Maraming Balakid
Noon naman ay kasalukuyang nagsungit ang panahon sa loob ng kagubatang sakop ng Mauritanya. Madilim ang paligid at lumakas ang haging ng hangin. Parang nagbabanta ang isang malakas na ulan.
Nag-aalma ang kabayo ni Cordova. Tila may kinatatakutan. Humahalinghing pagkat sa bawat sulok ng kadiliman ay parang nagsulputan ang maraming mata. Nagbabaga at nakatunghay sa sino mang magawi roon.
Sanay si Cordova sa ganoong pagkakataon. Alam niyang wala na roon si Soraia at ang mga Burukantada ang nasa paligid. Magagawa nilang pabangisin ang ano mang hayop na naroroon at malakas na paungulin.
Bumaba sa kabayo si Cordova at inalis sa balikat ang nakasakbat na pana. Nagkasa siya ng isang palaso na galing mula sa tila bumbong na nasa kanyang likuran at inasinta ang kasukalan.
Nahawi ang mga sanga. Papalapit kay Cordova ang ungol na kung saan galing at sinasaliwan pa nang nakakatakot na daing ng mga Burukantadang matatanda. Mga Buruka o Bruha ng kadiliman.
Sumikad ang palaso sa pana ani Cordova at tuwirang tinalunton ang pinagmumulan ng ungol.
Isang malaking bakulaw ang iniluwa ng kasukalan. May palasong nakapako sa dibdib at walang tigil sa paglundag na pasugod. Umaalihaw ang mga kamay at nakabuka rin ang mga daliring may matutulis na kuko. Agad ring binunot ni Cordova ang kanyang espada at sinalubong ng halihaw ang papalapit na bakulaw. Tinaga at inulos.
Walang buhay na bumagsak ang malaking unggoy kasabay ang napakarami pang ungol na galing din sa paligid at sumasaliw pa ang nakakakilabot na daing ng mga Burukantada.
Mula sa lukbutan ni Cordova, inilbas niya ang isang gintong krus pang Kristiyanismo. Itinaas at iniharap sa inaakalang pinanggagalingan ng daing.
Nayanig ang paligid. Animo’y sumikad na palayo ang mga dumaraing. Kasunod ring naparam ang kasukalan sa di kalayuan. Nawala rin ang ungol ng mga hayop na para bang pinalis nang kung sino. Tanging nalabi ay ang halinghing ng kabayo ni Cordova sa muling paglalakbay.
Ang katugunan sa pangyayaring pagtahimik ng paligid ay dahil sa hukbo ni Ogbinar. Pinapana nila ang mababangis na hayop bago pa man makalapit sa kanilang Radam. Mayroon din silang tungkod na may krus na pilak sa gawing itaas. Binulabog nila ang mga nagkalat na buruka kaya muling lumiwanag at naglagos sa siwang ng mga dahon ang silahis ng araw.
Ang hukbo ni Ogbinar ay malayo ang agwat sa kinaroroonan ni Cordova ngunit higit na malayo ang pinakamalaking bahagi ng pinamumunuan ni Kumandante Sotelo. Sa gayong kalagayan, nagkakaugnayan sila sa pamamagitan ng kalatas na nakatali sa palaso. Ang palasong iyon ay may nakakabit na dahon ng buli. Nakabalisusong at pumapasiyok sa suba ng hangin. Ang sipol ay siyang nagsisilbing hudyat upang abatan ng malaking bahagi ng hukbo ang kalatas o ang pag-uutos ni Ogbinar. Ang gayong pag-aantabay ay nalingid sa pangmasid ni Cordova dahil sa labis na kasukalan ng bundok at sa maingat nilang pamamaraan. Ang bawat panganib at kanilang pinupuksa at nililinis ang landasin ng Radam.
Kinabukasan. Lumiliwanag na ang paglalakbay ni Cordova. Nalagpasan na niya ang kagubatan at pababa na siya sa isang maliit na bayan ng Portagesa. Ang kahariang iyon ay naliligid ng bundok at pawing mahihirap ang mga mamamayan.
Minabuti ni Cordova ang dumaan sa gitnang bayan. Gusto niyang kumain upang maiba naman ang panlasa ng kanyang dila. Sawa na siya sa inihaw at laging pagkaing bundok ang pumapasak sa kanyang sikmura. Kadalasan, bungang kahoy lang ang kanyang kinakain upang hindi siya maabala sa paglalakbay.
Naiwan sa kagubatan ang malaking bahagi ng hukbo ni Ogbinar. Ilan lamang ang sumubaybay kay Cordova sa liwasang bayan. Hindi sila halatain sa kasootang tila mga pastol. May talukbong sa ulo at natatakpan ng balabal ang malaking bahagi ng kanilang katawan. Halos mata lamang ang nakalitaw at maging ang mga sandata nilang makabago sa panahong iyon ay nasa loob din ng balabal. Ang baril de pana.
Nagtanong si Cordova sa isang matandang lalake na nagdudumali sa paglalakad. “Mawalang galang na kaibigan. Saan ba ang kainan sa bayang ito?” “Kung ikaw ay sino man. Sumama ka sa akin at walang bayad ang pagkain dito.” sagot ng matanda at iwinaksi ang kamay ni Cordova na nakapatong sa kanyang balikat.
