Paghingi ng tawad
Samantala, bahagya na lamang narinig ang katagang nanulas sa bibig ni Salina. “Hindi! Bakit nagkaganito? O! Sumpa ni Allah!” at humagulgol pang nanghihilakbot kasunod ang pagluhod sa harap ng pinagkasalahan.
Napahiyaw naman sa galak si Cordova. Walang katagang umalpas sa kanyang bibig at tuwang-tuwa, niyakap na lamang ang kanyang mag-Ina upang ibadya ang isang matingkad na kaligayahan.
Panay naman ang haplos ni Arminya sa mukha ng kanyang anak. Tumutulo ang luha sa kasiyahan. Para niyang nakikita ang anino ni Cordova.
Saka lang nagsalita ang namumuno sa lupon ng matatanda. “Napakagandang aral at kasaysayan. Ang supling ng taong sumagip sa buhay ng mga taga Haranggani ay naririto. Kaming matatanda ay nagpupugay sa ngalan ng sambayanang Moro. Utang naming sa inyo ang aming buhay.” At nagsidukmo sa lapag ang lupong tagahatol, kasunod ang iba pang Moro at Mora paharap sa mga dugong bughaw.
Noon nama’y hindi agad pumasok sa bulwagan sina Orolfo at Rendon, kasama ang kani-kanilang mga asawa. Sinadya nilang magpahuli pagkat ang layunin nila ay sabikin ang mga mamamayan at panauhin sa inaakala nilang katanyagan sa handaang iyon. Hindi nila gaanong narinig at naunawaan ang usapan sa bulwagan. Ang akala ay sila ang pinupuri sa kanilang pagpasok. Nakataas pa ang dalawang kamay na para bang may taglay na tagumpay.
Sa pagkakataon iyon, agad na umigkas ang kayabangan ng dalawang manugang ni Salina. Hindi nila gaanong napansin ang anyo ni Donaio sa pagkakatalikod habang pinaparangalan.
“Sa kahariang ito,” ani Orolfo. “hindi matatawaran o mapapantayan ang kabayanihang ginawa naming sa kapakanan ng mahal na Rahana. Kami ni Duke Rendon ang talagang bayani ng Haranggani. Hindi tulad ng pastol na nagtago lamang at natakot sa panganib. Katunayan, nabingit sa kamatayan ang mahal na Rahana. Wala siyang naitulong kaya dapat lang na kami ang inyong papurihan!” dugtong pang pasigaw sa mga matatanda at hindi man lang bumaling sa tinawag nilang pastol.
“Tama ang tinuran ng asawa ko!” ayon ni Giliw. “Bakit iba ang pinupuri gayong wala namang naitulong ang pastol sa buhay ng aming Ina?”
“Siyang tunay, kapatid kong Giliw! Maging ang asawa ng pastol na si Dayang Hirang ay hindi man lang sumilip sa tiyahin niyang may sakit. Walang kuwentang pamangkin.” sabi naman ni Sinta. Nakapamaywang.
Ang tinamaan ng salita ay hindi nakatiis. Napilitang lumantad si Hirang at malakas na nagwika. “Nagkakamali ka, pinsan kong Dayang Sinta! Gusto ko mang dalawin ang ating mahal na Rahana ay hindi maaari. Ipinagbabawal niya ang pagpunta namin dito, ngunit kung tutuusin, ang asawa ko ang may pinakamalaking tulong upang ang ating mahal na Rahana ay gumaling. May katibayan ako sa aking sinabi.
“Ano’ng katibayan?” galit na tanong ni Giliw at hinilang papalapit si Hirang sa lupon ng matatanda.
Nakatawa namang napamangha si Cordova nang makita si Hirang. ang kabuuan ng kanyang hinala ay naroroon na. Marahan siyang humakbang at hindi na niyakag ang Mahalya upang lapitan si Hirang. Ang alam niya, maligaya ang mag-Ina sa tagpong iyon, habang sila ay nasa malayong bahagi ng bulwagan at hindi pansin ang mga pag-uusap. Hindi rin niya pinansin si Salina, naglulumuhod sa paghingi ng tawad.
“Ano ang ibig sabihin ng aming nakatakdang Rahana? Tanong ng matandang tagapagsalita at yumukod pa kay Hirang bilang kapalit ni Salina.
“Ano bang kalokohan ang pinagsasabi ninyo? Sino ang magiging Rahana?” sigaw ni Giliw. Nanlalaki ang mga mata. Labas ang litid sa leeg. Nakapamaywang at gustong makipaghamok.
Namagitan ang punong kawal ng Haranggani. Si Hagibis. Nakiusap. “Ipagpaumanhin mo, mahal na Dayang Giliw. Hintayin nating makapagsalita ang mahal na Dayang Hirang. Sa simula pa lamang. Siya lang ang higit kong kinikilalang Rahana ng Haranggani, danga’t hindi ko maisakatuparan dahil sa taglay ninyong kapangyarihan.”
“Ganoon pala ang pagkatao mo, Hagibis! Dapat sa’yo ay putulan ng ulo. Maghintay ka!” sigaw ni Dayang Giliw. Namumula ang mukha sa galit.
“Huminahon ka Dayang Giliw. Ang kaliwanagan ang kailangan sa harapang ito.” sabi ng isang matanda.
Tumalima naman si Dayang Giliw bilang pagbibigay sa lupon ng matatanda, ngunit nakasimangot at nananalim ang mga mata sa nakatakdang magsalita.
“Katibayan pong sinasabi ko ay nakatatak sa pigi nina Konde Orolfo at Duke Rendon. Nakasulat doon ang paglilinaw na galing kay Don Donaio ang bunga ng pandagiri. Ibig sabihin, ang asawa ko ang nagbigay ng lunas upang mabuhay ang ating mahal na Rahana.
Sa bahaging iyon, biglang nagulantang sa paglingon sina Orolfo at Rendon. Nakita nilang nakaharap na si Donaio at nasa anyo ang taong nagtatak sa kanilang pigi. Para silang isinalang sa pugon. Pinawisan at hindi makapagsalita, sapagkat ang dating pangit na kanilang hinahamak ay naging makisig. Nagtataka rin kung bakit nangyari ang ganoon. Ayaw pa rin nilang maniwala, ngunit naroroon ang katibayan. Ang damit ni Orolfo ay soot ng dating pastol.
“Ang bintang ng bagong Rahana ay dapat na patunayan.” sabi ng matandang tagapagsalita. “Ilabas ang pigi at ipakita sa amin!” dugtong pang utos na may kapangyarihan.
“Ano ba’ng kabalbalan ang nangyayari dito?” tanong naman ni Sinta. “Bakit nag-iba ang anyo ng pastol?” tanong pang nagsisisigaw sa galit.
“Bakit kailangan pang maghubad ng aming asawa upang ipakita ang kanilang pigi? Ito’y kabastusan at labag sa ating kabutihang asal!” sumbat naman ni Giliw at karakang pinamaywangan ang lupon ng matatanda.
“Sa ganitong pagkakataon,” sagot ng matandang tagapagsalita. “Batas ang dapat pairalin. Kailangan ang katibayan sa mata ng mga mamamayan.”
“Kami ang batas dito!” angil ni Giliw.
“Kami ang masusunod! Hindi na kailangan ang katibayan!” sigaw naman ni Sinta, kasabay ang padyak sa lapag.
“Ang batas ay batas, tulad nang madalas sabihin ng inyong Inang Rahana. Sa pagkakataon ito. Kaming lupon ng matatanda ang masusunod.”
Sa pagtatalong iyon, namutla ang magpinsan. Napipinto silang mapahiya. Nagbulungan at agad na sinamantala ang pagtakas. Tumakbo sila at lumabas ng kastilyo.
“Totoo ang sinabi ng bagong Rahana. Si Don Donaio ang dapat papurihan sa araw na ito.” pasiya ng mga matatanda habang tinatanaw ang pagtakas ng dalawang tampalasan.
Akmang hahabol ang dalawang Dayang sa kani-kanilang asawa, ngunit iyon ay nauwi na lang sa pag-iyak.
Naging kasiya-siya kay Cordova ang pakliang iyon. Kahit may ilang dipa rin ang agwat sa kanya ng mga matatanda ay maliwanag din niyang naunawaan ang naganap na usapan. Lalo niyang ikinarangal ang bugtong na anak. Maligayang maligaya siya.
Kapagkuwa’y lumapit si Cordova sa natatanaw niyang dilag na ang kasootan ay angkop lamang sa isang Rahana. lalong gumanda sa kanyang tingin si Hirang. “Ikaw nga ba ang asawa ng anak kong si Don Donaio?” tanong pa niyang nakatawa.
“Ako nga po, sakdal diwang Radam ng Mauritanya.” sagot ni Dayang at yumukod na tiklop ang mga tuhod.
Bigla ang ligayang naramdaman ni Cordova. Naalala niya ang batang naulila nang mamatay si Raha Udiawan. Ang batang matagal niyang minasdan at nangarap na sana’y magkaroon siya ng anak na babaing tulad ni Hirang. Pangarap na labis niyang ipinagdamdam pagkat walang katuparan ayon sa parusa noon ni Soraia. Kalian man, hindi na raw masusundan ang anak nilang si Donaio. Hindi na manganganak si Arminya.
