalis muna ang mga sagabal sa landas namin ni Garuda.“ usal pa niya gayong ang totoo, para siyang nasasabik na muling magbalik sa kuweba upang makita ang kamukha ni Perenya. “Baka kailangan niya ang tulong.” bulong pa niyang muli at halata ang habag sa dalaga. Lagi rin siyang bumabaling sa likuran at handa ang de makinang baril sa sino mang hahabol.

Sinapit ni Leo ang bahaging magubat sa gilid ng lansangan. Luminga-linga na para bang may hinahanap. “Itatago ko sa kasukalan ang mga sandatang ito, upang pakinabangan sa panahong mahigpit na ang pangangailangan “ usal pa niya.

Noon nama’y mabagal ang pangangabayo nina Garuda at Mostafa sa pag-asang makita nila si Leo. Ngunit isa mang tao, wala sa lansangan at sarado pang lahat ang tahanan.

“Masama ang hinala ko, Mostafa.! May masamang nangyari sa mga inutusan ko kaya tahimik ang paligid.!“

“Hayun.! Nakabulagta sa lupa.!“ sabay turo ni Mostafa nang sa pagliko nila ay mabungaran ang dalawang bangkay.

Hindi kumibo si Garuda. Nanalim ang mga mata sa galit.

“Hayun pa ang mga tauhan ni Sultan Kalagara.!“ pamuling turo ni Mostafa at agad

nilang nilapitan.

“Hindi parehas kung bumira ang tarantado.! Ang pangkat lang natin ang binibira sa ilong.!“

“Oo nga, Garuda. Natandaan niya ang mga taong pumitik sa kanyang ilong.!“

“Dahil madaling tandaan.!“ agarang sabi ni Garuda. “Hindi tayo kalbo at hindi rin maputing singkit. Mabuti pa, palabasin mo ang mga tao.!“

Agad namang naglabasan ang mga tao nang pagtatadyakan ni Mostafa ang pinto ng kanilang bahay.

“Nasaan ang taong may gawa nito.?“

Napaatras ang mga tao sa nakakabinging sigaw ni Garuda. Walang gustong magsalita kung hindi pa bumunot ng baril ang kilabot.

“Gumawi po riyan.!“ nabiglang sagot ng matandang may ari ng pondahan pagkat siya ang natapatan ng baril.

“Sino ang kumuha ng mga baril.!“ higit na malakas ang muling sigaw ng indones.

“Siya rin po at kasamang isinakay sa kareta.” pagtatapat ng matanda sa takot na mahalughog ang anak niyang dalaga na nasa likod ng kurtina.

“Kaya pa nating abutan ang kanyang kalabaw. Tayo na, Mostafa.“

Umalimbukay ang alikabok sa bilis ng pangangabayo ng dalawang kilabot. Sinundan nila ang bakas ng karetang sinakyan ni Leo. Nangangalit ang kanilang bagang pagkat ang pakiramdam nila, napaglalaruan lang sila sa pangyayaring iyon.

Sa unahang dako ng lansangan ay muling sumakay sa kabayo si Leo, matapos maitago sa tinandaang kasukalan ang mga sandata.

Sa banda roon ako nanggaling. Kabayo na lang ang sasakyan ko.“ usal pa ng binata habang nasa palikong burol at tinatanaw ang isang matayog na puno ng banahaw na ginawa niyang palatandaan sa kinaroroonan ni Lumin.

Matapos bulasin ang kalabaw, pumasok si Leo sa kagubatan upang tuntunin ang gusto niyang marating. Mabagal ang kanyang kabayo dahil sa nagsalabid na kasukalan. Mabigat din ang dala niyng bayong pagkat doon din nakasuksok ang dala niyang de rapidong Thompson.

Nakapalaot na sa kasukalan si Leo nang magdaan ang dalawang kilabot na indones. Nagmamadali.

“Hayun.!“ turo ni Mostafa sa karetang hila pa rin ng kalabaw.

“Bakit walang sakay.?“ puna ni Garuda. Patuloy ang paghabol.

“Wala rin ang mga baril.!“ ani Mostafa nang abutan nila ang kareta at pinatigil ang kalabaw.

“Paano niyang nadala ang mga baril, lalo na ang machinegun.?“ tanong ni Garuda.

“Maaaring itinago lang kung saan at saka siya nagpatuloy sa pagsakay naman ng kabayo.!“ pakiwaring sagot ni Mostafa.

“Maaaring ganoon nga pagkat may nakita rin tayong bakas ng kabayo.!“ ayon ni Garuda.

“Bakit biglang nawala sa lugar na ito.? Saan siya dumaan.?“ nagtatakang tanong ni Mostafa.

“Mabato ang lugar na ito. Talagang hindi natin makikita ang bakas! Mabuti pa, magpatuloy pa tayo at baka nasabat ni Buryas ang taratadong iyon.!“ yakag ni Garuda.

Agad namang sumalubong si Buryas nang marating ng dalawang kilabot ang Nayong Dalisdisa. “Wala, Garuda.! Hindi dumaan dito si Leo Ladoza.! Wala rin ang bata mo.!“

“Kalimutan mo muna ang tarantadong s Ladoza, Si Lumin ang abangan mo.!“

“Akong bahala, Garuda.! Tiyak na uuwi ‘yon pagnabalitaan niyang maraming taga rito ang mamamatay kapag hindi siya nagbalik sa atin.!“

“Paano mo namang natiyak na aabot sa kanya ang balita kung hindi siya pinuntahan ng kanyang ama.?“

“Madali lang,Garuda. Hinayaan kong makatakas ang ilang tao at tiyak.! Sa itaas ng bundok nagtago.!“

Tumawa si Garuda bago nagsalita. “Matalino ka rin, Buryas.! Tiyak ngang makiki balita sa kanila ang bata ko.!“

Malaki na ang kiling ng araw nang marating ni leo ang kinaroroonan ni Lumin. Kulimlim ang panahon at wari’y gustomg umulan. Parang gabi na rin sa kasukalan.

Tumikhim si Leo bilang babala sa kanyang padating. Ilang ulit na gumawa ng kaluskos bago pumasok sa kuwebang madilim ang loob. Naaninag niyang nakasiksik sa sulok ang kamukha ni Perenya.

Nabawasan ang takot ni Lumin nang mapagsino ang anyubog ng bagong dating na lalake.

“Magandang gabi sa’yo.“ bati ni Leo . “Hindi ka ba ginutom.?“

“Magandang gabi rin sa iyo.” Nakangiting sagot ni Lumin. “Busog ako.“ sudlong pang sagot. Nakasandig sa batong dingding ng yungib.

Matapos maibaba ni Leo ang bayong sa tabi ng papag, naglabas siya mula roon ng ilang kandila at isa ang sinindihan

“O.! Bakit nagtira ka pa nito.?“ ani Leo, hawak ang palitong may sindi at matanglawan ang iniwan niyang pagkain.

“Itinira ko sa iyo ang isang tuhugan.“ kiming sagot ng dalaga.

“Sa iyong lahat ‘yan. Nag-aalala pa nga ako, baka hindi ka nabusog.”

Muling napangiti si Lumin at tuluyang nawala ang kaba sa ilang pangungusap ng binata. Lihim pa siyang nagpasalamat at hindi natuloy ang balak niyang pagtungo sa kaingin dahil masakit pa ang kanyang tuhod. Nagawa pa niyang magbiro. “Sobra ka naman. Paano akong gugutumin, e dalawang manok ang iniwan mo. Ikaw nga riyan, hindi ka pa nag-agahan. Saan ka kumain.?“ tanong pa niya na parang hindi iba sa kanya ang kausap. Ang lalaking unang humalik sa kanya.

Tago ang ngiti ni Leo. Laging nakayuko. Tipid ang paliwanag. “Maraming pagkain sa labas. Ang mahalaga, ikaw. Kamusta ang pakiramdam mo ngayon.?“

Muli na namang ngumiti si Lumin. May tamis at nagsabing. “Bahagya na lang ang kirot sa aking sugat, ngunit namamaga pa ang aking tuhod at hindi ko maihakbang.”

May habag ang baling ni Leo kay Lumin. Hindi naituloy ang tangkang haplusin ang pilay ng dalaga. Parang nag-aalinlangan. Nahihiya. Ang gustong gawin ay dinaan na lamang sa pahiwatig. Tiningnan ang nakabigkis na luyang dilaw sa tuhod ng dalaga. Mahigpit naman ang saha ng saging at lapat ang pagkakatali sa pilay. Nagbuntong hininga na lang siya at nagpaalam upang lumabas. Itatayantang niya sa baga ang malamig na inihaw.

Naiwang nakatulala si Lumin. Samut-sari ang naiisip. Malakas ang pintig ng kanyang puso at malakas din ang sapantaha. “Kahit natatakpan ng panakip-ulo ang kanyang mukha. Kahit lagi siyang nakatalikod sa ilaw at lagi rin nakayuko, sa kilos lang, nadarama kong siya si Leo.“ pabulong pa niyang sabi. Nag-aalab. Nagdudumiin ang paniniwala, ngunit sumasalit din sa kanyang agam-agam kung bakit hindi siya kilala ng lalaking nasa labas, o kaya nama’y totoong nagbalik na ang dating isip ni Leo. Limot na ang bahagi nilang nakaraan. Ang pag-iibigan. Ang pagtangis niya kapag nasa panganib ang kanyang pinakaiibig. Wala na ang lahat, ngunit ngayon naman ay kakaiba. Masalimuot. Nahihirapan siyang liripin ang mga pangyayari. Ang maliwanag niyang naiisip. Ang lalaking nagturo sa kanya ng pag-ibig at ang lalaking nasa labas ng kuweba ay iisa lamang ang layunin. Ang karapatang makapaghiganti kay Garuda, ayon sa narinig niya kay Abueg.

Ilang sandali pa ang lumipas. Muling pumasok sa kuweba si Leo. Umaaso ang dalang tuhugan. Nasasamyo ang sinalab na labuyo. Nakakagutom.

Naging mapanuri ang sulyap ni Lumin. Pilit na kinikilala ang lalaking may dinudukot sa bayong. Kung hindi lang kawalang galang, ibig niyang alisin ang sombrero ng binata upang mapatunayan ang kanyang hinala.

Alam ni Leo ang pagsipat sa kanya ni Lumen. Lalo siyang yumuko. Naalala ang nakalipas na pagkakasala nang hagkan niya si Lumin dahil sa isang pagkakamali. “May dala akong mga de lata at tinapay.“ sabi pa niya upang takpan ang mapanuring mata ng dalaga. Mabilis niyang inihanda ang inihaw na labuyo.

Lalong napanatag ang loob ni Lumin. Para siyang panginoon na pinaglilingkuran. Inalok sa kanya ang hiniwa-hiwang manok na halos mangitin sa pagkakasalab.

Habang kumakain, gustong matawa ng dalaga, lalo na nang isubo ng lalaki ang inihaw. Hindi niya napigilan ang lihim na pagtawa.

Natigilan si Leo. Wari’y nahihiyang sumulyap sa dalaga at nagtanong. “Lasang usok, ano.?“

Hindi umimik si Lumin. Humantad ang ngiti bilang sagot. Ayaw niyang magsalita, ngunit pinipigil ang pagtawa.

Si Leo ang tumawa. Mahina. Panakip sa isang pagkakamali at nagpaliwanag. Nag-aalala siyang baka gutom na ang dalaga kaya isinalab niya ang inihaw kahit maapoy ang dapog. “Palitan ko na lang.“ sabi pa niyang tila nahihiyang iniurong sa harapan ng babae ang lasang usok na pagkain.

“Huwag Le…” hindi naituloy ni Lumin ang gustong itawag sa binata. Agad niyang binawi ang pagkain. “Kahit ganito, masarap naman ang lasa dahil sa mga rekadong ipinaloob mo sa manok.“ ang sudlong upang patunayan sa kaharap na mas mahalaga sa kanya ang katuwiran ng lalake.

Nagpilitan ang dalawang kumakain. Urung-sulong ang inihaw na labuyo hanggang sa humatong sa tawanan ang kanilang pagsasalo.

Matapos mailigpit ni Leo ang kanilang kinainan, inilabas niya mula sa bayong ang isang katamtamang unan. Hindi niya maatim na muling ipaunan kay Lumin ang kaputol na kawayan na dating paa ng papag. Matigas at gumugulong. Inilabas din niya ang ilan pang gamit na pang araw-araw ng isang babae, kasunod ang dalawang bestida at isang pares na bakya.

“Nakakahiya naman sa iyo.” anang dalaga kasabay ang pagbaba ng paningin.

“Malaking kaabalahan ang ginagawa mo sa akin.” sabi pa niya.

“Hindi naman.“ umiiling na wika ni Leo. “Kung wala ka, lalo akong malulungkot sa pag-iisa. Tingnan mo ito at maaaring kasya sa iyo.

Napangiti ang dalaga nang iabot sa kanya ang mga damit. “Ang gaganda at may puntas pa.!“ ang sabi habang binubulatlat ang mga nasabing kasootan. “Tiyak ngang kasya sa akin, ka-kasi… Naisaulo mo na ang hubad kong katawan.“ nahihiya pang dugtong at bahagya pang pinaglapat ang soot niyang tsaketa.

“Huwag kang mahiya.“ ani Leo. “Nang hubaran kita, madilim ang paligid. Wala akong pinansin pagkat naglaho na sa aking panamdam ang tukso ng kagandahan.” nulas pa sa tila mamad niyang mga labi.

Nagtaka si Lumin sa huling pangungusap ni Leo. Gayon man, hindi siya nag-usisa at umanyong naniwala na lang sa kanyang narinig. Naalala niya si Perenya. Ang kasagutan sa kanyang pagtataka kung si Leo nga ang kanyang kaharap. Ngumiti na lang siya bago nasalita.“ Napakagalang mo. Kung nagkataong si Garuda ang nakakuha sa akin, magpapakamatay ako.”

Natigilan si Leo. Naalala rin niya si Perenya. Kumirot ang nakaraan, ngunit hindi siya nagpahalata.

“May nasabi ba akong nakasaling sa iyong damdamin.?“ nag-aalalang tanong ni Lumin.

“Wa-wala.” ang tugon. “May naalala lang ako. Siyanga pala, may dala akong baril.” ang sudlong at ipinakita ni Leo ang isang Thompson upang magamit ng dalaga sa sariling pagtatanggol.

“Wala akong karanasan sa paggamit niyan.!“ natatawang sabi ni Lumin.

“Madali lang.“ sabi rin ni Leo at pinahawak sa dalaga ang puluhan ng baril. Pinahila ang nakausling bakal upang ihanda sa pagpapaputok. Itinuro ang kalabitan. Isang balantok na bakal na kapag kinalabit, sasambulat ang sunud-sunod na putok.

Itinuro din niya ang maraming bagay. Ang mga paraan. Kahit hindi sanay ang gagamit, sa dami ng punglong pupulandit sa baril, mahahagip ang gustong patamaan.

Natatawa pa ring tumango si Lumin, ngunit tinandaan niya ang mga paliwanag ni Leo. Baka sakaling pakinabangan sa isang pagkakataon.

“Siyanga pala.” sabi pa ng binata. “Bukas, igagawa kita ng saklay. Kailangang masanay ang tuhod mo sa unti-unting paghakbang.“

“Salamat.“ tipid na sagot ng dalaga.

Mahabang katahimikan din bago nagpaalam si Leo upang lumabas. Naramdaman niya ang pagmumuni-muni ni Lumin. Pilit siyang kinikilala. Parang sinusukol sa isang pagkakasala noong nakalipas niyang pagkakamali.

Lumipas ang magdamag na pawang kaluskos lang ng hayop sa lupa ang maririnig.

Sa itaas naman ng puno ay gayon din. Ang mapanglaw at magkakahawig na huni ng ibong sabukot at batu-batong tulog ang malimit pumukaw sa katahimikan ng gabi. Ang lahat ay ‘di nakaila sa mababaw na pagtulog ni Leo.

Ang malamig na aguy-oy ng hangin na nagdaraan sa kakahuyan ay nanunuot sa balat ni Leo. Halos magdamag siyang gising sa pag-iisip. Madaling araw na nang siya’y maidlip at agad ring nagising. Bumangon siya upang dagdagan ang gatong ng dapugan at ihanda rin ang kanilang agahan.

Laganap na ang anag-ag ng liwanag nang magising si Lumin. Pinakinggan niya ang kaluskos sa labas. Naroon pa rin ang pag-asam. Malaki ang hinuha niyang hindi iba sa kanya ang taong nasa labas.

Di kawasa’y pumasok si Leo. Marahan. May dalang umaasong kanin sa biniyak na buho at bahagya pang natigilan nang makitang nakaupo sa bingit ng papag si Lumin.

“May dala ka palang bigas.” nakangiting sabi ng dalaga. “Wari ko’y masarap ang sinaing sa buho at kahit hindi ka taga rito, marami kang nalalaman sa kabundukan.“

Tumango muna si Leo bago itinaktak sa inilaib na dahon ng saging ang mainit na kanin, saka siya nagsalita. “Sa kabilang pulo ko natutuhan ang ganitong pagsasaing.”

“Ga-Galing ka sa kabilang pulo.” Gumagaralgal na tanong ng babae.

“Oo, bakit.” ang sagot at tanong din ng lalake.

“Wa-Wala, may naalala lang ako. Isang kakilala na galing din doon.” Ang sagot na may kasamang sikdo ng dibdib at matibay na hinala.

Nag-isip si Leo sa sinabi ni Lumin, ngunit hindi siya nag-usisa. Hinintay na lamang ang karagdagan pang ulat tungkol sa taong galing sa kabilang pulo.

Subalit iba ang nasa isip ng dalaga. Parang nahihiya na siya pa ang unang magtanong sa pagkatao ng binata.

Upang mapagtakpan ang nagaganap na katahimihan. Inilapit ni Leo kay Lumin ang dahon ng saging upang simula na ang kanilang agahan. Payak na kainan, ang ulam ay daeng na isda. Kulot na dahon ng ampalaya at sawsawang kamatis-bundok.

Bawat subo ni Lumin, kasabay ang sulyap kay Leo. Kagabi pa siya nag-iisip. Lumilinaw ang mga pangyayari. Lalong kumaba ang kanyang dibdib nang mabanggit ang kabilang pulo.

Ang agahan ng dalawa ay natapos sa tipid na usapan. Pinulot ng dalaga ang ilang mismis sa papag at tiniklop naman ng binata ang dahon na kanilang kinainan.

“Ano’ng pangalan mo.?” kapagkuwa’y tanong ni Leo pagkat matagal na silang nag-uusap, hindi pa rin nagkakaalaman ng pangalan.

Natawa si Lumin. Nasisiyahan pagkat simula na upang makilala niya ang lalake. Sinipat niyang mabuti ang kausap, bago sumagot. “Ang tawag nila sa akin ay Lumin. Iluminada dela Cruz.”

Bahagyang nag-angat ng paningin si Leo. Bahagya ring ngumiti at nagsalitang walang damdamin. “Maganda ang pangalan mo.”

Ngumiti naman ang dalaga. Walang tamis at umayon lang sa kanyang narinig. Siya naman ang nagtanong. “Ikaw, ano ang pangalan mo.?“

“Ako si Leo. Leo Ladoza.“ tiwalang sagot ng binata sa pag-asang ngayon lang nahayag sa dalaga ang kanyang pangalan.

“Diyos ko.!“ nabiglang bigkas ni Lumin. “Iyan ang pangalang hinahanap ni Garuda. Ikaw nga ba si Leo.? Maaari bang alisin mo ang iyong sombrero.?“

“Bakit parang kilala mo ako.?“ nagtataka na ang tanong ng binata habang inaalis ang sombrero.

“ Leo.! Ikaw nga.!“ pigil ang pagluhang sambit ng dalaga.

“Ako nga ang nagkasala sa iyo.” matamlay na wika ng binata. “Inaamin ko ang nagawa kong kasalanan. Ngunit saksi ko ang langit. Ang ginawa kong paghalik sa iyo noon ay hindi ko sinasadya sa dahilang kamukha mo si Perenya.“

Napayuko ang dalaga. Hindi niya inaasahan na magiging ganoon ang paliwanag ng binata. Napatunayan niyang nagbalik na ang dating isipan ng kanyang kausap. Gumaling na ang sakit na pagkalimot sa sarili.

“Nagagalit ka.? “ tanong pa ni Leo ngunit hindi nagkamit ng kasagutan. “Kaya nga ba ayokong mag-alis ng sombrero. Magagalit ka lang pag nakilala mo ako.“ sudlong pang tila pahinampo.

“Hindi, Leo.” iwas ng dalaga. “Hindi ako galit. May naalala lang ako.“

Napabuntong hininga ang binata. Hindi na nagtanong at matagal na napayuko. Halata ang kalungkutan at nagmumuning nakatulala.

Nakamasid lang si Lumin. Hindi niya ginambala ang pananahimik ni Leo. Makaraa’y binawi ang tingin. Dinampot ang ilang nakaligtaang mismis sa papag upang matinag ang kanilang kalumbayan sa ‘di pagkilos.

“Si Garuda ang dahilan ng lahat.!“ pamatid-katahimikang sabi ni Leo bago muling nagbuntong hininga.