Bumaba sa kabayo si Cordova nang marating nila ang liwasang bayan na may dalawang magkaharap na bakuran. Magkatapat din ang mga pinto. Naisip niyang maganda ang patakaran sa bayang ito pagkat may libreng pagkain para sa mamamayan.
Matapos itali ni Cordova ang kanyang kabayo sa nakapahalang na bakuran, pinili niya ang pinto na higit ang ganda sa kaanyuan. Pumasok siya at nagmasid. Nakita niya ang mahabang hapagan. Ang masagana at marangyang pagkain sa ibabaw ng patungan. Gayon din ang mga taong nakapalibot sa kainan. Masasaya at pawing maharlika kung susuriin ang kasootan.
Bumaling din sa kabilang bakuran si Cordova, saka lang niya napansin ang kaibahan ng mga taong kumakain sa magkaharap na bakuran. Anyong alipin ang mga nasa kabila at nag-aagawan sa hapag ng pagkain.
“Hoy! Alipin! Ano’ng ginagawa mo rito?” sigaw ng kung sino. Napabaling si Corodova. Nakita niya ang isang matabang lalake na pumapangal ng mamantikang hita ng baboy ramo.
“Bakit ka pumasok dito?” Hindi mo ba alam na ang bakurang ito ay para lamang sa dugong berde?” tanong pa ng matabang lalake. Tumindig at lumapit kay Cordova. Nanlilisik ang mga mata at tila gustong manalasa.
Nanlisik din ang mga mata ni Cordova at nagwikang mariin. “Ako’y nagugutom. Gusto kong makibahagi sa inyong pagkain at handa akong magbayad.”
Humalakhak ang matabang lalake bago nagtanong. “Alam mo ba ang halaga ng pagkaing naririto?” umiling muna ang nagtanong saka nagpatuloy ang salita. “Hindi mo kayang bayaran ang gusto mong kainin at ang karangalang makasalo mo kami!” Mabuti pa! Doon ka sa kabilang bakuran makipag-agawan ng pagkain! Sa mga aliping may dugong putik na tulad mo!”
Nagtawanan ang mga kumakain. Nang-uuyam ang tingin nila kay Cordova. Nanghahamak sa di nila nakikilalang Radam ng Mauritanya dahil sa panaklob ulong nakatabing sa kanyang mukha. At isa pang dahilan, higit nilang kialala ang namayapang matandang Radam kaysa sa Cordova na kalian lang naging Hari ng mga Hari.
“Magkano ang gusto mong bayad upang ako’y makakain?” galit na tanong ni Cordova.
Humalakhak ang matabang lalake bago nagsalita. “Kahit ang tira naming buto at tinik ay hindi mo kayang bayaran, lalo na ang makasalo mo ang Hari ng Portagesa. Iyan ay ako. Si Haring Shanok. Lumuhod ka, lalake at gumalang sa aking kapangyarihan!”
“Hindi ako lumuluhod sa tulad mong walang karangalan!” Haring inalipin ang sariling mamamayan!” mariing bigkas ni Cordova at mula sa kanyang lukbutan, dinukot ang ilang pirasong diyamante at inihulog sa kanyang paanan.
Nanlaki ang mga mata ni Haring Shanok. Alam niya ang kislap ng isang mamahaling bato. Hindi na niya pinansin ang maaglahing salita ni Cordova. Lumuhod siya sa harapan nang di nakikilalang Radam at isa-isang pinulot ang mga diyamante. Nagmamadali sa akalang baka siya agawan. Humalakhak si Cordova. Inalis ang kanyang panakip ulo at ipinatong sa ulo ni Shanok. Nahantad ang kanyang kakisigan at agad umakit sa mga babaing naroroon. Higit sa lahat, naakit niya ang Reyna ng Portagesa at asawa ni Shanok.
“Pakainin mo siya, aking Hari!” wikang papalapit ni Reyna Kukurya. Matikas ang damit ngunit gandang lalake kung susuriin.
“Hindi!” lalong galit na sigaw ni Shanok kasabay ang pagpalis sa bagay na ipinatong sa kanyang ulo na walang korona pagkat doon sa hapagan ng pagkain inilapag ang sagisag ng kanyang pagkahari. “Lumayas ka sa harapan ko!” dugtong pang sabi nang mahalatang siya pa ang yumukod sa harapan ni Cordova na lalo pang naragdagan ang kanyang galit sa halatang paghanga ng Reyna sa di nakikilalang dugong bughaw ng Mauritanya.
Isa pang lalake ang lumapit kay Shanok. Anyong hambog at malaki ang katawan. Hawak ang puluhan ng kanyang espada na nakasuksok sa baywang. Ngumisi at nagwika. “Gusto mo bang putulan ko ng ulo ang taong ito?”
“Huwag na, Berbon. Palayasin mo na lang! ayokong kumalat ang dugo sa ating pananghalian!” sabi ni Shanok na parang wala sa sarili pagkat higit na mahalaga sa kanya ang mga batong diyamante. Siya ay sakim at pinapanginoon ang kislap ng kayamanan.