Nakangiting itinayo ni Cordova si Hirang at inakay palapit sa kanyang mag-Ina. Humahalakhak pa nangmagsalita. “Aking Mahalya Arminya! Ang ating manugang! Si Dayang Hirang!”
Napabalikwas si Donaio sa pakikipag-usap sa Inang Mahalya at kay Salina. Agad niyang sinalubong ang asawa at ipinakilala. “O, mabunying Ina kong Mahalya. Narito at kilalanin ang asawa kong sakdal inam. Si Dayang Hirang.”
Nakatawang niyakap ni Arminya ang tinaguriang asawa ni Donaio. Tuwang-tuwa nang magsalita. “Natupad ang pangarap ng dakila kong Radam. Nagkaroon siya ng anak na babae.”
“Totoo ang sinabi ng mabunyi kong Mahalya. Dalawang kaligayahan ang aming natagpuan. Si Don Donaio at Dona Hirang! Simula sa araw na ito, hindi na Dayang si Hirang, kundi isa nang Dona sa kaharian ng Mauritanya. Si Dona Hirang! ang Prinsesa ng mga Prinsesa!” pasigaw na wika ni Cordova. Nakataas ang kanang kamay at mahigpit ang pagkakakuyom ng kamao.
Sa tagpong iyon, muling naganap ang tila palakpak mula sa mga nakatikas-pahingang kawal na Mauritanya. Naging magilas ang kanilang tindig at pinaglipat-lipat sa kamay ang hawak na baril sabay padyak sa pangunguna ni Sotelo.
Hindi nakapagsalita sa kaligayahan ang tinaguriang Dona Hirang. Walang kakurap-kurap ang kanyang mga mata sa pagkakatitig kay Donaio. Hangang-hanga siya sa kakisigang iyon na walang kapara. Lumapit siya sa kanyang asawa at mahigpit ding niyakap.
Naiingit namang napatungo ang dalawang anak ng dating Rahana. Hindi makatingin sa kanilang pinsan, lalo na nang malaman nila kay Salina ang buong pagkatao ng mga panauhin. Nahihiya sa ginawa nilang pag-aalipusta sa mag-asawang kung turingan nila ay hamak. Para silang lumiit sa kinatatayuan. Naalala ang binansag nila noon kay Donaio. Dugong putik. Hamak na tao, ngunit ang katunayan, taglay ng kanilang inapi ang pinakamataas na antas ng dugo sa kapuluan. Ang dugong bughaw.
Walang humpay naman ang paninikluhod ni Salina. Laging isinisingit ang paghingi ng tawad sa apat na kanyang pinagkasalahan. Kay Donaio, kay Hirang at sa mag-asawang dugong bughaw. Hindi natutuyo ang luha sa kanyang mga mata pagkat sa ubod ng panahon, naroroon ang labis na pangungutyang ginawa niya kay Donaio. Ang panghahamak na may kasamang hagupit ng tadhana. Subalit sa ngayong pagkakataon, sa mukha niya lumatay ang mariing palo. Higit na masakit at naging hamak pa siya sa tingin ng mga mamamayan.
“Ang sabi mo noon,” badya ni Cordova. “gagawin mong maharlika ng Haranggani ang aming anak at ilalagay sa mataas na antas ng kabuhayan.”
“Pero, ano ang nangyari?” sabad ni Arminya. “Ginawa mo siyang hamak na pastol at lubos na pinandirihan dahil sa panlabas niyang kaanyuan.” dugtong pang nanlilisik ang mga mata.
“Patawad, o sakdal bunying Mahalya. Hindi ko alam na siya pala ang bugtong ninyong anak!” nagtutumangis na panikluhod ni Salina. Pabaling-baling. Hindi malaman kung sino ang magbibigay ng patawad.
“Bilang Mahalya ng kapuluan, ayokong manatili ka sa kapangyarihan. Inaalis ko sa’yo ang pagiging Rahana. lisanin ninyong mag-iina ang kastilyong ito at bahala na ang lupon ng matatanda kung dapat kang itapon sa kaharian ng lahing Ulikba dahil sa iyong pagiging mapang-api!”
Lalong nasindak si Salina. Umiyak na rin ang kanyang mga anak. Bumaling siya kay Cordova upang muling manikluhod.
Ngumiti lang ang Radam. Agad niyang napag-aralan ang mga nagdaang pangyayari, sa dahilang nakita niya sa mukha ng mga naroon ang isang tanawing hindi maganda at kahina-hinala. May timping galit ang mga matatanda sa mag-iinang may likong ugali.
Parang nasukol si Salina. Si Don Donaio naman ang binalingan at saka nagwika. “Patawarin mo ako, o anak ng sakdal taas sa kapangyarihan. Pinagsisisihan ko ang mga pasakit na tinanggap mo sa akin.”
“Hindi ako marunong magtanim ng galit.” sabi ni Donaio. “Ang lumipas ay hindi ko na binabalikan. Kaya lang, may asawa akong nagdaramdam. Si Dona Hirang na kailan man ay hindi nagkaroon ng puwang sa puso ng kastilyo. Siya ang dapat hingan ng tawad.”
Mabilis ding bumaling si Salina at nagwika. “Pamangkin kong pinakaiirog. Narito ang kapatid ng iyong Ina at humihingi ng tawad. Huwag mong itulot na kami ay itapon sa kabundukan ng mga Ulikba.
“Hindi mangyayari ang tinuran ng mahal na Rahana. Mahal ko ang kapatid ng aking Ina. Hindi ko tutulutang kainin lamang ng lahing ulikba.”
Dagling nabuhayan ng loob ang magkapatid na Dayang. Yumapos sa Ina nilang naging Rahana at nakisabad na rin sa pananalita. “Patawarin mo kami, o pinsan naming binusilak ang puso. Huwag mo sanang ipagkait ang kami’y mamalagi rito.”
Handa na sanang tumugon at sumang-ayon ang tinaguriang may busilak na puso kung hindi nasawata ng mga matatanda sa kalupunan.
“Kung itutulot lamang ng dakilang Radam, kami ang hahatol kung saan nararapat humantong ang mag-iinang ito.” sabi ng pinakamatanda sa lupon at itinuro pa ang mga nabanggit na makasalanan.
Tumango lang si Cordova at ibinasbas ang pagpayag. Kapagkuwa’y inakbayan si Don Donaio at gustong magkaliwanagan din sa pag-uusap.
Muling nagsalita ang punong tagahatol. “Ang lupon ng matatanda ay kinikilala lamang kapag nasa panig namin ang mamamayan. Ngunit kailangang pag-aralan pa ang bagay na ito. At bilang paanyaya, magpahinga muna kayo, o dakilang Radam at mabunying Mahalya. Ang kastilyong ito ay nasa kapangyarihan na ni Dona o Dayang Hirang. Ang tunay na tagapagmana ng korona.
Nasisiyahang tumango si Cordova. Talagang gusto na niyang makapagpahinga muna ang kanyang Mahalya at makapag-usap sila ni Donaio tungkol sa mga nakaraang pangyayari.
Gayon din si Arminya. Gusto rin niyang makadaupang palad si Hirang. Makausap at malaman ang tungkol sa pagkakaugnay nila ni Donaio. Kung paano sila nag-ibigan.
Samantala, naging mabilis ang pagtalilis nina Orolfo at Rendon sa kaharian ng Haranggani. Sakay sila ng kabayo. Agad na nagtuloy sa kani-kanilang kaharian at may usapang magkikita din sa kaharian ng Portagesa.
“Ano’ng dahilan ng pagpunta ninyong kasama ang maraming kawal?” tanong ni Haring Gustavo sa dalawa niyang pamangkin.
“May masamang nangyari sa kaharian ng Haranggani.” sagot ni Orolfo. “Sinalakay nang kung sinong kalaban ang kastilyo at napasailalim ng kapangyarihan nila ang biyenan naming si Rahana Salina.”
“Saang kaharian nanggaling ang mga mananakop?” tanong ni Gustavo. Galit pagkat kaibigan niya ang mamamayan ng Haranggani.
“Hindi ko alam, amain naming Hari.” sagot ni Orolfo. “Marami sila at malulupit. Mabuti na lang at nakatakas kami. Malamang, dito ang susunod nilang lulusubin.
“Siyangang tunay, Amain naming Hari.” ayon ni Rendon. “Babalik kami upang gumanti. Tatlong libong kawal ang kasama ko!”
“Ganoon ding karami ang kasama kong kawal,” sabi rin ni Orolfo. “dumaan kami rito upang humingi ng tulong.” dugtong pang sabi.
Nag-isip si Gustavo. piang-aralan ang bagay na iyon. kung anong kaharian ang may gawa. Wala siyang maiturong tumpak na kaharian pagkat kilala niya ang mga nasa malapit na hangganan ng Haranggani. Naisip din niya kung may kaharian pa sa likuran ng Mahikalandia, ngunit siya na rin ang umiling sa sarili. Alam niyang dagat na sa dako pa roon. Gayon man, naisip din niyang baka muling nagkaroon ng tulisang bundok.
“Kailangan nating magmadali.” ani Orolfo. “Nasa bingit ng kamatayan si Rahana Salina, sampu ng mga mamamayan.!”
“Kung talagang masasamang tao ang lumusob sa Haranggani, handa akong tumulong! Limang libong kawal ang isasama ko roon. Ililigtas natin si Rahana Salina!” galit na sabi ni Gustavo at agad na pumalakpak sa ikatutupad ng kanyang sinabi.