“Pa-Patawarin mo ako.“ ani Lumin. Hindi ko sinasadya kung muling nanariwa sa iyong alaala ang naganap sa kabilang pulo.“ ang dugtong niya sa paraang maiiyak.

Mandi’y natauhan ang binatang naninimdim. Ayaw niyang nag-aalala ang dalaga, tulad nang nakasanayan niya kay Perenya. “Hindi, Lumin.!“ nabigla pang sambit at natawag niya sa pangalan ang dalaga. “Talagang ganito ako. Hindi maitago ang lungkot lalo na kung ako’y nag-iisa.“ nababahala pang sudlong at ‘di sinasadya’y nagagap niya ang kamay ng dalaga. Mahigpit.

Napaangat sa pagkakayuko ang dalaga. Sinalubong ng kanyang mga mata ang mapanglaw na pananaw ng binata. Matagal bago siya nakapagsalita. “Leo, malansa ang kamay ko. Bitawan mo ang kamay ko.“

Natigilan ang binata. May naalala sa kanyang pandinig. Agad siyang nagbadya.

“Parang binanggit mo na sa akin ang pangungusap na iyan. Hindi ko lang matandaan kung saan at kalian.“

Napangiti ang dalaga. Hindi nagsalita. Naramdaman niyang lumuwag ang pagkakahawak sa kanya ng binata at naging sapat upang mahila ang kanyan kamay.

Natawa si Leo. Saka lang niya naalalang humawak sila ng daeng na isda. Kailangang maghugas sila ng kamay. “Kukuha ako ng tubig.” sabi pa niya at lumabas na dala ang kanilang kinainan

Lihim naman ang karagdagang kasiyahan ni Lumin. Napatunayan niyang may puwang pa rin sa gunita ni Leo ang nakaraan. May pag-asa pang mabuksan ang naputol nilang pag-iibigan. Ang pag-ibig na biglang dumating at bigla ring naparam nang sila’y magkawalay.

Nang magbalik si Leo, dala na ang tubig sa bumbong. Naglabas din siya ng sabon mula sa bayong at saka lang nagmarahan sa pagbuhos ng tubig.

Ngumiti si Lumin. Isinahod ang dalawang kamay. Nagsabon at agad pinagkuskos ang mga palad sa tumutulong tubig. Ang tilamsik sa batuhan ay tila pintig ng kanyang puso. Gustong padaluyin ang isang pagmamakaamo. “Kung maaari lang, sana. Paalpasin mo sa iyong dibdib ang mga salaghati. Isalaysay mo sa akin ang inyong karanasan ni Perenya. Kamukha ko siya. Gusto kong makibahagi sa inyong kalungkutan.”

Natigilan si Leo. Nag-isip. Hindi maibuka ang bibig.

“Kung ayaw mo. Hindi kita pipilitin.” Maliksing bawi ni Lumin. Mababakas sa mukha ang pangamba at paghingi ng paumanhin.

Dagling ngumiti si Leo at naupo sa papag. Muling ginagap ang palad ng dalaga at nasumpungan na lang ang pagsasalaysay niya sa tungkol sa kapalaran nila ni Perenya. Buhos ang kanyang loob at madamdamin ang bawat pangyayari.

Taimtim ang pakikinig ni Lumin. Hindi niya namalayan ang luhang umagos sa kanyang pisngi. Napayuko siya at awang-awa sa dalawang magkasintahan. Hindi siya makatitig kay Leo sa pangambang ipagkanulo siya ng kanyang mga matang bakas ang pagmamahal.

“Nagpakamatay si Perenya sa kagustuhang manatiling malinis ang aming pagmamahalan.“ patuloy ni Leo. “Pangako ko naman. Hindi na ako iibig upang maging tapat sa kanya.“ sudlong pa niya bago ang muling pagbuntong hininga.

Lalong namalisbis ang luha ni Lumin. Gumagaralgal ang tinig. “Ma-Mabuti na lang at nailigtas ka ni Abueg.“ ang nasabi na lang niya sa pagyuko.

“Paano mo siyang nakilala.?“ tanong ni Leo habang nakatingin sa dalaga.

Hindi tuminag sa pagkakayuko si Lumin. Ikinubli ang luha sa kanyang mga mata. Labi lang kumibot at nagwika. “Tulad ko. Naging bihag din siya sa kuta at nagkasama rin kayo sa paggawa ng kubo ni Marcaida.”

Kumunot ang noo ni Leo. Tila tumanaw sa malayo kahit nasa loob lang sila ng kuweba. Nagsalitang mahina ang tinig. “Ayon kay Abueg. Nagkasakit ako ng pagkalimot sa sarili. Maging si Marcaida ay hindi ko lubusang nakilala.“

“Si Marcaida ay kasamahan din ni Garuda, ngunit may puso siyang matulungin. Isa ako sa kanyang natulungan.”

Bahagyang napatungo si Leo. Naalalang ganoon din ang sabi sa kanya ni Abueg. Tumingala siya at nagtanong sa dalaga. “Ikaw, paano kang naging bihag ni Garuda.?“

Hindi nagmaramot si Lumin. Isinalaysay ang kanyang karanasan na tigib ng sindak at panganib dahil sa karahasan ni Garuda. Nilaktawan niya ang tungkol sa pag-iibigan nila ni Leo at lalong nahihiyang banggitin na makalawang ulit na siyang nahagkan ng binata.

Muling napabuntong hininga si Leo, nang malaman ang mga nagawang tulong sa kanya ni Marcaida. Umasam na lang sa sarili na balang araw, gusto niyang makaganti ng utang na loob sa dalagang espanyola.

Nakamasid lang ang dalaga sa binata. Parang naunawaan niya ang nasa isip ng kanyang kaharap. Naghalukipkip siya at bahagyang tiningala ang inaamag na bubong ng kuweba.

“Lumin.” baling ni Leo. “Ang hindi ko nagawa kay Perenya noong siya’y nasa panganib, hangga’t makakaya ko. Ipagtatanggol kita kay Garuda.”

“Salamat, Leo. Naniniwala ako pagkat nagawa mo na kaya ako naririto. Ang ipinagtataka ko lang . Bakit kamukha ko si Perenya.? Kung nabuhay lang ang kakambal ko, iisipin kong siya nga ‘yon.”

“May kakambal ka rin.?“ nabiglang tanong ng binata.

“Oo, Leo. Si Perenya ba ay mayroon din,?“

Tumango ang binata bago sumagot. “Ayon sa kanya, nagkahiwalay sila sa lumubog na barko.“

Sumikdo ang dibdib ni Lumin. Nanginig sa pagtatanong. “N-Nang mangyari ang sakuna, bata pa si Perenya.?“

Muling tumango si Leo bago sinabi ang nalalaman. Maging ang barko ay inihayag. Galing sa timog at patungo sa hilaga.

“Leo,!“ tawag pa ni Lumin. Handang umiyak. “M-May malaki bang taling sa batok si Perenya.?“

“Maroon.!“ nabiglang sagot ng binata. “Paano mong nalaman.?“

“Diyos ko.! Siya nga ang kakambal ko.!“ gimbal na sabi ng dalaga, kasunod ang tuluyang paghagulgol. Hindi na sinagot ang tanong ng binata.

Napatitig sa kawalan si Leo. Ang kinukuyom niyang hinala ay nagkatotoo. Hindi lang niya masabi kay Perenya sa pangambang mahayag ang ‘di sinasadyang pagkakahalik niya kay Lumin.

“Ang kawawa kong kakambal.” hinaing pa ng dalaga. “Hindi kami nagkita, gayong pinaglapit na kami ng tadhana. Sana o, Diyos ko.! Makita ko sana si Ima kahit sa himala man lang.!“ ang sudlong na hiling sa Maykapal.

“Ano ang buo niyang pangalan.?“ may kasabikang tanong ni Leo.

“Ang tunay niyang pangalan ay Imaculada dela Cruz.“ anang dalagang malimit ang paghikbi.

Habag ang tumimo sa puso ni Leo. Marahan niyang niyakap ang dalaga at hinaplos-haplos sa likod habang nakaupo sila sa bingit ng papag.

Matagal din bago naibsan ang paninikip ng dibdib ni Lumin. Bahagya siyang lumayo kay Leo at nagwika. “Ang mga alahas ni Perenya ay nasa aming bahay. Galing iyon kay Garuda. Napilitan akong kunin sa kagustuhan na rin ni Marcaida at sa pag-asang darating din ang ganitong pagkakataon. Sa iyo ko ibibigay.”

Kumunot ang noo ni Leo. Nagkatotoo ang kanyang hinala. Si Garuda ang nakialam sa kahita ng alahas nang ‘di niya makita sa kabilang pulo. Gumaan ang kanyang pakiramdam nang magsalita. “Natutuwa ako at nasa iyo ang mga alahas. Ikaw ang nararapat na mag-ingat. Para sa akin, iisa lang kayo ni Perenya.” at muli na naman niyang ginagap ang kamay ng dalaga.

Lalong napahikbi si Lumin. Muling isinubsob ang kanyang mukha sa balikat ng binata at doon hinintay na maparam ang sakit ng kanyang dibdib.

ANg katahimikan sa labas ay nagambala. Isang ibong kalaw ang humuni at narinig hanggang sa loob ng kuweba.

“Tanghali na pala.! nabiglang sabi ni Lumin, kasabay ng palayo sa balikat ni Leo. Gusto ko sanang maligo.“

“Masama sa’yo ang mabasa. Malalamigan ang pilay mo.“ paalala ng binata. “Sandali lang naman.” giit ng dalaga. “Tingnan mo’t may bahid pa ng putik ang paa ko. Sige na, alalayan mo ako.“ sudlong na may himig sumamo.

Sa kabilang dako. Matapos mag-inuman ng tuba, nagbalik sa kasukalan ang kabayuhang pangkat ni Garuda at may nakakareta pa sa hulihan. Ang sadya nila ay mag-abang kay Leo at hanapin ang mga sandatang itinago nito.

Pinakalat ni Garuda ang kanyang mga tauhan upang galugarin ang paligid ng pook na kung saan ay tinandaan niya na iyon ang huling bakas ng kanilang hinahanap.

“Sa muli naming paghaharap ni Leo Ladoza, magkukulay tuba ang kanyang mukha. Matutuyo ang dugo sa kanyang talampakan at mahihigang walang hanggan.!“ sobrang paghahambog ni Garuda kay Mostafa habang palayo sila sa mga tauhan.

Tatangu-tango naman si Mostafa, naniniwala siyang hindi makakaiwas sa kamatayan si Leo. Mauutas sa baril ni Garuda, pagkat ang bilis sa pagbunot ng baril ay lalong bumabagsik kapag lasing.

Samantala, mabilis na nakapamutol ng mga sangang madahon si Leo. Iyon ang ginawa niyang pangubli sa sibol ng tubig na nagmumula sa bitak ng isang malaking bato. Katamtaman ang daloy ng tubig at tama lang sa ginawa niyang paliguan.

Ilang sandalipa ay naliligo na si Lumin. Gamit ang mabangong sabon na galing sa bayan. Manaka-naka siyang sumusulyap kay Leo. Napansin niyang palayo ang binata at parang may hinahanap.

Gamit ang balaraw, pumutol ng sanga si Leo. Angkop ang nasabing kahoy sa gagawin niyang saklay para kay Lumin. Kinalis ang mga dahon at pinili ang tugmang hugis sa paggagamitan.

Hindi naman nagtagal. Iba na ang kasootan ni Lumin. Tinawag niya si Leo at iniabot ang mga bagay na nakuha niya sa bulsa ng tsaketa. Gusto niyang ikusot sa sabong panlaba ang nasabing kasootan bago isauli sa binata.

“Huwag na lang.“ tanggi ni Leo at agad kinuha ang kanyang tsaketa sa pangambang magdugo ang sugat ng babae.

Napangiti si Lumin. Nangingislap ang mga matang itinitig kay Leo. Hindi lang masabing naikusot na niya ang mga mamasa-masang damit na hinubad sa kanya ni Leo. Ang isa namang saplot na panloob ay hindi agad naisampay pagkat nakabukod niyang ipinamulsa sa tsaketa upang ‘di makita ng binata.

Makaraan pa ang ilang sandali, tinawag ni Lumin si leo upang muling magpaakay nang matapos na ang pagsasampay niya sa malaking bato.

“Saka mo na lang gamitin itong saklay, kapag wala ako.“ anang binata at isinandal sa naraanan nilang puno ang nasabing bagay.

“Leo.” mahinang tawag ng dalaga sa nasang ibahin ang kanilang paksa. “Ba-Bakit naman ganito ang binili mong damit..? Malalim ang tabas sa dibdib at pitis na pitis.” nahihiyang sudlong habang sila ay naglalakad.

Natigilan ang binata. Hinagod ng tingin ang dalaga sa kasootang ‘di naman gaanong makabago. Parang sumundot sa kanyang kaisipan ang isang tagpong nakaraan at hindi lang niya maabot-liripin. “Bagay naman sa’yo at tila sadyang isinukat sa katawan mo.” sabi na lang niya at iningiti ang pagpuri.

Para kay Lumin, may bahid-tukso ang kanyang narinig. Tumigil siya sa paglakad at sumagot na tila padaplis. “Paano nga’y…Ay naku, ewan.!“

Matunog si Leo. Agad nabigyang ng kahulugan ang ibiniting salita ng dalaga. Sinalag niya. “Kasi nama’y magkasingkatawan kayo ni Perenya.“ paniniyak na binata pagkat natandaan niya ang sukat ng katawan ni Perenya nang sila’y magpatahi ng damit na pangkasal.

Natawa si Lumin. Pinisil niya ang bisig ni Leo. Pahiwatig na siya’y nagbibiro lamang at nangatuwiran pa. “Maganda nga ang damit, ngunit talagang ‘di ako sanay sa naiibang tabas.“

Natawa rin si Leo. Tinanggap ang katotohanan. “Talagang makaluma ka , samantalang si Perenya ay makabago sa ibang bagay.”

“Kaya mo siya nagustuhan.?“ maliksing tanong ng dalaga.

“Hindi naman.“ banayad na sagot ng binata. Ang alam ko lang, mahal ko siya.” sudlong pang may panimdim. Wala sa loob na humakbang siya upang sumunod ang dalaga

Napatutok ang paningin ni Lumin kay Leo. Binabakas ang lumbay. Para siyang nagsisi kung bakit nakapag-usisa pa siya. Binago ang paksa. “Gusto ko rin ang damit na ito pagkat galing sa iyo. Kaya lang, parang nakakahiya rin kung may ibang tao na makakakita sa akin.”

Nagbalik ang saya sa mukha ni Leo. Inakay niyang paupo sa isang nakahandusay na puno si Lumin at saka siya nagbiro. “Ang ibig mong sabihin, wala kang pangingimi sa akin.?“

Nauwi sa pagtawa ang ngiti ni Lumin, bago nakasagot. “Wala naman na akong dapat na itago sa iyo. ‘di ba.?“

Masaya pa rin ang gitla sa mukha ni Leo nang magslita. “Hayan ka na naman. Sinabi ko ng…”

Bitin ang narinig na kataga ni Lumin. Agad niyang dinugtumgan, “Madilim noon at malabo ang isang mata ko.!“ sabay pang natawa ang dalawang nag-uusap.

Gumanti ang binata. Binago ang parunggit ng dalaga. “Hindi ganoon ang sabi ko Lumin. Maliwanag pa noon, pero ipinikit ko naman ang isa kong mata.”

Muli, sabay din silang natawa. Nagbibigayan sa biruan. Gustong malibang ang bawat isa sa kanila at malimutan ang mga hilahil kahit pakunwari lamang.

Tumindig si Lumin. Balak niyang abutin ang nakatindig na binata upang kahit bahagya lang, mahampas niya sa balikat, ngunit sumigid ang kirot sa kanyang pilay.

Nasaktan ang may pinsalang tuhod na unang tumukod sa bigat ng kanyang katawan. Narinig ang mahinang daing at nawala ang panimbang ng dalaga.

Maagap si Leo at payapos na inalalayan si Lumin. May habag ang bawat haplos niya sa likod ng dalaga. May init at pagmamahal.

Nagkadikit ang kanilang katawan. Tila pinakikiramdaman ang magkatugmang pintig na kanilang puso.

Nakatingala si Lumin. Sinalubong ang titig ni Leo. Para siyang nahihiya at gusto nang umalpas sa yakap ng binata.

Natigilan si Leo nang magtama ang kanilang mga mata. Nagbago ang pakiramdam at nagbalik ang lumipas. “Napakaganda ng mahal ko.“ an’yang pabulong ngunit dinig sa malapit.

“Leo.!“ nabiglang tawag ni Lumin. May halong kaba. “A-Ano’ng sabi mo.?” dugtong pa niya.

“Mahal na mahal kita.” Patuloy pa ng binatang nawala sa sarili. Lalong humigpit ang yakap sa inaakala niyang kasintahan.

“Leo.! Bi-Bitawan mo ‘ko.! Baka may makakita sa atin.?“ gumagaralgal na sabi ni Lumin. Pilit na umaalpas, kasabay ang baling sa pangambang may ibang tao sa paligid, ngunit bigla rin siyang napapitlag nang maramdamang dumampi sa kanyang pisngi ang mainit na labi ng binata. “ Leo.! Nasasaktan ang sugat ko.!“ sudlong pang sumamo upang maawat ang labing gumagapang, patungo sa kanyang bibig. Gusto rin sana niya ngunit natatakot naman siyang makalimot at mawala sa saril. Nakakahiya.

Bigla namang natauhan si Leo. Para siyang nagising sa panaginip. “Na-Nakalimot ako, Lumin. Akala ko’y ikaw si Perenya. Patawarin mo ako.“ tila nanghihinang sabi ni Leo, matapos luwagan ang pagkakayakap sa dalaga, kasunod ang marahang pagyuko.

Agad namang ngumiti si Lumin. Siya na ang nagpaliwanag. “Kasi naman ay talagang kamukha ko siya. Patunay lang na siya ang laging nasa isip mo.”

Napayapa naman ang loob ni Leo. Saka lang siya bumaling sa dalaga at nagwika.

“Parang nangyari na sa atin ang tagpong ito, ‘di ba.?“

Lihim na napangiti ang dalaga. Ganoon nga ang nangyari sa kubo ni Marcaida,

ngunit hindi malaman kung paanong sasagutin ang tanong ng binata. Nalito siya at hindi nakahuma.

Muling nagtanong si Leo. “Baka kaya noong may sakit akong pagkalimot sa sarili. Hindi kaya.?“

“E-Ewan ko, Leo.” ang sabing ‘di malaman kung saan titingin, hanggang sa siya’y mapayuko.

“Parang narinig ko na rin ang sagot mong iyan.” giit ni Leo, kasunod ang hinalang baka malimit silang mag-usap sa kubo ni Marcaida. Hindi na niya nakuhang usisain ang nakaraan pagkat napatuon ang pansin niya sa kamay ng dalagang nakatukop sa kanyang dibdib.

“Nasaktan nga pala ang sugat mo.“ paibang sudlong ni Leo at marahang inalis ang kamay na nakatabing sa sugat ng babae.

Bahagya ring kinabahan si Lumin. Parang napapaso sa haplos ng mga mata ni Leo nang bahagyang iawang ang damit niyang may kalaliman ang tabas sa tapat ng dibdib. Napayuko na lang siya.

“Namula ang sugat mo. Masakit pa ba.?“ nag-aalalang tanong ng binata.

“Hindi na.“ mahinang tugon ng dalaga at pilit na ngumiti.

“Gusto mo bang ihatid na kita sa loob ng kuweba.?“ tanong uli ng lalake.

“Huwag, Leo. Dito muna tayo.” ang sagot sa nasang sagapin ang sariwang hangin na nagdaraan sa siwang ng mga sanga at madahong punong kahoy.

Napangiti si Leo. Muling nilinga ang kapaligiran. Ang balak niya ay isinakatuparan.

Pumutol siya ng mga sanga ng kahoy upang gawing panakip sa bunganga ng kuweba.

Ayaw niyang mahantad ang dalaga sa mga gumagalang hayop.

Nanonood lang si Lumin at humahanga sa mabilis na kilos ni Leo. Bawat galaw ay may katuturan. Madaling nayari ang pinto ng kanyang pahingahan. Sala-sala at maliit lang ang siwang.

Makalipas ang pananghalian, saglit na naidlip si Lumin, putol-putol. Bawat alimpungat, pinakikiramdaman niya ang bawat kaluskos ni Leo sa labas ng kuweba.

“Baka umalis na siya.” tanong niya sa sarili nang mapuna ang mahabang katahimikan.

Tumindig si Lumin. Gusto niyang makatiyak. Sa tulong ng saklay, narating niya ang pinto ng kuweba. Binuksan niya ang kagagawang tabing at nakita niya si Leo. Nakaupo sa lilim ng puno. Nakatungo at larawan nang kapanglawan. “Kanina lang, ang saya ng aming biruan.” usal pa niya at agad na tumalikod. Ibig niyang ikubli ang pakikiramay sa binata. Ayaw ipakitang nahihirapan din ang kanyang kalooban.