Nang mga sandali ring iyon, muling itinakip ng mga tauhan ni Ogbinar ang kanilang balabal upang itago ang maliit nilang baril de pana na kung di lang napigilan, iigkas ang maraming palaso at tutusok sa sino mang sasaling kay Cordova. Sila’y nakapaligid sa bakuran di gaanong malapit at kunwa’y palakad-lakad lamang sa pagmamanman.
“Kung hindi lang mahalaga at malayo ang susuungin kong paglalakbay, susubukan ko ang galing mo sa espada!” asik ni Cordova at saka bumaling kay Shanok. Babalikan kita! Hindi maaaring maghari ang tulad mong sakim!”
Nagkibit lang ng balikat si Shanok at maligaya pang kinapa sa kanyang lukbutan ang mga diyamante. Kapagkuwa’y pagalit pang hinila sa kamay ang kanyang Reyna upang ipagpatuloy ang kanilang kainan.
Si Berbon ang sumagot. “Sa loob ng bakurang ito, lahat ay sakim sa kayamanan. Hindi ka parurusahan kapag may binigay kang biyaya. Ganoon din ako. Hindi ko na itatanong kung saan mo nakulimbat ang dala mong mamahaling bato at kung marami pa ang natira sa’yo. Ang mahalaga. Narinig ko ang malayo mong paglalakbay. Hindi ka makakalabas ng bayang ito na hindi ka daraanan sa kagubatan. At alam mo ba? Ako ang hari sa kabundukan. Marami akong tauhan at baka hindi ka makaraan?” tumigil sa pagsasalita si Berbon. Ngumisi na parang may ibig sabihin.
Matatag lang na bumaling si Cordova at sinipat ang nagsasalitang si Berbon bago nagwika. “Ang alam ko. Ikaw ang Hari ng mga tulisang bundok.” ang dugtong at lumakad na palayo.
“Hintay!” habol ni Berbon nang tuluyang lumabas sa bakuran si Cordova. “Hoy!” dugtong pang sigaw ngunit parang hindi siya narinig. Tangka sanang hahabol ngunit napangisi. Nabakas sa kanyang mukha ang maitin na balak.
Nagpatuloy sa paglalakad si Cordova. Akay ang kanyang kabayo at palinga-linga sa paligid. Parang may hinahanap. Matagal siyang napatanaw sa kabilang bakuran. Gusto man niyang pumasok ay hindi niya magawa pagkat nag-aagawan sa pagkain ang mga tinaguriang alipin. Ibig sabihin, kulang pa sa kanila ang hiniwa-hiwang tinapay at karne sa hapagan.
Aalis na sana si Cordova nang makaharap niya ang isang matandang lalaking may edad na sa kanya ngunit malusog pa rin at malakas ang katawan.
“Ginoong dayuhan. Kung mapagdamutan mo. May pagkain ako sa bahay. Halika.” yaya ng lalaking nasa anyo ng kaunting kaangatan sa mga alipin at hinawakan pa sa kamay ang nasabing dayuhan.
Nasinag ang katapatan. Sumunod si Cordova at nagwika. “Paumanhin pagkat ako’y nagugutom. Salamat kaibigan, hindi kita malilimot at dumating sana ang pagkakataong ako naman ang tutulong sa’yo.
Ngumiti lang ang naturang lalake at ginawang pansaway ang dalawang kamay.
Hindi na sumakay sa kabayo si Cordova upang makasabay sa paglakad ang sa kanya’y nagyaya. Ngunit kung lilimiin. Ang isang Radam ay hindi humihingi ng paumanhin at pasasalamat. Hindi naglalakad nang walang sasaboy ng mabangong bulaklak sa kanyang daraanan at lalong hindi nag-aakay ng kabayo.
Paglagpas nila sa tabi-tabing kubakob ng mga mamamayang nagdarahop sa buhay ay nagtuloy sila sa isang malaki-laking tahanan na yari sa luad. Iyon ay isang uri ng malagkit na lupa. Ginawang tila adobe. Pinatuyo at pinatigas sa init ng araw at apoy.
Sa pook na iyon, masasabing pinakamaganda ang bahay na pinasukan ni Cordova. Tila bahay na bato. Makapal ang dingding at kulang naman sa magagandang kasangkapan.
“Maupo ka muna, kaibigang dayuhan. Tinawag kitang dayuhan pagkat ngayon lang kita nakita sa bayang ito. Ako si Gustavo at siya naman ang asawa kong si Onova.” Ang sabing pagpapakilala sa babaing nagbukas ng pinto.
Ngumiti si Cordova at nagbigay galang sa bahagyang pagyukod. Isang napakalaking karangalan ang mayukuran ng isang Radam.
Ngunit iyon ay hindi alam ni Onova. Ngumiti rin siya at pinagmasdan ang kakisigang higit ang kabataan sa kanilang mag-asawa.
“Onova.” tawag ni Gustavo. “Maglabas ka ng tinapay mula sa pugon. Iyong malaki at bagong luto.” sabi pa niya at siya naman ang kumuha ng hamon sa sabitan. Hiniwa-hiwa at inihain sa hapagan.
