Digmaan
Ganap na ang liwanag nang muling maraanan ni Cordova ang kaharian ng Haranggani na kung saan ay pinamumunuan ngayon ni Rahana Salina. Ang bayan ng mga di binyagan. Ang bayan na malimit pinsalain ng lahing Ulikba at marami na roon ang nagbuwis ng buhay.
Sa katunayan, nagkakagulo ang pamayanan dahil sa isang sugatang Moro. Humihingal at anyong nakatakas sa isang labanan.
Napatigil si Cordova sa pangangabayo. Bumaba sa sinasakyan at naglakad na lumapit sa taong bayan.
Si Salina ang sumalubong kay Cordova at agad na nagwika. “Salamat sa iyong pagbabalik. Ngayon mo patunayan ang iyong pangako. Ang pagtulong mo sa akin.”
“Ano’ng tulong ang kailangan mo sa akin?” tanong ni Cordova. Halata ang katamlayan.
“Nagbabantang sumalakay dito ang buong puwersa ng lahing Ulikba.” ang sagot ni Salina. Sinusuri ang kawalang sigla ng kausap.
“Paano mo nalaman ang gagawin nilang pagsalakay?” agad na tanong ni Cordova at saka lang nanlisik ang kanyang mga mata.
“Ang sampung tauhan ko na nagsiyasat sa pastulan na kung saan natambangan ang Raha ay sinalakay din ng mga Ulikba. Iyan lang ang natirang agaw-buhay.” sagot ni Salina at itinuro pa ang sugatang kawal.
“Nasaan na ang namayapang Raha?” ang tanong na para kay Cordova ay mahalaga pagkat ama ni Dayang Hirang.
“Kagabi pa sinunog ang kanyang bangkay.” sagot ni Salina.
Sandaling napatulala si Cordova bago nagwika. “Paano mong natiyak ang gagawing pagsalakay ng mga Ulikba?” inulit pang tanong sa nasang magkaroon ng kaliwanagan ang sagot.
“Una.” sagot ni Salina. “Nakagisnan na rito ang ginawang pagsalakay ng mga Ulikba tuwing sasapit ang humigit-kumulang sa dalawampung taon nilang pananahimik.” dugtong pa ng Rahana.
“Ngayon ba ang sinasabi mong takdang panahon?” tanong pa ni Cordova.
“Natitiyak ko!” sagot ni Salina. “Nasa dalawampung taon na ngayon ang kanilang paghahanda at pagpaparami. Bukod pa sa bilang ng mga taon, ayon sa kawal kong ito na bahagyang nakakaunawa sa salitang Ulikba, bukas ng umaga ang lahatang pagsalakay ng mga mandirigmang Ulikba. Marami sila.” sabi pa ni Salina at muling nilinga ang naghihingalong kawal habang nilalapatan ng lunas sa pagkakahiga.
“Bakit hindi ko nasumpungan sa kagubatan ang kaharian ng mga Ulikba?” nag-iisip na tanong ni Cordova.
“Ang kanilang kaharian ay nasa malayong kanluran. Isang kagubatan na maaaring hindi mo naraanan. Ang pook na pinamumugaran din ng mga Burukantada. Sinasabing ang mga Ulikba ay pinapatnubayan ng mga nasabing buruka. Dagdag pang katibayan sa nasabi kong panganib, tag-gutom sa kaharian ng Ulikba. Ubos na ang hayop sa bundok at ngayon, laman naman ng tao ang gusto nilang kainin!” paliwanag ni Salina.
“Gaano karami ang iyong kawal?” tanong ni Cordova.
“Sa ngayon, mahigit sa limampu na lamang.” sagot ni Salina. “Samantalang ang lahing Ulikba ay ay lumalabis sa dalawang libo.”
Natigilan si Cordova. Wari’y nagbantulot. Nag-isip. Siya lang ang nakakaalam kung ano’ng paraan ang kanyang gagawin.
Isang pangitain ang pumasok sa isipan ni Salina. Nakatanaw siya sa kilos ni Cordova. Parang naarok niya ang nagtatalong saloobin nito. Kung dapat pag-aksayahan ng panahon ang bayang ito o ang umuwi na lamang sa pinanggalingan. “Babae lang ako, Cordova.” sabi pa niya. “Kailangan ko ang lalaking bihasa sa pakikipaglaban. Sa paggamit ng iyong naiibang sandata na ayon sa aking kawal, nakita nila sa pastulan ang bangkay ng mga Ulikba na may tuhog na patpat sa katawan. May nakatagos at may nakalusot pa. Malakas ang iyong sandata.” dugtong pa niyang papalapit kay Cordova at hinaplos ang pana at palaso sa likuran ng di nakikilalang Radam.
Naputol ang pagdidili-dili ni Cordova. Agad na nagpasiya. “Ngayon din, kailangan na tayong makapaghanda. Tulong-tulong.”
“Ano’ng gagawin natin?” natitilihang tanong ni Salina, ngunit masigla at humawak pa sa kamay ng kausap.
“Gagawa tayo ng ganitong sandata. Ang pana.” ani Cordova at inalis sa pagkakasakbat sa balikat ang nasabing sandata. Binanat kahit walang palaso at pagdaka’y binitiwan ang bagting upang ipakita ang panimulang gamit.
“Wala pa kaming karanasan sa paggamit niyan.” nag-aalinlangang sabi ni Salina.
“Madali lang ang paggamit.” ani Cordova. Ituturo ko sa inyo. Pero unahin muna natin ang paggawa ng maraming pana at palaso.”
“Saan tayo kukuha ng gamit?” tanong ni Salina.
“Sa naraanan kong kagubatan na sakop ng bayang ito, wala akong makitang puno ng balantukan. Subalit sagana naman sa kawayan. Kaya lang mahinang tulad ng mga laruang bata. Ngunit natitiyak kong makakamatay rin ng ulikba pagkat manipis lang ang kanilang katawan.” paliwanag ni Cordova habang sila’y papasok sa pinto ng kaharian.
“Paano naman ang paggawa?” tanong uli ni Salina. Mausisa. Gustong makatiyak at malaman kung sila’y makakaiwas sa kapahamakan.
“Tulong-tulong. Lahat ng kawal at mamamayan ay gagawa ng tig-iisang pana at maraming palaso. Sino ba ang punong mandirigma mo?” Ituturo ko sa kanya ang paraan at kailangan simulan na natin.” sabi ni Cordova.
“Si Hagibis. Hayun siya!” sagot ni Salina at itinuro ang lalaking aligaga ang pagtulong sa kawal na sugatan.
“Ikaw pala si Hagibis, ang punong mandirigma sa bayang ito.” bungad ni Cordova sa paglapit.
“Ako nga kaibigang dayuhan, bilang kapalit nang namayapa kong Ama. Kasama siya ng magiting na Raha Udiawan nang sila’y tambangan sa pastulan.” Sagot ng lalaking matipuno ang katawan.