Muling bumaling si Lumin kay Leo. Gusto niyang haplusin ng pananaw ang balikat ng binata. Aliwin, ngunit nahihiya naman siyang lumapit at baka makaabala lamang.

Samantala, yamot na nagbalik sina Garuda at Mostafa sa mga tauhang nasa kasukalan. Bigo sila sa pag-aabang kay Leo.

“Mga tarantado kong tauhan.! Nakita ba ninyo ang mga armas.!“

Isa-isang umiling ang mga tauhan. Walang gustong sumagot. Natatakot na mabulas

at mabalingan ng poot sa ‘di pagdating ni Leo.

“Talagang hindi kayo aasahan sa paghahanap.!“ sigaw pang nanginginig ang baba sa galit at nanlilisik ang mga mata nang muling magsalita. “Mga tarantado.! Sumunod na lang kayo sa amin.!“ aya pa ni Garuda upang dalhin kay Buryas ang kareta na may malaking de makinang baril.

Sa malayong dako naman ng kabundukan ay masigla na ang munting pangkat ni Wana. Nangangalap sila ng mga kasapi na handang maghimagsik laban sa kasamaan ni Garuda. Maalingasngas ang pagdating nila ni Alpon sa Baryo Tala, kasama ang ilang babaing tagasunod.

Si Wana ay parang lalake na ngayon sa kilos at pananamit. Nakapantalon at polong nakabuhol sa harapan ang laylayan. Nakasambalilong balanggot upang ‘di sumabog ang buhok niyang nakapugong. Nawala na rin ang kanyang kahinhinan at mababakas sa mukha ang katapangan. Ang paghihimagsik nila ay ginanap sa isang tiwangwang na lupa. Iyon ay malapit sa bahay ng mag-inang Aling Saling at Bidang.

Ang bawat pilantik ng pangungusap ni Wana ay para bang sinadya upang iparinig kay Bidang ang nararapat gawin. Ang maging masigasig sa paghahanap ng katarungan. Ang maging matalino upang maisakatuparan ang tagumpay sa paghihianti. Ang magtulung-tulong at magdamayan sa ikauunlad ng kanilang layunin.

Mula sa durungawan ng isang katutubong tahanan, naganap ang kasiyahan. Namilaylay ang masayang ngiti sa labi ni Bidang nang malasahan ang tamis ng paghihiganti, mula sa tilamsik ng dila ni Wana. Dumating na ang hinihintay niyang pagkakataon. Ang maibangon sa dusa ang nalusak niyang kapurihan at makalakad kahit ang tuntungan ay libingan.

Bumaba sa tahanan ang mag-ina. Magkaakay. Bawat hakbang ay ninanamnam nila ang mapapait na kataga ng isang nagsusumakit sa puri ng inang bayan. Sumisikdo ang kanilang dibdib habang papalapit sa pulutong ng mga maghihimagsik. Nakabanaag sila ng pag-asa sa nilalayong paghihiganti. Nakinig sila.

“Mga magulang ko’t kapatid.!“ anang isang bahagi sa pangungusap ni Wana. “Tayo’y nalulukuban ng mga limatik na umahon sa ating baybayin. Kung hindi pa tayo kikilos, mamamalagi tayo sa pagdurusa.!“ ang sudlong na may halong pamamaos.

Malungkot ang mukha ni Wana nang magpatuloy sa pagsasalita. “Kayo ba ay laan lamang sa pagpapasigid ng dugo sa mga limatik.? Wala na bang halaga sa inyo kung mabasag man ang salamin ng isang tahanan.?“

Saglit na tumigil sa pagsasalita si Wana. Lalong tumamlay ang pag-iling. Nanunumbat ang kanyang mga mata habang iginagala sa mga naroroon. Wari’y sinusukat ang kanilang damdamin at gustong pag-alabin sa muli niyang pagsasalita.

“Maging ang patay na lukan ay natitinag din sa daluyong ng tubig upang magpanibagong buhay.!“

“Hindi lang lukan, mga kababayan.!“ sabad ni Alpon. “Maging ang tuod ay napapakilos din sa haging ng hangin.!“ ang sudlong sa naunang talinghaga ng babae kasabay ang paglibot ng paningin.

“Bakit hindi pa tayo kumilos.!“ pasigaw na wika ni Wana. Masigla at umiigting ang ugat sa leeg.

Patuloy ang katahimikan ng mga taga baryo. Urung-sulong ang mababakas sa kanilang mukha. Nag-aalinlangan. Paano silang makikitalad sa mga dayuhan na may bumubusang sandata.

Hindi nakatiis si Alpon sa matagal na pag-ulik-ulik ng mga nakikinig. Napansin din niya na ang ilan ay nagsitungo ang ulo at wari’y handa na sa paglayo. “Sandali lang mga kapatid.!“ habol pa niya at iginala ang paningin. “Wala ba ritong nasaktan nang lapastanganin nila ang ating katahimikan.? Hindi ba masakit ang mawalan ng anak, ng magulang, ng kapatid at mga kababayan.? Hindi rin ba masakit ang mawalan ng karangalan.? Kung ang lahat ay walang halaga sa inyo.! Kami’y magpapaalam na.!“ patapos na wika ni Alpon. Hinila sa kamay si Wana at nagpasaring na balang araw,mamumulat ang mga taga baryo sa katotohanan.

“Hintay, kaibigan.” habol ng isang matandang lalake. Ubanin ngunit may matipunong katawan. “Huwag kang magdamdam. Likas lang sa atin ang umiwas sa gulo. Parang salop. Hindi kinakalos hangga’t hindi puno.!“

“Mali pong panuntunan.!“ umiiling na wika ni Alpon. “Ang lusong ay hindi pinupuno. Binabayo agad ang palay upang maging bigas. Hihintayin pa ba nating makakain tayo ng ipa.?“

Tila natauhan ang matandang lalake. Napagkuro niya ang kasabihan sa salop. Ngayon ay mayroon nang panapat. Ang lusong na higit ang tatag at tibay. Agad siyang nagpasiya. “Sasama ako sa inyo.!“

“Isama mo rin po ako, Tata Binong.!“ habol ni Bidang, kasunod ang kanyang ina.

“Wana.! Isama mo rin ako. Ayokong maulit sa iba ang nangyari sa akin.!“ baling pa niya at umiiyak na yumakap sa anak ng kanilang namayapang punong bayan.

“Oo, Bidang.” sagot ni Wana. “Isa lang ang guhit ng ating palad. Magkasama tayo hanggang wakas.! “

“Tutulong din ako sa inyo, Wana.!“ sabad ni Aling Sinang. “Hindi ko na rin hihintaying mapuno ang salop, pagkat ang ibig sabihin, marami na ang napinsala sa atin.!“ ang sudlong sa nasang hindi mapawalay ang kanyang anak at magbigay pa ng kahulugan sa balanang kanyang sinabi.

Ang matandang lalake na tinawag ng Tata Binong ay humarap sa mga kababaryo. Hinugot sa kanyang baina ang matalas niyang gulok at iwinasiwas sa itaas bago sumigaw. “Ipaglalaban ko ang kamatayan ng anak kong si Senyong.!“

Lalong nagtumangis si Bidang nang marinig ang pangalan ng kanyang kasintahan. Nagmistula siyang baliw. Nagpapadyak sa lupa at nagpasuling-suling ang mga mata. Naalala niya ang nakaraang pistang bayan. Ang kamatayan ni Senyong sa kamay ni Garuda. Ang pagsasamantala sa kanya ng mga kilabot. Hindi na niya alam kung ilang dayukdok ang umakyat-manaog sa bahay na kinasadlakan ng kanyang puri. Tumigil lang ang mga sugapa nang mawalan siya ng malay at sa akalang patay na rin siya.

Sa puntong iyon, parang nagbalik sa alaala ng mga taga baryo ang sinapit ni Bidang. Napayuko sila. Ang iba ay bumaling sa kawalan. Hindi nila matagalang masdan ang kilos ni Bidang. Parang nginatngat ang kanilang damdamin at nagsimula na silang matauhan. Lumagablab ang dapog at nabakas sa kanilang mukha ang poot.

Kinabukasan, muling iniluwa ng kasukalan si Leo. Nakasakay sa kabayo at nakatsaketa. Mababakas sa kanyang mukha ang isang nag-uumigting na paghihiganti.

Sa bungad pa lang bayan, may nagbabala na sa kanya.

“Ginoong dayuhan.!“ anang isang matandang lalake. “Mag-ingat ka.! May gumagalang tauhan si Garuda. Sakay ng kareta at inaabangan ang pagdating mo.”

“Salamat ho, Lolo.” tugon ni Leo bago ipinagpatuloy ang pangangabayo. Bawat maraanan niya ay nagpapaalala. “Alam na nila ang pangalan mo, Ginoo.“

Panay lang ang tango at pasasalamat ni Leo sa bawat nagmamalaskit sa kanya, gayong ang mga mata niya’y mailap sa paligid. Bawat kaluskos ay nabibigyang kahulugan pagkat nasasabik siyang makaharap agad si Garuda.

“ Leo.! “ sigaw na kung saan nagmula.

Patalong bumaba sa kabayo si Leo. Pagsayad sa lupa, nakatutok na ang kanyang baril sa pinagmulan ng tinig.

“ Leo.!“ ako si Abueg.! “ ang sabing ‘di mawari kung uurong o susulong.

Nawala ang galit sa mukha ni Leo. Napangiti bago isinuksok ang kanyang baril.

“Abueg.! Kamusta’ng lagay mo rito.?“ bati pa niya sa paglapit.

“Mabuti naman, Leo. Liban sa kaunting pamamaos.“ ang sagot at ipinagmalaki sa kaharap ang sinaunang kaugalian na hindi pa nawawala sa Isla Busuangga. Ang pakikipanuluyan. Nakikitira lang siya sa isang may magandang kalooban.

Nag-usap ang dalawa sa isang kubling halamanan. Nagpalitan ng salaysay kahit pahapyaw lamang.

“Tungkol nga pala kay Lumin.” dagdag pa ni Abueg. “Malaki ang pag-ibig niya sa iyo. Handa siyang mamatay, huwag ka lang mapahamak. Nasubaybayan ko ang mga pangyayari dahil sa masugid kong pakikibalita at pagtanaw kahit nasa kuta ang aking gawain.“

Napigilan ang salaysay ni Abueg nang biglang makaramdam ng panganib si Leo. Ang langingit ng kareta ay umabot sa kanyang pandinig. Sumungaw siya sa halamanan at hindi nagkabula ang kanyang hinala.

“Mga tauhan ni Garuda ang sakay.!“ mahinang bigkas ni Leo at diniinang pababa ang ulo ni Abueg upang sila ay mangubli.

“Mag-ingat ka, Leo. Lagi silang handa sa tuwina.”

Hindi kumibo ang binata. Nag-antabay. Kinapa ang kanyang baril at biglang humantad nang maramdaman niyang malapit na ang kareta.

Nanlaki ang mata ng mga kilabot. Handa ang kanilang sandata, ngunit hindi naiputok dahil sa bilis ni Leo. Sunud-sunod ang punglong tumagos sa kanilang batok.

Kamatayan sa isang iglap at tumilapon sa lupa ang mga subyang ng katahimikan.

Malakas ang tawa ni Abueg. Luminga sa paligid at may pagmamalaki pang nauna sa paglapit. Minasdan ang tatlong nakatimbuwang na kilabot at saka siya sumigaw.

“Naging tatlo ang butas ng kanilang ilong. Natikman ninyo ang ganti ni Leo.!“ patuloy pa niyang hiyaw, ngunit lingid sa kanya, nakahantad sila sa nakaambang panganib.

Sa siwang ng mga sanga at madahong punong kahoy. Nakatunghay ang isang bantayan ng kuta. Dalawang kilabot ang nasa itaas. Handang pumatay pagkat narinig nila ang pagpapaputok ni Leo. Nakita rin nila ang natambangang kareta sa gamit nilang largabista.

“Tumabi ka at igaganti ko ang mga tauhan ni Garuda.!“ anang isang kalbo na humahawak sa de makinang baril, kasabay ang tabig sa kasamahan niyang nakasilip sa lagabista

Nanlaki na ang mga mata ng kalbong may hawak ng machinegun. Nakangisi sa galit at tila suot sa ulo ang talukbong ni Kamatayan.

Noon nama’y tapos nang magkarga ng punglo si Leo. Lumapit siya kay Abueg upang siyasatin ang mga binawian ng buhay. Ngunit naganap na ang panganib sa tabi ng kareta.

Nagbuga ng punglo ang nasa tore. Umaso ang paligid ng kareta. Bumagsak ang kawawang kalabaw na unang sumagap sa bugso ng kamatayan.

Nahagip din si Abueg at napaupo sa likuran ng sasakyan. Dumaing siya at gumapang sa kaligtasan.

Nilukso ni Leo ang paglapit kay Abueg. Hinila niya at ikinubli sa makapal na gulong ng kareta. “Daplis lang ang sugat mo.!“ sabi pa niya habang sinusuri ang tagiliran ni Abueg.

Samantala, walang puknat ang pagpapaputok ng baril mula sa bantayan. Gustong wasakin ang kareta pagkat ayon sa taga silip ng largabista, doon nakakubli ang taong gusto nilang patayin.

Nakaramdam ng panganib si Leo. Kailangan niyang gumanti upang pigilan ang mga punglong tumatadtad sa gulong ng kareta. Bumubutas at nagpapatilapon sa pira-pirasong kahoy, ngunit hindi siya makasungaw upang gamitin ang baril na nasa kareta. Lumiliit ang kanilang kublihan dahil sa mga punglong walang tantan ang pagdating.

Nakadapa na sa lupa sina Leo at Abueg nang hugutin ng una ang kanyang baril at ikama roon ang teleskopyong galing sa bulsa ng tsaketa. Mula sa maliit na siwang ng gulong, nasilip niya sa bantayan ang kalbo na humahalakhak pa sa panunudla. Pinaputukan niya at saka lang naampat ang dumadaluyong na kamatayan.

Bahagyang nakahinga ang ilang taong nakamasid sa mga pangyayari. Mga mamamayang nangagsilip sa pinangungublihan. Dumadalanging huwag mapahamak ang kakampi nilang tagapaglitas.

Noon nama’y bigla ang namuong galit sa mukha ng kilabot na taga silip sa largabista. Nakita niya kung saan nagmula ang punglong umuka sa noo ng kanyang kasama. Agad niyang dinukwang ang machinegun upang gumanti, ngunit tulad nang unang nasawi, ganoon din ang kanyang sinapit.

Naudlot si Leo sa pagsilip sa teleskopyo. Nakita niya ang maraming kalbo na halos pumuno sa bantayan. Tumindig siya at sinamantala ang pagkakataon. Dinukwang niya ang de makinang baril na ‘di gaanong napinsala sa ibabaw ng kareta. Pinigilan at pinaputok na walang patumangga.

Namayani ang dagundong ng sandatang hawak ni Leo. Tiyak ang patama. Nangangalit ang kanyang bagang. Kung maaari lang, gusto niyang maubos agad ang mga sagabal sa landas na kinaroroonan ni Garuda.

Palit-palitan ang pagganti ng mga kalbo sa bantayan. Kahit nasa hagdan pa lang, pinapuputok na ang kanilang baril, sukdang mangahulog sa kanilang kasawian.

Nagngingitngit ang kalooban ni Garuda sa nakikitang pagkawarat ng mga tauhan ni Sultan Kalagara. Nais niya ang madaliang pagganti pagkat alam niyang ang mga kalbong kilabot ay ‘di bihasa sa paggamit ng machinegun.

Panay din ang sigaw ni Kenji sa kanyang mga tauhang singkit. Pinaakyat sa tuutungang nasa loob ng bakod at pinaumang ang mga de makinang baril kung may kalaban sa labas.

“Ako ang aakyat.!“ sigaw ni Mostafa upang ipakita ang galing niya sa paggamit ng de makinang baril.

“Hindi.!“ pigil ni Garuda. “Ako ang sanay sa malayong puntirya. Isang putok lang ang katapat ni Leo Ladoza.!“ pigil-hiningang sudlong ni Garuda at nagmamadaling tinungo ang hagdan na paakyat sa bantayan.

Ang patak ng dugo sa mukha ni Garuda ay hindi sapat upang mapigilan ang kanyang hangarin. Mabilis siyang namaitang. Sa wari, magkakasubukan ang dalawang batikan sa paghawak ng machinegun.

Nakakalimang baitang pa lamang si Garuda nang padausdos na mahulog sa hagdan ang isang duguang tauhan. Halos mapauklo si Garuda nang sa ulo niya bumagsak ang sugatan. Natangay siya sa ibaba at nahandusay sa lupa.

Sumugod si Mostafa. Siya naman ang papalit kay Garuda, ngunit naramdaman niyang nagsisimula ng bumagsak ang putol-putol na bahagi ng bantayan. Umiwas na lang siya at inalalayan si Garuda sa paglayo.

Kahit wala nang matanaw na kalaban si Leo, patuloy pa rin ang pagmamasinggan. Tumigil lang siya nang bumagsak at ‘di na matanaw ang bantayan.

“Abueg.!“ baling ni Leo. “Tiyak na daragsa rito ang mga kalaban. Umuwi ka na.!“ dugtong pang utos pagkat alam niyang marami ang madaramay kung hindi siya lalayo sa bayan.

“Sasama ako, Leo.!“ habol ni Abueg habang tutop ang tagiliran.

“Saka na lang. Huwag sa ganitong pagkakataon.“ pakiusap ni Leo at tinapik ang sugatan. Ipinahiwatig ang panganib pagkat iisa lang ang kanilang kabayo habang minamadali ang pagdampot sa mga nagkalat na sandata, kasama na ang machinegun sa pagbitbit.

Hindi naman umimik si Abueg. Tinulungan na lang niya si Leo upang makasakay sa kabayo at maikandong ang mga baril.

Walang katao-tao sa lansangan nang dumating ang pangkat ni Garuda. Bumaba sila sa kabayo at parang mga lawin na gustong manila ng sisiw.

“Hanapin ninyo at baka nangungubli lamang sa paligid.!“ na sigaw ni Garuda sa mga tauhan. Naglalakad silang tila may dadakmain at nakaumang ang mga sandata.

Matagal na nakiramdam si Garuda. Sumasaliksik ang paningin sa mga kubling kanlungan, ngunit wala siyang makita, hanggang sa magsawa at muling sumigaw sa galit. Naghahamon. “Lumabas ka, Leo Ladoza.! Magsubukan tayo sa baril.!“ subalit patuloy lang ang katahimikan sa paligid. Wala siyang makitang bukas na tahanan.

Nang sandaling iyon, malayo na si Leo. Pumasok siya sa makapal na kasukalan upang isama sa taguan ang dala niyang mga baril.

Ang pangyayaring iyon ay tila tuksong pumasok sa utak ni Garuda. Naramdaman niyang wala na si Leo. “Habulin natin.!“ aya pa niya kay Mostafa, sabay hudyat sa mga tauhan upang maiwan.

Paragasang lumabas ng bayan ang dalawang kilabot. Mistulang binuhawi ang palanas na lansangan. Parang umaaso ang makapal na alikabok. Tumitilamsik ang maliliit na bato dahil sa bilis ng kanilang pangangabayo at poot sa dibdib.

“Wala.!“ pabaling-baling na sigaw ni Mostafa nang marating nila ang isang mataas na burol at matanaw ang magkabilang dulo sa magkasangang landas sa kaparangan.

Hinugot muna ni Garuda ang isang malalim na buntong hininga, bago nagpasiyang

bumalik na sa bayan.

Mahirap makita si Leo. Nakapalaot na sa kagubatan at nayuyungyungan ng mga punong kahoy. Mabagal ang kanyang pangangabayo dahil sa kasukalan.

Isang mailap na usa ang nagtaas ng ulo, mula sa panginginain ng kamoteng baging. Kumibot ang ilong na para bang may inaamoy. Humarap din siya sa ihip ng hangin na nanunuot sa siwang ng mga dahon at doon niya natiyak na may taong dumarating.

Mula sa malayo, natanaw ni Leo ang biglang pagtalon ng usa bago ang pagsibad. Kailangan niya ang laman ng usa, ngunit mahirap matamo kung hahabulin pagkat masukal at maraming salabid. Punglo ang higit na mabilis sa pagtugis.

Ilang sandali pa, naramdaman na ni Lumin ang pagbabalik ni Leo. Sa tulong ng saklay ay patikod na sumalubong ang dalaga. Nakangiti. Parang nasasabik at nagniningning ang mga mata.

Agad binitawan ni Leo ang bitbit na usang may tali ng baging sa mga paa. Inalalayan niya si Lumin upang makaupo sa nakahapay ng puno.

“Saka lang nawawala ang kaba ko, kapag nakikita na kitang dumarating. Nag-aalala ako sa iyong kaligtasan, lalo na kaninang nakarinig ako ng putukan mula sa malayo. Buti na lang at nakabalik ka.!“ bungad ni Lumin sa katuwaan. Hindi maitago ang tunay na damdamin.

“Bakit.?“ nakangiting tanong ni Leo. Wala sa loob na umupo sa tabi ng dalaga at hindi na nagpaliwanag sa nabanggit na putukan.