“Ako si Cordova. Isa ngang dayuhan na taga Mauritanya at may pakay sa dakong hilaga ng ating kapuluhan.” anang Radam matapos alisin sa katawan ang mga sandatang dala-dalahan at sinadya pang ilingid ang tunay niyang pagkatao.
Anyong nag-isip si Gustavo bago nagwika. “Parang narinig ko na ang pangalan ng bagong Radam ng Mauritanya. Parang kasing tunog din ng pangngalan mo.”
Hindi kumibo si Cordova. Dinaan sa paghigop ng kung anong sabaw sa babasaging puswelo ang kanyang katahimikan. Nakatanaw siya kay Onova.
Sa tingin niya ay anyong maharlika kung kumilos kahit nakabalabal lang ng kupasing damit. Bumaling siya at ganoon din ang namalas niya kay Gustavo. Banaag ang katatagan at pananalitang may kahigpitan.
Nang sandali ring iyon, nahalata ang kagutuman ni Cordova. Napasarap ang kanyang pagkain at itinuring pang hindi na iba ang kanyang kaharap at kasalo.
Ang gayong pangyayari ay ikinasiya naman ng mag-asawa. Ang pakiramdam nila kay Cordova ay parang matagal na nilang kakilala. Hindi mapaglilihiman at masasabi ang lahat. Ang kanilang pag-uusap ay lumawig hanggang sa bumuhos ang malakas na ulan. Sumagitsit ang kidlat at dumagundong ang kulog.
Sa labas ng bahay ay mapapansin ang ilang lalaking patanaw-tanaw sa tahanan ni Gustavo. Sila ang maliit na pangkat ni Ogbinar. Nangakatalukbong bilang pananggalang sa ulan. Sa sandaling iyon, katatapos lang nilang mananghalian ng pagkaing baon na galing pa sa kaharian ng Mauritanya. Alam din ni Ogbinar na walang dalang pagkain si Cordova ngunit sa isang magaling na mangangaso, hindi suliranin ang pagkain sa kagubatan.
Patuloy ang malakas na ulan at patuloy din ang pag-uusap nina Cordova at Gustavo. Ang paksa nila ay tungkol sa katiwaliang nangyayari sa bayan.
“Bakit naghihirap ang mga mamamayan ng Portagesa at halatang kulang sa pagkain?” tanong ni Cordova.
Sumagot si Gustavo. “Ang lahat ng kayamanan dito ay kinamkam ni Haring Shanok at ng kanyang mga opisyales. Ginawa niyang alipin ang mga taong bayan. Pinagagawa ang kahit anong bagay sa mabilisang paraan, at ang kapalit isang kainan lamang sa maghapon. Ang pananghalian na kulang pa sa bawat isang mamamayan.”
“Anong uri ng Hari ang taong iyon?” kunot noong tanong ni Cordova.
“Sakim si Haring Shanok.” sagot ni Gustavo. “Gusto niyang ariin ang buong Portagesa. Ang tumanggi, pinapatay. Walang masulingan ang mga tao. Gusto man nilang lisanin ang bayang ito, hindi nila magawa pagkat ang kabundukan na kanilang daraanan ay doon nagkalat ang mga tauhan ni Berbon. Kasapakat siya ng Hari. Pinapatay nila ang sino mang tatakas na mamamayan matapos na pagnakawan. Ang lahat ng tao sa bundok ay tulisan!” mariing paliwanag ni Gustavo sa malakas na tinig.
Kasalukuyan namang nakalapit na sa durungawan ng bahay ni Gustavo ang tauhan ni Ogbinar, sa anyong nakikisilong sa balisbisan ng bahay. Narinig niya ang usapan sa loob ng tahanan. Ang panganib na nagkalat sa kagubatan. Ang mga tulisang bundok na maaaring magbigay ng suliranin sa kanilang Radam. Noon di’y karakang ibinalita niya kay Ogbinar ang lahat ng kanyang narinig.
Agad namang ipinag-utos ni Ogbinar sa pamamagitan ng palasong sumisipol sa hangin ang pagpuksa sa mga tulisang bundok.
Ang kalatas na nakatali sa palaso ay nagsasaad kay Kumandante Sotelo na galugarin at linisin ang kabundukan na daraanan ng kanilang Radam. Ang palaso ay palipat-lipat sa kamay ng mga manunudla hanggang sa makarating sa kabundukang kinaroroonan ng malaking hukbo.
Samantala, patuloy pa rin ang pag-uusap sa bahay ni Gustavo.
“Nagdaan din ako ng kagubatan.” sabi ni Cordova. “Bakit wala akong nasalubong na tulisan?” tanong pang ngtataka pagkat hindi nga niya alam ang nangungunang pangkat na ang gawain ay taga hawan ng panganib.
“Mahirap mangyari ang makalusot ka sa mga tulisan. Pero, baka iyon ay isa lamang sa pambihirang pagkakataon.” sagot ni Gustavo sa paraang nagtataka at nangungunot-noo.
Bahagyang natawa si Cordova. Iniba ang paksa. “Bakit sa nakita kong kalagayan ng mamamayan, ikaw lamang ang hindi kasama ng mga alipin?”