“Nakikiramay ako sa’yo, Hagibis. Malupit ang kamatayan ng iyong Ama.”
“Salamat, kaibigan. Totoo ang sinabi mo. Kinain ng mga Ulikba ang aking Ama at bilang bagong pinunong mandirigma, uusigin ko ang mga tampalasan. Handa kong ipagtanggol ang mga mamamayan, maging kapalit ng aking buhay.”
“Kung gayon, humanda tayo sa darating na digmaan.” sabi ni Cordova habang nakatayo silang nakatanaw sa naghihingalong kawal. Kapwa may galit sa mukha.
“Ano nga pala ang pangalan ng bago kong kaibigan?” tanong ni Hagibis sa pagbaling at tinanaw ang napabalitang sandata ni Cordova na kasalukuyang nakasukbit sa kanyang dibdib.
“Tawagin mo na lang akong Cordova. Ngayon din, simulan na natin ang paghahanda. Ganito ang ating gagawin.” wika pang pag-aya.
Sa makapangyarihang utos ni Salina, natupad ang kagustuhan ni Cordova at Hagibis. Kumilos ang buong mamamayan ng Haranggani, kanya-kanyang gawa ng pana at palaso, kailangan nilang magsama-sama sa pakikibaka pagkat ang kalaban ay lubhang marami at maaaring lagpas pa sa inaakalang bilang ni Salina.
Kalahating araw lang ang lumipas. Lahat ng tao sa Haranggani ay maroon ng pana. Bata at matanda. Lalake man o babae, nag-aaral ng pagpana sa tulong at pagtuturo ni Cordova. Si Hagibis ang pinakamasigasig. Agad siyang natuto.
Madilim na ay patuloy pa rin ang pagsasanay ng mga tao. Ginawang laruan ang pagpana. Natutuwa sila kahit hindi pa sila sanay sa pagpapatama. Maraming punong saging ang ginamit nila sa puntirya. May sumasablay at may tumatama.
“Kung ganyan lang ang kanilang pagpana,” ani Salina “Baka maubos agad ang kanilang palaso!” dugtong pang pangamba. Nag-uusisa ang paningin.
“Bawat isa sa kanila ay may binungkos na palaso. Hindi kami makagawa ng marami, pagkat kulang tayo sa pakpak ng manok o kahit anong uri ng pakpak. Ang iba nga ay dahon ng niyog ang pinagamit ko.” sagot ni Cordova habang sila ay nasa itaas ng toreng kawayan. Nakatunghay sa liwasang bayan at tinatanaw ang mga nilalang na atupag sa pagsasanay sa kampilan upang magamit kung sakaling ubos na ang kanilang palaso.
“Sa magdamag na iyon, idlip lang ang ginawa ng mga magtatanggol sa bayan. Nasa loob sila ng nababakurang liwasan. Sama-sama sa gagawing pakikibaka at hindi sila papayag na kainin ng Ulikba ang kanilang mga anak.
Ganap na ang liwanag ng umaga nang umalingawngaw at marinig sa kapatagan nakapangingilong ngiyawan ng mga pusa. Lahing musang ang kapara ng mga Ulikba. Galing sila sa kabundukang malayo sa dinaanan ni Cordova at ng mga kawal ng Mauritanya.
Agad nag-utos si Salina. Pinapasok sa bakuran ang ilang mamamayan na naglisaw sa lansangan at saka pinasara ang malaking pintuan.
Naghihiyawan sa panangis ang mga bata sa pangambang sila ay lamunin ng Ulikba. Nakakalagim na isipin ang bagay na iyon. Ang sipsipin ang kanilang dugo at katayin kapagdaka.
Panay ang sigaw ni Salina. Nag-uutos. Hindi malaman ang gagawin. Labas-masok sa palasyong kawayan at nagkakanggagahol sa pagkilos.
Ang mga kawal naman at mamamayan ay tumalima sa utos ni Cordova at Hagibis. Umakyat sila sa mataas na bakod ng kaharian at inihanda ang bago nilang sandata. Ikinasa ang palaso at hinigit-higit ang bagting ng pana.
“Kapag malayo pa ang kalaban.” sigaw ni Cordova “Bahagyang pataas ang pagpana at pakiramdaman ang agwat upang doon bumaba ang palaso!”
Naghiyawang umayon ang mga manananggol. Bahagya na nilang nawatasan ang paggamit ng pana. Alam na rin nila ang paraan sa malapitang pag-asinta bagamat kulang pa rin ang sunod-sunod na pagkilos. May kabagalan at hindi tiyak ang patama.
Palakas nang palakas ang ngiyawan ng tila mga pusang lampong sa paglusob. Biglang nagdilim ang bukana ng kabundukan. Iniluwa sa kasukalan ang napakaraming ulikba. Nagtatalunan habang hawak ang malalapad nilang panabak.
“Mahabaging Allah!” hiyaw ng ilang matatandang babae na may hawak ding pana pagkat naisip nilang kumitil man ng buhay ang bawat isa sa kanilang palaso, mauubos iyon ngunit hindi man lang mababawasan sa tingin ang lahing Ulikba. Higit ang dami sa kanilang inaasahan.
Napakunot din ang noo ni Cordova. Alam niyang iyon nga ang mangyayari. Hindi niya akalain na ganoon karami ang lumulusob na kalaban. Kailangan niyang umisip ng paraan upang hindi maubos ang lahing Moro kasama na si Dayang Hirang. “Humanda kayo!” sigaw pa niya ng makita ang mabilis na paglapit ng mga Ulikba. Ibinigay ang hudyat sa pamamagitan ng una niyang pagpana. Bagsak ang nauunang kalaban at lumusot pa sa kasunod niyang kasangga ang palaso. Dalawa agad ang patay.
Naghiyawan ang lahing Moro nang Makita ang pangyayari. Ibig nilang gayahin ang ginawa ni Cordova. Sa utos ni Hagibis, nagpalipad sila ng maraming palaso at tumudla sa kulumpon ng kalaban.
Maraming Ulikba ang tumihaya. May nakatusok na palaso. Di lang isa, may dalawa at mayroon pang tatlo.
Sa pangyayaring iyon, natigilan ang pinunong si Burudok ng mga Ulikba. Nangalisag at nanindig ang balahibo sa katawan. Nagpaiwan siya at pinauna ang isang malaking pangkat.
Muling nagkasa ng palaso ang mga nasa palasyong kawayan. Binanat ang bagting at biglang binitawan. Lumipad ang maraming palaso at lumikha ng sari-saring landas na tutunguhan.
Lumatag sa lupa ang manipis na katawan ng lahing pusa. Walang nabuhay sa malaking pangkat nang sunud-sunod nilang sagapin ang salasa ng mga palaso. Marami rin ang hindi tumama at nagkalat lamang sa lupa.
Nagsisigaw sa galit si Burudok. Muling hinudyatan ang higit na malaking pangkat at pinalusob sa kalaban. Walang urungan.