Nasukol si Lumin. Nabigla sa kanyang sinabi. Hindi malaman ang itutugon. Ayaw niyang magsinungaling at itat’wa ang nadarama ng kanyang puso, ngunit kailangan niyang sumagot, madali lang naman ang tanong. “Natatakot akong mag-isa rito. Baka biglang dumating si Garuda.!“

Nahalata ni Leo ang inibang sagot ng dalaga. Gayon man, nagpaliwanag din siya.

“Hanggang sa kapatagan lang ang nararating ni Garuda. Asiwa siya sa kasukalan at maaaring ayaw niyang matambangan. May dala nga pala akong usa. Manood ka at babalatan ko.”

Nabigla pa si Lumin nang mapagtuunan niya ng pansin ang dala ni Leo. “Paano mong nahuli ang mailap na usang iyan,?“ tanong pa niya.

Ngumiti lang si Leo at hindi na sumagot sa pagtindig. Agad niyang inapuhap ang dapat gawin upang malibang ang dalaga sa panonood.

Sumunod ang paningin ni Lumin sa kilos ni Leo. Para siyang binabagabag sa nakikitang paglilingkod sa kanya. Napapagod sa pagmamadali upang siya ay hindi gutumin. “Sana, dumating ang panahon na ako naman ang maglilingkod sa iyo.” sabi pang tila nahihiya sa mabilis na kilos ng binata.

“Ang pagtulong ko sa iyo ay walang hinihintay na kapalit.” ani Leo. “Likas sa ating silanganin ang tumulong sa nagigipit, ‘di ba.?“

“Oo nga, Leo. Pero, likas din sa atin ang tumanaw ng utang na loob.”

Muling ngumiti si Leo, bago nagwika. “Nakakahiya nga sa’yo. Laging inihaw ang kinakain mo rito.” paliwanag pa nito habang tinatayantang sa baga ang dalawang hiwa ng karneng nakatuhog sa kawayang patpat matapos asinan. Ang kalanan ni Leo ay laging may baga dahil sa malaki at matitigas ang kahoy na nakagatong.

Ngumiti rin si Lumin at iniba ang paksa. “Leo. Sana, paggaling ng pilay ko. Ihatid mo ako sa kaingin ni Amang Imoy na kapatid ng Tatang ko.

“ Malayo ba rito.?“ tanong ng lalake.

“Malapit lang. Doon sa kabilang burol ang bahay nila. Gusto ko ring makita ang pinsan kong si Azon. Marahil, dalaga na siya nagyon.“

“Bakit.? Matagal na ba kayong ‘di nagkikita.?“

“Isang taon na. Pero noon, dalaginding lang siya sa tingin at napakagalawgaw.!“

“ Pinsan mo siya. Tiyak na kamukha mo siya.!“

“Iyan nga ang sabi ng karamihan.“ sagot ni Lumin.

“Kung gayon, maganda rin siya.?“ tanong pa ni Leo.

“ Hmp.!“ maktol ni Lumin. “Hindi naman ako maganda.!“

“Anong hindi.? Kamukha mo nga si Perenya.!“

“O, sige na nga.! Pero tulad nang sinabi ko. Paggaling ng pilay ko, ihatid mo ako sa kaingin.“

Hindi agad nakasagot ang binata. Nag-isip bago nagbiro. “Talagang sawa ka na sa inihaw, ano.?“

“Naku.! Hindi.! Nag-aalala lang Ako kay Tatang. Tiyak na susunod ‘yon sa kaingin pagmagaling na ang kanyang rayuma.“

“Paano mong natiyak na hindi sila mag-aalalang baka nabihag ka ni Garuda..?“

“Isa lang ang landas na pabalik sa bayan.“ sagot ni Lumin. ” Malalaman nilang nakatakas ako sa muling pagdaraan ni Garuda. Kaya lang, ba-baka sinaktan nila ang mga magulang ko.“ kinakabahang sudlong ni Lumin.

“Makikibalita ako sa inyong lugar. Palagay ko, napadaan na ako roon pagkat iyon ang pinakamalapit na pamayanang kinatagpuan ko sa iyo.” sabi ni Leo.

“Talaga.?“ tanong ni Lumin at binago ang pagkakaupo. Humarap sa binata, anyong masigasig.

“Oo.“ ang sagot. “Katunayan, nagsasara ng tahanan ang bawat maraanan kong tao. Nagtatago at natatakot.

Biglang natawa si Lumin. Hindi kayang pigilin kahit takpan ang kanyang bibig.

“Ikaw nga ‘yong naglalakad na… ganyan nga ang kasootan.!“ ang sabing ‘di maiwasto sabay hampas sa balikat ni Leo. Ipinagtapat na isa rin siya sa nagsara ng durungawan sa pangambang tauhan ni Garuda ang nagdaraan.

“Hindi mo nga ako makikilala sa unang sulyap lamang.“ ani Leo at ibiniling ang inihaw sa tuhugan.

Napadako ang paningin ni Lumin sa ginagawa ni Leo, bago nagwika. “Kung alam ko lang na ikaw ‘yon ay…”

“Ay ano.?” dugtong agad ni Leo

Muling nasukol si Lumin. Hindi naituloy ang sasabihin pagkat ang tunay niyang damdamin ang nasa isipan. Parang nahihiyang napabaling na lang sa iba.

“Hindi mo na ‘ko sinagot.” nakatawang sabi ni Leo, saka bumaling sa dalaga.

“ A-Ang ibig kong sabihin.“ napilitang simula ng dalaga. “MA-Mapaparam ang pag-aalala ko kung ano ang ginawa sa iyo ni Garuda nang bigla kang mawala.

“Bakit.?“ muling tanong ni Leo. Hindi lumingon at patuloy lang sa ginagawa.

“Hmp.! Ewan.!“ pamaktol na wika ni Lumin. “Nakakainis ito.! Ang galing manalakab. Siguro, nagkita kayo ni Abueg at may sinabi sa iyo, ano.?“ ang sudlong na may usig at iningusan pa ang binata nang siya ay lingunin.

Natawa si Leo. Iniba ang paksa. Isinalaysay kung paano siyang ipinatapon sa dagat at nakarating sa kabilang pulo. Iyon ay sa paraang madali lamang upang hindi na mag-usisa ang dalaga.

Nakamata lang si Lumin. Wari ‘y may inaaninag kay Leo. Gusto niyang buksan ang tabing na kumakanlong sa katotohanan. “Nang unang makita kita. Wala kang balbas, ngunit may pinta naman ang mukha mo.“ sabi pa niyang kulang sa niloloob. Hindi masabi na gusto niyang makita ang walang bahid na anyo ni Leo. Gayon man, natitiyak niyang iyon ay makisig.

Muling natawa si Leo. Nilinga ang dalaga sabay haplos sa kanyang balbas. Kailangan na niyang mag-ahit.

Naparam ang ngiti ni Lumin nang humuni ang ibong kalaw. Tumingala siya at hinanap sa sanga ng kahoy ang gustong makita. Ang ibon na may pambihirang katangian. “Ika- labing isa na pala ng umaga.“ ani Lumin at yumukong tiningnan ang orasan na nasa kanyang kamay. Nag-isip. Inalis sa kamay at makaitlong inalog bago nagsalita. “ Talagang sira na.”

“Bakit.?“ tanong ni Leo at nilingon ang lumang orasan ng dalaga. “May lamat ang salamin. Baka pinasok ng tubig nang kasalukuyan kang hinahabol ng pangkat ni Garuda.”

“Marahil nga.” matamlay na wika ni Lumin at ipinamulsa na lamang ang nasabing bagay.

“Teka.” ani Leo at tumindig na hawak ang dalawang inihaw sa tuhugan. “Paano mong nalaman ang oras ngayon.?“

Natawa ang dalaga. Pinaupo sa tabi niya si Leo, bago nagpaliwanag. Dito sa malayong lalawigan, lalo na sa liblib na kanayunan, bihira ang may orasan, ngunit nasusubaybayan namin ang pagdaraan ng mga oras sa pamamagitan ng ibong kalaw kapag humuhuni.”

“Ha.! Paano.?“ nakatawang pagbibigay lamang na tanong ni Leo at tiningala pa ang ibon na nasa mataas na punong kahoy.

“Kahapon.“ ani Lumin. “Nang humuni ang kalaw, hindi pa sira ang aking orasan. Halimbawa, kung anong oras siya humuni ngayon. Sa kinabukasan, ganoon din at inuulit sa tamang sandali.” nakangiting sudlong ng dalaga.

“Pambihira. Parang may isip, ano.?“ kunwa’y humahangang wika ni Leo, pagkat ang totoo, sanay din siya sa kagubatan.

“May pambihira pang katangian ang kalaw.” sabi pa ni Lumin at itinuro kay leo ang ginagawa ng dalawang ibon sa itaas ng puno. “Kapag ang babaing kalaw ay gusto nang maghalimhim ng itlog, ikukulong siya ng lalaking kalaw sa butas ng isang punong kahoy. Pagkatapos, tatakpan niya ng malagkit na putik ang guwang at maglalaan lamang ng kapirasong butas na kung saan ay doon ilulusot ng lalake ang pagkain ng naghahalimhim. At kapag pisa na ang mga itlog, gigibain ng amang kalaw ang pinatigas na putik upang makalabas na sa oras ang mag-iinang kalaw. Talagang may isip, ano.?“ tanong pa ng nagsasalaysay at bahagyang hinampas sa balikat ang kausap.

Nakangiti namang tumangosi Leo. Alam din niya ang bagay na iyon, dangan at binigyan-daan lamang ang kuwento ng dalaga. Iba ang nasa kanyang isip. Naalala niya ang mga alahas ni Perenya. Maaring ipalit sa nasirang orasan ni Lumin.

Sa kabilang dako naman ay umabot na ang pangkat ni Wana sa Baryo Wawa.

Hinihikayat niyang makipagtulungan ang mga tao at iyon ay sa pamamagitan ng magagandang pangungusap. Madali niyang napag-alab ang damdamin ng mga mamamayan. Bawat tuligsa niya ay makahulugan. Pahiyaw na ang huli niyang salita.

“Kapag pudpud na ang parang, saka lang aalis ang masibang balang. Bandang huli, ang kahalintulad natin ay isang tisurang bato sa lansangan. Walang halaga pagkat said na ang ating karangalan.

Naghiyawan ang mga taga baryo sa udyok ng sigabo. Ninamnam nila ang matalinghagang pangungusap ni Wana. Natangay sila sa simbuyo nang nakalipas na panahon. Sa ganoong paraan nagtigis ng dugo ang kanilang mga ninuno. Mga bayaning nabuwal sa dilim. Ayaw tanggapin na maging alipin ng mga dayuhan. Ang yurakan at pagsamantalahan.

Sa ganoon pagkakataon, isang dalagang sawi ang tila nabuhayan ng loob. Siya ay si Huling. Isa sa mga dalagang pinagsamantalahan ni Garuda at pinatay pa ang kanyang mga magulang. Laging sarado ang kanilang kubo at kanina pa siya nakasilip sa awang ng durungawan. Ngayon na ang pagkakataon upang makapaghiganti. Kasama ang kapatid niyang si Doro. Lumapit sila kay Wana upang sumapi at kumapit pa siya sa braso ng pinuno nang ituran ang kagustuhan.

“Huling, buong puso kitang tinatanggap. Alam ko ang kinasapitan mo. Tulung-tulong tayo sa pagbangon ng ating puri.!“ natutuwa at naluluhang sabi ni Wana. Niyakap niya si Huling at ipinadama ang awang paghaplos sa buhok nito.

Kinarga naman ni Alpon si Doro. Pinaghantaran sa balana ang kalunus-lunos na kinasapitan ng magkapatid sa pagdusta ni Garuda. Nangayayat at masasabing kinulang sa pagkain dahil bihira silang lumabas at namamalagi lang sa loob ng kanilang kubo.

Marami ang napaluha, sanhi ng awa. Ngayon lang nila napagmasdang mabuti ang magkapatid. Namumutla at nanginginig ang katawan. Nangako silang tutulungan ang magkapatid upang makaraos sa pang araw-araw na pangangailangan.

Lalong lumagaslas ang luha ni Huling nang siya’y mangusap. “Maraming salamat po sa inyong lahat. Naririto ako at nakaharap sa inyo. Gumagalaw. Nagsasalita, ngunit patay na ang aking kinabukasan. Dahil kay Doro kaya ako nakatayo. Ipaglalaban ko ang kanyang hinaharap kahit ako’y malugmok sa dilim.!“

Lalong nag-alab ang damdamin ng mga taga Wawa. Karamihan sa mga naroroon at nakikinig ay mga babae. Ilan lamang ang tulad nina Imo at mga alalay na kararating lamang. Nakita nila kung paanong kabugin ni Wana ang itaas ng kanyang dibdib. Naghuhumiyaw at tumatangis sa matinding galit.

“Kailangan ninyo ang katuwang sa labanan.!“ bungad ni Imo. “Gugugulin ko ang aking pagkabutangero sa mga dayuhan. Ang lahat ng kasalanan ko ay mahuhugasan sa dugo ng ating kalaban.!“ sabi pa niyang may katapatan at gumigiyagis ang bagang. Magimg ang kanyang mga alalay ay nagsipagtaas ng kamay. Handa ring magbago . Ihahandog ang buhay alang-alang sa inang bayan.

Muling namayani ang udyok ng sigabo. Pumatak ang luha ng mga kababaihan. Walang hindi nakakaalam sa pagkatao ng pangkat ni Imo na tinaguriang salot ng baryo. Labas-masok sa kulungan at pasanin ng bayan. Kailangan nila ang dibdib na masasandigan kapag sila’y umiiyak at nasasaktan.

“Ang suliranin natin. Kulang tayo sa sandata.!“ sabi ni Wana.

Sa ganoong pagkakataon, napaangat ang mukha ni Imo. Luminga muna sa paligid bago nagwika. “Limang malalakas na baril ang nakatago rito sa baryo.!“

“Ano.? Saan galing.?“ nabigla at natutuwang tanong ni Wana.

Marami ang sumagot sa katanungan. Ipinangalandakan nila ang pangalan ni Leo Ladoza kung paanong nakipaglaban sa mga dayuhan.

“Narinig ko na ang kanyang pangalan.“ nasisiyahang wika ni Wana. “Sana, balang araw, magkita kami ni Leo.” dugtong pang kasabay ang paglinga kay Alpon na para bang may ipinahihiwatig.

Makalawang ulit na tumango si Alpon. Wari’y naunawaan niya ang isang mithiin.

Lumakad siyang palayo upang magmanman sa paligid. Siya ang laging nakabukana sa ano mang panganib. Iniingatan niya si Wana. Ang babaing napamahal na sa kanyang puso.

Ilang sandli pa ang lumipas. Dala na ng pangkat ni Imo ang mga sandatang itinago nila sa bisitas. Ipinagparangalan nila ang pagsasaluksok ng mga bahay-punglo at iwinasiwas na paitaas bago iniabot ang isang baril sa babaing pinuno.

Natutuwang sinuri ni Wana ang sandata. Biniling-biling at inalam kung paanong papuputukin. “Karamihan sa atin ay hindi pa nakakahawak ng baril. Kailangan pa ang turuan.“ sabi pa niya habang nililinga ang mga kasapi.

“Sanay ang pangkat ko.“ ani Imo. “Kami ang magtuturo pagkat talagang balak kong maghiganti kina Garuda at Mostafa.

Ang kasiyahan ay nagambala sa paglapit ni Alpon. Agad nag-ulat kay Wana. “Ayon sa inutusan ko, abala ang mga kalbo sa wawa ng ilog.”

“Salakayin natin sila.!“ panukala ni Imo sa nasang maragdagan pa ang kanilang baril.

“Kaya nga kami naririto.!“ tumatangong wika ni Wana. “Ngunit kailangan nating mag-ingat. Wala pa tayong muwang sa pakikibaka.!“

“Ibigay mo sa akin ang pagkakataon.” sabi ni Imo. “Sa tulong nating lahat.! Matatapos ang kanilang kalupitan.“

“Handa kami, Imo.!“ ani Wana at pinangunahan ang paglakad patungo sa mga kalaban.

Sumunod ang mga tao sa pangunguna nina Huling at Doro. Hindi sila maawat sa kagustuhang makita agad ang simula ng paghihiganti. Sa kabuuan, mapapansin na mas marami ang kababaihan. Madali silang nahikayat ni Wana pagkat nagdanas din sila ng karumal-dumal na kalupitan sa kamay ng mga kilabot. Ilan lamang ang kalalakihan. May gulok sa baywang at handang itaya ang kanilang buhay alang-alang sa puri ng kanilang mga anak na dalaga.

Si Inyang ay tahimik lamang sa kanyang pondahan. Kumakaba ang dibdib. Nag-aalala siyang baka mapahamak si Kenji. Umiral sa kanya ang kapangyarihan ng pag-ibig. Ang pagsintang tunay na ‘di kayang pantayan kung hindi rin lang sa puso ng dalagang silangan. “May kahulugan ang sulyap sa akin ni Imo.” bulong pa niya at natatakot na maturol ang kanyang niloloob. Ayaw niyang mapaghinalaan. Ipagpapabukas na lang niya ang pagtungo sa bayan upang mamili ng paninda. Nangangamba siya sa kilos ni Imo, at lalong hindi rin mapalagay habang tinatanaw ang papalayong pangkat ni Wana.

Hindi naman nagtagal, narating ng mga manghihimagsik ang wawa ng ilog. Maingat silang nanganlong sa mga halaman. Pauklo ang bawat hakbang at iniiwasan ang lumikha ng kaluskos.

Si Alpon ang nangunguna. Humuhudyat at nagbibigay ng babala sa mga nahuhuli. Mababakas sa kanyang anyo ang katapangan. Hawak ang isang Thompson at iwinawasiwas kung kinakailangan.

Masigla ang kilos ng mga kababaihan. Nasasabik silang maibugnos ang galit at makapaghiganti kahit hindi sanay sa pakikitalad. Ang mahalaga, kahit isang patak lang ng dugo ang makita nilang nagmula sa katawan ng kalaban ay maligaya na sila.

“Magandang pagkakataon.“ mahinang bigkas ni Alpon nang mapalapit sa kanya si Wana. “Nasa tubig ang karamihan sa kanila.”

Bahagyang sumilip sa siwang ng mga dahon ang babaing pinuno. Nakita niyang may sinisisid ang mga kalbong dayuhan at tatlo lang ang nasa pampang.

“Mabigat ang kanilang hinahango.” sabi ni Alpon pagkat nakita niyang katulong ang mga kabayo sa paghila ng lubid.

“Tiyak na iyon ang makina ng sasakyang sinunog ni Leo Ladoza.” sabad ni Imo at bahagyang inangat ang ulo sa pagsilip.

“Hangga’t maaari.“ ani Wana sa ‘di kalayuan. “Huwag tayong mag-aksaya ng punglo. Ganito ang gawin natin.” Nag-aalalang dugtong upang makatiyak. Tinawag niya ang tatlong babae na naiiba ang ganda sa karamihan pagkat ang kasootan nila ay sadyang pambabae lamang at matitining ang isip.

Noon nama’y abala sa ilog ang mga tauhan ni Sultan Kalagara. Tatlo ang nasa pampang at panay ang haplit sa kabayo.

“Tiyakin kung talagang hiwalay na ang makina.!“ galit na sigaw ng pinakapuno pagkat umiigting ang lubid sa paghila ng kabayo.

Isang tauhan ang biglang natigilan. Binitawan ang hawak na pamitik ng kabayo at itinuro sa pinuno ang nalingunan niyang tatlong dalagang pasayaw kung lumakad.

Nagtatawanan at tila ba tumatawag ng pansin.

Ngumisi ang pinuno at patayong idinikit sa labi ang kanyang hintuturo, bago nagwika. “Huwag kayong maingay. Tayo muna ang maglilibang. Tig-iisa tayo.!“ nasasabik pang bulong at nagpauna pang lumakad na palikwad-likwad na para bang dadakma ng manok.

Ang tatlong dalaga naman ay tila mahuhusay na artista. Kunwa’y nagulat pa sila nang makita ang mga kilabot. Nagtakbuhan silang papasok sa halamanan. Napakislot ang pangkat ni Wana nang makita ang papalapit na kalaban. Humigpit ang hawak nila sa mga baril, gulok at matutulis ng buho. Humanda sila sa paglaban.

“Wala.! Nagtago sila.!“ anang isa sa nangungunang kilabot.

“Hanapin.!“ nakatawa namang utos ng pinuno at lalo pang pinalaki ang mga mata sa pagsisiyasat.

Pinasok nila ang kasukalan. Parang mga gutom. Nag-uunahan sa paghawan ng mga halaman at handang ipalasap ang kanilang kahayukan.

Biglang nagliparan ang maraming sibat na buho. Sala-salabat ngunit tatlo lamang ang pakay. Mabibilis at tila sumisiyok pa sa himpapawid.

Napaigik ang tatlong kilabot. Sinagap nila ang hagupit ng tadhana. Hindi lang dalawa o tatlo ang tumusok sa kanilang katawan. Mahapding kamatayan at hindi na nagamit ang kanilang baril.

