← Don Donaio
Chapter 5 of 18
KABANATA 5

Pangarap sa batang mora

Halos kalahating araw na nilandas ni Cordova ang kagubatan. Sinalunga niya ang kasukalan. Tinawid ang nakabalatay na ilog at batis, hanggang sa marating niya ang pababang kapatagan. Datapuat bago siya nakalabas sa kakahuyan, nakarinig siya ng sigawan na tila nag-aaway.

Luminga si Cordova, at sa gawing kaliwa niya naroroon ang pingkian ng kampilan at malalapad na panabak.

Dalawang lahi ang naglalaban. Isang anyo ng Moro ang kasootan. Kayumangging mamula-mula ang kulay. Matipuno ang katawan at nakikipagsabayan ng tagaan sa pitong lahi ng Ulikba at pawang nakabahag lamang. Mabalahibo ang katawan at parang musang ang kapara.

Ang anyo ng labanan ay hindi parehas. Dalawang lahi na kayumanggi ang nakahandusay sa lupa. Walang buhay. Isa na lamang ang humihinga ngunit sugatan at nakabulagta na rin sa lupa. Gayon man, buong tapang pa rin niyang ipinagtatanggol ang sariling buhay. Sinasalag niya ang bawat taga ng kalaban.

Makikita rin nakahandusay sa lupa ang tatlong lahing Ulikba. Wala ring hininga ngunit pito pa ang buhay at tila mga pusang naglalampong sa paligid ng nag-iisang kalaban. Naninindig ang kanilang balahibo sa katuwaan.

Sa gayong kalagayan, nahinuha ni Cordova ang mga pangyayari. Tinambangan ng mga lahing Ulikba ang lahing kayumanggi. Nakita rin niya ang lupit ng Ulikba. Kung paanong katayin ang dalawang bangkay na kayumanggi. Nilalaplap ang laman at nginangata sa paraang makahayop.

Hindi matanggap ni Cordova ang gayong tanawin. Nakita niyang nabitiwan ng kayumanggi ang hawak na kampilan at kamay na lamang ang nakahandang pansalag. Nakita rin niyang tuwang-tuwa ang nangungunang Ulikba sa pagtaas ng panabak, tatapusin na ang laban.

Agad ikinasa ni Cordova ang kanyang pana at palaso. Tinudla ang tila musang na Ulikba sa agwat na di kalayuan.

Pumako sa dibdib ng Ulikba ang matulis na panuhog. Tagos hanggang sa likod pagkat sadyang manipis ang katawan ng mga Ulikba, kung kaya nakalusot pa ang ibang palaso. Bumubutas at nakakapangisay.

Doon na nakita ng iba pang lahing pusa si Cordova. Nagsigawan at parang mga baliw na sinugod ang bagong dating. Nakataas ang mga panabak at handang pumatay upang maging karagdagan sa kanilang pagkain.

Ipinamalas ni Cordova ang galing sa pagpana. Ang bawat kilos ng kanyang kamay ay mabilis. Parang kumakalabit lamang ng bagting sa kudyapi. Isa-isang natimbuwang ang mga Ulikba.

Matapos isakbat sa balikat ang pana ani Cordova, lumapit siya sa sugatang kayumanggi. Bumaba sa kabayo at inalalayan ang taong sinaklolohan.

“Maraming Salamat sa’yo, kaibigan.” nanghihinang sabi ng lalaking sugatan. Nanginginig ang tuhod sa pagtindig at dumadanak ang dugo sa katawan.

“Ako si Cordova. Sa tingin ko, isa kang maharlika. Ihahatid kita sa iyong kaharian.” sabi pang may paggalang ang pag-alalay.

“Salamat, Cordova. Ako si Raha Udiawan ng bayang ito. Gusto kong makabalik sa palasyo.” pabulong na salita ng Raha at pagkat alam niyang hndi na magtatagal ang kanyang buhay.

Walang pangimi si Cordova kahit malahiran ng dugo ang kanyang kasuotan. Inalalayang isinakay sa kabayo ang Raha at marahan nilang tinalunton ang isang makitid na landas. Damuhan ang magkabilang gilid. Maluwang at ginagawang pastulan ng mga baka.

“Sa kapatagang iyon naroon ang pamayanan ng mga Moro. Ang bayan ng Haranggani. Ang aking kaharian na kailan man ay hindi ko na mapapangalagaan simula sa araw na ito.” matamlay pang sabi ng Raha at itinuro ang kanilang patutunguhan sa pamamagitan ng nguso.