Ngunit wala ring urong ang mga palasong sumalubong at nagsitimo sa kinauukulan. Marami ang tumama at marami rin ang sumala.
Kalahati sa ikatlong daluyong ng mga Ulikba ang nakalusot. Ngumingiyaw sa pagtakbo at di anhin na lang na marating agad ang pakay.
Patuloy ang pagkakasa ng palaso sa pangunguna ni Cordova. Iniharap sa kalaban at nakita ang katuparan. Marami ang pinatay.
Kaunti na lang ang palaso ni Cordova pagkat siya ang pinakamabilis manudla. Ayaw niyang makalapit ang kalaban upang hindi mangyari ang labanang harapan. Alam niyang mauubos ang lahing Moro kapag nangyari ang ganoon. Sa tingin niya at pagtantiyang labanan, isang Moro laban sa halos limang daang Ulikba. Walang mabubuhay na tagapagtanggol at hindi rin niya matanggap, kabilang siya sa mamamatay.
Naging sukdulan ang galit ng pinunong si Burudok. Mula sa kasukalan, hinudyatan niya ang buong hukbo ng mga Ulikba. Lahatan, kailangan na nilang makuha ang kaharian ng Haranggani upang sila ay kumain. Pagkaing mula sa laman ng tao at pinakamasarap para sa kanila.
Tag-gutom sa pamayanan ng mga Ulikba. Ang panahong iyon ay dumarating pagkaraan ng humigit kumulang sa dalawampung taon. Nagiging tuyot ang kanilang pananim. Nauubos ang mga hayop-gubat pagkat malakas silang dumami. Parang mga hayop. Palitan ng asawa at kahit nagsisimula pa lamang na magdalaga, nanganganak na agad ayon din sa tulong ng mga Burukantada.
Tumigil sa kalagitnaan ang hukbo ni Burudok. Wari’y pinag-aaralan kung paano ang gagawing pagsalakay. Susugod silang walang atrasan hanggang sa marating ang kaharian ng mga Moro.
Ang sindak ay lumaganap sa palasyong kawayan. Parang naramdaman nila ang sungkit ng kamatayan. Iisa na lamang ang kanilang palaso at kapag naubos, hihintayin na lang nila ang napakahirap na kamatayan.
Ang palahaw at iyak ng mga bata ang siyang nagpalakas sa loob ng mga mandirigmang Moro. Hindi sila papayag na kainin ng mga kalabang ang kanilang mga anak. Lalaban sila hanggang sa kamatayan upang di nila makita ang kinatatakutan ng mga bata.
Napayuko si Cordova. Iisang palaso na lamang ang nakakasa sa kanyang pana. Hungkag na pag-asa. Parang takip-silim. Ang araw ay unti-unting lumulubog sa kanluran. Didilim at ang liwanag ay mapaparam. Ganoon nga ang alam niyang magiging buhay hanggang sa huling sandali ng kanilang paghinga at gayon din sa magiging kapalaran ng kanyang mag-ina. Hindi na sila magkikita-kita.
Paano tayong makakaligtas sa lupit ng mga Ulikba?” pukaw ni Salina nang siya ay makalapit kay Cordova. Nanungaw sa bakod at tinanaw ang mga kalaban.
Hindi kumibo si Cordova. Nagbuntong hininga at nanalim ang mga matang tinititigan ang mga kalaban. Ang mga Ulikba na hindi pa maaaring abutan ng kanilang palaso dahil sa kalayuan.
“Kung sakali.” napilitang sagot ni Cordova. “Kasama ninyo akong mamamatay.” nalulungkot pa niyang dugtong pagkat nasa alaala pa niya ang kanyang Mahalya at ang anak na Don. kung mangyayari ang sinasabi niya, masakit sa isang naghihintay ang mabigo. Paghihintay na walang katuparan. Nakakaawa ngunit hindi naman niya maiiwan ang mga Moro sa ganoong kalagayan, kabilang na ang batang si Dayang Hirang.
Di kawasa nama’y nilinga ni Hagibis ang kahabaan ng bakod. Malakas na sumigaw. “Ang mga mandirigmang tagapagtanggol ng bayan ay kailangang makitalad hanggang sa kamatayan! Handa ba kayong makipagsapalaran sa kapakanan ng inyong mag-anak at sa mga mamamayan?”
“Alang-alang sa maliliit naming mga anak! Kaming mag-asawa ay lalaban!” sagot ng isang babaing Mora. May hawak na kampilan. Tumatangis at handang mamatay.
Ang udyok ng sigabo ay pumaibabaw sa katahimikan. Nakikiisa sa hiyawan ang mga bata na maaaring humawak ng kampilan. Ang mga matatandang lalake at babae ay humawak na rin ng kahit anong uri ng patalim. Lalaban sila para sa kanilang mga isinupling na lahi.
Nagpasiya na rin si Cordova. “Lalabas tayo ng bakuran at doon natin sasagupain ang mga kalaban upang makatakas ang mga mahihina at paslit na nilalang.” aya pa ng Radam at saka bumaba ng bakod.
Sa pangunguna ni Hagibis, lumabas sa bakuran ng palasyong kawayan ang mga mandirigma. Saka lang nahantad sa madlang kalikasan ang kakaunting bilang ng mga Moro at Mora. Para silang tumpok ng mga dayami sa gitna nang naglalagablab na apoy. Madaling masunog sa isang iglap lamang.
Samantala. Ang bawat pangyayari ay sinusubaybayan ni Ogbinar. Alam niyang nasa panganib ang dakila nilang Radam. Alam din niyang magagalit ang kanilang Radam kapag nalamang sumusubaybay sila sa tuwi-tuwina, ngunit para sa kanya, higit na mahalaga ang tungkuling iniatang sa kanyang balikat. Ilalayo niya sa panganib ang Hari ng mga Hari, sukdang tumanggap siya ng parusa, maging iyon man ay kamatayan. Ang mahalaga, makita niyang buhay si Cordova.
Nasa anyong nalulumbay ang nasabing Radam nang marinig niya ang mga trumpetang di kaila sa kanya ang kahulugan. Kabisado niya ang himig. Ang tunog na tanging sa Mauritanya lamang maririnig. Bigla siyang bumaling. Lipos ng pagtataka. Nakita niya ang mga watawat na wumawagayway sa haging ng hangin. Mga banderang simbulo ng kaharian ng Mauritanya. Nasa tikin at sakay ng mga kabayong nagmamadali sa paglapit. Ang batas na kapag naglalakbay ang hukbo, may kasamang watawat at trumpeta.
Lumabas sa bakuran si Salina. Lumapit kay Cordova at nagtanong nang tumigil sa harapan ng Radam ang sampung nilalang na sakay ng kabayo. “Sino sila?”