Matapos samsamin ng mga maghihimagsik ang kailangan nilang sandata, maingat nilang tinungo ang tabing ilog na kung saan ay nasa pampang ang maraming baril. Sa ganoong pagkakataon, lalong madali ang pagsibat sa mga nasa tubig. Biglaan. Ang iba namang nasa ilalim ng tubig. Paglitaw, panuhog ang inabot. Walang nakaligtas sa mga kalaban.

Tuwang-tuwa ang pangkat ni Wana, habang pinagmamasdan ang nalikom nilang baril. Sa pakiramdam nila, tumatag ang kanilang layunin.

Hindi nagtagal, matapos kunin ang mga kabayo, muling nagtipun-tipon sa harapan ng pondahan ni Inyang ang pangkat ni Wana. Nasa lilim sila ng isang malagong punong kahoy.

“Sa bawat baryo o nayon.!“ simulang sabi ni Wana. “Kailangan ang isang hukbong tagapagtanggol upang ang mga nanduduhaging dayuhan ay magsilbing ningas-kugon lamang sa ating bayan.!“ ang dugtong bago naupo sa nakausling ugat ng punong kahoy.

Ang mga pangaral ni Wana ay nagpatuloy. Si Imo ang inatasan niyang mamuno sa Baryo Wawa. Binigyan din niya ng pangalan ang buong pangkat. Binansagang, Anak-Parang pagkat lagi silang mag-aabang ng kalaban sa kaparangan.

Nang makaalis na ang pangkat ni Wana upang magtungo sa ibang pook, pumasok si Imo sa pondahan ni Inyang, kasunod ang ilang tauhang lalake.

“ Bigyan mo kami ng tuba.!“ hiling ni Imo. “Ipagdiriwang namin ang unang tagumpay ng Anak-Parang.!“

Napalunok si Inyang. Kumaba ang dibdib. Ngayon lang siya natigatig sa kilos ni Imo. Maalinsangan ngunit parang nanlalamig ang kanyang talampakan. Sa kanyang pakiramdam, hindi lihim sa kanyang kaharap ang binabalak niyang pansarili. “Imo,“ tawag niya. “K-Kung maaari lang, huwag sana kayong magtatagal. Gusto ko nang magpahinga.”

“Aba oo, Inyang. Huwag kang mag-alala. Iba na ang Imong kaharap mo ngayon. Sa bahay na lang kami mag-iinuman.”

Samantala. Sa kabundukan ay nagsimula nang lumaganap ang kadiliman. Nagdagdag ng gatong si Leo sa dapugan upang lalong lumiwanag ang paligid.

“ Baka gusto mo ng magpahinga.?“ tanong ni Leo at akmang aakayin si Lumin.

“Huwag mua.” tanggi ng dalaga at lalo pang pinabuti ang pagkakaupo sa lilim ng puno habang pinanonod ang pag-aasin ng binata sa laman ng usa.

“Bukas, uunahin ko muna ang pagbibilad ng tapa.“ ani Leo sa nasang matagal nilang pakinabangan ang naturang pagkain at kahit paano, masamahan din niya si Lumin sa pag-iisa. Takot daw kay Garuda.

“Malilim dito, Leo. Paano mong paaarawan.?“ tanong ni Lumin, matapos igala ang kanyang paningin sa paligid.

“Sa gawi roon, hantad ang araw.“ turo ni Leo sa gawing silangan. “Kaya lang, baka ubusin ng hayop kung hindi ko babantayan. “

“Ako na lang.“ alok ni Lumin.

“Hindi maaari.“ umiiling na sabi ni Leo. “Hindi ka makakatakbo kung may panganib.“

Sa kabilang dako naman, matapos mailabas sa kuta ang mga bangkay na pawang tauhan ni Sultan Kalagara ay mainit pa rin ang ulo ni Kenji, habang pinagmamasdan ang bantayan na winasak ni Leo. Sinusumbatan niya si Garuda at pigil ang hininga sa pagtatanong. “Ang sabi mo, magagaling kayo sa baril.! Bakit hindi kayo nakaganti.?“

Nangangalit ang bagang ni Garuda. Matagal bago nakasagot. “Nagsisimula pa lamang ang labanan. Sa susunod, makikita mo ang lupit ko sa pagganti. Dudurugin ko ang sino mang haharang sa aking landas.!“

Nanunuyang napangisi si Kenji. Parang walang tiwala sa banta ni Garauda. Baka hindi mangyari. Kailangan ang dagdag na gatong upang magliyab ang apoy. Tumalikod siyang nakatawa at iniwan ang kausap sa paraang palibak ang tikhim.

Naiwan si Garuda. Madilim ang paningin. Isang magandang pagkakataon ang hihintayin niya upang maipamalas kay Kenji ang lupit ng paghihiganti.

Sa labas naman ng kuta ay binalikat ng mga taga bayan ang paglilibing sa mga kilabot. Ayaw nilang maisama sa lupang payapa ang labi ng mga masasamang tao. Sa lumang kamposanto nila dinala na kung saan ay balitang pinamumugaran ng isang maligno kapag sumasapit ang dilim ng gabi.

Kinabukasan, tila nakakita ng masamang pangitain si Imo. Naalala niya ang isang dalagang silangan na kung magmahal ay sukdulan. Hinahamak ang lahat, maibigay lang ang katapatan.

Agag nagtungo si Imo sa pondahan. Kasunod ang mga alalay. “ Nasaan si Inyang.?“ tanong niya sa katulong na pamalit-bantay ng pondahan. Halata ang kanyang pag-aalinlangan.

“Nasa bayan po. Mamimili ng paninda.“ sagot na dalaginding na katulong.

“Ano.?“ mulagat pang tanong ni Imo. “Hindi ba’t ikaw ang namimili sa bayan.?“

“Opo, pero siya ang may gusto. Madaling araw pa lamang, umalis na siyang sakay ng kareta.” sagot ng katulong.

Kunot ang noong napabaling si Imo sa bukana ng baryo. Naisip niyang nakalusot si Inyang at hindi pinansin ng mga bantay sa kapani-paniwalang dahilan. “Masama ang nararamdaman ko. Kailangang humanda.!“ ani Imo at inatasan ang mga kasama sa isang malaking pagtatanggol sa bukana ng baryo. Parang nakikita niya ang darating na pangyayari.

Samantala, nang marating ni Inyang ang bayan. Agad siyang nagtuloy sa kuta. Namukhaan siya ng bantay at ilang pangungusap lamang, nakaharap niya ang sinisintang pakay. “Kenji“ aniya. “Huwag ka munang pupunta sa amin.“

“Bakit.?“ natatawang tanong ng lalake at bahagyang inilayo sa pagkakayakap ang babae.

Nagtapat si Inyang. Nagtaksil sa sariling bayan. Sinabi ang puno’t-dulong mga pangyayari.

Nakatawa pa rin si Kenji nang matapos ang salaysay ni Inyang. Walang pangamba nang magsalita. “Huwag kang mag-alala. Sandali lang. Ipapahanda ko ang ating agahan.“

Gusto pa sanang tumanggi ni Inyang, ngunit mabilis na nakalayo si Kenji. Naiwan siyang bukas ang muni kung tama ang kanyang ginawa at lagi namang panalo ang pintig ng kanyang puso.

Nang lumabas si Kenji. Agad na luminga. Lumapit siya kay Garuda at nag-utos. Isang maselang tungkulin ang iniatang sa balikat ng indones. Pagkatapos, si Marcaida naman ang nilapitan at pinakiusapang mangasiwa sa naipangakong agahan.

“Maganda siya.“ nakangiting wika ng espanyola. Ang tinukoy niya ay si Inyang at kumindat pa bago inayos ang pagkaing dala ng kusinerong tauhan.

Ilang sandali pa. Isang karetang kilabot at kabayuhang pangkat ang patungo na sa Baryo Wawa. Ang layunin ay puksain ang mga manghihimagsik.

Hawak ni Garuda ang isang panilip at nalaman niyang nagkakagulo ang pangkat ni Imo sa bungad ng pamayanan. “Nag-aabang ang mga tarantado.!“ nakangisi niyang wika. May banta ang sulyap at nakatitiyak ang kilos nang mag-utos. “Mostafa.! Ikaw ang mamuno rito sa lansangan. Ako naman sa mga nakakabayo. Sa kasukalan kami magdaraan. Ganito ang ating gagawin. Makinig kayo mga tarantado.!“ sudlong pang bulyaw sa mga tauhang aligaga sa paglusob.

Si Imo naman ay malimit mapabulong habang nakapako ang paningin sa papalapit na karetang siksik ang sakay.“ Hudas na babae.! Inuna pa ang pag-ibig.!“

“Imo.!“ pukaw ng isang alalay. “Sa tingin ko, isang kareta lang sila.! Mahihirapan

silang lagpasan ang ating tangulan.!“ paniniyak pang dugtong pagkat marami silang mapapangublihang tipak ng bato at mga punong kahoy.

Ang pangkat ni Imo ay walang gamit na largabista. Hindi nila nakita ang pagpasok ng kabayuhang pangkat ni Garuda sa kasukalan. Hindi nila alam na iyon ang nakatakdang magdulot sa kanila ng malaking pinsala.

“Hindi pa tiyak kung aabutan sila ng ating punglo.! Hintayin nating makalapit.!“ nagkakandapaos na sigaw ni Imo. Kabi-kabila ang hudyat at ang kautusan sa mga babae. “Kapag kaming mga lalake ay nagapi, tatakbo kayong bitbit ang mga baril upang tumakas. Maliwanag.?“

Sa lansangan ay abala rin si Mostafa sa pag-uutos. Ipinababa ang isang malaking de makinang baril at inilayo sa kareta. Ang balak, wawasakin nila ang tanggulan ni Imo.

Hawak ni Mostafa ang sandatang may limampung kalibre. Ang machinegun na kapag siya ang gumamit, ang sino mang matanaw, mapupugto ang hininga. Ngunit kailangan pa niyang maghintay. Sumilip siya sa largabista at iginala sa kasukalan. Aabangan niya ang hudyat ni Garuda. Ang paraan kung papaanong mapipinsala ang mga kalaban.

Noon nama’y umakyat sa isang burol si Garuda. Mula roon ay sinilip niya sa largabista ang pangkat ni Imo. Ngumisi siya at tiniyak na kaya niyang ubusin ang mga kalaban. Ang magpapatunay kay Kenji na higit siyang malupit sa paghihiganti. Ibinaling din niya kay Mostafa ang nabanggit na panilip upang tiyakin kung maaari na silang maghudyatan.

Ang mga mamamayan ng baryo ay mabilis na nagsilikas sa kabundukan. Nagtatakbuhan. Bata, matanda, lalake man o babae. Walang dala liban sa kanilang kasootan. Umaasa sila sa katatagan ng mga Anak-Parang at sa ipinapakitang pagbabago ni Imo.

Kasalukuyan namang natitigilan si Imo. Hindi mapalagay. Nagtataka kung bakit tumigil ang kareta. Lingid rin sa kanya ang kinaroroonan ng kabayuhang pangkat ng pinunong indones.

Si Garuda ang nasa itaas ng burol. Iwinasiwas ang hawak niyang sandata bilang hudyat kay Mostafa. Ang sandali upang simulan na ang labanan.

Naganap ang nakakabinging putukan. Umulan ang punglo sa pangkat ni Imo. Marami ang sumagap sa biglang bugso ng kamatayan. Hindi sila ganap na makaganti sa dahilang malayo ang kanilang kalaban na gumagamit ng machinegun.

Lalo pang narindi ang Anak-Parang nang mula sa kasukalan ay magpaputok ang pangkat ni Garuda. Sunud-subod ang natitimbuwang. May sumasambulat pa sa paligid at tumitilapon ang masabugan. Doon namalas ang likas na katapangan ng lahing silangan. Parang gamu-gamong walang takot na sumugba sa maalab na apoy. Nakikipagbarilan kahit lungayngay na ang katawan.

Sa kabundukan naman ay madalas mapaantanda ang mga nagsilikas. Abot sa kanilang pandini ang nakakayanig na pagsabog.

“Hesusmarya.! Patnubayan mo po sila.!“ anang isang matandang babaing nagrorosaryo, kasabay ang pagtatalukop ng mga kamay.

“ Diyos kong mahabagin.!“ sambit naman ng isa pang matanda at bigla pang napaiyak nang matanaw mula sa malayo ang ilang babaing nagtatakbuhan. May dalang baril at papalapit sa kanila.

“Natalo ang ating kalalakihan.!“ magkakasabay na panaghoy ng mga babaing tumakas sa labanan.

Agad kumalat ang iyakan. Itinangis nila ang kamatayan ng mga lalaking nagbuwis ng buhay. Mga anak nilang pinakamamahal, asawa, kamag-anak at kaibigan.

Sa pook ng labanan ay si Imo na lamang ang may nalalabing hininga. Patay na rin ang tatlo niyang alalay, ngunit nagpakita naman ng kabayanihan sa harap ng kamatayan.

Gayon din si Huling. Hindi pinalad na makapaghiganti. Gayon man, maligaya na rin siya pagkat naipukol din niya ang sibat na kahit hindi umabot sa puntirya niyang si Garuda ay naipakita naman ang paglaban.

Sa ‘di kalayuan ay makikitang tumatakbomg pabalik si Doro. Sinuway ang utos ni Huling na siya’y lumayo sa panganib. Ngunit nakita niya ang nangyari kay Huling. Nagbalik siya upang mayakap man lang ang kapatid at maiyakan.

Malakas ang naging halakhak ni Garuda saa tinamong tagumpay. Hindi alintana kung may buhay pa sa mga nakabulagta. Hindi rin pansin ang mga tumakas na kababaihan. Ang nasa isip niya, sa ibang araw, magagamit niyang libangan ang mga babaing iyon. Ang mahalaga sa ngayon, naipalasap niya ang lupit ng paghihianti.

Nagmistulang impiyerno ang Bario Wawa nang ipasunog ni Garuda ang mga kabahayan. Sumagitsit ang apoy. Maliyab ang kugon, ang pawid, ang sawali at kawayan. Walang ilalabi kundi abo.

Ang halakhak ng mga kilabot ay naparam lang nang maging dupong ang pamayanan. Maaglahing pangungusap at matatalim na sulyap ang kanilang ginawa. Ibig sabihin, madaramay ang lahat kapag sila ay ginalit.

Sa isang hudyat ni Garuda, nagsakayan sa kareta at kabayo ang mga kilabot. Mababakas sa kanilang mukha ang malaking kasiyahan. Isa man sa lumusob ay walang nasugatan.

Pabalik na sa bayan ang pangkat ni Garuda nang sa kalagitnaan ng parang ay masalubong nila si Inyang.

“ A-Ano’ng ginawa ninyo sa aming baryo.?“ sindak na tanong ni Inyang at sadyang iniharang ang sinasakyan niyang kareta upang magkamit ng katugunan ang kanyang katanungan kung bakit mula sa kuta ay tanaw sa langit ang makapal na usok.

“Gumanti lang ako sa kanila.!“ nakatawang sagot ni Garuda.

“ Hayop ka.!“ sigaw ni Inyang. “Lalong magliliyab ang apoy na nilikha mo sa dibdib ng mga taga baryo.!“ ang sudlong at lumuluhang hinaplit ang kanyang kalabaw sa paraang nagbabanta.

“Si Kenji ang sisihin mo.! Siya ang nag-utos sa akin.!“ sigaw pang habol ni Garuda.

Parang natulig si Inyang sa kanyang narinig. Matagal na natigilan. Nag-isip at kapagkuwa’y parang natauhan. Nagdudumaling nagpatuloy sa kanyang pagbabalik hanggang sa marating niya ang bukana ng baryo. Halos mabaliw siya sa nakitang kapaligiran. Nagkalat ang bangkay ng mga ama ng tahanan. Nagsipagbuwis ng buhay sa ikapapayapa ng kanilang baryo. Naroon din ang mga ina ng tahanan. Minabuti nila ang mamatay sa piling ng kani-kanilang asawa at mga anak.

Gulo ang isipan ni Inyang. Palinga-linga habang tumatangis. Namataan niya si Imo. Buhay pa at nananalim ang mga matang nakatitig sa kanya.

“Pinilit kong pahabain ang aking buhay upang hintayin ka, Inyang.!“ nanghihina at madalang na bigkas ni Imo. “Talagang makaras ka.!“ ang dugtong pang tila iyon na ang pinakamalakas niyang sigaw, habang nakasandal sa punong kahoy.

“Hi-Hindi ako malandi.! Hindi ko sinasadya.!“ ganting sigaw ni Inyang , sabay talon mula sa kareta at payugyog na tinangisan ang itinakdang kamatayan ni Imo.

“Patawarin ninyo ako.!“ paulit-ulit pa niyang sigaw at buong pait na tinanggap ang sampal ng tadhana sa salang paglililo.

Di kawasa’y tumindig si Inyang. Muling sumakay sa kareta upang magbalik sa bayan. Hindi na niya inalintana kung nadamay man ang kanyang pondahan. Ang mahalaga, nalarawan sa kanyang mukha ang matinding galit. Ang poot na ibinunton at lumatay sa balat ng kalabaw.

Hindi naglaon, sinalubong ni Kenji ang babaing may bahid pa ng luha at walang kibong nakatitig sa kanya. “Kanina, bigla kang umalis.” ang sabi niya at inakay ang dalaga sa kanyang silid.

Wala pa ring imik na sumunod si Inyang. Lalong bumukal ang luha sa kanyang mga mata.

“Bakit ka umiiyak.?“ tanong pa ni Kenji. Naghihinala. Tinitiyak na ang ginawang kalupitan ni Garuda ang dahilan.

Hindi rin sumagot ang babae. Walang tigil ang pagluha at matagal na tinitigan ang lalake.

“Mamaya na lang ako magpapaliwanag.“ sabi ni Kenji upang bigyan ng daan ang nauntol niyang kasabikan. Niyakap ang dalaga at mariing hinagkan. Bigay kaluluwa at nakapikit pa mandin.

Nagpaubaya si Inyang, ngunit sinamantala niya ang pagkakataon. Inapuhap ang isang bagay. Inililis a ang kanyang damit at mula sa nakataling bagay, hinugot ang isang patalim sa baina. Ang punyal na sadya niyang inihanda sa ganoong pagkakataon.

Gagamitin upang magbawas ang kanyang galit. Kapagkuwa’y dalawang kamay niyang hinawakan ang puluhan ng patalim.

“Kenji.” tawag ni Inyang sa unang pagkakataon. “Sa kabila pa roon nang walang hanggan, mamahalin pa rin kita.” Ang sudlong at buong lakas na niyakap ang kasintahan. Mahigpit, kasamang bumaon sa likod ng lalake ang matulis na balaraw.

Napaigtad si Kenji. Agad narindi sa nakakamatay na sugat. Mabilis ang panghihina dahil sa kalubhaan.

“Ba-Bakit, Inyang.? Bakit.?“ ang tanong kasabay ang pangangalog ng tuhod.

Humihikbing inalalayan ni Inyang ang lalaking para sa kanya ay iisa lamang. Inihiga sa kanyang kandungan ay buong pagmamahal na hinaplos ang mukha.

“Ga-Galit ka sa akin, dahil sa ginawa ni Garuda.“ mahinang bigkas ni Kenji. “Hi-Hindi ganoon kalupit ang iniutos ko sa kanya.“ ang sudlong kahit nahihirapan, maihayag lang ang panghihinayang sa walang katapusan nilang pag-iibigan.

“Hindi, Kenji.! Hindi.!“ tutol ni Inyang nang lumawak ang kanyang pang-unawa.

“Lalong magiging walang hanggan ang ating pagmamahalan. Sasama ako sa iyo.!“

ang sabi pa at marahang binunot ang balaraw sa likod ni Kenji. Bumulwak ang dugo.

Ang lalake naman ay nakuha pang umanas bago tuluyang hinigit ang balikat. “Lu-Lupang sinilangan ng aking ina. Patawarin mo ako.”

Napahikbi si Inyang sa narinig niyang sumamo. Tumingala siya at tinanaw sa bukas na durungawan ang maulap na kalangitan sa ibabaw ng lupang kayumanggi.

“Patawad.!“ ang sigaw saka biglang itinusok sa kanyang puson ang hawak na patalim. Muling pumatak ang kanyang luha at hinabol ang huling pagkakataon. Mahigpit niyang niyakap si Kenji. Matagal hanggang sa mangatal ang buo niyang katawan at dumukmo na lamang sa dibdib ng lalake.

Lumipas ang mga oras. Ang mahabang katahimikan at pag-aagam-agam ang nagbunsod kay Nau upang magsiyasat sa silid ni Kenji. Natambad sa kanya ang kalunus-lunos na pangyayari. Labis siyang nanlumo. Makailang ulit na binayo ang mesang naroroon at malakas na nagsisigaw. Animo’y baliw na pinagtatadyakan ang pinto ng silid hanggang sa mawasak at nang mahimasmasan, tinabig niya si Inyang at pinangko ang bangkay ni Kenji.