Lihim namang napangisi ang dalawang buktot. Gaganti sila at gaano na lang paglaruan nag kakaunting kalaban. Sa tingin nila’y mahinang uri ng sandata ng mga itinuturing nilang manlulupig. Isang mahabang kahoy na anaki’y pambayo at may panarak sa dulo.
Maraming sandali rin ang lumipas bago naihanda ang malaking hukbo ni Gustavo. naniniwala siyang hindi lahing Ulikba ang nanakop sa Haranggani pagkat iyon ay ayon sa dalawa niyang pamangkin.
Ang tatlong pinagsanib na hukbo ay pawang nasasandatahan ng baril de pana. Sakay ng kabayo at rumaragasa sa palanas na landas ng kabundukan. Umaasa ang magpinsan na labis ang kanilang bilang upang palisin ang sinasabi nilang mananakop ng Haranggani.
Noon nama’y naging kamangha-mangha sa mag-asawang dugong bughaw ang salaysay ni Donaio tungkol sa naging karanasan niya sa kaharian ng Mahikalandia hanggang sa pagtakas at marating ang bayan ng Haranggani sa tulong ng mahiwagang tungkod.
Kapagkuwa’y si Hirang naman ang inusisa. Nabatid sa kanya ang nakaraang paligsahan sa buno, kung bakit sila ni Donaio ay naging mag-asawa. Gayon din ang hindi pagtatabi sa higaan at ni ayaw masaling man lang ang kanyang kamay. Gayon man, hindi niya masabi ang ginawang pang-aapi sa kanila ng Rahana pagkat iyon ay ipapaubaya na lang niya sa lupong ng matatanda.
Ang pakikipag-usap ni Cordova sa matatandang naroroon ay ginambala ng isang malakas na tunog ng gong. Hindi sunod-sunod. Ang ibig sabihin, hindi kalaban ang dumarating.
Mula sa mataas na bahagi ng kastilyo ay napasungaw si Salina. Natanaw niya ang malaking hukbo na kahangga ng Haranggani. Hindi niya nakilala ang nangungunang si Gustavo pagkat ang mga mata niya’y nakatutok sa dalawang nagmamadali sa pangangabayo. Ang mga manugang niyang sina Orolfo at Rendon. Napangiti siya. Isang magandang pag-asa ang kanyang natatanaw. “Radam Cordova!” baling niyang wika na kulang sa paggalang. “Nagbalik ang mga napahiya kong manugang. Kung hindi mo ‘ko mapapatawad, magkakaroon ng digmaan!” dugtong pa niyang naniniguro pagkat nangunguna sa paglapit ang bandilang pula na siyang sagisag ng galit at paghamon.
Walang kibong lumapit sa durungawan si Cordova at sinipat ang papalapit na malaking hukbo. Kilala niya ang watawat ng mga iyon, lalo na ang sa Portagesa. Nag-isip siya bago bumaling. Tinanaw ang kanyang mag-Ina sa masayang pag-uusap. Lumakad siyang papalayo. Bumaba at lumabas ng kastilyo.
Hindi pansin ni Arminya ang paglabas ni Cordova. Para sa kanya, ngayon lang siya maituturing na Ina dahil kay Donaio. Maligayang-maligaya siya at laging hinahaplos ang anak.
Ganoon din si Donaio. Sabik sa kanyang Ina. Laging nakatawa at hindi na pansin ang kapaligiran.
Karamay din si Hirang sa kaligayahang iyon. Ang kasabikan din niya sa magulang ay nakatakdang magkaroon ng katuparan.
Si Salina lamang ang nakaukol na sumubaybay sa kilos ni Cordova. May paalala. “Hindi ka maaaring lumabas, Radam Cordova. Mauubos lang kayo.” Ang pahabol pa niyang salita. Parang nakakatiyak kahit alam niyang hindi na susunod sa kanyang utos ang lahing Moro.
Patuloy lang si Cordova sa kanyang paglakad. Sa labas ay nakita niyang nakahilera na ang mga kawal-Mauritanya. Nakatukod na patindig sa lupa ang mga baril nilang de pulbura at naghihintay na lamang ng utos mula kay Heneral Ogbinar. Nakita rin ni Cordova ang mga kanyon na nakaumang sa dumarating at papalapit na hukbo.
“Hindi sila kalaban!” sabi ni Cordova sa kanyang Heneral. “Watawat ng kahariang Portagesa ang nakita ko mula sa itaas ng kastilyo.
“Ganoon din ang tanaw ko, dakilang Radam.” sagot ni Ogbinar matapos magpugay sa kanyang kamahalan.
Hinudyatan din ni Cordova ang kanyang mga kawal na lumagay sa nakapahingang katayuan. Dahil, para silang mga rebultong nagsiunat sa pagkakatayo nang siya ay makita.
Si Salina naman ay nanatili lang sa durungawan ng kastilyo. Minamasdan ang kilos ng mga taga Mauritanya. Napangiti siyang pasok ang labi. Sa tingin niya, hindi manlalaban ang hukbo ni Cordova sa dahilang nagsilisan na sa pagkakahilera. Nagsiupo kung saan at naisip niyang natakot sa dami ng mga dumarating. Kapagkuwa’y bumaba siya at lumabas ng kastilyo. Isa mang kawal na Moro ay hindi nagbigay pugay sa kanyang pagdaraan. Nagkibit lang siya ng balikat at ngumising patalikod. Umaasang matutulungan siya at hindi pababayaan nina Orolfo at Rendon upang mapabalik ang dati niyang kapangyarihan.
Noon naman ay nagmarahan sa paglapit ang hukbo ni Gustavo. naghihintayan at humilerang pahalang sa di kalayuan. Pinatikas ang sinasakyan nilang kabayo sa paraang pag-angat ng dalawang paa sa unahan. Pagkatapos ay naghalinghingan at nagsilakad patungo sa kanilang pakay. Nakaumang ang mga baril de pana at tangkang kubkubin ang inaakalang kalaban.
“Itutok sa langit ang inyong sandata!” biglang sigaw ni Gustavo nang matanawan at makilala ang banderang Mauritanya sa harapan ng kastilyo.
“Bakit, Amain naming Hari?” magkasabay pang tanong ni Orolfo at Rendon.
“Alisin ang bandilang pula sa ating harapan at palitan ng puti!” paibang sagot ni Gustavo at parang natatarantang nagpauna sa pagsulong.
Kasabay sa paglabas ni Salina sa kastilyo ang pagbaba naman ni Gustavo sa kabayo. Nanlaki ang mga mata ng Rahana. Noon lang niya napagmasdan ang Haring dumating. Ang Amain ng dalawa niyang manugang na tiyakang kakampi sa kanya. Dahil doon, alam din niyang magkakaroon ng digmaan at magsasalimbayan ang maraming palaso. Lumagay siya sa isang kublihan at sinilip na lang ang magaganap. Subalit lalong nanlaki ang kanyang mga mata. Nanggilalas pagkat iba ang nangyari sa kanyang inaasahan.
Pagsayad pa lang ng paa ni Gustavo sa lupa ay lumuhod nang nakataas ang isang tuhod at nakayukong nagpugay. Nagsalita. “Maayang kalikasan sa Hari ng mga Hari. Sa sakdal kapangyarihan at dinadakilang Radam ng Mauritanya.”
Gumaya rin ang limang libong kawal ni Gustavo. Bumaba sa kabayo at paluhod na nagpugay pagkat kilala nila si Cordova. Ang taong sumagip at nagbigay laya sa bayan ng Portagesa.
Napasunod rin ang mga kawal nina Orolfo at Rendon. Para silang natulala sa harapang iyon. Ngayon lang sila nakakita nga taong nakakaantig ng damdamin ang taglay na kapangyarihan. Magilas kung tumindig at karapat-dapat na tawaging Hari ng mga Hari.
Mistulang binagsakan ng langit sina Orolfo at Rendon. Napilitang lumuhod upang hindi sumayad ang ulo sa nakaambang parusa. Natakot sila sa pagiging bulaan kay Gustavo. Labis nilang pinasama ang pagkatao ni Cordova. Pinagbintangan pang pinagpapatay ang maraming mamamayan ng Haranggani. Ngunit taliwas ang lahat ng kanilang isinumbong kay Gustavo. Kitang-kita ang pagbubunyi ng mga mamamayan, kapiling ang dinadakila nilang mananagip sa lupit ng lahing Ulikba.
“Tumayo ka, mapitagang Hari ng Portagesa. Haring Gustavo na aking kaibigan.” Sabi ni Cordova at tinulungan pa sa pagtayo ang Hari na sa paglipas ng panahon ay lalong tumanda sa paningin.
“Salamat, aking Hari,” sabi ni Gustavo.
“Ang Hari, kailanman, hindi nagpapasalamat, ayon kay Rahana Salina.” Nakatawang sabi ni Cordova habang magkadaop ang kanilang palad.
“Tama si Rahana Salina kung ako ay isang Radam.” Sagot naman ni Gustavo.
Nagkatawanan. Iniba ni Cordova ang paksa. “Kung susuriin, tila sa digmaan ang tungo ninyo?”
“Ganoon nga sana, O dakilang Radam, dahil sa sumbong ng dalawa kong pamangkin.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” usisa ni Cordova at nilingang minasdan ang dalawang manugang ni Salina.