Mabilis namang nag-alis ng talukbong at balabal sa katawan ang mga bagong dating. Lumitaw ang tunay nilang anyo sa pamamagitan ng pare-parehong kasootan ng sundalong Mauritanya. Kulay pula at masasabing kaanyuan ng mga kawal-Romano. Sila’y nagsiluhod na tiklop ang isang paa at nakayuko sa harapan ng kinikilala nilang Radam.
Ang tanong ni Salina ay hindi nasagot ni Cordova pagkat naunahan siya ni Ogbinar sa pagsasalita.
“Handa akong tumanggap ng parusa kung pagkakasala sa dakilang Radam ang aming pagsubaybay at pagsuway sa inyong gusto.
Hindi sumagot si Cordova. Hinugot ang kanyang espada at pawasiwas na ipinatong sa balikat ni Ogbinar. Ang pinakamalapit at nangunguna sa pagluhod.
Ang bilin ko sa butihing Mahalya, pansarili lamang ang layunin kong ito. Wala sa hinagap na digmaan pala ang masusumpungan ko rito.” Ang nasabi na lang ng Radam sa bandang huli.
“Malaking hukbo ang dala ko, o dakilang Radam ng Mauritanya. Nasa pamayanan sila at naghihintay sa aking hudyat.” sabi rin ni Ogbinar at hindi binabago ang pagkakaluhod.
“Tumindig ka, matikas na Heneral ng Mauritanya.” ani Cordova at saka lang inalis ang espada sa balikat ni Ogbinar. Muling isinuksok sa baywang at nagwika. “Ang nagawa mong pagsuway ay nakabuti sa ganitong pagkakataon. Ihanda ang mga kawal sa pakikidigma!” dugtong pang nasisiyahan.
Nakatulala lamang si Salina. Palipat-lipat ang paningin. Malalim ang iniisip at nabuo ang isang hinala na para sa lahat ay nakakabigla. Katabi niya si Hagibis na gayon din ang anyo.
Muling narinig ang tunog ng mga trumpeta, ngunit ngayon ay iba na ang himig. May pahiwatig at pag-uutos. Nagmamadali mula kay Ogbinar.
Sa di kalayuang dako ay biglang nagngiyawan ang mga lahingl Ulikba. Patalun-talon ang ginawang paglusob. Lalong nag-init nang matanaw ang may sampung karagdagan sa pagkain. Gusto nilang matapos agad ang labanan upang makatay at kainin ang sino mang malapitan.
Sa pagkakataong iyon, sinalubong ng sampung mandirigma ng Mauritanya ang papalapit na kalaban. Sakay sila ng kabayo at magkakasabay na nagkasa ng baril de pana. Napakagandang tingnan ang turuan nilang kabayo. Pantay ang pagkakahanay at sabay-sabay ang paghakbang.
Ibinigay ni Ogbinar ang hudyat nang inaakala niyang sapat na ang agwat upang umabot ang kanilang palaso. Umigkas ang mga iyon at kung sino rin ang mga nangunguna sa kalaban ay siya ring tinarakan ng munting palaso.
Nagkakandasubasob ang bawat Ulikbang matapatan ng kamatayan. Kumikisay at lalo pang sinawing palad sa tapak ng mga nagtatalunan at palukso-luksong musang ng kagubatan. Mga ulikbang sabik na makaganti.
Lalong nagpakita ng gilas ang pangkat ni Ogbinar. Pinanay ang panunudla habang ang kanilang kabayo ay nagpamalas din ng galing sa paglakad nang paurong. Parang nagyayabang ang kilos, pabalik sa pinanggalingan.
Hindi napigilan ng mga taga Haranggani ang hiyaw ng paghanga. May pumapalakpak at humahalakhak. Buo na ang kanilang loob. Ramdam nila ang malaking tulong na paparating at iyon ay dahil kay Cordova na ngayon ay kanilang kasama.
Sa agwat na maaari nang abutan ng palaso ang mga kalaban, kumalat ang mga Moro at agad na sinimulan ni Hagibis ang pamamana. Naging masigasig sa panunudla pagkat ang bawat kabawasan ng Ulikba ay nagsisilbing pamatid-takot sa mga anak nilang ayaw mamatay sa nakakahindik na paraan.
Noon pa man ay naging panakot na sa mga kabataan ang kabangisan ng mga Ulikba. Kakainin sila kapag gumala sa lansangan. Sisipsipin ang kanilang dugo at sila ay mamamatay. Ang panakot na iyon ay nagsalin-salin sa mga bagong buhay at maaaring hanggang sa darating pang panahon.
Ang pamamana ng mga Moro ay patuloy, ngunit ang malahiganteng bilang ng mga Ulikba ay tila hindi nababawasan. Lalong dumarami sa tingin habang papalapit.
Ang pamumuksa ay unti-unting naparam. Dumating na ang sandaling ubos na ang palaso ng mga Moro. Binitawan ang kanilang pana at ang kampilan naman ang binunot sa suksukang nasa baywang. Para silang gamu-gamong susugba sa maalab na apoy.
Di kaginsa-ginsa’y nayanig ang paligid sa dami ng mga kabayong papalapit kay Cordova. Nagsibaba sa lupa ang libu-libong kawal at nagsiyukod bilang paggalang sa kanilang Radam.
Ang hudyat ni Ogbinar ay karakang naigawad. Mabilisan ang pagtalima sa kanyang kagustuhan. Agad naiayos ang ang tatlong hanay na tig-iisang libo. Magkakasunod na para bang hagdan, pagkat ang nasa unahang hanay at nakaluhod ang kanang paa. Ang isang paa nama’y nakabali sa harapan. May hawak na pana at nakabanat ang bagting na may palaso.
Ang pangalawang hanay ay nakatayo at handa ang pana. Makikita sa kanilang patagilid na tindig ang pagkakabuka ng mga paa,
Ang ikatlong hanay naman ay nakasakay sa kabayo. Nakahanda rin ang pana at wari’y hinihintay na lamang ang hudyat ni Sotelo.
Sa tagpong iyon, napakagandang masdan ang pare-pareho nilang kasootan. Matikas ang anyo at nasa iisang hutok ang mga pana.
Noon nama’y natigilan sa pagsugod ang mga Ulikba nang makita ang hukbo ni Sotelo. Para silang nag-alinlangan at balak pa sanang umurong kung hindi sa mabalasik na utos ni Burudok na sila’y lumusob.
Noon din nama’y sumulyap muna si Sotelo kay Ogbinar bago ibinigay ang pangwakas na hudyat. Isang malakas na sigaw. “Panain ang kalaban!”
Unang nagpawala ng isang libong palaso ang mga nakaluhod na kawal. Pagkaraa’y muli silang nagkasa ng palaso habang ang pangalawang hanay na nakatindig ang siya namang nagpalipad ng palaso, at gayon din ang mga nakakabayo. Palitan.
Walang tigil ang bugso ng kamatayan. Narindi ang mga Ulikba at naging madali ang pananalanta, ngunit sa dami ng lahing pusa, patuloy ang paglusob.