“Di man dapat sabihin.” mababa ang tinig ni Gustavo. “Ako ang dating Hari sa bayang ito.”
“Ha!?” nabiglang sabi ni Cordova. “Bakit? Ano’ng nangyari?” dugtong pang nagmamadali.
“Ministro ko lang si Shanok at isa ko ring malayong kamag-anak.” sagot ni Gustavo. “Wala sa hinala kong ganito ang mangyayari. Isang araw, namulat na lang akong naagaw na niya sa akin ang kapangyarihan. Sa pataksil na paraan, nagawa niya akong ipatapon sa labas ng kastilyo, matapos niyang tiyakin na ang lahat ng matatapat kong alagad ay naipakulong niya sa ilalim ng kastilyo. At mula noon, umasa na lamang ako sa pagtatanim ng trigo.”
Nakapamulagat pa rin si Cordova, matagal bago nagsalita. “Ang katulad niyang mang-aagaw ng kapangyarihan ay labis kong kinamumuhian. Ngunit kung himagsikang bayan at may magandang layunin, hindi ako makikialam. Sa sandaling ito, ipinapangako ko. Ibabalik ko sa’yo ang pagiging Hari, matapos lang ang paglalakbay kong ito.”
Si Gustavo naman ang hindi nakapagsalita. Malalim ang ginawang pagmumuni. Matagal siyang napatulala bago nagwika. “Magagawa mo lamang ang sinabi mo kung ikaw ang Radam ng Mauritanya.”
Hindi sumagot si Cordova, tumindig at nanungaw. Nakita niya ang lalong paglakas ng ulan. Nakita rin niya ang mga ilang lalaking nakatalukbong at nagdaraan sa tabi ng bahay. Hindi niya pinansin at ang napipintong pagdarapit-hapon ang nasa kanyang isip. Muli siyang nagbalik sa hapagan na kung saan ay doon sila nag-uusap ni Gustavo. Nakita niya ang dalawang puswelong inuming kakaw. Umaaso.
Sa pagkakataong iyon, nabalingan ni Cordova si Onova. Nakangiti. Pahiwatig na iyon ang naghanda ng kanilang inumin.
“Malamig. Magpainit muna tayo ng sikmura.” sabi ni Guistavo at inilapit sa kinauukulan ang isang puswelo.
Tinanggap ni Cordova ang nasabing inumin. Matapos lumagok, saka siya nagwika.” Malinis ang kalooban ninyong mag-asawa. Dapat lang na kayo ang maghari at magreyna sa bayang ito.”
Ngumiti lang si Gustavo. Namilaylay ang isang malungkot na salita. “Ganyang din kung magsalita ang dakila at matandang Radam ng Mauritanya. Kung hindi siya yumao, mahahango niya ang bayang ito sa kalupitan ni shanok.”
“Tunay bang napakalakas ni Shanok upang di makapaghimagsik ang mga mamamayan?” tanong ni Cordova.
“Maliit lamang ang pamayanang ito.” matamlay na sagot ni Gustavo. “Kakaunti ang mamamayan. Hindi sapat upang lumaban sa malakas na hukbo ni Shanok. Bukod pa roon, kaibigan niya si Berbon. Ang Hari ng mga tulisang bundok.” dugtong pa niya.
“Nakausap ko na ang taong iyon. Anyong mapanganib at pabulusok kung kumilos. Talagang kailangan nyo ng tulong.” mahinang sabi ni Cordova ngunit sapat naman upang marinig ng kanyang kausap.
Gustuhin man naming humingi ng tulong, hindi naming magawa. Walang makaraan sa kabundukan dahil nga kay Berbon. Isang kalatas na ang hinihinala kong hindi nakarating sa kaharian ng Borgandi at Batalya. Ang konde at Duke ng dalawang nasabi kong bayan ay kapwa mga kamag-anak ko, ngunit maliit din ang kanilang kaharian. Magsanib man ay hindi pa rin sapat sa lakas ni Shanok.” paliwanag ni Gustavo kasabay ang pag-iling ng ulo.
“May pag-asa pa Haring Gustavo. Tinawag kitang Hari pagkat iyon ay magaganap. Hindi magtatagal, sasaiyo ang pagpapala.”
“Hindi ko alam, Cordova kung ito nga ay magaganap. Hindi ko pa nakita ang bagong Radam ng Mauritanya dahil nang minsan magtungo ako roon at makausap ang kagalang-galang na matandang Radam, lagalag daw ang kanyang anak at laging nangangaso sa kabundukan.”
“Nakita mo na siya, Haring Gustavo.” kunwa'y birong sabi ni Cordova.
Muling namilaylay ang malungkot na ngiti sa labi ni Gustavo. Iniba ang paksa. “Lalong lumalakas ang ulan. Dito ka na magpalipas ng gabi.” ang sabing kasabay ang pagsasara ng durungawan dahil sa lakas ng anggi.
Ngumiti ng kasiyahan si Cordova. Tinanggap ang alok pagkat kulang siya sa matiwasay na pamamahinga.
Madaling araw na nang tumigil ang ulan. Maagang bumangon si Cordova sa himlayang diban na yari sa yantok. Lumabas siya sa munting silid at doon niya nakitang handa na ang kanilang agahan.