“Nilusob daw ng kung sinong manlulupig ang bayang ito at pinagpapatay ang lahing Moro. Narito kami upang sumaklolo.”
“Maganda ang layunin mo, Haring Gustavo. pero, kabulaanan ang natanggap mong balita.” sabi ni Cordova at muling binalingan ang dalawang palamara.
“Malaking kalapastanganan ang kanilang ginawa. Dahil dito, kahit pamangkin ko sila. Sa araw na ito. Ihaharap ko sila sa tudlaan ng pana.”
“Huwag! Aming Amain!” nagkakandarapang hiyaw at panaghoy ng dalawang bulaan. Nagsiluhod kay Gustavo.
Napasugod si Salina. Larawan pa rin ng pagkatigagal, kasunod ang dalawa niyang anak na Dayang. Tangkang umawat ngunit dagli ring naudlot na sunud-sunod na alingawngaw ng gong.
Ang walang humpay na hambalos sa gong ay nagmumula sa isang mataas na tore. Nakaharap sa bukana ng kagubatan at dalawang matitipunong Moro ang palitang pumapalo sa gong. Ang ganoong pagkakataon ay sadyang iniadya upang magbigay-babala at magbadya sa dumarating na panganib.
Naghiyawan ang mga mamamayan. Isinisigaw ang paglusob ng mga Ulikba. Ang kinatatakutan nilang panahon na ang bilang ng mga Ulikba ay parami nang parami.
Kasabay din noon ay muling napangisi si Salina. Bagsak na rin lang ang kanyang kapangyarihan, gusto na niyang lalong mawindang sa bangis ng mga Ulikba. Matira ang matibay pagkat lalo siyang nawalan ng pag-asa nang mapagtantong si Gustavo ay nangayupapa rin kay Cordova.
Naging balisa ang mga lupon ng matatanda. Nagbulungan. Sinulyapan si Hirang bago nagwika ang pinakamatanda. “Ikaw na ang Rahana. ipag-utos mo ang pagtatanggol sa ating bayan.”
Bantulot ang pagsagot ni Hirang. sinulyapan si Donaio. Parang nagtatanong kung ano ang kanyang gagawin. Natatakot siyang magkamali sa pananalita at baka maging iba ang kalabasan. Ang matalo sila pagkat wala pa siyang karanasan sa pakikidigma.
Ngunit agad na pumagitna si Gustavo. itinaas ang isang kamay at makapangyarihang nagbadya. “Hugasan ang pagkakamali! Nagtungo tayo rito sa ngalan ng pakikidigma! Tayo ang unang sasagupa sa mapaminsalang lahi ng mga Ulikba! Ipakita ang tunay ninyong layunin sa bayang ito!” sabi pang tinutudla nang paningin ang dalawa niyang pamangkin upang ibangon at ipagparangalan ang pagkatao.
Agad namang nagpakitang gilas ang mga naatasan. Patalong sumakay sa kabayo sina Orolfo at Rendon, kasunod ang hudyat sa kani-kanilang hukbo upang mangunang sumagupa sa lahing Ulikba.
Ang napipintong digmaan ay nahaluan ng kayabangan. Kung pagmamasdan ang hukbo ng Borgandi at Batalya ay hindi nakalaan sa pagtatanggol kundi sa masigasig na paglusob.
“Ubusing ang lahing Ulikba!” sigaw ni Orolfo habang paatras ang kanyang kabayo upang mauna ang libu-libo niyang kawal sa mabilisang pangangabayo.
“Ipakita ang bagsik ng ating kapangyarihan upang sindakin ang sinasabing Radam ng Mauritanya…” sigaw naman ni Rendon at gumaya rin kay Orolfo. Pinauna ang kanyang hukbo at sila ang nagpunta sa hulihan.
Hinudyatan din ni Haring Gustavo ang kanyang ayudanteng si Versoza. Inatasang sumunod at makibahagi sa digmaan. Sila ang ikalawang bakod na haharang sa lahing Ulikba.
Agad ipinatupad ni Versoza ang makapangyarihang utos ni Gustavo. rumaragasa rin ang kanilang kabayo, patungo sa larangan ng digmaan. Nagmamadali pagkat malayo na ang mga naunang hukbo ng Borgandi at Batalya.
Ang katahimikan ni Dayang Hirang ay napukaw sa paglapit ng isang matikas na mandirigmang Moro.
“Bilang ako si Hagibis. Ang punong mandirigma ng ating bayan. Hinihingi ko ang kapahintulutan ng mahal na Rahana upang ipagtanggol ko ang ating lupain!” ang sabing nakapayukod at tiklop ang mga tuhod.
Saka lang nabuhayan ng loob si Hirang nang tawagin siyang Rahana ng magilas nilang mandirigma. Tumango siya at ibinigay ang hudyat at pagsang-ayon sa pamamagitan ng palakpak. Siya na ngayon ang pinakamakapangyarihan sa kastilyo at nararapat lang na tawaging Rahana Hirang. ngunit sa isang pagkakataon. Mabigat ang kasalubong niyang suliranin. Digmaan.
“Marahil, hindi na kailangan ang tulong ko.” sabad ni Cordova pagkat nakikita niya ang malaking hukbo na handang magtanggol sa larangan ng pakikibaka. Ang mga iyon ay nasasandatahan ng baril de pana, liban sa mga Moro na hindi binago ang makalumang paraan sa pananandata. Ang panang de balantok.
“Karapat-dapat lang o, sakdal tukod sa kapangyarihang Radam.” Sagot ni Gustavo. “Sapat na ang mga kawal na naroroon upang ikaw o, dakilang Radam ay magpahinga.” dugtong pa at bahagyang yumukod.
“Kung gayon,” ani Cordova. “Gusto ko ring makita ang labanan. Ang bawat pangyayari ay magsisilbing alaala sa nakalipas na dalawampung taon.” dugtong pang tila namamaybay sa isang malalim na pagninilay.
Sa huling sandali, nagbigay pa rin ng magandang panukala si Salina. “Kung mamarapatin ng dakilang Radam. Ang buong pangyayari ay matatanaw natin sa tore ng kastilyo.”
Agad na tumango si Cordova at humakbang na paayon kay Salina. Hinudyatan din niyang sumunod sina Gustavo at Ogbinar. Ibig niyang sa sandali nang kaigtingan, masubaybayan nila ang digmaan.
Sa malapad na palapag ng tore ay maaliwalas nilang natanaw ang magkaparehong tumpok ng dalawang kulay na maglalaban. Ang Ulikba at ang mamula-mulang balat ng mga kapatagan.
“Matiim ang pagkakatanaw ni Cordova sa mga ulikba. Wari’y isang masamang pangitain ang kanyang nadarama. Kakaiba ang pagkakatumpok ng mga iyon, bagama’t hindi gaanong mapagkuro dahil sa kalayuan.
“Magkasing dami lang sila.” pukaw ni Gustavo sa katahimikan. “Ngayon natin masusubok ang mga bihasa sa paggamit ng pana. Umaasa ako sa husay ng ating mga kapanalig. Walang pagkabisala kung tao rin lang ang patatamaan.” dugtong pang buo ang loob at umaasa sa tagumpay.
Hindi nagsalita si Cordova. Nanatili lang sa pagmamasid. Nag-aalinlangan pagkat sa malimit na pangiyaw ng mga taong pusa ay naaaninag niya ang hawak ng mga iyon habang nakataas ang isang kamay. Natiyak niyang ang gamit na sandata ng mga Ulikba ay panang de balantok. Batid niyang iyon ay mabisa sa ganoong digmaan. Mas mahaba ang palaso at malayo ang mararating dahil sa angking katangian na maaaring isagad ang pagbinit sa bagting. Di tulad sa baril de pana, maganda lang tingnan.
Sa bulwagan naman ng kastilyo, patuloy pa rin ang pananangis at paghingi ng tawad nina Giliw at Sinta kay Rahana Hirang. nagsusumamo upang sila ay manatili sa kanilang kalagayan.
“Ang lubos na kapasiyahan ay nasa mabunying Mahalya. Siya ang magtatakda ng inyong kapalaran.” anang bagong Rahana.
“Huwag, aming Dona Hirang.” saway ni Arminya. “Dito, ikaw si Rahana Hirang. Ang pinakamakapangyarihan sa buong Haranggani. Kung nais mo silang patawarin, ikaw ang masusunod pagkat sila’y nasa ilalim ng iyong kagustuhan.”
Nakangiting tumango ang bagong Rahana habang humahangang nakamasid sa kanya si Donaio. Pero ang higit na gumambala sa kanyang isipan ay ang nadaramang haplos ng Don sa mahaba niyang buhok.
Sa itaas ng tore ay natatanaw ang umiigting na labanan. Ang paglusob ng mga tagapagtanggol ng Haranggani. Nagtutumulin ang kanilang kabayo sa hangaring marating agad ang kalaban. Ang agwat nila ay hindi pa sapat upang maabot ng kanilang baril de pana ang kinaroroonan ng mga ulikba.
Nasasabik ang paningin ni Haring Gustavo, gusto niyang mapalis na sa paningin ang mapamuksang lahi ng mga Ulikba. Kung maaari lang, kahit matanda na siya, nais pa niyang lumahok sa labanan.