Bawat isang hanay ng mga kawal Mauritanya ay pumipinsala ng malaking bilang sa mga Ulikba. Halos walang bisala pagkat sila’y bihasa sa paggamit ng pana na sadyang napakalakas at lumulusot pa sa katawan ng Ulikba.
Subalit sa ganoong pagkakataon, ang tatlong libong panagupa ni Sotelo ay tila hindi sapat upang patigilin ang dumarating na daluyong. Patuloy ang paglapit ng kanilang kalaban. Naganap ang isa pang utos. Nakilahok ang kawal na may baril de pana mula sa harapan ng palasyo.
Doon na nasindak ang mga Ulikba nang bumagsak sa kanila ang nanunuhog na kamatayan. Ibig man nilang tumakas ay hindi na magawa. Hinahabol sila ng palaso.
Tumahimik ang kaparangan. Nawala ang alingawngaw ng mga taong pusa. Maging ang kanilang pinunong si Burudok ay pangiyawngiyaw na lamang habang naghihingalo.
Nagbunyi ang mga lahing Moro nang makita ang ganap na katahimikan. Nagsigawan sa tuwa ang mga bata pagkat takot sila sa balitang gagawing silang inihaw at papapakin ng mga Ulikbang tila musang ang kapara. Napaiyak din sa kaligayahan ang mga Ina pagkat ligtas na ang kanilang mga supling at wala ring tigil ang pagsasaya ng bawat isang mamamayan.
Lumapit si Salina kay Cordova. Lumuhod. Iniyukod ang ulo, sagad sa lupa at buong galang na nagbadya. “Patawad o dakilang Radam ng Mauritanya. Wala sa hinagap na ang inalipusta ko ay Hari pala ng mga Hari!” kasabay ang pagluha.
Sa panaghoy na iyon, ang lahi ng mga Moro ay tumulad kay Salina. Nagsiluhod rin na ang noo ay nakatukod sa lupa. Nangayupapa at nagbigay papuri sa pinagkakautangan nila ng buhay.
Napangiti si Cordova. Inalalayang tumindig si Salina at saka nagwika. “Malayo ako sa Mauritanya. Ikaw ang makapangyarihan sa bayang ito.” at hinudyatan pa ang mga kawal Moro at mamamayan ng Haranggani na tumindig.
“Taglay ng dakilang Radam ang kapangyarihan upang maging Hari ng mga Hari, saan mang sulok ng ating kalupaan. Kinikilala ko ang kapangyarihang iyon. Mag-utos ka, o dakilang Radam.” sabi pa ni Salina at muling yumukod.
“Salamat butihing Rahana. May ipapakiusap nga ako sa’yo.” sagot ni Cordova.
“Ang dakilang Radam ay hindi nararapat na magpasalamat at lalong hindi dapat makiusap. Mag-utos ka lang, o makapangyarihang Radam.” ani Salina at muli, bahagyang yumukod.
Bahagya ring ngumiti si Cordova bago ipinagtapat ang tungkol kay Don Donaio at kay Soraia. “Gusto kong abangan mo ang aking anak. Baka sakaling makatakas siya sa kaharian ng Mahikalandia at dito mapadaan. Alagaan mo siya. Itago kay Soraia at pagkatapos ng dalawampung taon, ihatid mo siya sa aking kaharian.” “Matutupad ang kagustuhan ng dakilang Radam. Gagawin ko siyang makapangyarihan sa lahat. Tataglayin niya ang pinakamataas na antas ng pagkatao. Igagalang siya ng aking nasasakupan at ililihim kay Soraia.”
Nasiyahan si Cordova sa pangako ni Salina at bilang tulong sa katuparan ng kanyang utos, ipinagkaloob niya sa Rahana ang dalang kayamanan ni Ogbinar na di gaanong nabawasan, dahil ang pagkain nila ay galing sa kabundukan ng Mauritanya at Portagesa.
“Maraming Salamat o dakilang Radam. Ang kayamanang ito’y ilalaan ko sa kapakanan ni Don Donaio.” sabi ni Salina habang minamasdan ang kaban ng ginto na nasa kanyang harapan. Sapat din upang mailibing ang lahi ng mga Ulikbang namatay sa labanan.
Nasa kaigtingan ang pasasalamat ng lahing Moro kay Cordova nang siya ay magpaalam. Nasa kanyang kalooban ang hangaring makatulong din sa ibang kaharian na may suliranin.
Nangako naman si Salina kay Cordova. “Kailan man, hindi na mauulit ang nakalipas kong ugali. Hindi na ako mandudusta ng taong aba lamang ang kaanyuan. Ibubuhos ko kay Don Donaio ang lahat ng paggalang at paglilingkod alang alang sa iyo o dakila kong Radam.”
Ngumiti lang si Cordova at ganap na sana ang paglisan nang bigla siyang mag-atubili, luminga bago nagwika. “Gusto kong makita ang batang si Dayang Hirang.”
“Masusunod ang kagustuhan ng dakilang Radam.” yumukod pang sabi ni Salina at agad na tumalima sa pamamagitan ng pag-uutos.
Ilang sandali lang ay nakabalik sa labas ng palasyo ang nagmamadaling Rahana. Kasunod ang tatlong dalagang Mora. Ang mga tagapag-alaga ng bata at dalawa roon ang kanyang anak.
“Dakilan Radam.” ani Salina. Gusto ko ring ipakita ang panganay kong si Dayang Giliw. Labing walong buwan na siya.” dugtong pang halos ipagduldulan ang kanyang anak.
“Maganda siya.” nakangiting sabi ni Cordova at hinaplos sa ulo ang bata, kasunod ang paglinga sa susunod na sanggol.
“Siya naman si Dayang Sinta. Ang pangalawa kong anak.” wika ulit ni Salina at pakurot pang pinalapit sa Radam ang tagapag-alagang karga ang nakapaupong sanggol na masasabing may anim na buwan ang gulang.
Muling napangiti si Cordova. Hinawakan ang kamay ng nasabing Dayang. Inalog-alog at saka pinapurihan. Kapagkuway siya na ang lumapit sa tagapag-alagang nasa likuran.
“Siya si Dayang Hirang. Isinilang ng kapalit ang buhay ng kapatid ko.” matamlay na wika ni Salina. Halatang mabigat ang loob.
Hindi nagsalita si Cordova. Tinitigan ang sanggol na may isang lingo pa lamang nasisikatan ng araw, ngunit mababanaagan na ang higit na kagandahan. Hindi makapagpigil ang isang Amang sabik na sabik sa anak. Kinuha ni Cordova ang sanggol at kinarga. Hinagkan sa noo at nalipos ang awa sa ulilang anak ng mga namayapa.
Nagpalakpakan ang lahing Moro liban kay Salina. Nakangiti siya ngunit ang bigat ng loob kay Dayang Hirang ay lalong naragdagan. Ang kilos niya ay pakitang tao lamang.