Sa maingay na pangyayari, lumapt ang iba pang naroroon. Isa si Marcaida sa mga natigagal. Pinigil ang pagluha. Mariing pinagtagis ang bagang at mariing kinuyom ang mga kamao. Parang alam niya ang dahilan kung bakit naganap ang gayong pangyayari. Ang malagim na sinapit ng Baryo Wawa.

Lihim naman napangisi si Garuda. Naisip niyang babae lang pala ang katapat ni Kenji. Gayon man, pumapalakpak ang kanyang diwa. Ibig sabihin, siya ang hahaliling pinuno kang walang sasalungat. Kailangan niyang magkunwari. Pinalungkot ang mukha at tumulong pa sa pangangasiwa kung saan ililibing ang mga namayapa.

Sa kagustuhan ni Marcaida, sa banal na lupang payapa ililibing ang namayapang magkasi.

Bago natabunan ang lupang hinukay ng mga singkit. Umalingawngaw ang isang malakas na salita. “Bilang kanang kamay ni Kenji.! Ako ang papalit sa kanya.!” pahayag ni Nau, hawak ang isang pala upang pangunahan ang paglilibing.

“Tarantado.!“ nabiglang bulyaw ni Garuda. “Alalay ka lang.! Ako.! Talagang pinuno ng isang pangkat.!“

Biglang lumaganap ang kasahan ng baril. Ang pagbunot ng pistol sa baywang at mga kampilan na iwinawasiwas sa itaas.

Sa ganoong pagkakataon, namayani ang higit na magaling sa paghawak ng baril. Sila ang mga lahing indones na agad nakapagtutok ng baril.

Palibhasa’y matatamlay ang lahing singkit sa kanilang pagdadalamhati, huli na ang kanilang paghahanda sa paglaban, ngunit hindi si Nau. Bigla ang silakbong lumukob sa kanyang isipan dahil sa maglahing sita ni Garuda. Iglap lang, umangat siya sa lupa at palipad na sumipang pamatay sa kinauukulan, ngunit isang putok ang nagpayanig sa karatista. Sumala ang patama. Sa baba niya nahagip si Garuda at hindi sa lalamunan.

Sa ganoon pangyayari, mapapansin ang nawalang panimbang ni Nau sa paglipad. Gumewang at lumaylay ang kamay niyang nakabunot pa ng baril habang nasa itaas.

Si Garuda naman ay pabalibag na sumadsad sa malayo. Gustong mabunsol ngunit hindi sa ganoong pagkakataon. Pilit siyang tumindig kahit pasuray. Pinagmasdan niya si Nau. Kumikisay at binabalungan ng dugo sa noo.

“Sino’ng tarantado ang tumututol sa pamumuno ko.?“ tanong pa niya habang hawak ang umuusok na baril.

“Wala, Garuda.!“ pangunguna nina Mostafa at Buryas. May kayabangang hinudyatan nila si Sultan Kalagara. Parang nang-uuyot at napakasaya ng kanilang mukha.

Kumagat sa pain ang pinunong kalbo. Itinaas ang dalawang kamay at ibinadya ang pagsang-ayon. Humihiyaw at nanghihikayat. Gusto niyang maisakatuparan ang kasamaan na laging sinasawata ni Kenji. Ang maging hari sa Busuangga.

Muling naganap ang udyok ng sigabo. Maraming kilabot ang nagbunyi at pumapayag na sumailalim sa kapangyarihan ni Garuda.

Ngunit ang ikatlong bahagi ng buong pangkat ay matamlay. Sila ang lahi ng mga singkit na naunahan sa tangkang pag-aalsa. Muli nilang isinuksok at itinungo sa ibaba ang mga sandatang balak sana nilang paputukin kung hindi naging mabilis ang pangyayari. Gayon man, bilang kasapi ng isang organisasyon, kailangan nilang kumilala sa nakakarami.

Walang kibo si Marcaida. Tumindig siya matapos tingnan ang bangkay ni Nau na isinama na rin sa hukay ni Kenji. Walang pasintabing tinugpa na lang niya ang landas na patungo sa kuta. Ang nasa isip niya. Wala siyang sariling tauhan at sa bandang huli na lang siya kikilos kapag nagkamali ang bagong pinuno.

“Nagtanggol lang ako sa aking sarili.!“ tila nagmamadali pang wika ni Garuda at sadyang ipinarinig sa papalayong espanyola.

Sa kabundukan ay balisa si Leo, kahit abala sa ginagawa. Agad niyang nilikom ang nakabilad na pira-pirasong tapa ng usa at inalok si Lumin upang magpahinga na sa kuweba.

“Gusto kong makatiyak kung ano ang usok na iyon at ang narinig nating putukan, pati na ang malalakas na pagsabog.” aniya habang akay ang dalagang nakasaklay.

“Baka manganib ka roon.?“ paalala ni Lumin nang makapasok sila sa kuweba.

“Sanay ako sa panganib.“ sagot ni Leo. “Hindi ko na inaasahan ang mabuhay nang matagal.

“B-Ba’t nagsalita ka nang ganyan.?“ tanong ni Lumin nang makaupo sa papag. “Paghihiganti lang ba ang pakay mo rito.? Hindi mo na ba naisip na may maganda ka pang hinaharap sa buhay.? Dahil sa iyo, narugtungan ang buhay ko. Kung mapapahamak ka. Paano na ako kay Garuda.? Wala na ba akong halaga sa iyo.?“ sudlung-sudlong niyang katanungan. Batbat ng kalungkutan at tila ba may halang sa lalamunan.

Nahabag si Leo sa anyo ni Lumin. Agad siyang tumawa at hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga, bago nagsalita. “Mag-iingat ako. Ipinapangako ko. Hindi kita pababayaan.”

Napangiti si Lumin. Napayuko. Hindi maisalubong ang mga mata sa pangambang mahayag ang ga-langit niyang pagmamahal sa binata.

Lumabas si Leo, matapos ang masayang paalam. Ngunit iyon ay pakita lamang. Ang totoo, para bang mabigat ang kanyang kalooban. Matagal siyang napatitig sa kuweba. Nagtatanong kung bakit may nadarama siyang simpatiya kay Lumin. Ayaw niyang mangyari ang ganoon. Ayaw din niyang maging marupok ang pangakong binitiwan sa puntod ni Perenya, malungkot siyang napayuko sa pagkakatayo. Napatitig siya sa malinaw na tubig mula sa bukal at parang sinasalamin ang sarili.

“Mahaba na ang balbas ko.“ aniya at kapakuwa’y hinugot ang matalas na balaraw upang siya ay mag-ahit.

Ilang sandal pa. Nahantad ang kakisigan ni Leo. Naalala ang kagustuhan ni Lumin. Ang makita siyang walang balbas. Walang bahid ng pintura sa mukha at walang sagabal sa pananaw tulad ng sombrero.

Matamlay na sumakay sa kabayo si Leo at hindi na rin niya isinuot ang tsaketang nakasampay sa sanga ng puno. Gusto niyang magmadali, ngunit kailangan niyang lumingon muna sa kuweba, bilang pamamaalam kay Lumin. Subalit sarado ang sala-salang pinto. Naisip niyang namamahinga na ang dalaga.

Marahang lumayo si Leo. Kung lumingon lang siyang muli, mahuhuli niyang hantad na si Lumin at hatid siya ng tanaw.

Bumilis ang pintig ng puso ni Lumin nang makitang walang balbas si Leo. Lalo siyang humanga. Umibig pagkat kanina pa siyang nakasilip at tinatanaw ang ginagawa ng binata.

Tinalunton ni Leo ang natatanaw niyang usok. May hinalang galing na siya roon, hanggang sa marating niya ang Baryo Wawa. Nakita niya ang nagkalat na lagim. Kunot ang noong bumaba siya sa kabayo. Luminga sa paligid at humanda sa ano mang panganib. Nang makatiyak, isa-isang siniyasat ang mga bangkay. Nakita niya si Doro.

Biglang bumalikwas nang siya ay makita. Alimpungat pagkat nakatulog palang yakap ang bangkay ni Huling.

“Huwag po.! Maawa po kayo sa akin.!“ palahaw ni Doro sa akalang kalaban ang humawak sa kanya.

“Huwag kang matakot. Hindi kita sasaktan.” ani Leo at patayo pang inalalayan ang bata. “Ano ang pangalan mo.?“ tanong pa niyang may habag. May hinalang si Garuda ang may likha ng kalagiman.

“Doro po ang pangalan ko.“ takot pa rin sagot ng bata pagkat nakikita niya sa mukha ni Leo ang ‘di maibulalas ng galit.

“Ano mo ang babaing ito.?“ turo pa ni Leo sa bangkay.

“Kapatid ko po. Ateng Huling. Ulila na po ako. Pinatay din ni Garuda ang mga magulang ko.” paliwanag pa ng bata.

“Kawawa ka naman, Doro.” ani Leo. Matagal siyang napatitig sa gawi ng bayan at nangangalit ang bagang sa bugso ng damdamin.

Mula sa ‘di kalayuan, may biglang sumigaw. “Huwag kang kikilos ng masama kung gusto mo pang mabuhay.!“

Mariin ang bigkas na narinig ni Leo. Lumikot ang kanyang mga mata at dahan-dahang bumaling. Nakita niya ang mga sandatahang lalake. Papalapit at nakatutok sa kanya ang ilang de rapidong baril. Humanda siya sa isang pakikipagsabayan kung kalaban nga ang mga iyon. Sa pakiramdam niya, marami ang mapipinsala bago siya tuluyang maigupo. Tinitigan niya ang lalaking ang anyo at kilos ay masasabing pinuno ng pangkat. Magilas at matipuno ang katawan. Hindi masasabing dayuhang taga ibang bansa. Gayon man, nagtatalo ang kanyang isip kung dapat siyang magtiwala.

Subalit itinakda ng tadhana ang dalawang kaliwanagan sa mga magkakaharap, nang biglang tumakbo si Doro, patungo sa mga bagong dating. Gayon din sa bahagyang pagkilos ni Leo. Tumama sa sikat ng araw ang baril na tubog sa ginto. Kumisap.

“Huwag kang lumaban, Ginoo.! Magkakamatayan tayo sa maling paraan.!“ mabilis na paalala ng pinuno habang hawak sa kamay si Doro.

Natigilan si Leo. Wari’y noon lang nagliwanag ang nadidimlan niyang mga mata. Wala sa anyo ng mga kaharap ang mukhang hindi na niya malilimutan. Para siyang nanghina. Hindi naituloy ang balak niyang ibugnos ang lahat ng galit.

Naglabasan pa ang maraming kababaihan. Mga walang muwang sa pakikipaglaban. Hindi malaman ang gagawin gayong may hawak silang sibat na buho, ngunit nakapatukod naman sa lupa at parang walang balak na makisalasa. Ang sulyap nila kay Leo ay sumisino at nagbubulungan.

“Kami ang pangkat Anak-Parang.“ anang pinuno . “Kapatid ng mga nasalantang taga rito.“ ang sudlong at tangkang kunin ang baril na kumikinang.

Umiwas si Leo. Umurong. Hindi ibibigay ang baril.

“Pakiusap lang kaibigan. Alam naming dalubhasa ka sa paggamit ng baril. Baka masalanta kami sa bigla mong paglaban. May tao lang na gusto kang makausap.“ anang pinion. Mababa ang tinig.

Alinlangan pa rin si Leo kahit napagtanto niyang hindi masasamang tao ang kanyang kaharap. “Bakit kailangan pa ninyong kunin ang aking baril.!“

“Huwag kang mag-alala, kaibigan. Ang lahing silanganin ay hindi umaangkin ng ‘di pag-aari. Iisa lang ang ating layunin. Ako si Punong Alpon. Kabalikat ni Wana sa isang paghihiganti. Gusto ka niyang makilala ng harapan.“ sabi pa niyang kasabay ang pag-alis ng sambalilo.

Wari’y nag-isip si Leo kung sino si Wana. Iyon ang gusto niyang malaman. Nagpaubaya na lang siya sa pakiusap ni Alpon na ibigay ang kanyang baril.

“Kaibigan, sumakay ka sa iyong kabayo. Ipakikilala kita kay Wana.” sabi ni Alpon matapos kunin ang baril ni Leo. May halong lumbay ang tinig pagkat naging huli ang kanilang pagdating.

Sa kanilang paglisan, naiwan ang kalahati sa mga Anak-Parang. Sila ang mangangasiwa sa mga nasawi. Ang iba nama’y tumalaga sa ano mang daratal na panganib.

Kulimlim ang langit. Malamig ang simoy ng hanging habagat. Madarama sa paligid ang matamlay na pangangabayo ng mga Anak-Parang. Magkaagapay sina Leo at Alpon, kasunod ang ibang nakasakay sa kareta.

“Wala kang kibo, kaibigan.” pukaw ni Alpon. “Sabihin mo ang iyong panig.” ang sudlong habang mabagal nilang tinutugpa ang dahilig ngunit maluwang na landas sa kagubatan. Kaangkas niya si Doro.

Magpaliwanag man ako.“ ani Leo. “Hindi magbabago ang landas na ipatatahak mo sa akin.“ matabang na dugtong pagkat naaalala niya si lumin. Subalit sa ubod ng kanyang kalooban, naroroon ang hangaring malaman at makilala ang mga taong kasama niya, lalo na si Wana.

Tago ang pagtawa ni Alpon, ngunit hindi na kumibo. Iginalang niya ang pananahimik ni Leo.

Takipsilim na sa kagubatan nang makarinig ng pasiyok si Leo mula sa kadiliman. Luminga siya sa lilim ng mga punong kahoy, sa kasukalan at sa paligid. Alam niyang may nakaabang.

Pumasiyok din si Alpon. Ang sipol na wari’y sagot sa kanilang pagdating sa kuta ng mga manghihimagsik. Nagliwanag ang daraanan dahil sa mga sulo.

“Dumating na ba si Wana.?“ tanong ni Alpon sa lalaking tanod na may kasamang ilang babae.

“Wala pa, Punong Alpon.!“ agaw na sagot ng isang babae. “Ang balita, nagtuloy daw sa kanilang rantso at bukas ng umaga ang balik.!“ ang sudlong ng isa pang babae habang ang mga mata nila’y nakapako kay Leo. Nagtataka at lihim ang paghanga.

“Kaibigan, dito ka magpapalipas ng gabi. Bukas pa ang dating ni Wana.“ baling ni Alpon kay Leo, saka hinudyatan ang ilang babae sa isang pag-uutos.

Walang kibo si Leo. Malayo ang tanaw. Si Lumin ang iniisip. Alam niyang mag-aalala at maghihitay, ngunit nangingibabaw ang hangarin niyang makilala ang pinuno ng mga manghihimagsik.

Sa isang kubo pinapasok si Leo. Wala sa anyo ang siya ay bihag. Manapa’y higit pa sa panauhin. Maganda ang turing at malayo ang tanod.

Hindi nagtagal, pumasok sa kubo ni Leo ang ilang dalaga. May dala silang pagkain at gamit sa pagtulog. Mga dalagang nakiramay lang sa kapatid, sa kamag-anak at kaibigan na napagsamantalahan ang kapurihan.

Wala pa ring kibo si Leo. Patingin-tingin lang sa mga dalaga na kung sumulyap sa kanya, may kasamang ngiti at patagong paghanga.

“Orasyon na, Ginoo. Kumain ka muna at pagdamutan ang pagkaing bundok.“ nakangiting sambit ng isang dalaga, habang naririnig na humuhuni ang isang ibong kalaw sa malayo.

Balak pa sanang umayaw ni Leo, ngunit mahirap tanggihan ang kinamulatang ugali ng mga silanganin. Alok na may kasamang hila.

“Malinamnam ang inihaw na malapugo.” anang tagahain. “Tikman mo, Ginoo. Manok din ‘yan danga’t bansot lang nga.!“ sudlong pang nakatawa, kasabay ang pagpilit sa binata.

Napangiti na rin si Leo. Napilitang humarap sa hapag-kainan. Bago siya sumubo, nilinga muna ang mga dalaga upang alukin.

Mabilis namang naglabasan ang mga babae. Ang hangarin, mapag-isa ang binata at mapanatag ang loob s pagkain, at sila naman ay mag-oorasyon.

Hatinggabi na ay hindi pa rin makatulog si Leo. Laging nasa isip niya si Lumin. Nag-aalala siyang baka kung napapaano na iyon sa pag-iisa at nangangamba rin kung bakit hindi siya nakabalik. Parang naulit ang pananabik niya kay Perenya kapag sila ay magkalayo.

Sa kabilang dako ay ganoon din ang nadarama ni Lumin. Sari-saring pangitain ang naiisip niya kay Leo. Baka nabihag ni Garuda, o kaya’y napahamak sa labanan.

“Huwag naman po sana. O, Diyos ko.!“ daing pa ni Lumin. Laging may hilam ang mga mata. Hindi na niya naalala ang pagkain ng hapunan at lagi ring nakaabang sa pagdating ng kanyang hinihintay. Sumilip siya sa pinto ng yungib.

Natatakot namang lumabas pagkat pusikit ang paligid at nagsisimula pang bumuhos ang malakas na ulan, kasabay ang matatalim na kidlat. Agad niyang isinara ang pintong sala-sala upang hindi makapasok ang anggi at tilamsik ng tubig.

Muling naupo sa papag si Lumin at malungkot na tinitigan ang kandilang aandap-andap na rin ang liwanag dahil sa hangin. Nasa gayon siyang anyo nang gumalaw ang pinto. Parang itinutulak. Kinabahan siya. Naisip niya na kung si Leo ang nasa labas, tatawagin siya at hindi sa paraang pabundol-bundol na wari’y nananakot.

Napasampa sa papag ang mga paa ni Lumin nang unti-unting mabuksan ang pinto, kasabay ang pagsungaw nang nasa labas. Namatay din ang sindi ng kandila. Dumilim ngunit dagli ring lumiliwanag dahil sa madalas na pagkidlat.

Sa palitang liwanag at dilim. Biglang napatili si Lumin pagkat nangingislap na balat at labas-masok na dila ang kanyang naino, Wala siyang laban.

Isang dambuhalang sawa ang sumungaw. Kulay dilaw at ‘di matiyak ang haba dahil nasa labas pa ang katawan. Marahil, binulabog ng ulan at gustong sumilong sa nakitang guwang sa malaking bato.

Maaaring ang likas na ugali ng sawa na kapag gutom at bagong gising ay sadyang malupit. Nang makita ang dalaga, agad na ngumanga upang managpang at manlingkis.

Nanghihina sa malaking takot si Lumin. Walang malamang gawin kundi ang umurong habang nakaupo sa papag. Nanginginig hanggang sumayad ang kanyang likod sa pinakadingding ng kuweba.

“Leo.! Na-Nasaan ka.?“ tanging nasambit ni Lumin sa kaligtasan pagkat malapit na sa tingin ang sawa kapag nagbibigay ng liwanag ang kidlat. Naririnig na rin niya ang singasing at naaamoy din niya ang malansang singaw na galing sa bunganga ng ahas.

Gusto man niyang umiwas, mahirap gawin. Masakit ang kanyang pilay at hindi rin makadaraan sa pinto pagkat halos kalahati pa lamang ng sawa ang nakakapasok.

Mariing napapikit si Lumin. Parang tinatanggap na niya ang kanyang kamatayan. Napakasakit sa huling sandali. Naisip niyang hindi na makikita ang mga matatandang mahal sa buhay at ang pinakamamahal na lalaking itinitibok ng kanyang puso. Dumukmo na lang siya sa papag at naghintay sa masakit niyang hangganan. Tadhana namang nadagil niya ang baril na nakalapag sa papag. Isang ga-hiblang pag-asa ang naramdaman niya upang mabuhay. Agad siyang dumilat at hinawakan ang nasabing sandata. Lumakas ang kanyang loob at naalala ang turo ni Leo sa paggamit ng baril.

Sa saliw ng kidlat, naisaayos ni Lumin ang kasahan ng baril. Itinukod ang puluhan sa dinding ng yungib at karakang kinalabit ang gatilyo, paharap sa ahas na isang dangkal na lamang ang layo sa dulo ng baril.

Bumuga ang maraming punglo. Sunud-sunod at naging sanhi upang mapaigkas ang sawa. Paurong na lumabas sa kuweba.

Saka lang tumigil sa pagpapaputok si Lumin nang ‘di na niya makita ang sawa. Nanlalambot siyang napasandal at namiminging napatulala pagkat kulob ang putok sa loob ng kuweba. Hindi niya matiyak kung tinamaan ang dambuhala, ngunit naririnig niya sa labas ang malakas na ingay. Nahahalihaw ang mga halaman.

Doon naman sa himpilan ng mga Anak-Parang, hindi pa rin makatulog si Leo. Lumabas siya sa kubo nang tumila ang ulan. Umupo siya sa mahabang kawayan na nahahabungan ng kugon. Matagal siyang nagmuni-muni. Laging tumatanaw sa silangan. Hinihintay niyang sumungaw ang araw sa likod ng kabundukang malaginto ang liwanag dahil sa napipintong pag-uumaga. Malimit din niyang sulyapan ang ilang babae at lalaking tila bantay nang gabing iyon.