Nag-aalala naman ang paningin ni Cordova. Higit siyang bihasa sa larangan ng pana at huwag sanang mangyari ang kanyang pinangangambahan. Subalit sa bilis ng kanyang pang-unawa, naganap ang kalamangan ng malalaking pana, laban sa maliliit na baril de pana.
Tumahimik sa kangi-ngiyaw ang mga taong pusa. Binanat ang kanilang pana at pinawalan ang busog. Nagliparan at nag-unahan sa papawirin. Dahil sa lakas, kahit malayo pa ang hukbo nina Orolfo at Rendon, sumalubong na ang mga palaso. Nagsitarak at kumitil sa buhay ng kabayuhang hukbo. Marami ang nalagas at halos maubos sa unang bugso pa lamang ng labanan.
Agad nasiraan ng loob ang magpinsang Orolfo at Rendon sa nakitang pagkalagas ng kanilang mga tauhan. Napatulala. Hindi malaman kung uurong o susulong. Ang pinakamadali nilang isipin ay ang umurong pagkat likas silang may karuwagan kapag nakakalamang ang kalaban.
Kung ano ang bilis sa pagsugod ng magpinsan ay ganoon din sa pagtakas. Iniwan ang kanilang mga tauhan sa bingit ng kamatayan. Hindi na mahalaga sa pagkakataong iyon kung maubos man ang kani-kanilang hukbo, kasama ang mga kabayong kahit tumatakbo ay may nakatusok na palaso sa katawan.
Nasindak ang mga nalalabi pang kawal. Huli na upang sila ay makatakas sa mga humahabol na Ulikba.
Parang naglalampong ang mga taong pusa. Tuwang-tuwa sa paghabol ng mga taga-kapatagan. Tumatakbo lang sila. Mandi’y walang kapaguran. Tila taglay nila ang kapangyarihang maging malakas at mabilis sa pagkilos. Ang nasa isip lang nila ay mahuli ng buhay ang magpinsan upang laslasin ang leeg at kanilang sipsipin ang dugong doon ay manggagaling.
Walang humpay naman ang hagupit sa kabayo ng magkatotong nuknukan ng karuwagan. Natatakot silang malapa ng mga taong Ulikba at pagsaluhang kainin sa pamamagitan ng unti-unting pagpiraso sa kanilang laman. Nagmamadali silang makalapit sa kasalubong na hukbo ng Portagesa. Iyon ang inaakala nilang kaligtasan kung sila’y manganganlong sa likuran ng mga iyon.
Ganoon nga ang ginawa ng magpinsan. Nilagpasan nila ang kasalubong na hukbo at may kabang huminga nang maluwag. Tumigil sila at bumaling. Nakisunod sa hulihan ng mga sumasalakay at umaasa sa isang paghihiganti.
Sa bahaging iyon, nagkamali ang lahing Ulikba. Napalapit sila sa bahaging mapanganib na kayang abutan ng baril de pana. Hindi nila alintana ang paggamit ng pana. Ang gusto nila’y makapangunyapit sa kalaban at makasipsip ng sariwang dugo ng tao. Patuloy sila sa paglapit.
Handa na ang hukbo ni Gustavo. Kasado ang baril de pana at agad pinawalan ang palaso patungo sa itaas katapat ng mga Ulikba. Ang limang libong panusok sumalipadpad sa papawirin. Kapagkuwa’y unit-unting yumuko at pababang sinisid ang mga kalaban.
Nasalanta ang maiitim na taong pusa. Ngumingiyaw kapag natutuhog ng palaso. Mabilis ang kanilang pagkalagas pagkat dating at dating ang umuulang panusok. Gayon man, lalong naghuhumindig ang hangarin nilang makakain ng taong buhay. Hindi nila alintana ang maramihang pagkalagas.
Samantala, ang pangingipuspos ni Haring Gustavo ay nahalinhinan ng kasiyahan nang makita ang malakihang pamiminsala ng kanyang hukbo. Wala siyang kibo ngunit napapadakot ang kanyang kamay sa wari’y sumisigaw upang ubusin ang kanilang kalaban bilang ganti sa naunsyaming hukbo ng Borgandi at Batalya.
Damay din si Radam Cordova sa panghihinayang nang makitang nalanos ang unang hukbong sumalakay. Napahigpit ang hawak niya sa pasamanong tore at lumuwag lang nang managumpay sa unang bugso ang hukbo ni Versoza.
Ngunit kabaligtaran naman si Salina. Ang tuwa niya ay napalitan ng lungkot sa nakikitang tagpo ng labanan. Kung wawariin, kampi siya sa mga Ulikba.
Tahimik din si Heneral Ogbinar. Para sa kanya, kung siya lang ang nasa bungad ng labanan, hindi mauubos ang hukbo ng Borgandi at Batalya.
Ang mga pangyayaring nagaganap ay naging isang magandang pagkakataon upang lumakas ang loob nina Orolfo at Rendon. Papalapit na rin ang hukbo ng Moro. Sumungaw na sila sa unahan at pinangatawanan ang pag-uutos sa mga kawal ng Portagesa. Panay ang hudyat sa mga mamamana. Nagyayabang. Ipinagmamalaki ang baril de pana na tanging angkop sa ganoong kalapit na kalaban. Sila ngayon ang nakakalamang pagkat madali na ang magkasa ng palaso kahit sumusugod na sakay ng kabayo.
Saka lang nasiraan ng loob ang lahing Ulikba nang sumabay sa pamamana ang hukbo ng Haranggani. Ngayon lang sila nakaramdam ng pag-aalinlangan. Marami na ang nakahandusay sa kanila. At hindi magtatagal ang unang sigwada ng mga lahing pusa ay parang damong hahapay sa lupa.
Patuloy sa paglapit ang mga Moro. Mabagal pagkat wala silang sinasakyang kabayo. Tumatakbo lang, ngunit patuloy pa rin ang paggamit ng malaking pana.
Doon na nagkulay itim ang kapatagan nang mahandusay ang lahing Ulikba. Isa man ay walang nalabing nakatindig. Lahat sila ay tumihaya o dumapa sa dating luntiang lupa. Tumigil ang ngiyawan at wari’y lalong nagbadya ang higit pang panganib. Marami ang gumagalaw at tila naghihintay lamang ng magandang pagkakataon.
Subalit ang pangyayaring iyon ay hindi nalingid kay Versoza. Minsan pang inatasan ang kanyang mga tauhan na magkasa ng baril de pana upang muling pasiritin ang maiikling palaso. Nagliparang paitaas at nagbagsakan sa mga nakahandusay na kalaban.
Lalong narindi ang panig ng mga Ulikba. Karamihan sa mga buhay na nakadapa lamang ay minalas pang maturukan ng palaso sa likod. Sa pangyayaring iyon, naglatang sa ugat ng lahing Ulikba ang siklab ng katapangan. Halos sabay-sabay na bumangon at doon nahantad na marami pang buhay sa mga nakadapa. Binitiwan ang kanilang pana. Hinugot ang panabak sa baywang at sinalubong ang papalapit na kalaban.
Saglit lang ay nag-abot ang magkatunggali. Naging madugo ang labanan pagkat ang bawat tamaan ng espada, kampilan at panabak ay nagpapasirit ng dugo. Nawawakwak ang katawan at napupugot ang ulo.
Kalaunan, dahil kakaunti na lamang ang naroroong Ulikba, nanaig ang galing ng espada at kampilan. Bumagsak sa lupa ang mga panabak at Nawala ang taginting sa pingkian ng talim.
Naging malakas ang halakhak ng dalawang may dugong berde. Sila lang ang hindi bumaba sa kabayo at umasang madali ring makakatakas kung sila’y matatalo. Sadyang tuso sa labanan. Pataksil kung sumagupa at laging nasa likuran ng kalaban.
Nangunguna ang dalawang mayabang sa hukbong pabalik na sa kastilyo. Laging nakataas ang kamay nilang may hawak na espada. Parang nalimutan nilang naubos ang kanilang hukbo sa unang sagupaan pa lamang. Ang mahalaga. Ang alam nila. Sila ang nagtagumpay at nalanos nila ang lahing Ulikba. Subalit, hindi pa man sila nakakalayo, muling umalingawngaw ang ngiyawan ng pusa. Masakit sa tainga at nakakapangilo.
Ang kaingayang iyon ay nagmula sa loob ng kagubatan. Higit na malakas at halos mapuno ang kapaligiran. Nakakainis na pakinggan at nakakaligalig sa pandinig. Nakakapangilabot lalo na kung iisipin na kung kanino galing ang gayong kaingayan.
Maging sa loob ng kastilyo ay napahumindig si Haring Gustavo. Nanlaki ang mga mata at bahagyang napaurong mula sa kinatatayuan. “Mahabaging Panginoon! Mauubos tayong lahat!” nagigimbal pa niyang sabi nang makita ang napakalaking bilang ng mga Ulikba.
Parang agos nga ng isang malaking ilog na nagmumula sa kabundukan ang lahing Ulikba. Rumaragasang pababa sa kapatagan. Naghihiyawan sa pagmamadali upang sila ay makalapa at makakain ng tao.
Napayuko ang Hari ng Portagesa. Parang nababanaag niyang hindi na siya makakabalik sa kanyang Reyna. Hindi na niya makikita ang bayang sinilangan. Dahan-dahan siyang bumaling kay Cordova upang muling makatamo ng saklolo. Subalit muli lang siyang napayuko. Wari’y nahinuha niyang walang kahandaan sa digmaan ang dalang hukbo ni Cordova. Kahit espada ay wala liban sa di mawatasang bagay na may bayoneta sa dulo.