Matapos pagmasdang muli ni Cordova ang nunal na pula sa sulok ng labi ni Dayang Hirang, saka lang naganap ang paglisan, kasunod si Hagibis sa paglalakad.
“Ipagpatawad ng dakilang Radam nang ituring kitang kaibigang dayuhan.” sabing panikluhod ni Hagibis sa ginawang pag-antabay kay Cordova habang nakasakay sa kanyang kabayo.
“Tama lang ang itinawag mo sa akin, Hagibis pagkat totoong dayuhan lang ako rito. Karangalan ko ang maituring na kaibigan ng isang makataong pinuno ng hukbong mandirigma ng Haranggani. Kinikilala ko ang pagtupad mo sa iyong tungkulin.”
“Salamat, o dakilang Radam. Mag-utos ka at akin ding tutuparin.” ani Hagibis sa ginawang pagyukod.
“Subaybayan mo lang ang paglaki ng Dayang Hirang. Ilayo mo siya sa panganib at sana, sa pagbabalik ko. Makita ko siyang walang kapansanan.”
“Matutupad, dakilang Radam. Higit na makapangyarihan ang butihing Rahana upang ito ay matupad.” patapos na sabi ni Hagibis at kumaway na lamang sa papalayong Radam at hukbo ng Mauritanya.
Lumipas pa ang ilang oras na paglalakbay. Ngayon ay kaagapay na ni Cordova si Ogbinar sa pangangabayo. Nasa likuran nila ang napakaraming kawal at nasa unahan naman ang malaki ring pangkat ni Sotelo upang hawanin ang panganib kung mayroon man sa kanilang daraanan. Habang naglalakbay, pinag-uusapan nila ang nararapat gawin kay Shanok. Ang ganid at mang-aagaw ng Hari ng Portagesa.
Katanghalian ng marating ng hukbo ni Cordova ang bukana ng bayan. Walang makikitang tao sa lansangan pagkat sa oras na iyon, nasa liwasan ang lahat at nakikipag-agawan ng pagkain.
Unang tinungo ni Cordova ang tahanan ni Gustavo. Nag-iisa lang siya at malayo sa pandinig ng kanyang hukbo. Tahimik ang paligid at wari’y walang tao sa loob ng bahay. Kumatok siya sa pinto.
Noon nama’y kasalukuyang nasa hapag-kainan ang mag-asawa na dating Hari at Reyna ng Portagesa. Tumindig si Gustavo at tinungo at pintuan. Sinilip sa maliit na butas ang anino ng taong nasa labas.
“Cordova!” nabiglang tawag at agad namang binuksan ang nasabing lagusan. Nakamulagat ang mga mata nang makita sa di kalayuan ang napakalaking hukbo na kababakasan nang napakalakas na kapangyarihan.
Tumawa si Cordova bago nagwika. “Tulad nang pangako ko sa’yo, muli kitang iluluklok sa trono ng kastilyo.”
“Ikaw nga ang dakilang Radam ng Mauritanya! Tumuloy ka, kamahalan!” nagkakandamulagat pa ring hiyaw ni Gustavo. Nakakatiyak pagkat kabisado niya ang mga watawat ng Mauritanya. Buong galang siyang nagpugay at nangayupapa.
Nabigla rin si Onova sa kanyang paglabas mula sa kainan. Hawak ang isang basahang pamunas ng kamay. Nakita rin niya ang napakaraming kawal sa paligid. Nagkatotoo ang hinala nilang si Cordova ay isang Radam. Sa labis na kaligayahan, napaiyak ang dating Reyna at nagwika. “Maraming salamat, o dakilang Radam. Sa iyong pagbabalik, mahahango ang mga alipin sa kamay ng mga sukab at palamara.” ang sabing nakayukod at saka isinunod ang paghalik sa kamay ni Cordova.
“Onova.” baling ni Gustavo. “Ipaghanda mo ng pananghalian ang dakilang Radam.”
Anyong tatalima si Onova ngunit higit na mabilis ang pagtanggi ni Cordova. Hindi siya kakain kung gutom ang kanyang mga kawal, at ayon din sa kanyang paliwanag, ang tunay na mandirigmang Mauritanya at matagal bago gutumin.
Marahang napayuko si Gustavo. Pinagdaop ang dalawang palad na nakapatong sa pasimano ng balkonahe at iniba ang paksa. “Nasa panahon ang pagdating ng dakilang Radam. Salamat.”
“Bakit?” tanong ni Cordova. Nag-uusisa ang paningin.
“Ayon sa aking tagapagbalita.” ani Gustavo. “Bukas. Ang lahat ng bilanggo sa kastilyo ay pupugutan ng ulo.”
“Ano?” nabiglang tanong ni Cordova. “Bakit sila pupugutan ng ulo? Sila ba’y masasamang tao?” sunud-sunod pang tanong.
“Hindi, dakilang Radam. Sila ang matatapat kong Heneral at mga kawal. Humingi na ako ng tulong sa mga kamag-anak kong taga Burgandi at Batalya upang iligtas ang mga bilanggo. Ngunit maliit lamang ang kanilang hukbo, at nang pagsamahin, mahigit isang daang kawal lamang ang bilang.”
“Nasaan ang sinasabi mong hukbo?” tanong pa ni Cordova bago naupo sa likmuang inilapit ni Onova.
“Nasa kagubatan at hinihintay na lamang ang pagsapit ng gabi. Kaya lang, hindi ako nakakatiyak ng tagumpay ng pagsalakay. Mahigit isang libo ang tauhan ni Shanok, bukod pa ang mga tulisang bundok na nagkalat din dito sa bayan.
“Ayon sa aking Heneral.” sabi ni Cordova. “Napuksa na nila ang mga tulisang bundok. Ubos na.”
“Naniniwala ako dakilang Radam. Dahil kung hindi totoo. Hindi ka makakapasok at makakalabas ng Portagesa. Makikita ka nila.”
Sa di kalayuan, nakamasid si Ogbinar sa tahanan ni Gustavo. Lumalakad siyang papalapit. Nag-aantabay at naghihintay sa isang kautusan.
Noon nama’y nakangiti si Onova. Nagmumuni. Iniisip ang nakaraang araw. Ang pagtulog sa kanila ni Cordova. Ang dakila nilang Radam na kahit sa isang hamak na himlayan ay nagawang matulog. Kahanga-hanga. Subalit ang di niya alam, kahit sa kabundukan o sa lilim ng punong kahoy, natutulog si Cordova.
Ngayon pa lang, palalayain ko ang mga bilanggo sa kastilyo.” anang Radam at ipinahatid ang utos kay Sotelo sa pamamagitan ni Ogbinar.
Maligaya si Gustavo. Hindi malaman ang gagawin kung luluhod o yayakapin ang dinadakila niyang Radam. Hindi maubos-ubos ang pasasalamat at para bang ngayon lang siya nakahinga ng maluwag.