Narating nila ang isang parisukat na lupain. Iyon ay nababakuran ng mga itinulos na punong kahoy. Sa gitna ay nakatunghay ang tila simbahan na yari sa kawayan.

Bumukas ang malaking pinto ng bakuran. Nagkakaingay ang mga nakasaksi. Sumalubong ang maraming mandirigmang Moro sa pangunguna ng isang magandang babae.

“Dayuhan!” Ano’ng nangyari sa aming Raha?” bulas na panita nang nabanggit na babae. Sinusuri ang mukha ni Cordova na kasalukuyang nakatalukbong ng balabal.

“Huwag mo siyang sigawan, Salina. Siya ang nagligtas sa akin at tumulong upang ako ay makarating ditto.” marahang sawata ng Raha.

“Bakit?” namamanghang tanong ng babae.

“Nasa pastulan kami nang biglang sumalakay ang lahi ng mga Ulikba. Kinain nila ang punong mandirigma at isang kawal. Ganoon din ang mangyayari sa akin kung hindi dumating si Cordova.” madalang at pabulong na sabi ng Raha habang nakahiga sa tila duyan na pasan ng kanyang mga tauhan.

“Cordova!” tawag ni Salina. “Bilang utang na loob at sa kagustuhan ng Raha, huwag ka munang umalis. Dito ka na magpalipas ng gabi upang mapaglingkurang katumbas ng isang dakilang panauhin.” nakasimangot na alok ni Salina.

Tumanggi si Cordova at saka bumaling sa Raha. “Udiawan. Nagmamadali ako. Hangga’t may liwanag, gusto kong marating ang kabundukan ng Mahikalandia.”

“Dayuhan!” bulas ni Salina. “Siya’y isang maharlika. Mataas ang katungkulan at hindi binabanggit ang pangalan kung walang nauunang katagang Raha!” dugtong pang nakapamaywang at nanlilisik ang mga mata.

“Salina.” tawag ng Raha na may pasaway. “Hindi siya taga-rito. Siya’y kristiyano at hindi nakikialam sa batas ng ating pagka-Moro. Ipagbalot mo siya ng baon sa paglalakbay.” sabi pang nanghihina habang papasok sila sa pinto ng kaharian. Pigil niya sa kamay si Cordova at ipinahihiwatig ang paghingi ng paumanhin.

Nag-alis ng panakip ulo si Cordova upang maparam ang init sa kanyang buhok. Nahantad ang kakisigan, subalit hindi rin siya humingi ng paumanhin sa harapang iyon pagkat kung tutuusin, higit na mataas ang antas ng kanyang pagkatao at pumapayag din siyang tawagin sa pangalan lamang. Ngunit ang totoo, naasiwa siya sa matalas na dila ni Salina.

Bigla namang nagbago ang ang kilos ni Salina. Humanga siya sa anyo ni Cordova. Agad na nag-utos upang ihanda ang madadalang pamatid-gutom ng kanilang panauhin.

“Salina, gusto kong Makita ang aking anak na si Dayang Hirang.” lupaypay na wika ng Raha.

“Papalapit na sila.” sabi ni Salina habang tinatanaw ang lagusang nagmumula sa mga silid ng palasyo.

Noon nga ay papasok sa bulwagan ang isang matandang lalaki na manggagamot ng kaharian. Anyong may dinidikdik kasunod ang isang babaing may kalong na sanggol.

“Kaawa-awang anak ko.” wika ng Raha nang itabi sa kanya ang sanggol na isang lingo pa lamang ang gulang. “Alam kong hindi na magtatagal ang aking buhay. Hindi ko na masusubaybayan ang iyong paglaki.”

“Gagaling ka o magiting na Raha!” sabi ng manggagamot at apurang itinapal sa sugatan ang mga dinikdik na dahon mula sa almires.

Isang iling lang ang isinagot ni Udiawan. Kapagkuway bumaling kay Salina at nagbilin. “Ikaw ang bahala kay Dayang Hirang. Hangga’t hindi pa niya naaabot ang tamang gulang upang maging Rahana, ikaw na kapatid ng namayapa kong asawa ang pansamantalang hahawak sa tungkuling ito.”

Walang kibo si Salina. Itinaas ang kanang kamay at ikinuyom bilang tanda na tinatanggap niya ang maging Rahana. Bahagya siyang yumukod upang gawing saksi ang mga nakapaligid na lupon ng matatanda at kawal ng palasyo.