Pawang nakasalakot ang mga babae at ang lalake ay nakabalanggot na panakip sa ulo. Hawak nila ang katutubong sandata na tanging iyon lamang ang kaya nilang ipanglaban. Ang pinatulis na buho upang gawing sibat at ang matatalas na itak sa kanilang baywang. Malimit din nilang sulyapan si Leo, ngunit hindi inaabala sa pag-iisa.

Di kawasa’y nagkaroon ng alingasngasan. Nagpabalik-balik ang mga Anak-Parang sa paglakad. Pawang nagkakanggagahol sa pagmamadali.

“Dumarating ang pangkat ni Wana.!“ paulit-ulit na sigaw ng isang tanod sa itaas ng punong kahoy.

Napukaw si Leo sa kanyang pagdidili-dili. Nakita niyang naglabasan sa kubo ang mga manghihimagsik. Pinagala ang kanyang paningin sa mga babaing magaganda kahit bagong gising.

Si Alfon ang unang sumalubong kay Wana at nagbalita tungkol sa malagim na sinapit ng Baryo Wawa.

“Ano.?“ nangingipuspos na tanong ni Wana. Napaupo na lamang kung saan ay tumulo ang kanyan luha. Nakayuko at sapupo ng dalawang palad ang kanyang mukha. “Ano’ng nangyari.?“ dugtong pang humahagulgol.

“Kahapon nang umaga, nilusob ni Garuda ang Baryo Wawa.“ simula ni Alfon at nilinga muna ang nakapaligid na Anak-Parang. Muli siyang bumaling kay Wana at sa abot ng kanyang nakita. Naisalaysay niya ang kaawa-awang sinapit ng pangkat ni Imo.

“Talagang hayop ka, Garuda.! Darating din ang oras mo.!“ nangangalit na sigaw ni Wana at gustong pasabugin ang nadaramang poot sa kanyang dibdib.

Sa ‘di kalayuan ay nakamasid lang si Leo. Sa kanyang pang-unawa, ang Baryo Wawa ang pinag-uusapan nina Alfon at Wana. Nanatili siyang nakatayo sa kanyang kinaroroonan.

Bahagyang humupa ang kalungkutan nang banggitin ni Alfon ang pangalang Leo Ladoza. Ang taong gustong makaharap ni Wana at ngayon ay nasa kanilang himpilan.

“Nasaan.?“ nabiglang tanong at doon na nagbago ang badya ng kanyang mukha nang ituro ni Alfon ang kinaroroonan ni Leo.

Nagpaunang lumakad si Alfon, kasunod ang nagmamadaling si Wana upang marating agad ang kubu-kubuhan sinilungan ni Leo.

“Siya si Wana, ang aming pinuno.“ bungad ni Alfon sa paglapit.

Halata ang katuwaan ni Wana nang makaharap ang gusto niyang makita. “Ikaw pala si Ginoong Leo Ladoza. Magandang umaga sa’yo.“ bati pa niyang kasabay ang pakikipagkamay sa taong sa tingin niya ay magilas at makisig.

“Gayon din sa iyo, Wana. Hindi ko sukat akalain na babae pala ang pinuno ng Anak-Parang.

Ngumiti lang si Wana. Iba ang sinagot. “Naabala ka rito. Humihingi ako ng paumanhin at sanay maunawaan mo ang aming layunin, pagkat marami na akong nabalitaan tungkol sa iyo.”

“Laban ba sa inyo ang aking gawain kaya ako naririto.?“ tanong ni Leo.

Makailang ulit na umiling si Wana. “Magkaisa nga ang ating layunin.“ sabi pa at hinawakan sa kamay ang binata at ipnadama ang katotohanang pinagbigyan lang ni Alfon ang hangarin niyang makaharap si Leo.

“Sa ano’ng dahilan at gusto mo ‘kong makausap.?“ tanong ni Leo at bahagya pang nilinga ang mga manghihimagsik na nakapaligid sa ‘di kalayuan.

“Bago kita sagutin,“ ani Wana. “Maaari bang malaman ko kung ikaw si Leo Ladoza ang balitang naging pinakamagaling na manunudla ng asya.?“

Hindi agad sumagot si Leo. Natitigilan. Kapagkuwa’y tumango na lamang at matamang tumitig sa babae.

“Kung gayon,“ ani Wana. “Isasauli ni Alfon ang iyong baril.” dugtong pa niya nang makalapit ang taong may dala ng baril.

“Wana,“ sabad ni Alfon. “Handa na ang ating agahan. Baka gutom na ang ating panauhin. Paumanhin din Leo, isinasauli ko na ang iyong baril.“

Kinuha ni Leo ang kanyang baril. Matapos siyasatin, isinuksok sa kanyang baina at nakangiting tinapik sa balikat si Alfon.

Agad namang hinawakan ni Wana ang kamay ni Leo. Hinila upang doon sa harap ng agahan ipagpatuloy ang kanilang pag-uusap.

“Kanina.” ani Leo. “May nabanggit kang gusto mo ‘kong makaharap. Bakit.?“ ang sudlong na may pananong sa harap ng dulang, kasunod ang tamilmil na pagsubo ng sinangag na may halong gatas ng kalaaw at tinuyong isda. Mayroon ding hinog na papaya at matatabang saging.

“Hindi na ako magpapaligoy.“ ani Wana at saglit na humigop ng kape. “Gusto kong sumanib ka sa aming pangkat. Kahit ikaw ang mamuno, mapatay ko lang sina Garuda at Mostafa.!“

Kumunot ang noo ni Leo. Napatitig siya kay Wana at nagwika. “Talagang iisa ang ating layunin. Sila rin ang pakay ko rito,!“

“Bakit, Leo.?“ tanong ng babae.

“Dahil kay Garuda.“ ani Leo. “Nagpakamatay ang kasintahan kong si Perenya upang hindi marungisan ang aming pagmamahalan. Napakasakit.!“

“May sasakit pa kaya sa naranasan ko, Leo.!“ halos paiyak na tanong ni Wana.

“Ako mismo ang sinaktan at pinagsamantalahan. Higit pa ba sa sakit na nadarama ko ang sakit na nadarama mo.?“ tanong pa ni Wana.

Natigilan si Leo. Napagkuro niyang may katuwiran ang babae. Iniba niya ang paksa.

“Hindi sa ayaw kong sumanib sa inyong pangkat, ngunit…” saglit na huminto sa pagsasalita ang binata. Nagbuntong hininga bago ang malumanay na pagsasalita.

“Ito lang ang magandang paraan upang malutas ang pag-aagawan natin kay Garuda. Tadhana ang magpapasiya kung sino sa ating dalawa ang unang makakaharap sa paghihiganti. Kaya lang, bihasa si Garuda sa paghawak ng baril. Mag-ingat ka.”

Nasisiyahang nagpasalamat si Wana sa paalala ni Leo. Gayon man, iginiit pa rin niya ang pagsamong maisapi ang binata. “Kailangan namin ang tulong mo.”

“handa akong tumulong.“ ani Leo. “Magsabi ka lang, asahan mong darating ako sa oras ng iyong kagipitan.

Ang pangako ay nagsilbing panakip sa kabiguan. May dalang kasiyahan sa paligid at pag-asang magiging matagumpay ang kanilang layunin.

Humaba ang kanilang usapan hanggang sa mabanggit ni Leo kay Wana ang isang dahilan. May taong naghihintay sa kanya.

Agad namang pinahanda ng babaing pinuno ang isang pangkat na maghahatid kay Leo. Pinili pa niya ang ilang magagandang dilag sa pamumuno ni Alfon. Gusto niyang maging kasiya-siya ang paghihiwalay upang maisip na kanilang panauhin ang pagbabalik.

Ang lahat ay nagambala sa biglang pagdating ng isang lalaking taga bayan. Nakasakay sa kabayo at humihiyaw sa pagsasalita. “Si Garuda na ngayon ang bagong pinuno sa kuta.! Patay na sina Kenji at Nau.!“

Natigilan ang mga nakarinig. Alam nilang makatarungan si Kenji at hindi lubusang nagmamalabis sa mga mamamayan. Nasa kanilang isipan ang pagtatanomng kung bakit hindi pa sina Garuda at Mostafa ang namatay.

“Sino’ng pumatay sa kanila.?“ usig pa ni Wana.

“Si Inyang ng Baryo Wawa ang pumatay kay Kenji. Iginanti raw ang malagim na sinapit ng kanilang baryo sa paglusob ni Garuda.!“ sagot ni Torio. Ang taong taga masid nila sa bayan at ginawang dahilan ang pangingisda sa pantalan upang maging madalas ang pagdaraan niya sa kuta.

“Bakit hindi si Garuda ang kanyang pinatay.?“ tanong uli ni Wana.

“Sa dahilang utos daw ni Kenji. Pero, ang totoo. Sa narinig kong balita sa mga lasing na tauhan ni Garuda. Lumabis ang ginawa nilang pamiminsala sa Baryo Wawa at iyon ay hindi utos ni Kenji.

“Talagang masamang hayop si Garuda. Dapat lang na patayin.!“ nanggigigil na bigkas ni Wana. “Sino naman ang pumatay kay Nau.?“ dugtong pa niya.

“Si Garuda ang pumatay upang masarili niya ang pamumuno.!“

“Talagang ganid sa kapangyarihan.!“ galit pang sabi ni Wana, bago bumaling.

“Siyanga pala, Leo. Baka magkita kayo ni Torio sa bayan. Ano man ang gusto mong ibalita at makibalita tungkol sa amin, sabihin mo lang sa kanya pagkat si Torio ang tiktik naming sa bayan.”

Ngumiti lang si Leo at tinanguan pa si Torio. Panatag ang loob. Wala siyang naramdaman sa pagkamatay ng dalawang singkit. Muli siyang nagpaalam. Hindi na tumanggi sa paghahatid ni Alfon pagkat naaayon sa kanyang balak ang darating na pangyayari.

Bago sila lumisan, muling nilinga ni Leo ang mga Anak-Parang. Nginitian niya bilang pamamaalam. Sa huling paglinga niya, napatuon ang kanyang pansin kay Doro. Nag-lalaro, kasama ang ilang batang anak ng mga manghihimagsik. Sinuri niyang mabuti si Doro at lihim pa siyang napangiti sa pagkatao nito.

Naganap ang paglisan. Naaayon nga sa kagustuhan ni Leo ang pangyayari pagkat nang sapitin nila ang masukal na kagubatan, bumaba sa kabayo ang binatang siyudad.

“ Tanggapin mo, Alfon ang unang tulong ko sa inyo.” ani Leo matapos ilabas sa lungaw ang dalawang malaki at ilang maliliit na de makinang baril, kasama ang mga punglo.

Nanggilalas si Alfon nang mahawakan ang mga nasabing sandata. Biniling-biling. Inalisan ng punglo at kinalabit. “Hindi na kailangan ang magtanong kung saan galing ang mga ito. Maraming salamat, Leo. Malaking tulong ang ipinagkaloob mo sa amin. Salamat.!“ sabi pang natutuwa at pagmamalaki sa kanyang mga kasama.

“Salamat din, Alfon sa paghahatid ninyo.“ ani Leo at nagkamayan silang naghiwalay matapos ngitian ang ilang dalaga sa paligid.

Pumalaot sa kasukalan si Leo pagkat iyon ang landas na pinakamadaling marating ang kinaroroonan ni Lumin. Tutumbukin niya ang nag-iisang puno ng banahaw na sa bawat burol na maakyat niya ay kanyang natatanaw.

Noon naman sa kuweba ay laging nakatulala si Lumin. Bawat kaluskos sa labas ay sinisilip at naipakakamali niya kay Leo.

“Diyos ko.” malimit na hinaing ni Lumin. “Napakahirap naman ng pag-ibig na ipinadama niya sa akin.“ sabi pang lumuluha pagkat naturuan siyang umibig noong may karamdaman pa si Leo at ngayong magaling na ang sakit na pagkalimot sa sarili, ang nakalipas namang tagpo nila sa pag-ibig ay nalimutan na ng binata.

Hindi malaman ni Lumin kung mahihiga o uupo sa papag. Kalimitan, nakasubsob siya sa unan na nasa kanyang kandungan. Bumubulong. ”O, Leo. Mamamatay akong ikaw lamang ang aking iibigin.”

Nasa kasidhian ang pangamba ni Lumin nang makarinig siya ng yabag at halinghing ng kabayo. Nasubhan ang pag-alala. Dinampot ang kanyang saklay at patikod na tinungo ang pinto ng kuweba upang sumilip.

Lalong namalisbis ang luha ng dalaga. Nayanig siya sa biglang kaligayahan. Nakita niya si Leo. Ang lalaking lahat-lahat sa kanya. Agad niyang sinuklay ng daliri ang nakalugay niyang buhok at dinampian ng palad ang luha sa magkabila niyang pisngi.

Nakangiti na siya ngayon.

Sa labas naman ay panay ang pigil ni Leo sa kanyang kabayo. Nag-uumalpas at dumadamba. Natakot sa sawang may bahagya pang buhay. Gumagalaw at natamaan pala ni Lumin ng Thompson. Nakabalatay sa landas ng kagubatan.

Agad bumaling si Leo sa pinto ng kuweba. Napawi lang ang kanyang pangamba nang makitang nakatayo roon ang dalaga at nakangiting nakatitig sa kanya.

“ Lumin.!“ pasigaw na tawag ni Leo, sabay talon sa lupa at patakbong iniwan ang kanyang kabayo upang ipadama roon ang masidhing pananabik.

Ganoon din si Lumin sa pasalubong. Wala sa loob na binitawan ang kanyang saklay upang marating agad ang kanyang hihintay.

Parang si Perenya ang nakikita ni Leo, pagkat tulad rin ni Lumin kung umimbay sa pagsalubong.

Ang salubungan ay umigting, ngunit nang malapit na silang mag-abot, saka pa napatid si Lumin sa buntot ng sawa na nakahalang sa landas at pasubsob siyang napayapos kay Leo.

Buong higpit silang nagyakap. Matagal na nag-ugnay ang pintig ng kanilang puso, bagamat ang bibig nila’y ikom sa ano mang kataga, pagkat tulad kay Perenya, ganoon din sila kung pahulagpusin ang biglang bugso ng kaligayahan.

Di kawasa’y lumuwag ang yakap ng binata at nagkaagwat ang kanilang mukha. Buong pagmamahal na tinitigan niya ang dalaga. Lalo siyang natukso sa kislap ng mga nakatitig din sa kanya. Narahuyo siya sa ningning ng mga mata ni Lumin. Dahan-dahan lumapit ang kanilang mga labi.

Walang pagtutol ang babae hanggang sa marating nila ang rurok ng halikan. Matagal na naglapat ang kanilang mga labi. Nakalimot din si Lumin. Nawala sa kanyang isip na ang kahalikan niya ay kasintahan ni Perenya. Kalauna’y bigla siyang namulat sa katotohanan. Parang nahihiyang bumaling na lamang.

Ganoon din si Leo nang humiwalay ang labi ni Lumin sa kanyang bibig. Naisip niyang kasalanan sa alaala ni Perenya ang kanilang ginawa. ”Patawarin mo ako, Lumin, nakalimot ako.” sumamo niya sa dalaga.

Ngunit parang walang narinig si Lumin. Ang isip niya’y nakatuon sa mukha ng binata at halata ang kanyang paghanga.

Saka lang natauhan si Leo nang madagil ng isang bagay ng kanyang binti. Ang buntot ng sawa sa huling paggalaw. “Bakit may patay na sawa rito.?” tanong pa niyang nagpabago sa kanyang pakiramdam.

Ngunit iba ang isinagot ni Lumin. Hindi niya napigilang sabihin ang totoo. “Tama ang nasa isip ko. Pagnawala ang balbas mo, saka lilitaw ang tunay mong kakisigan.!“ nakangiti pa niyang wika. Nangingislap ang alikmata sa paghanga.

Muling nakalimot si Leo. Ganoon din kung pumuri si Perenya. Nadarama sa init ng katawan. Dahan-dahan niyang hinapit ang dalaga at muling hagkan.

Bumawi sa titigan si Lumin at marahang bumaba ang tanaw sa labi ni Leo. Papalapit sa kanyang bibig.

Subalit bago nagtagpo ang kanilang mga labi, ipinagkanulo si Leo ng kanyang damdamin. Napausal. “Perenya, aking Perenya.“ mahinang bigkas ngunit dinig ng dalaga.

Agad bumaling si Lumin upang sa pisngi na lang siya mahagkan ni Leo. Bigla siyang natauhan. Hindi niya kayang agawin kay Perenya ang labi ni Leo.

Wari’y napahiya ang binata. Lumuwag ang kamay at hindi makatingin sa dalaga.

Nakuha pa ring ngumiti si Lumin bago nagsalita “Hindi ako si Perenya. Talagang mahal mo nga ang aking kakambal. Sana, kung… magagawa ko lang na..na. Siyanga pala.! Bakit ngayon ka lang.?“ paibang wika at bahagyang niyugyog ang binatang tila wala pa rin sa sarili. “Ba’t ‘di ka nagbalik kagabi.?“ ulit na tanong ng dalaga

“ A…E…Nabihag ako ng pangkat Anak-Parang.”

“Ha.?! A-Ano’ng Anak-Parang.?“ nagtatakang tanong ng babae.

“Iyon ay isang samahan na ang layunin ay lumaban sa mga dayuhan.“ sagot ng lalake.

“Halika sa loob ng kuweba. Habang kumakain tayo. Ikuwento mo sa akin ang buong pangyayari.“ yaya ni Lumin at nagtataka pang hinila sa kamay si Leo.

“Wala kang saklay.?“ nagtataka ring tanong ng binata.

“Aba .! Oo nga, ‘no.?“ nabiglang sabi ng dalaga. Nakatawa.“ Sa tuwa ko nang makita kita. Wala sa loob, nabitawan ko ang saklay.“ dugtong pa niya at saka dinampot ang nasabing bagay nang iyon ay kanilang maraanan.

“Mabuti naman at magaling na ang iyong pilay.” ani Leo at patuloy pa ring inalalayan ang dalaga hanggang sa loob ng kuweba.

Nakatawa pa rin si Lumin nang magsalita. “Magaling na ‘ko. Maaari na pala akong maglakad na mag-isa.“

Nasisiyahang tumango si Leo, ngunit dagling nagbago ang kanyang pakiramdam at agad ring nag-usisa. “Bakit hindi nagalaw ang pakain mo.?“

“Para kasing wala akong ganang kumain.” sagot ng dalaga nang makaupo na sila sa papag. Parang nahihiya.

“Sa tingin ko, hindi ka rin naghapunan kagabi.! Bakit,?“ tanong pa ng binata.

“Ikaw kasi, kung saan-saan ka nagsusuot. Magdamag tuloy akong di nakatulog.”

“Ba’t ganyan na lang ang pag-aalala mo sca akin.?“ tanong pa ni Leo sa kagustuhang mabatid kung katulad rin ng kay Perenya ang isasagot.

Nabigla ang dalaga. Hindi agad nakasagot at lumunok muna bago nagsalita. “Da-Dahil sa …sa ..ewan.!“

Ngumiti si Leo at tumindig. Naisip niyang hindi maaaring magkapareho ang hantad at tagong pag-ibig. Masasabi ni Perenya ang gustong sabihin pagkat hantad nga ang kanilang pagiging magkasitahang ‘di tulad ni Lumin, masalimuot ang tagong pag-ibig.

Iniba ni Leo ang takbo ng pangyayari. “Teka muna. Isasalab ko sa baga itong tapa ng usa.” ang sabi at agad na kinuha sa loob ng kuweba ang mga tuyong sanga ng kahoy.

“Tutulungan kita.” ani Lumin at ibinukod ang mga basang dupong dahil sa katitila lang ng ulan. “Dito na lang tayo kumain. Maliwanag at mahangin. Ngayon ko lang naramdaman ang kalam ng aking sikmura.” nakatawa pang dugtong. May sigla ang kilos at sinabi pang ikukuwento niya ang tungkol sa sawa at makikinig naman siya tungkol din sa Anak-Parang.

“O, sige. Pero ihuhulog ko muna sa burol itong sawa.“ ani Leo.

Samantala. Sa Nayong Dalisdis ay patuloy ang paghahari-harian ni Buryas. Binihag nila ang mga bata at ikinulong sa bisitas upang makatiyak na ‘di mag-aalsa o tatakas ang doo’y naninirahan.

“Pasasabugin ko ang bombang nasa kulungan kapag nagpumilit kayong kunin ang inyong mga anak.!“ sigaw ni Buryas sa mga magulang na nag-iiyakan at nagbabantay sa harap ng bisitas.

Walang magawa ang mga mamamayan. Hindi makakilos sa agwat na sampung dipa pagkat maging ang tore ng kampana ay may nakaumang na malaking de makinang baril, sapat upang makapanakot din sa mg batang paslit na lalake at babae.

Umakyat si Buryas sa tore ng kampana at pangisi-ngising tinanaw ang mga taong nasa ibaba. Malakas siyang sumigaw. “Bukas ng maghapon.! Kapag hindi nagbalik si Lumin.! Araw-araaw. Isang bata ang papatayin.!“

Lalong nasindak ang mga magulang. Nagmamakaawa sa pagtangis at sumisigaw sa

pagtutol. “Tama ang naisip mo, Buryas. Marami ang maghahangad na bumalik si Lumin.!“ sabi ng tauhan habang kinakalkal ang ngipin niyang natinga sa katatapos na

pananghalian.