Noon din ay lumisan ang hukbo ni Sotelo. Pawang nakabalabal at may talukbong pa sa ulo. Tinungo nila ang kastilyo na ayon sa himaton ay nasa kaparangan at manaka-nakang natatakpan ng mga punong kahoy. Matayog at nasa tabing ilog.
Malayo pa lang ay pinag-aralan na ni Sotelo ang gagawing pananalakay. Nasa kubling burol sila at nakakanlungan ng mga punong kahoy. Nakita niya ang kahabaan ng ilog. Nakabalatay sa harapan ng kastilyo at sa ginawang pagsusuri sa pamamagitan lamang ng kanyang paningin, natiyak niyang ang lulusubin nila ay naliligid ng tubig. Isang malaking lawa na likhang kamay lamang at sadyang ipaikot sa paligid ng naturang kaharian. Hindi mapapasok kung hindi tatawid ng ilog. Subalit wala siyang makitang tulay. Ngunit natitiyak niyang nasa gawing harapan sila ng kastilyo at doon lang nararapat na magkaroon ng tawiran.
Ang paghahanap at pagtatanong sa sarili ni Sotelo ay nagkaroon nang kasagutan. Nakita nila ang unti-unting pag-awang ng pader sa kanilang harapan at marahang bumaba ang mahabang tulay sa paggamit ng dalawang kadena upang lumapag sa kabilang ilog. Ang nasabing tulay ay hindi halatain pagkat lapat na lapat ang pagkakatugma sa harapan ng dingding na bato.
Lumabas sa pinto ng kastilyo ang sampung kawal na nakasakay sa kabayo. Masasabing ang kanilang kilos at anyo ay salat sa katahimikan. Magagaslaw kung kumilos at hindi nawawala ang halakhakan. Ang layunin nila ay alalayan si Shanok sa pag-uwi na kasalukuyang nasa liwasang bayan.
Muling nakita ang pagtaas ng tulay at iyon ay mahihinuhang yari sa bakal pagkat mula sa kinaroroonan ng mga taga Mauritanya, narinig nila ang malakas na lagabog ng bakal sa bakal na paglalapat.
Kung susuriin, malaking suliranin ang pagpasok sa kastilyo, ngunit sa matalinong mandirigma, agad nakikita ang mainam na paraan.
Mabilis kung mag-utos si Sotelo, bakas sa kanyang mukha ang tining ng loob. Kumikilos ang kamay sa bawat salita. Malinaw kaya agad ring natupad. Mahigit sa limampung kawal ang inutusan niyang bumaba sa burol at salakayin ang sampung dayukdok na galing sa loob ng kastilyo.
Nagsisigawang tumalima ang mga kawal ni Sotelo at tila tumatawag ng pansin. Winasiwas ang hawak nilang espada. Ipinakikita rin ang bilis sa pangangabayo at ang kabangisan sa tangkang pagpatay.
Inutusan din ni Sotelo ang higit na maraming kawal upang lumigid sa kakahuyan. Ang layunin, kahit bahagya lang, makalapit sila sa pinto ng kastilyo.
Ang sampung kawal ni shanok ay natigilan. Nawala ang ingay. Parang ibon na nabulabog. Kanya-kanyang pulasang pabalik sa kastilyo at humingi ng saklolo.
Anyong masigasig sa paghabol ang mga tauhan ni Sotelo. Nagsisigawan sa tuwa. Ginawa nilang katatawanan ang karuwagan ng mga kawal na patungo sa loob ng kastilyo. Di kawasa’y humudyat ang kanilang pinuno. Itinigil ang panunugis at tinanaw na lamang ang nasabing kaharian. Ang kastilyo na ang agwat sa kanila at may limampung dipa na lamang.
Tumigil din ang sampung kawal sa pintuan ng kaharian. Malalakas na ang loob pagkat muling bumaba ang pinakatulay ng ilog.
Sa loob ng kastilyo, ay nagkakagulo ang mga kawal sa paglabas. Nag-uunahan sa tulay. Parang sabik sa digmaan pagkat alam nilang nakakalamang sila sa bilang na libo.
Ang sapantaha ng mga taga kastilyo ay iyon na ang katuparan ng isang balakin. Ang nakikita nilang pulutong ng mga nakatalukbong na lalake ay ang nababalitang magliligtas sa mga bilanggo. Nagtatawanan pa sila sa paglabas ng pinto. Hindi na sumakay ng kabayo at ang balak ay sugurin na lang sa pagtakbo ang sa tingin nila ay kakaunting kalaban. Sumama na rin sa kanila ang sampu pang kawal at iniwan na rin ang kanilang kabayo.
Bumaba rin sa kabayo ang mahigit limampung kawal ng Mauritanya. Humilerang pahalang. Isinuksok ang hawak na espada at ang pana naman ang ikinasa. Itinapat sa naghihiyawang kalaban at saka pinawalan ang mga palaso.
Nabigla ang mga kawal ng kastilyo. Hindi malaman kung saan susuling pagkat ang sinusugba nila ay kamatayan.
Sinamantala naman nila Sotelo ang bukas na pintuan. Pinagpapana ang mga kalabang nasa tore at ang ilang bantay sa tulay. Madalian. Kailangang mapasok nila ang kaharian at mapalaya agad ang mga bilanggo.
Bago pa naganap ang pangyayaring iyon, napilitang magbihis ng Maharlikang damit sina Gustavo at Onova sa kagustuhan naman ni Cordova. Ang soot nila noon nang sila’y palayasin at ipagtabuyan ni Shanok sa labas ng kastilyo. Luma na ang damit ngunit sagisag pa rin ng kanilang pagiging Hari at Reyna ng Portagesa.
Kapalit noon ay napilitang uminom nang mainit na kakaw at kumain ng tinapay sina Cordova at Ogbinar sa kagustuhan din ni Gustavo. Habang kumakain, nagsalaysay si Cordova tungkol sa ginawang pagsubaybay sa kanya ni Ogbinar at iyon ay s autos naman ng kanyang Mahalya Arminya.
Mahabang sandali rin ang lumipas bago nahantad sa lansangan ang hukbo ni Cordova. Nakasakay sila sa mababagal na lakad ng kabayo, kasunod ang kariton na sinasakyan ng Hari at Reyna ng Portagesa. Ang mga kawal ay nagkalat din kung saan-saang dako ng kapaligiran. Halos mapuno ang tinatahak nilang landas patungo sa liwasang bayan. Wari’y sila lamang ang tao sa pook na iyon, gayong maraming mata ang nagmamasid sa kanila. Hanggang sa marating nila ang sadyang pakay na kung saan ay naroon si Shanok.
Naiwan sa landas na patungong Mauritanya ang ibang kabayuhang hukbo ni Cordova at ang sampung opisyales na lamang ang umalalay sa kanya. Hawak ang mga baril de pana.
Muling pinasok ni Cordova ang pinto ng bakurang minsan na niyang naraanan. Nag-iisa lang siyang lumapit kay Shanok at malakas na nagwika. “Karapat dapat lang na tawagin kang hari ng mga masisiba!”