Bahagya namang natigilan si Cordova. Walang kibo pagkat ngayon lang siya nakakita nang ganoong kalaban. Parang alon ng dagat kung maglundagang padausdos sa paanan ng bundok.
Maging ang mga mamamayan ay nangasindak. Mistulang naulit ang nakaraang pangyayari sa pag-iyak ng mga bata. Ang salin-lahing minanang katatakutan na sila’y iihawin at kakainin ng mga Ulikba. Iyon ang panakot ng kanilang magulang kapag sila’y naglalagi sa lansangan at ayaw sumunod sa utos.
Ang balanang may kakayahang humawak ng sandata ay humanda sa pagtatanggol. Mamamatay sila sa kapakanan ng kanilang mga mahal sa buhay. Ang magtigis ng dugo pagkat ang kulay luntiang kabundukan ay naging itim sa dami ng Ulikbang pababa sa kaparangan.
Samantala ring iyon, nagkakalmutan naman sa galit ang nag-uunahang Ulikba sa pagtakbo. Ayaw nilang magitgit o maharangan sa paglusob. Nangangalit sa pagngiyaw at pawang pabulusok ang kilos sa nasang maipaghiganti ang nangamatay nilang kalipi. Sila ay bumibilang sa daming higit pa sa limang ulit ng mga naunang sumalakay na kalahi. Bata, matanda at babae na may kakayahang buminit ng pana ay kabilang sa digmaan. Para bang iyon na ang huli nilang pakikibaka dahil sa kagutuman. Sa pagkakataong iyon, kasama rin ang mga paslit na lalong masiba sa pagkain ng tao. Umaasang mabubusog, kapag tapos na ang labanan at kaasa-asa ring masasabi na ang buong kalahian ng Ulikba ay kasama sa pagsalakay.
Ang mga babaing Ulikba ay hindi makikilala kung sa tingin lamang daraanin. Katulad rin sila ng lalaking mabalahibo ang katawan. Mahaba ang buhok na nakasabog. Iisa ang hugis ng mukha na tila iwinangis sa pusa at pawang nakabahag lamang.
Ang kanilang Hari na si Babagua ay panay ang kalmot sa bawat malapitan. Nagsisigaw na di kayang unawain ng mga taga-kapatagan. Parang sinasabing dapat muna silang magtipun-tipon bago lumusob.
Mula sa tore ng kastilyo ay natanaw ng mga naroroon ang pagtigil ng kalaban. Napagtanto nilang kaya pinigil sa paglapit ang mga Ulikba upang makapaghanda sa biglaang pagsalakay.
“Mamamatay tayong lahat!” sabi ni Salina, “Mauubos ang lahing Moro. Mangungulila ang kahariang Mauritanya. Ang Portagesa. Ang Borgandi at Batalya!” nakangisi pang dugtong. Halatang tanggap na niya ang pagkatalo, matakpan lang ang nahayag niyang kahihiyan.
“Hindi mangyayari ang tinuran mo, Salina!” sabi ni Cordova. Nayayamot. Kapagkuwa’y binalingan si Ogbinar at hinudyatan sa pamamagitan ng kamay. Ibig sabihin, ihanda ang kanilang hukbo upang sumagupa sa lahing Ulikba.
“Dakilang Radam.” ani Gustavo. “Kasama mo ako, hanggang sa bingit ng kamatayan. Hindi kita hihiwalayan.” dugtong pang kasabay ang paghawak sa puluhan ng kanyang espada.
“Hindi tayo bababa ng tore.” sabi ni Cordova. “Dito lang tayo. Panonoorin natin ang digmaan.”
Natigilan si Gustavo. hindi makapagsalita. Hindi niya masusuway ang kagustuhan ng Radam. Maligaya siyang tatalima kahit iyon ay magbubunga pa ng kanilang kamatayan.
“Di man magsalita ang kaibigan kong Hari,” ani Salina. “maghihintay na lang tayo ng ating kamatayan. Napakarami nila!” sabi pang tinatanaw ang pagkabalisa ng mga kabayuhang kapanalig ng Haranggani. Ang hukbo ni Gustavo.
Ngunit buo pa rin ang loob ng lahing Moro. Hinarap nila ang napakaraming Ulikba. Wari’y tuldok lamang sila sa isang malapad na sulatan. Kakaunti kahit tumulong man ang lahat ng tao sa Haranggani. Gayon man, talagang hindi na nila inaasahan ang mabuhay sa ganoong katayuan. Mamamatay silang tagapagtanggol ng sariling bayan. Nakabinit ang bagting ng kanilang pana at naghihintay na lamang ng hudyat mula kay Hagibis kung kailan pawawalan ang kanilang palaso.
Noon nama’y nakahilera na ang hukbo ni Ogbinar. Maging ang grupo de kanyoneros ay ipinuwesto sa isang burol. Iyon ang tanawing ipinagtataka ng ibang nakakita pagkat ang hanay nila ay kakaunti laman kung ikukumpara sa napakalaking bilang ng mga Ulikba.
Sa sandali ring iyon, ibinigay na ni Hagibis ang hudyat upang pawalan ng kanyang mga tauhan ang nangakabinit na palaso. Nagsalimbayan sa itaas. Wari’y nag-uunahan sa patutunguhan, at nang bumagsak, unang nagitla ang mga Moro.
Handa ang lahing Ulikba. Iyon ang dahilan kung kaya hindi sila nagsabay-sabay sa paglusob. Namalagi sa loob ng kagubatan ang malaking bahagi ng liping Ulikba upang gumawa ng kaukulang pananggalang. Pinulong sila ni Haring Babagwa at itinuro ang naisip niyang paraan pagkat mayroon na silang malaking kalasag na yari sa sala-salabat na sanga ng punong kahoy. Sa gayon, tulong-tulong sila sa pagsalag at hinarangan ang landas ng palaso.
Nabigla nga ang mga Moro. Hindi nila inaasahan ang sabayang pagtaas ng mga kalasag at nagsilbing bubong sa mga Ulikba. At sa bahaging iyon, doon na sila nangamba. Nalalapit na sa kanila ang panganib. Mauubos sila kapag gumanti ng pagpana ang mga Ulikba. Patay silang lahat at di lang sampung palaso ang tutuhog sa kanilang katawan.
Agad sumigaw si Ogbinar. Hinudyatan ang hukbo ni Hagibis upang umurong pagkat alam niyang masasaklaw ng panganib ang pook na iyon kapag gumanti na ang mga Ulikba.
Napilitang umurong si Hagibis. Totoo ngang wala silang mapapangalungang ligtas sa palaso, ngunit sa gawing likuran ay marami ang punong kahoy at doon na lang sila mag-aabang.
Nagsisigaw ang mga taong pusa. Parang naglalampong sa katuwaan nang makitang nagsiurong ang kalaban. Gustong pag-ibayuhin ang kanilang pananakot. Kalahati sa hukbo ni Babagwa ang pinaunang lumusob. Nagtatalunan sa kasiglahan at hinangad kaagad ang pamimiyapis sa kalabang kakaunti lang ang bilang.
Nagtatlong suson ang hukbo ni Ogbinar. Ang unang hanay ay nakadapa sa damuhan. Ang pangalawa ay nakaluhod ang isang paa at ang pangatlo ay nakatayo. Nakaumang sa kalaban ang kanilang mahahabang baril at wari’y hudyat na lamang ang hinihintay.
Nakangisi namang nakatanaw ang dalawang may dugong berde na sina Orolfo at Rendon. Para nilang ipinahihiwatig ang tanong na ano ang magagawa ng mga bayonetang nasa dulo ng kung anong bagay. Iyon ba ay sibat o pangulata sa ulo kapag nagkadikit ang maglalaban. Hindi nila kayang ipaliwanag ang tungkol doon at tanging alam nila, handa silang tumakas sa pamamagitan ng mabibilis na pangangabayo. Iiwan nila ang bayan ng Haranggani kahit hindi kasama ang kani-kanilang asawa.
Sa tagpo ring iyon, ibinigay na ni Babagwa ang hudyat ng pagsalakay. Parang nakawala sa kural ang kulang sa kalahating bilang ng mga pusang naglalampong. Kumalat ang itim sa kaparangan. Nalagas at nahapay ang bawat halaman na kanilang maapakan. Nagkakaingay at kahit wala pa sa tamang agwat, agad silang nagpawala ng palaso, sanhi upang magdilim ang papawirin. Napakaraming palaso ang nagtutumuling sumalunga sa hangin. Parang naghahanap ng taong matatarakan. Subalit bago dumating sa pinag-uukulan, yumukod ang mga palaso at pababang tumusok sa damuhan.
Mula sa tore ng kastilyo ay mahahalata ang pag-aalinlangan ni Gustavo. Kung hindi lang nagkabisala ang panunudla ng mga Ulikba. Kung tumama lang ang agwat na kailangan, natitiyak niyang maliligo sa palaso ang buong katawan ng mga kawal-Mauritanya sa tila ulan na panusok. At ngayon, naisip din niyang ang susunod na panunudla ay sasapat na sa agwat ng patatamaan. Mabilis ang pagtakbo ng mga Ulikba at iyon ang ikinatatakot niyang maganap. Ang lahatang kamatayan.