“Iyan ay tapa ng alaga kong buriko.” ani Gustavo. “Masakit man sa akin ang alaga ko. Pinakatay ko noong isang araw upang marami ang makakain. Kawawa ang mga katanawan kong bahay na nagdarahop sa buhay. Gutom at hungkag ang tiyan.” dugtong pa niya sa harap ng hapagan.
“Talagang ikaw ang karapat-dapat na ilulok sa trono ng Hari.” sabi naman ni Cordova. Tumatangu-tango sa pagnguya ng tapa.
“Kumain kang Mabuti, kahit nilugaw lang na trigo.” sabad naman ni Onova at nilagyan pa nang nasabing lugaw ang lalagyan ni Cordova.
Naging kasiya-siya sa panauhin ni Gustavo ang agahang iyon, hanggang sa sandali ng kanyang pamamaalam. “Hindi ko malilimutan ang maganda ninyong pagtanggap sa akin. Kunin mo, Haring Gustavo ang lukbutang ito na naglalaman ng magandang kinabukasan. Tulungan mong mahango sa kahirapan ang mga mamamayan. Titiyakin ko sa’yo, muli akong magbabalik.” sabi pa ni Cordova at ipinakuyom sa palad ni Gustavo ang nasabing supot. Kumikisap ang laman.
“Malaking kayamanan ito, Cordova. Bakit mo ipinagkakaloob sa tulad naming wala nang kabuluhan sa mundong ibabaw?” namamaang pang tanong ni Gustavo.
“Talagang para sa tulad nyong mapagkawanggawa ang dala kong lukbutan.” sagot ni Cordova, habang isinusuot ang panukbit ng espada, ang pana at ang sisidlan ng busog o palaso.
“Paano naming pakikinabangan ang mga ito.? Walang bibili liban kay Shanok at tiyak pang kakamkamin lamang ng tulad niyang gahaman.” ani Gustavo.
“Itago lang ninyo. Pagbalik ko. Mabubuksan ang kagubatan at maaari na kayong makipagkalakalan sa ibang kaharian.” pangako ni Cordova.
“Kailan ka babalik?” tanong ni Onova pagkat parang nasisinag niya ang isang katotohanan sa pagkatao ni Cordova.
Agad namang nagwika si Gustavo. “Kapag nagwagi ang naglalaban kong sapantaha. Kahit buhay ko, ihahandog ko sa’yo o dakilang Radam.” At akma pang luluhod kung hindi naagapan ni Cordova.
“Saka na lamang kapag tapos na ang suliranin ko Haring Gustavo at Reyna Onova. Aalis na ako.” habang akay ang kanyang kabayong nakasilong sa dating habong ng buriko.
“Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay.” ani Onova. “Baunin mo ang aking dalangin at nawa’y magtagumpay ka sa iyong layunin.”
“Sana. muli mong maiwasan ang mga tulisang bundok.” bilin din ni Gustavo. Kumakaway ang kamay at pahapyaw na tinanaw ang pana ni Cordova.
Pawing ngiti lang ang iginanti ni Cordova. Kumakaway din.
Maaliwalas na ang sikat ng araw ng marating ni Cordova ang kagubatan. Mailap ang kanyang mga mata at hawak ang pana na may palaso. Ang sandata na noong panahong iyon, ang Mauritanya lamang ang mayroon. Ang pana na noong una ay laruan lamang ng mga bata, ngunit sa masusing pag-aaral ng mga batikang mandirigmang Mauritanya, ginawa nilang malaki at makabago ang anyo. Kalaunan, nakagawa rin sila ng anyong baril de pana. Maliit ngunit higit na kapaki-pakinabang kung ang gagamit ay nasa masikip na katayuan.
Sa minsang paglingon ni Cordova sa kanyang likuran, namataan niya ang isang lalaking nakakabayo at siya ang sadyang sinusundan. Nangubli siya at nag-abang. Namukhaan niya ang taong iyon.
Samantala, sa unang bahagi ng kagubatan na hindi kalayuan kay Cordova, natagpuan ni Kumandante Sotelo ang pinakamalaking hukbo ng mga tulisan. Isang pamayanan ang naroroon. Nakita nila ang mga kubakob na pawing yari sa punong kahoy at makakapal na dahon ng halaman.
Lasing ang mga tulisan. Mahihinuhang nag-inuman sila ng alak kagabing malakas ang ulan at kaninang madaling araw lang nagsitulog, ngunit mayroon ding gising na bantay.
Nakatuntong si Sotelo sa ibabaw ng burol. Katabi niya ang ilang opisyales ng hukbo at pinagmamasdan ang pamayanan ng mga tulisan. “Utos ni Heneral Ogbinar, linisin ang landas ng dakilang Radam sa ano mang panganib.” sabi pa niya sa kanyang mga ayudante.
Doon sa pamayanan ng mga tulisan ay may isang bantay na nagwawating-wating ang paningin sa antok. Payukayukayok sa pagkakaupo at handa na rin sanang humilata nang biglang magitla sa kanyang nakita. Nanlaki ang mga mata habang nakatanaw sa ibabaw ng burol. Nang mahimasmasan, nagsisigaw sa pagbubunyi. Ginising ang mga kasama at ipinagparangalan ang kanilang mapagnanakawan.