Dahan-dahang umangat sa pagkakayuko si Shanok. Nagambala ang mabilis ang pagpangal sa hamon ng baboy ramo. Nanlilisik ang kanyang mga mata at malakas ding sumigaw, sabog ang pagkaing nasa bunganga. “Ikaw na naman! Ano’ng kailangan mo rito?”
Ako nga, Haring masiba! Gusto kong putulin ang katakawan mo!” sigaw din ni Cordova.
“Lapastangan!” bulas ni Shanok, kasunod ang biglang pagtawa at pagsasalita. “Muli kitang bubuhayin kung bibigyan mo pa ako ng mga batong hiyas.”
“Wala na akong maibibigay.” sagot ni Cordova. “Bagkos, babawiin ko pa ang naibigay ko noon!” dugtong pa at lalong lumapit sa hapagan ng pagkain at walang pasintabing dinukwang ang isang lalagyanang ulam at isinaboy sa mukha ng kausap.
“Palamara!” sigaw ni Shanok. Biglang namuwalan sabay inom ng tubig bago nag-utos. “Mga kawal! Dakpin ang taong ito at pugutan ng ulo, ngayon din!”
Kanina ay pangiti-ngiti lang si Berbon. Ngayon ay biglang humalakhak ang Hari ng mga tulisan at muling nagbalik sa kapatagan nang maubos ang kanyang mga tauhan sa kagubatan, ngunit hindi niya sinabi kaninuman upang manatili ang kanyang kapangyarihan sa paningin ni Shanok. “Kung sa bundok ay nakaligtas ka! Dito sa bayan mapapatid ang lagukan mo!” sabi pa niyang humahalakhak.
Agad namang tumalima ang mga kawal na nasa likuran ni Shanok. Hawak ang kanilang espada at nag-uunahang tupdin ang utos ng kanilang hari.
Subalit nagliparan ang maliliit na palasong galing sa baril de pana. Lahat ng mga kawal na gustong sumaling kay Cordova ay isa-isang natuhog ng palaso. Nangingisay.
Napamaang si Shanok. Nalaglag mula sa kanyang bunganga ang isang kimpal ng pagkain at gusto pang magtago sa ilalim ng hapagan. Nanginginig ang tinig. “Berbon, bakit maraming tao sa labas? Sino sila?” tanong pa niya nang lubusang makita ang nasa labas ng bakuran.
“Ewan ko, Shanok. Nariyan si Gustavo!” sigaw pa ni Berbon at nauna pang nagtago sa katoto niyang gahaman.
Pumasok si Gustavo at malakas na sumigaw. “Shanok! Berbon! Lumabas kayo riyan! Tapos na ang inyong kapalaluan!”
Dahan-dahang sumungaw ang dalawang nagtatago sa ilalim ng hapagan at mapapait ang ngiti.
“Kayo ang nagtulong upang ibagsak ang aking kapangyarihan!” turo pa ni Gustavo. Nangangalit ang tinig .
“Ako ang Hari dito!” giit ni Shanok. “Marami akong kawal sa kastilyo”
“Wala na!” sigaw ni Sotelo. Kararating lang mula sa kastilyo. “Hinatulan ko na sila ng kamatayan!”
Lalong nanginig si Shanok nang malingunan ang nagsisiksikang kawal ni Sotelo. Nakita rin niya ang mga bilanggo ng kastilyo nakasakay din sa kabayo at nanlilisik ang mga mata. Sa kanya nakatingin.
“Kilala mo ba, Shanok kung sino ang kasama ko?” tanong ni Gustavo at yumukod pang nagpugay kay Cordova.
Hindi masabi ni Shanok ang nasa kanyang isip. Natakot siyang magsalita pagkat kailan lang, hinamak niya ang taong ngayon ay kaharap niya.
Si Gustavo rin ang sumagot. “Siya ang kagalang galang at dakilang Radam ng Mauritanya. Ang Hari ng mga Hari. Ang dugong bughaw. Ang taong tinanggihan mong makasalo sa kainan. Hindi mo pinakain dahil sa anyo niyang dayuhan lamang na mangangaso.”
Parang natulig si Shanok, marahang umakyat sa ibabaw ng hapagan. Bumaba sa kabila at naglulumuhod na humingi ng kapatawaran. Tumatangis. “Kung alam ko lang, kahit hindi ako kumain. Bubusugin ko ang dakilang Radam at ipagmamalaki.” sabi pa niya.
“Ako rin.” sabad ni Berbon. “Patawarin mo ako!” dugtong pa at saka humalik sa paanan ng katas-taasang Radam.
“Si Haring Gustavo ang nakakaalam sa inyong kapalaran. Kayo ang nagsilbing hadlang sa katahimikan at kaunlaran ng bayang ito.” sabi ni Cordova habang nakaturo ang kamay sa mga palamara.
“Siyang tunay o dakilang Radam. Ang kinamkam nila ay muli kong ikakalat sa mga mamamayan. At ang bayan naman ang hahatol sa nagawa nilang kasalanan.” sabi ni Gustavo at itinuro ang mga mamamayan na naghihiyawan sa labas ng bakuran. Mga taong bayan na inalipin ni Shanok at pinakakain lamang ng isang beses sa maghapon.
“Bitayin ang mga taong iyan!” sigaw ng mga nasa labas. “Bitayin dito sa liwasang bayan!” paulit-ulit nilang sigaw. Nangangalit sa kagustuhang makaganti sa matagal nilang pagkakabusabos.
Noon nama’y humakbang na pasugod si Onova. Biglang dinaklot sa buhok si Reyna Kukurya at hinilang paitaas upang humantad sa pagtatago. Gumanti lang siya pagkat noon, sinabunutan din siyang pakaladkad pababa sa trono habang hinahalakhakan ni Kukurya na nakatakda ring isama sa bibitayin.
Pumasok din sa bakuran ang mga naging bilanggo ng kastilyo. Itinumba nila ang hapagan upang mahantad ang mga nagtatagong opisyales ni Shanok. Pinagdadaklot sa leeg at napagkaisahang ipalit sa kulungan ng kaharian.
Sa tagpong iyon, kinausap ni Cordova si Gustavo upang ipabatid ang tungkol kay Don Donaio. Baka sakaling sa Portagesa mapadpad ang kanyang anak. Matagal din silang nag-usap tungkol sa nakaraang pangyayari.
“Malaking karangalan ko kung dito nga siya magawi. Ang buong bayan ay mangangayupapa sa kanyang pagdating.” bukal sa pusong sagot ni Gustavo.
Ang paalamana’y naging masigabo. Nagbunyi ang buong bayan at walang patid ang pasasalamat kay Cordova. Nalimutan na nila ang tulong ng Borgandi at Batalya. Ang mga kawal na nasa kagubatan at naghihintay lamang sa pagsapit ng dilim upang salakayin si Shanok.