Wala ring kibo si Salina, ngunit nakangiti. Naglalaro sa kanyang isip ang isang balakin. Tatakas silang mag-iina at magtatgo sa ibang bayan. Doon ay magiging malinis ang kanilang pangalan at walang makakaalam sa nakaraang pangyayari. Alam niyang malilipol ang lahat ng taong nasa Haranggani. Mauubos at hindi patatawarin ng mga Ulikba. Masisimot ang laman sa katawan at buto lamang ang maiiwan.
Nakamasid lamang si Cordova. Parang binibilang ang hakbang ng mga Ulikba. Batid niya ang tamang agwat upang di malagay sa panganib ang kanyang mga tauhan, at bago sumapit iyon, mula sa kanyang baywang, hinugot ang isang maikling baril at pinaputok sa papawirin.
Marami ang nagulat. Napatingala sa tore ang mga nasa ibaba. Ngayon lang sila nakarinig ng ganoong ingay. Parang putok ng munting kulog sa tag-araw.
Maging sina Gustavo at Salina ay napatigagal. Nagtataka kung anong kulog ang nasa kamay ni Cordova.
Sa larangan naman ng napipintong sagupaan, narinig ni Ogbinar ang hudyat ni Cordova. Agad niyang hinugot sa baywang ang kanyang baril at pinaputok ding paitaas. Iyon ang sandali upang sundin ang naunang hudyat ng kanilang Radam.
Doon na narinig ang sabay-sabay na pamumuksa ng unang hanay. Tila isang putok lamang na gumimbal sa paligid. Nakakabingi ang taglay na kapangyarihan sa nalikhang dagundong. Winasak ang mga kalasag. Nagkaputol-putol at nawindang ang kapara.
Daan-daan ding Ulikba ang natimbuwang. Kumikisay at nagtataka kung bakit ganoon na lamang ang kanilang panghihina, gayong maliit lamang ang sugat sa kanilang katawan. Nagtatanong din sila kung bakit wala naman bagay ang tumusok sa kanilang katawan, tagusan pa ang butas.
Ang ganap na katotohanan sa labanang iyon, talagang napakalakas ang baril na pinagawa ni Cordova, dahil sa kahabaan at laki ng bala. Kahit tatlong Ulikba, kayang tagusan at ang pang-apat ay maaari pa ring mamatay. Isang punglo , apat ang sugatan.
Sumunod na nagpaputok ang ang ikalawang hanay. Gayon din ang ikatlo. Nagpalitan ang pagkakasa ng baril. Isang kasa, isang tudla.
Ang putok ng baril ay umalingawngaw sa paligid. Ang hindi sanay ay natutulig. Maging ang mga kabayo ay nagsialma at humakbang na palayo sa labanan. Humahalinghing at matagal din bago nasawata ng mga naroong kawal ng Portagesa.
Nanatili namang nakamulagat ang ibang naroon, lalo na ang magpinsang Orolfo at Rendon. Nasindak sila sa bagsik ng sandatang pumuputok. Agad nilang naisip ang isang bagay. Kung nagkataon pala, sila ang unang makakatikim ng gayong kamatayan. Nangatal ang kanilang baba.
Naging mabilis ang pagkalagas ng Ulikba. Libu-libo kung mabuwal, hanggang sa maubos ang ikalawang sigwada ng mga taong musang ang kapara.
Nanatili sa puwesto ang hukbo ng Mauritanya. Batid nilang nasa kabundukan pa ang higit na maraming Ulikba pagkat nagdidilim ang kagubatan. Maging ang mga punong kahoy ay nakita nilang nawala ang kulay luntiang dahon. Naging itim sa dahilang doon nakapangunyapit ang ibang Ulikba. Sa ganoong pagkakataon, upang makapagbagong anyo, pinagpalit ni Ogbinar ang kaayusan ng hukbo. Naginhawahan ang mga nakaluhod. Ang nakatayo at nakadapa.
Nagbunyi ang mga kapatagan. Naghiyawan sa galak. Maging ang mga paslit ay tuwang-tuwa. Ligtas na sila sa pangambang kainin ng mga Ulikba.
Sa loob naman ng kagubatan ay nagsisiklab ang kalooban ni Haring Babagwa. Namumuti ang mga mata sa galit. Hindi niya inaasahan na ganoon ang mangyayari. Naiiba sa kanyang pananaw ang sandatang pamuksa sa maraming Ulikba. Kailangan niyang umisip ng paraan upang makaganti.
Noon din ay ipinag-utos ni Babagwa ang maramihang pagputol ng malalaking sanga ng punong kahoy. Gagawa sila ng tila bakod na mayroong hikwatan upang mapausad. Maaaring itayo kahit hindi hawakan dahil may mga tukod. Bukod sa matibay ang pagkakayari, itinali pa ng baging at yantok. Pinili rin ang matitigas na kahoy at pinagsuson-suson.
Sa dami ng mga Ulikba at sa talas ng kanilang panabak, bukod pa sa taglay nilang kapangyarihang lumakas at bumilis ang kilos, madaling nasunod ang kagustuhan ni Babagwa. Mahigit sa limampung bakod ang nayari. Ang bawat isa ay may habang apat na dipa at may taas na isang dipa.
Ilang sandali pa ay ibinaba na sa kapatagan ang mga naturang bakod. Ang kawangis ng mga Ulikba ay tila langgam sa pagtutulungan. Pinagdugtung-dugtong at ginawang pahaba. Nagmistulang bakod na umuusad, palapit sa kalaban.
Maraming Ulikba ang nakapanganlong sa mahabang bakod. Nahuhuli si Babagwa at may sarili ring kanlungan. Higit na makapal at talagang hindi tatagusan ng kung anong bagay na kanilang kinatatakutan.
Nakamasid lang ang hukbo ng Mauritanya. Ang tingin nila sa lumalakad bakod ay yari lamang sa madahong sanga ng halaman at ginawang kublihan ng mga Ulikba.
Alam ni Ogbinar ang panganib. Hindi dapat makalapait ang kanilang kalaban. Uulan ang palaso at tiyak mauubos silang lahat.
Marahan ang pag-usad ng mga Ulikba. Tulung-tulong sa pagbuhat at paghikwat nang naturang bakod. Pagnangangawit, ibababa at pahilig na ihahapay sa dalawang haliging panukod na nasa gawi nila. Sisilip at tatantiyahin kung ang agwat ay sapat na upang umabot ang kanilang palaso sa kalaban.
Sa isang hudyat ni Ogbinar sa pagpapaputok ng kanyang maikling baril, sumigaw naman si Sotelo. Iwinasiwas ang kanang kamay paturo sa kalaban. Muling narinig ang sunud-sunod na putukan. Paulit-ulit ang bugso ng tatlong hanay ng mga kawal-Mauritanya. Walang tantan sa pag-asang matutumba ang bakod at magiging bangkay ang mga nakakubli roon. Ngunit sa kabila niyon, walang nangyari sa inaasahan at namalagi lang ang bakod sa kinatatayuan.
Di kawasa’y pinatigil ni Ogbinar ang pagpapaputok ng mga kawal. Mauubos lang ang kanilang bala. Napansin niya ang kawalang bisa ng sandatang de bayoneta sa nakahanay na bakod. Hindi tumatagos ang punglo sa kalaban.
Naghiyawan sa galak ang mga Ulikba. Nagtalunan sa ibabaw ng bakod at parang nanunuksong sila ang paputukan. Ang alam nila. Ang bakod ay kaloob ng makapangyarihang Burukantada na kanilang sinasamba at kapanalig. Ang iba naman ay lalong sumigla sa pag-usod ng kanilang kanlungan. Kapag sila’y nakalapit, magagamit na ang kanilang pana at madali na nilang mapupuksa ang sa tingin nila ay kakaunting kalaban.
Muling nalagay sa pag-aalinlangan ang mga taga-kapatagan lalo na ang mamamayan ng Haranggani. Hinintay nila ang susunod na mangyayari. Gayon din sina Orolfo at Rendon. Panay ang lunok ng laway. Natatakot at gusto nang patakbuhin ang kanilang kabayo upang tumakas.
Noon nama’y ipinag-utos na ni Ogbinar ang paggamit ng kanyon. Ang grupo de Guerra na kahit iilan lamang ay masasabing pinakamakapangyarihan sa pamumuksa. Ang mga kanyon na ang tanging layunin sana ay durugin ang malalaking tipak ng bato sa pinto ng kahariang Mahikalandia, ngunit sa ngayon, sa lahing Ulikba nakatakdang sumambulat.
Ang limang kanyon ay nakahanay sa ibabaw ng burol. Ang bawat isa ay may limang kawal na taga pangasiwa. Ang dalawa ay taga puntirya sa pamamagitan ng gulong. Isa ang taga lagay ng pulbura at taga sulsol din ng apoy. Isa ang taga salisol sa bunganga ng kanyon at isa rin ang taga lagay ng bala. Ang bolang bakal na may pulbura sa loob at sumasambulat kapag tumama sa matigas na bagay.
Ang bawat kanyon ay ipinihit at itinutok sa magkakahiwalay na puntirya. Sinindihan ang mga panulsol at hudyat na lamang ang hinihintay upang pasabugin ang kulumpon ng mga Ulikba.
Matapos ang tanguan nina Ogbinar at Sotelo, ibinigay ng huli ang hudyat ng kamtayan.