Parang iisang taong nagulantang ang mga mangungulimbat. Hawak ang mahahaba nilang panabak at matamang sinuri ang kanilang tatambangan. Malalakas ang loob pagkat kakaunti lamang ang natatanaw nilang dayuhan sa ibabaw ng burol. Madaling gapihin.
Ilang saglit lang, nag-unahang sumugod na paakyat sa burol ang mga tulisan. Nagsisigawan sa pag-asang ang mauna ay maraming makukuhang kayamanan. Mga ganid sa akalang kayang-kaya nilang puksain ang mga nasa ibabaw ng burol na humigit kumulang sa isang daan lamang, samantalang sila ay libo. Anyong matatapang at mistulang pusakal sa kasamaan.
Kung pagmamasdan nga ang nasa burol, masasabing saglit lang ay mapupuksa sila ng mga tulisan. Subalit ang totoo, sa gawing likuran padalisdis, naroroon ang libo-libong hukbo ni Sotelo. Nakahanda ang mga baril de pana at mahihinuhang labis ang bilang upang puksain ang ganoong lapit ng kalaban. Sa banda pa roon. Ang pinakamalaking bahagi ng hukbo ay nakaantabay lamang sa kapatagan. Nakasukbit sa balikat ang higit na malaking pana at wari’y handang manood lamang sa magaganap na paglipol sa mga tulisan.
“Masakit man sa loob ko ang maramihang pagpatay, kailangan pagkat sagabal kayo sa katahimikan ng balana. Kayo’y salot sa kagubatan.” usal ni Sotelo kasunod ang pagbibigay ng hudyat.
Biglang humatad ang libo-libong kawal at sabay-sabay na nagpaigkas ng palaso sa ibaba ng burol.
Nangagitla ang mga tulisan sa biglang pagsulpot ng mga kawal Mauritanya. Sinalubong sila ng kamatayan na di nila kayang iwasan kahit tumakbo silang pabalik.
Lumaganap ang daingan ngunit nakuha pa nilang magtaka kung anong uri ng patpat ang mariing tumarak sa kanilang katawan at kung bakit napakalakas sumikad.
Parang dinaanan ng daluyong ang mga tulisan. Nangabuwal at dagling nalagutan ng hininga sa dami ng palasong bumangga sa kanilang katawan. Walang nalabi kundi ang ala-alang naging salot sila noong nabubuhay pa.
“Bunutin ang mga palaso sa kanilang katawan, upang di mahayag sa ating dakilang Radam na tayo ay naririto.” utos ni Sotelo
Sa di kalayuan. Nang sandali ring iyon. Humantad si Cordova mula sa halamanan. Hawak ang kanyang espada na nakapatukod sa lupa at nakapamaywang ang isang kamay. Hinihintay niya ang paglapit ng taong nakakabayo.
“Hindi ako nagkamali sa hinalang kasunod ko si Haring Berbon ng mga tulisan.” sabi ni Cordova nang makababa sa kabayo ang kanyang kaharap.
“Talagang ako pa rin ang mapalad. Akala ko’y nabihag ka na ng mga tauhan ko dahil sa narinig kong sigawan nila.” sabi ni Berbon at hinugot din ang kanyang espada.
“Narinig ko rin ang sinabi mong kaingayan, ngunit dagli ring naparam at napalitan ng daing. Marahil, likha ng hangin sa siwang ng mga bato at punong-kahoy.” wika naman ni Cordova.
Tumawa lang si Berbon at iniba ang paksa. “Kahapon, hindi kita pinugutan ng ulo dahil kay Haring Shanok. Ngayon, matitikman mo ang talim ng taong pinakamagaling sa paghawak ng espada sa buong kabundukan. Pero, bago ang subukan, bibigyan kita ng pagkakataong mabuhay kung ibibigay mo sa akin ang supot ng diyamante.”
“Wala akong maibibigay sa’yo o batikang Hari ng mga tulisan. Mabuti pa, mag-usap na lang ang ating mga espada.” hamon pa ni Cordova.
“Baka nabibigla ka, lalake. Ibigay mo ang hinihingi ko, o dagdag pang malaman mo na ako ang pinakamagaling humawak ng espada sa buong Portagesa.” pagyayabang pa ni Berbon habang pinaiikot sa kamay ang hawak niyang espada na parang baston.
Lingid sa dalawang maglalaban, lihim na nakatanaw ang pangkat ni Ogbinar na nasa gawing hulihan. Pakubli-kubli.
“Dapat sana, kanina ko pa pinana ang taong iyan.” Anang ayudante ni Ogbinar sa pangambang malagay sa panganib ang kanilang Radam.
“Hindi na kailangan.” ani Ogbinar. “Nag-iisa lang siya. Ang mga alalay niyang tauhan ay kahapon pa naunang nagbalik sa kagubatan. Ngunit natitiyak kong nailigpit na sila ni Kumandante Sotelo. Hindi na makakapaminsala at maghahasik ng panganib.” dugtong pa niya.