“Bukas din ng tanghali. Ang magulang naman ni Lumin ang magpapakain sa inyo. Ako nama’y maagang magtutungo sa bayan, upang itanong kay Garuda kung itutuloy ang banta sa mga taga rito.!“

Doon naman sa bayan ay laging nakasubaybay si Marcaida sa takbo ng mga pangyayari. Bawat lisyang gawain ni Garuda ay kanyang sinisita. Wala siyang pinalalagpas. “Iba ang ginagawa mo. Una sa lahat, obligacion muna.!“

“Ano’ng ibig mong sabihin.?“ tanong ni Garuda habang bumababa sa kabayo.

“Abuso ka sa kapangyarihan.!“ sagot ni Marcaida.“ Marami ka nang sinalanta.

Natakot sa’yo ang mga tao, kaya patagong lumalaban. Marami na rin ang namatay sa ating grupo. Problema. Paano mong maeesplica kay Don Q, na lalong maraming armas ang napunta sa ibang kamay.?“

“Sira pa ang ating radio.” sagot ni Garuda. “Sa ngayon, wala pa akong dapat na ipaliwanag.!“ paasik pang bulyaw habang itinatali ang lubid ng kabayo sa pinakaharang na bakod ng kuwadra..

“Ipaapura mo ang radio at piliting maibuwelta ang mga kontrabando. Malaking halaga na ang nawawala sa atin.!“ asik pa ring wika ni Marcaida at bumaba ng isang baitang sa hagdan ng munisipyo.

“Kung kinakailangan, lilipulin kong lahat ang tao rito, mabawi ko lang ang mga sinabi mo.!“ ganting wika ni Garuda at dinagdagan ang paliwanag na kahapon lang siya nagsimula bilang pinuno. Ibig sabihin si Kenji ang dapat sisihin.

“Huwag mo ‘kong patawanin, Garuda.!“ pakiling na sumbat ni Marcaida at kalahati lang ang bukas ng mga mata. “Noon pa, abuso ka na. Malupit at mapagsamantala. Mali ang iyong sistema. Ikaw ang nagsimula upang magrebelde ang mga tao.

“Mahina ang kapangyarihan kung walang katapangan.!“ sagot ni Garuda at ibinayo pa ang kamao sa kalapit na kareta. Ibig sabihin, gagamit siya ng kamay na bakal upang lipulin ang mga kalaban.

“Hindi ka nakakaseguro.!“ giit ng babae. “Maliit na parte lang ng mga rebelde ang naparalisa mo. Hindi ang malaking puersa na maaaring kaalyado na ngayon ni Leo Ladoza. Ang taong malakas pumatay ng iyong mga alepores.!“

Napalura sa lupa si Garuda. Paalipusta ang sinabing kayang-kaya niya si Leo, pagkat nagkasubukan na sila. “Sa susunod, papatayin ko na siya.!“ banta pa ng kilabot.

“May deperencia siya noon.“ untag ni Marcaida. “Mahina ang kanyang katawan at iyon ay dahil sa sinobra mong pagpapahirap.”

Tumango si Garuda. Ngumisi. Nabuo ang isang hinala. “Talagang may sakit na limot-isip ang tarantadong iyon. Tiyak.! Pagkat kung hindi.! Nagpatayan na kami sa una pa lamang ng aming pagkikita.!“

Sumang-ayon si Marcaida sa sinabi ni Garuda. “Tiyak ngang nabalik na ang dating isip ni Leo.”

Biglang tumawa si Garuda at bigla ring tumigil. Umamin na ganoon nga ang nangyari nang muli niyang tagtagin sa suntok ang ulo ni Leo. “Siya pa nga ang naghamon sa akin. Nasa kanyang mukha ang paghihiganti. Kaya lang, kulang siya sa liksi.!“ sabi pa ng kilabot.

“Huwag kang tumawa, Garuda. Ang taong galing sa sakit ay kailangan pa ang Resistencia at ensayo.!“

Muling tumawa si Garuda at biglang nagwika. “Sa susunod na pagkakataon, bahala na sa kanya si Buryas.!“

Umiling lang si Marcaida bago nagsalita. “Tiyak na mapapahiya ka, kapag nangyari ang sagupaan.!“

Nanginig ang baba ng kilabot. Agad nanita. “Sa pakiramdam ko.! Mas panig ka kay Leo.!“

“Sinasabi ko lang ang katotohanan pagkat may pingas ang kakarampot mong utak.!“

“Hayop kang magsalita, Marcaida.! Balang araw, patutunayan kong mas mautak ako sa iyo.!“ ang banta sabay katok sa kanyang ulo.

“Ano’ng klaseng utak.?“ tanong pa ng babae at namaywang pa sa pagkakatayo.

“Utak pagong ba.?“ sudlong pang buska kasunod ang paglabi.

“May dahilan upang hindi kita patulan.“ mababang salita ni Garuda. “Hintayin mo na lang ang pamamaraan ko at ikaw mismo ang uutakan ko.!“ biglang galit pang sigaw at humakbang na palayo pagkat alam niyang kiling kay Marcaida ang pangkat ng mga singkit. Marami ang mamamatay kapag dinaan niya sa dahas ang mestisa.

“Punyeta.!“ habol na sigaw ni Marcaida. “Mientras may pistol ako sa baywang, hindi ka makakapuntos sa akin.!“

Kinagabihan, parang inaalimpuyo ang kagubatan sa lakas ng hangin. Padaskol kung iwasiwas ang sanga ng mga punong kahoy. Nagbabanta na naman ang isang malakas na ulang habagat. Panay ang kislap ng kidlat at dagundong ng kulog.

Naalimpungatan si Lumin at agad na bumangon upang sumilip sa nakabukas na pinto ng kuweba. “Leo.!“ sigaw niya. “Pumasok ka rito.! Babagsak na ang ulan.!“ muli niyang sigaw habang hawak ang ilawang namatay ang sindi sa lakas ng hangin.

Napalingon si Leo. Kasalukuyan siyang namumulot ng tuyong sanga sa paligid ng dapag. Inihudyat ang sandali Lang at minadali ang ginagawa.

Nang bumagsak ang ulan, saka lang tumakbo si Leo. Dala ang ilang gatong na may apoy. Sinalubong siya ni Lumin at kinapa ang kanyang likod.

“Inuna mo pa kasi ang pamumulot ng kahoy, nabasa ka tuloy.” nag-aalalang sabi ni Lumin at agad na isinara ang pinto ng kuweba.

“Kailangan natin ang karagdagang gatong sa siga upang iwasan tayo ng mga hayop.” ani Leo at agad sinimulan ang pagpapaalab sa dala niyang kahoy na may apoy.

Naupo si Lumin sa papag . Minamasid ang ginagawa ni Leo. Naisip niyang mabubulabog na naman ang mga hayop-gubat at maghahanap ng silungan. Alam niyang takot ang mga iyon sa apoy.

“Matulog ka na.” baling ni Leo upang maiwasan din ng mga mata ni Lumin ang asap ng dapog. “Dito na lang ako sa tabi ng pinto.” sudlong pa ng binata, sabay dagison at pasalampak na naupo sa lapag.

“Mauusuka ka riyan.“ paalalang dalaga.

Napangiti si Leo. Sinuway ang paalala pagkay nakita niya ang malaking bahagi ng usok ay palabas sa kuweba. “Baka ikaw ang maasiwa sa akin at hindi ka makatulog.?“ nag-aalala pa niyang tanong.

“Bakit hindi.?“ nakangiting sagot ni Lumin. “Ngayon lang nga ako matitiwasay pagkat kubli ka sa mga naglipanang hayop sa labas.” sabi pang kasunod ang paghimlay na patagilid, paharap sa kausap.

Inilapat namang pasandal ni Leo ang kanyang likod sa isang malaking bato. Bago pumikit, sumulyap muna siya sa dalaga.

Nagsalubong ang paningin nina Leo at Lumin. Mababakas sa kanilang mga mata ang paghanga. May kislap ng pag-ibig na para bang pinaram ang sagwil sa buhay.

Kapwa kumakaba ang dibdib sa dahilang tila may timyas ang lagaslas ng tubig sa labas ng kuweba.

Di kawasa’y ngumiti si Leo. Naisip niyang lalo lang mapupuyat ang dalaga kung patuloy silang magtutuksuhan sa titigan. Pakapa niyang dinampot ang sumbrerong nasa lapag at itinakip sa kanyang mukha.

Tago ang pagtawa ni Lumin sa inanyo ni Leo. Bumaling siya sa kabila upang kahit paano ay palipasin ang madamag.

Nagpatuloy ang masungit na kalikasan. Lumaganap ang lamig sa loob ng kuweba. Nanunuot hanggang doon sa nakatagong balat ng dalawang nilalang. Walang gumagalaw. Wari’y takot silang nangungubli sa malalaking patak ng ulan.

Kumilos ang isang kamay ni Leo. Inalis ang nakatakip sa kanyang mukha at sinulyapan ang dalagang tila nahihimbing sa pagkakatalikod. Walang kilatis siyang tumindig at lumapit sa papag.

Gising pala si Lumin. Pinakikiramdaman ang binatang nakatayo sa gawi niyang likuran. Narinig niya at naramdaman ang paghuhubad nito ng damit. Kumibot ang kanyang labi. Napahingang malalim nang maramdaman niyang may ibinalabal sa malamig niyang katawan. Marahan siyang humarap at kunwa’y bagong gising.

“Ba’t naghubad ka ng tsaketa.?“ tanong ni Lumin. “Giginawin ka sa sinsandalan mong malamig na bato.” sabi pang kasunod ang pagbangon.

“Malakas ang katawan.“ sagot ni Leo at ipinahiwatig ang pag-aalalang baka maulit ang lagnat ng dalaga.

May tawanang nagpilitan ang dalawa. Kapwa tumatangging gamitin ang tsaketa at nagpaparaya ang bawat isa, hanggang sa mapansin nilang lalong lumakas ang ulan at pumasok ang tubig sa kuweba.

“Paano ka ngayon.?“ nag-aalalang tanong ng dalaga pagkat basa na ang paligid.

Nabalino si Leo, ngunit hindi nagpahalata. Pilit na pinag-alab ang siga bago nagwika. “Matulog ka na. Huwag mo ‘kong alalahanin.“

Walang imik na nahiga si Lumin. Ginawa niyang kumot ang tsaketa. Pumikit siya upang ‘di makita ang anyo ni Leo. Awang-awa siya ngunit para namang kinikilabutang alukin ang binata upang tumabi sa kanya ang binata. Nagtulug-tulugan siya at pinakiramdaman na lamang ang bawat kaluskos hanggang sa tumahimik ang loob ng yungib.

Naging mahaba ang pagninilay ni Lumin. Nagtataka ang kanyang damdamin kung titingnan o hindi ang kalagayan ng binata. Subalit nanaig ang pusong nagmamahal. Naparam ang makutim na guniguni. Palihim siyang sumulyap at ganoon na lamang ang habag nang makita ang anyo ng pinakamamahal.

Nakasampa at nakatalungko si Leo sa naturang malaking bato pagkat bumaha na sa loob ng yungib. Nakayupyop sa dalawang tuhod at wari’y payag nang iraos ang idlip kahit sa mahirap na kalagayan.

“Leo.!“ hindi napigilang tawag ni Lumin.

“Bakit.?“ tanong ng binata, kasabay ang pag-angat ng ulo. Nagtataka. Ang akala niya ay tulog na ang dalaga.

Hindi makatingin si Lumin. Ipinahihiwatig na hindi siya makatulog sa napakaabang kalagayan ni Leo. Nanginig ang kanyang tinig sa pag-alok. “Ha-Halika rito.”

“Ano. ?“ kunway galit na tanong ni Leo. “Payag kang tumabi ako sa iyo.?“

Tumango muna ang dalaga bago nagwika. “Hindi ka tatagal sa ganayan mong kalagayan. Ha-halika rito.!“ pilit pa ng babae, bagamat halatang pinatatatag lamang ang sarili.

“Dito na lang ako.“ tanggi ng binata at muling nagbalik sa dating anyo. Hindi kumikilos at naghilik pa mandin.

Nawala ang kaba ni Lumin sa nakitang pagkukunwari ni Leo sa pagtulog. Nakangiti siyang napasaring. ”Paghindi ka lumapit, hindi ako matutulog.”

Walang imik pa rin si Leo. Patuloy ang anyong natutulog.

Nagbuntong hininga ang dalaga at panatag na sumandal sa pinakadingding ng yungib. Naghalukipkip ng kamay. Inunat ang dalawang paa sa papag bago pinagpatong. Bahagyang kumiling at lumayo ang tanaw. Tagusan kung saan malakas ang ulan.

Nag-angat ng mukha si Leo. Sumulyap at nakita niyang may hinampo ang dalaga. Tumindig siya at naggalit-galitan. Nagtanong. “Talaga bang hindi ka natatakot na matabihan.?“

“Hindi.!“ mariin ding sagot ni Lumin.

Natawa ang binata.

Natawa rin ang dalagang dalagang nakatukop pa ang kamay sa kanyang bibig.

Naupo si Leo at ginaya ang ayos ni Lumin. Nakapahalang sa papag.

“Sa ganitong paraan.“ anang dalaga. “Hindi gaanong masagwa kung magkatabi man tayo. Ang mahalaga, kahit paano, makaunat ang paa mo.“

“Napakabait mo Lumin.” Humahangang wika ng binata at ipinahiwatig ang pasasalamat. “Hindi ka mabibigo sa pagtitiwala mo sa akin. Sana,makatulog ka.”

“Bakit hindi.?“ mabilis na sagot ng dalaga at sadya pang humilig sa blikat ng binata. Hindi na siya nahihiya pagkat wala namang ibang tao.

Muli na namang nagbago ang pakiramdam ni Leo. Gusto siyang madaig ng isang alaala. Nais niyang patulan ang tuksong katulad ng kay Perenya, ngunit pinilit niyang kit’lin ang damdaming iyon. Kailangan niyang baguhin sa pamamagitan ng salita.

“Bukas, pagmaganda na ang panahon. Ihahatid na kita sa kaingin.“

“Marahil, nagsasawa ka na sa pag-iintindi sa akin, ano.?” wari’y nagmamaktol na sabi ng dalaga, kasunod ang pagtawa at paglinga sa binata.

“Hindi sa ganoon.” kumakamot sa batok na salag ni Leo. ”Gusto ko lang na mabago ang kalagayan mo.”

Malungkot ang mukha ni Lumin. Tumututol. Hindi niya maiiwan si Leo. Ngayon pang nararamdaman niyang bahagi na iyon ng kanyang buhay at alam niyang wala namang kamag-anak na malalapitan ang binata. “Aalis lang ako rito kung kasama kita.” sabi pa niya.

“Hindi maaari.“ ani Leo at makailang ulit na umiling. “Ayokong madamay ka sa panganib. Kailangan ko ang pag-iisa upang maging tiwasay ang damdamin ko sa pakikisalasa.“ sudlong pa niyan ‘di lang masabi na baka masira ang pangako niya kay Perenya.

Biglang nanimdim ang dalaga. Napakagat-labi. Naisip tuloy na nakakahiya nga kung pipilitin ang binata. Subalit hindi rin niya maaatim na magkahiwalay pa silang muli ni Leo at baka sa pagkakataong iyon, hindi na sila magkita. Kapag nagkaganoon, aanhin pa niya ang mabuhay. Sayang ang wagas na pag-ibig at ang mga puso nilang magkatugon sa nilalayon.

“Matulog na tayo.” paibang paksa ni Leo. “Hayaan mo. Pag may panahon, lagi kitang papasyalan.“

Hindi kumibo si Lumin. Gustong umiyak. Hindi binago ang pagkakahilig ng ulo sa balikat ni Leo upang ilingid ang kalungkutan.

Ngunit matunog si Leo. Nadarama niya ang damdamin ng dalaga sa habul-habol na paghinga at mga buntong hininga. Ang bawat kilos ng babae ay sumasaling sa balikat ng lalake. Kailangan niyang pumikit upang mawala rin sa kanyang paningin ang masungit na gabi. Subalit bago iyon. Hinagkan niya sa pisngi si Lumin upang maging matiwasay sa pagtulog. Ang ‘di niya alam. Lalo lang nanimdim ang dalaga.

Kinabukasan, maganda na ang panahon at maaliwalas ang bukang liwayway, ngunit may bahid pa rin ng lumbay ang mukha ni Lumin dahil sa usapang ihahatid siya ni Leo sa kaingin. Magkakahiwalay sila na hindi man lang nagkaroon ng maliwang na katuparan ang kanyang pag-ibig. Hindi na mauulit ang ginawang paghalik sa kanya ng binata bago sila natulog nang gabing iyon. Muli niyang nalasahan ang tamis ng gayong halik sa kanyang pisngi. Halik na may pagmamahal. Talagang ukol sa kanya at hindi kay Perenya. Halik na hindi niya ipinagkait at inilagan pagkat ang nasa isip niya. Baka iyon na ang huli kahit dati na siyang hinahagkan ni Leo sa labi.

Matamlay na natapos ang pagdidili ni Lumin at ang pag-aagahan nila ni Leo. Ngayon ay naghahanda na sila sa pag-alis. Matamlay siya at matabang ang tila tinitipid na pakikipag-usap.

Gayon din si Leo. Parang nagsisisi kung bakit inamuki niya ang dalaga upang ihatid sa kaingin. Paano na siya ngayon.? Sino pa ang daratnan niya sa kuweba kapag siya’y nagbabalik. Wala na kung hindi ang mga alaala na lang ni Lumin. Nakakalungkot.

Patungo na sila sa nakataling kabayo nang matanaw nila sa ‘di kalayuan ang isang matandang lalaking namimigtal ng dahon sa isang puno.

“Si Tata Idyong.!“ anang dalaga, kasunod ang pagtawag sa kanayon.

Nabakas sa mukha ng matanda ang pagkamangha. Kinusot ang mga mata, bago nagwika. “Ikaw pala, Ineng.!“

“Ba’t narito po kayo, Tata.? Kamusta po sa atin.?“ mga tanong ng dalaga kasunod ang pagmano sa kausap.

Nagbuntong hininga ang matanda, saka sumagot. “Naku, Ineng. Lumikas lang kami ng Nana Asyang mo pagkat mapanganib na ngayon ang kalagayan sa ating nayon. Nagbanta si Garuda. Kapag hindi ka nagbalik sa loob ng linggong ito, marami ang mamamatay, kasama na ang mga magulang mo.!“

“O, Diyos ko.!“ nangangatal na wika ng dalaga, kasunod ang paglinga sa kanyang kasama.

Nanlilisik naman ang mga mata ni Leo. Nangangalit ang bagang habang kinakalag ang tali ng kabayo sa isang puno. Narinig niya ang usapan at ibig na makaharap agad ang mga kalaban.

“Tata Idyong.“ baling ng dalaga. “Siya po si Leo. Ang nagligtas sa akin kay Garuda.”

Lumapit si Leo. Akay ang kabayo at bahagyang yumukod sa matanda, kasunod ang pagbati. “Magandang umaga ho sa inyo.”

“Gayon din sa iyo, Amang. Mabuti naman at nagkatagpo kayo ni Lumin.” nasisiyahang sabi ng matanda pagkat isa rin siya sa lumapit kay Mang Nario upang tumulong nang kasalukuyang hinahabol ni Garuda si Lumin. Nawala ang kanyang pag-aalinlangan kung sino ang lalaking may baril sa baywang at kasama pa ni Lumin. Matamlay siyang bumaling sa dalaga at nagpatuloy ang salita. “Kaya lang, Ineng. Mabigat ang suliranin mo. Hindi ko kaya ang magpasiya. Baka mapahamak ka lang.” saka napatungo ang matanda. Wari’y nag-iisip. Hindi makatingin. Parang nahihiya pagkat isinuko ang isip niyang taga sa panahon.

Napatungo rin si Lumin. Nag-iisip. Gustong pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Mistulang nawala sa sarili at ‘di malaman ang gagawin.

Sa bawat kilos ni Lumin, nakasunod ang pananaw ni Leo. Nag-aalala at nagmamahal. Ayaw niyang magtagal ang pasanin ng dalaga. Kailangang maibaba ang pabigat sa balikat.

“Sige na mga anak.” ‘di kawasa’y gambala ng matanda. “Inuubo at nilalagnat ang Nana Asyang ninyo.“ ang sabi pa at inilahad ang dahon ng lagundi na tanging alam nilang gamot sa panahong iyon, bago lumisang patungo kung saan.

“Halika na. Baka tanghalian tayo sa daan.” aya ni Leo at hinawakan sa baywang ang dalaga upang isakay sa kabayo.

Nagtatanong ang kilos ni Lumin nang makaupo sa likod ng kabayo. Ang sapin ay ang tsaketa ni Leo. Hindi niya malaman ang gagawin at laging handang umiyak sa pag-aalala.

Sumakay din sa kabayo si Leo at nagbadya. “Pagkaraang maihatid kita sa kaingin, magtutuloy ako sa inyong nayon.” at saka niya pinalakad ang kabayo.