Nakamasid lamang si Cordova. Ang paningin niya ay nakapako kay Dayang Hirang. Awang-awa. Kung maaari lang, ibig niyang magkaron ng anak na babae. Iyon ang natanim sa kanyang isip at gusto pa sanang haplusin ang magandang mukha ng batang nakatakdang maulila.

Pagkara’y binuhat ni Salina ang sanggol. Kinalong na may pagmamahal gayong sa kaibuturan ng kanyang puso, naroroon ang poot. Mabigat ang tingin niya kay Dayang Hirang. Para sa kanya, ang batang iyon ang dahilan kung bakit naghirap hanggang sa mamatay ang kapatid sa panganganak.

Ang lahat ay natigilan nang biglang bumula ang bibig ng Raha. Nagkibit-kibit ang balikat. Tumirik ang mga mata at nalagutan ng hininga.

Saka lang napatunayan ng manggagamot na ang ginamit na panabak kay Udiawan ay may kumpas ng Burukantada na sadyang kapanalig ng mga Ulikba. Ibig sabihin, tiniyak ng mga ulikba at bruha ang kamatayan ng Raha dahil ito ang mahigpit nilang kalaban.

Malungkot ang mukhang bumaling si Cordova sa batang si Dayang Hirang. Sinamantala niya ang pagkakataong nasa yugto ng kalungkutan ang mga nakapaligid. Umiiyak ang mga kababaihan at wala sa kanya ang pansin ng karamihan. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ng bagong ulilang lubos na nakalapag sa diban. Pinagmasdan niya ang nunal o taling na pula sa sulok ng labi ni Dayang Hirang at iyon ang kanyang tinandaan kung sakaling magkita pa sila sa ibang panahon. Naalala rin niya ang binitiwang parusa ni Soraia. Kalian man hindi na sila muling magkakaanak ni Arminya. Hindi na masusundan si Don Donaio. Napapikit siya at umasam na lamang. Sana mapasakanya ang karapatan na maging anak ang batang may taling na pula.

“Aalis na ako.” kapagkuway wika ni Cordova at saka lang bumaling sa bagong Rahana. Hindi na niya hinintay ang nakaraang utos ng namayapang Raha. Ang siya ay pabaunan ng pagkain sa paglalakbay. Inusal na lamang ang pasasalamat ay saka nagbadya ng isang mataos na pakikidalamhati.

“Hintay!” habol ni Salina sa may pintuan. “Kailangan ko ang tulad mong lalake. Maaari kang maglingkod sa kahariang ito bilang isang pinuno ng aking mga tauhan.” dugtong pang sabi habang hinahaplos ang luha sa kanyang pisngi.

“Iba ang pakay ko sa gawing ito. Hindi ko matatanggap ang alok mo Salina.” sagot ni Cordova habang kinakalag ang lubid ng kanyang kabayo sa isang haligi.

“Mataas kang magsalita!” Talagang wala kang galang kahit ako na ang pinakamakapangyarihan sa kahariang ito. Nakita ko rin ang paghaplos mo sa pisngi ni Dayang Hirang. Kawawa naman siya. Dapat sana dugong maharlika ang unang sasaling sa aking pamangkin upang may karangalan!” namumula ang mukhang bulalas ni Salina. Gayon man, pinilit nyang maging mahinahon. Pinababa ang tinig. “Pinatay ng mga ulikba ang asawa kong Lakan. May dalawa kaming anak na parehong babae. Kailangan ko ang katulong. Huwag kang umalis.” nag-aanyaya pang wika ni Salina. Nakangiti na at may ibig sabihin.

“Sa ngayon, wala ka pang mabigat na suliranin.” ani Cordova. “Baka sakaling sa pagbabalik ko, kailangan mo na ang tulong ko.” dugtong pa at agad na sumakay sa kanyang kabayo upang lumisan.

Walang nagawa si Salina kundi ang tanawin na lamang ang papalayong mangangaso sa tingin. Gayon man, may kasiyahang tumimo sa kanyang puso. Malimit niyang makita ang paglingon ni Cordova. Wari’y may kahulugan sa kanyang pananaw.

Subalit iba ang nasa isip ni Cordova. Nasa kanyang gunita ang ulilang si Dayang Hirang. Ang sanggol na gusto niyang ariing anak. Nasa isip din niya ang lumang palasyo ng mga Moro at Mora. Hindi magtatagal, gigiray at babagsak. Paano na lang ang pagdadalaga ng Morang si Dayang Hirang? Ang batang napalapit sa kanyang damdamin na maaaring magdanas din ng kakulangan pagkat ang kaharian ng Haranggani ay mabagal ang kaunlaran.