Tumangu-tango lang ang ayudante. Naisip niyang labag nga sa kaharian ng Mauritanya ang maging marahas at traydor kung nag-iisa lang ang kalaban at puntong duwelo lang ang labanan.
“Malaki ang tiwala ko sa ating dakilang Radam.” Sabi pa ni Ogbinar. “Siya pa rin ang pinakamagaling na eskrimador sa buong Mauritanya, maging sa mga kanugnog na kaharian.” dugtong pa niya.
Muling tumangu-tango ang ayudante. Alam niyang tunay ngang matagumpay ang mga bawat nilahukang paligsahan ni Cordova at tinanghal na batikan sa paghawak ng espada.
“Panoorin na lang natin ang kanilang labanan. Iyan ang hilig ng ating dakilang Radam.” sabi pa ni Ogbinar nang makita ang kilos ng tulisan. Humahalakhak at tila sila ang pinagyayabangan.
Sinagadsad ni Berbon ang pananalasa ng kanyang espada. Gustong yanigin ang kalaban. Wasiwas na walang patumangga ang ginawa, kasabay ang hakbang na wari’y nagreregodon. Panay ang lusob.
Ang pamosong galing ng Mauritanya ay namalas. Ang bawat salasa ng kalaban ay sumablay sa salag ni Cordova. Walang tumama. Parang pinaglalaruan lamang, kasunod ang ganting pilantik ng espada. Iyon ang lumilikha ng gurlis sa mukha ng katunggali. Humihiwa.
Lalong nag-init si Berbon. Dalawang kamay na ngayon ang hawak sa kanyang espada at dinaan sa lakas ang pananalasa. Humihiyaw at nagkakandaire sa galit. Gustong matapos agad ang labanan.
Ang bawat salag ni Cordova ay may ganting padaplis. Nagkapunit-punit ang damit ng kalaban at hindi magtatagal, mahuhubaran.
Mahapdi na ang katawan ni Berbon sa dami ng sugat. Takot siyang mamatay kung kaya nilundag niya ang kanyang kabayo at sinakyang patakas. Nagsisisi kung bakit sinarili niya ang balak na pandarambong kay Cordova dahil sa kasakiman.
Natatawang sumakay din sa kabayo si Cordova at sinundan ang landas ni Berbon. Kailangan marating niya agad ang lupain ng mga Mahikalandia, ngunit makitid ang landas at paalon-alon pa ang lupa na kanyang daraanan.
Tumigil si Berbon sa pangangabayo ng marating niya ang paanan ng burol. Biglang tumapang. Muling binunot ang kanyang espada at iwinasiwas na parang naghahamon kay Cordova.
“Diyan ka nagkamali, magaling na lalake!” magilas pang sigaw ni Berbon. Kung hindi ka humabol, baka sakaling mabuhay ka!” Narito na tayo sa aking kaharian at isang pasiyok ko lang, magiging tadtaran ang iyong katawan!”
Naging mailap ang mata ni Cordova. Inalis sa pagkakasakbat sa balikat ang kanyang pana at kinasahan ng isang palaso. Ang una makita niyang tulisan ay matutuhog at ang susunod ay si Berbon.
“Kahapon pa ay pinag-iisipan ko kung ano ‘yang nakasakbat sa iyong balikat. Iyan ba ay panghatak o panilo sa leeg?” ani Berbon kasunod ang malakas na halakhak. Kapagkuway ginawa na ang talagang balak, habang humudyat sa pagsipol. Paatras namang umakyat sa burol ang sinasakyan niyang kabayo. Doon niya gustong makasagupa si Cordova upang makita sila ng kanyang mga kabig at matulungan, ngunit wala pa ring sumasaklolo sa kanya. Ngayon ay dalawang kamay na ang nakasuksok sa kanyang bunganga upang lumakas ang kanyang sipol. Subalit wala pa ring dumarating, kung kaya iwinaglit niya sa paningin si Cordova at ang kabilang dalisdis ang tinanaw. Nagulantang siya at pinatakbong pababa ang kanyang kabayo.
Nakasunod rin si Cordova hanggang sa ibabaw ng burol. Nakikiramdam at nakatalagang lumaban.
“Ano’ng nangyari dito? Bakit nangamatay ang mga tauhan ko?” nasisindak na sigaw ni Berbon at paurong na tinanaw ang lalaking pinagyayabangan. Pababa iyon sa dalisdis at nakatanaw din sa kanya.
Nagtataka rin si Cordova kung bakit parang nagkaroon ng salot sa pook na iyon at nangamatay ang mga tulisan. Gayon man, nagpatuloy na lamang siya sa paglayo nang biglang sumagi sa kanyang isipan si Don Donaio.
Parang baliw namang nagtatakbo si Berbon. Pumasok sa isang kubakob at doon nagtago. Natatakot na lumabas at wari’y nililimi kung ano ang nangyari sa kanyang mga tauhan. Gayon man, mapalad pa rin siya at hindi na rin pinag-aksayahan ng panahon ni Ogbinar ang pangyayaring iyon. Hindi na siya hinanap at hinayaang mabuhay na lamang sa pag-iisa.