Naganap ang nakakatulig na dagundong. Umalimbukay ang usok at isinikad ang bolang bakal na pinakabala ng kanyon. Tuwid ang pagsalipadpad at binangga ang kanlungan ng mga Ulikba. Sumambulat at lumikha nang higit na malakas na pagsabog. Malaki ang sinaklaw na pinsala at damay din ang katabing bakod.
Nagulantang ang mga Ulikba sa di inaasahang lakas na nagpatilapon sa kanilang mga kalipi. Nayayanig at nauuga ang paligid sa bawat dagundong ng pagsabog. Nataranta sila. Dumami ang patay at lalo pang bumuhos ang kamatayan nang muling magpaputok ang tatlong hanay na may baril de pulbura.
Bawat putok ng kanyon ay lumilikha ng malaking pinsala sa mga Ulikba. Sumasambulat ang kanilang kanlungan at sila’y nahahantad sa punglo ng kamatayan, hanggang sa ganap na maglaho at mapugto ang hininga ng mga lahing musang o taong Ulikba, kasama si Haring Babagwa. Warat ang katawan.
Saka lang bumaba mula sa tore sina Cordova, Gustavo at Salina. Dumaan sila sa bulwagan na kung saan ay naroroon ang mga dugong bughaw na sina Arminya, Donaio at Hirang.
Larawan nang pagkamangha ang ibang nilalang na nasa pook na iyon. nagulat sila sa malalakas na putok ng kanyon. Para sa kanila, iyon ay katulad ng isang nangangalit na bulkan.
“Tapos na ang suliranin ninyo sa lahing Ulikba.” bungad ni Cordova sa mga naroroon. “Ubos na ang kanilang lipi.”
Nagpalakpakan sa galak ang mga lahing Moro. Nagpapasalamat sila sa pamamagitan ng pagyukod sa dinadakila nilang tagapagligtas.
“Aking Radam.” ani Arminya. “Nakita naming sa beranda ang ginawa ninyong pamumuksa sa kalaban. Tao rin silang humihinga. Nakakaawa.”
“Ganoon din ang damdamin ko, aking Mahalya. Masakit ngunit kailangan. Ang Ulikba ay may ugaling hayop. Kumakain ng tao at lubhang mapaminsala. Dapat lang silang mawala sa ibabaw ng lupa.” anang Radam, kaakbay ang Mahalya habang palapit sila sa bugtong na anak.
“Minsan, muntik na tayong mapahamak dahil sa mga Ulikba.” sabi naman ni Hirang kay Donaio habang magkahawak ang kamay.
“Pero, dahil sa mahiwagang tungkod, naligtasan natin ang panganib.” wika ni Donaio at sinadya pang ilingid ang kanyang tinuran, ngunit hindi ‘yon nakaila sa sa matalas na pandinig ng kanyang Amang Radam.
“Si Soraia ay meron ding mahiwagang baston, subalit hindi tulad ng hawak mo, aking anak. May hangganan ang kapangyarihan.”
“Siya pong tunay, dakila kong Ama. Hindi maaaring gamitin sa kasamaan at pagpatay ng tao.” sagot ni Donaio. “Ito ay bigay sa akin ni Inang Diwata. Ang itinuturing kong Ina. Siya si Inang Naia, ang nag-alaga mula sa aking kamusmusan.”
“May utang na loob pala tayo kay Diwatang Naia.” sabi naman ni Arminya at nagkaroon ng pagnanasang makita si Naia. Mapasalamatan dahil sa nalaman din niyang iyon ang tumulong upang makatakas kay Soraia ang kanyang anak.
Nang malaman din ni Cordova ang bagay na iyon, naganyak din siyang magbigay ng papuri at pasasalamat kay Naia kahit sa hangaring magkikita rin sila sa ibang pagkakataon.
Ang talakayan kay Naia ay naparam nang magsalita ang pinakapuno sa lupon ng matatanda. “Ang buong Haranggani ay nagpapasalamat sa bayan ng Mauritanya. Buong pusong tumatanaw ng utang na loob ang mamamayang Moro at Mora sa mga dakilang nakibaka sa lahing Ulikba. Gayon din ang pinakamatayog na pasasalamat ay nauukol at ipinaaabot sa kagiting-gitingang Radam ng Mauritanya. Ang Radam nating lahat! Si Radam Cordova, kasama si Haring Gustavo ng Portagesa!”
Nauntol ang pagsasalita ng matanda dahil sa masigabong palakpakan ng mga naroon. Matagal bago naituloy ang pagbabadya. “Naging aral din sa ating lahi ang ipinakitang pagtanggap ni Salina kay Don Donaio. Napakababa at itinuring pang alipin, gayong siya pala ay hindi lang dugong berde kundi ang kasakdalang dugong bughaw ng Mauritanya.” paliwanag pang nagbigay ng masigabong palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan.
Pansamantalang tumigil sa pagsasalita ang pinakamatanda sa lupon at pasukot-sukot na lumapit kay Don Donaio. “Mula sa lahi ng kamorohan.” sabi pa niya. “Humihingi kami ng tawad sa kapitapitagang bugtong na anak ng mga dugong bughaw.” dugtong pa ng matanda at nagpaunang yumukod na ang ulo ay nakasayad sa lapag.
Sa pangyayaring iyon, ang kanina pang nakatungangang si Salina ay agad nagpatirapa. Dumapang nakadipa ang mga kamay at humihingi ng tawad. Lumuluha at bakas sa mukha ang isang pagsuko. Buong pait niyang tinanggap ang hagupit ng tadhana.
Karaka ring gumaya ang magkapatid na Dayang Giliw at Dayang Sinta. Sinagad nila ang pagsisisi at ang mataimtim na paghingi ng tawad.
Nakaluhod rin ang magpinsang Konde Orolfo at Duke Rendon. Naninikluhod na sila ay patawarin din. Nangangakong tatanggapin nila ang kasunduang sila’y alipin ni Don Donaio, simula sa araw na iyon.
Ngumiti lang ang kabugtu-bugtungang anak ng Mauritanya. Mababa ang loob nang magsalita. “Ang lahat ng nilalang ay nagkakamali. Kalimutan na natin ang gayong pagkukulang. Tumindig kayo at tanggapin ang aking pakikipagkasundo at pagpapatawad.”
Nagpalakpakan ang balanang naroroon. Nagbubunyi sa udyok ng sigabo. Humanga sila sa pagkatao ni Don Donaio. Hindi nagtatanim ng masamang damdamin, bagkos ay nagpupunla pa ng mabuting kalooban.
Maging ang Radam at Mahalya ay nakikipalakpak din sa pagkakaroon ng anak na tulad ni Donaio. Maligaya ang bawat sandali sa kanilang puso. Ang malaon na nilang lunggati ay nagkaroon ng katuparan.
Ang kaligayahan ni Cordova ay may kasamang pagmamalaki. Kamukha niya si Donaio at magiging anak pa niya ang dating Dayang Hirang. Walang dahilan upang di rin niya banggitin ang pagpapatawad sa mga nagkasala. Para sa kanya kahit ang buong mamamayan ng Haranggani ang umalipusta sa kanyang anak, sapat na si Dona Hirang upang mapagtakpan at mapatawad sa mga kalahi nito.
Lalong sumigabo ang pagbubunyi. Lumapit kay Dona Hirang ang mga makasalanan at doon nangayupapa sa pasasalamat. Niyakap, pinaglambingan at ipinakita ag taos na pagsisisi.
Muling nagsalita ang namumuno sa lupon ng matatanda. “Ang sambayanang kamorohan ay naghihintay sa kapasiyahan ng Dayang ng mga Dayang. Si Dona Hirang. ang kataling puso ng mapagkumbabang si Don Donaio. Ang may pinakamataas na uri ng dugo. Ang dugong bughaw.
Sa winikang iyon, lalong namayani ang palakpakan ng mga naroroon. Halos mapuno ang maluwag na bulwagan sa dami ng mga Mora. Mga babaing naiinggit sa kapalaran ng isang inaping pamangkin ni Salina.
Nakangiting nagtanong si Dona Hirang. “Ano po ang dapat kong ipasiya sa araw na ito? O, pinuno ng lupon ng matatalino.”
“Ibigay mo ang kapahintulutang ipagdiwang ng Haranggani ang araw na ito bilang pasasalamat sa mga dugong bughaw ng Mauritanya.”
“Labis kong ikinararangal ang pagkakataong dumating sa aking buhay. Sa abot ng ating makakaya, ipagsasaya natin at ipagdiriwang ang araw na ito, pagkat ang kapayapaang hinahanap natin ay utang at nanggaling sa maituturing kong mga magulang kung ako’y magiging karapat-dapat sa kanilang paglingap.” anang dating Dayang at sinimulang ibaba ang paningin. Parang nahihiya sa pagyuko.
Agad tumindig sa pagkakaupo sa trono si Cordova at dagliang nagsalita. “Noon pa ay pangarap ko na ang magkaroon ng dalawang anak. Isang lalake at isang babae. Nang lubusan kang maging ulila ay lumabis ang hangarin kong maiuwi kita sa Mauritanya, subalit ayokong daanin sa kapangyarihan ang bagay na iyon. nagsawalang kibo ako upang masunod ang huling habilin ng namayapa mong Amang Raha. Isinalin niya kay Salina ang buong kapangyarihan upang siya ang mag-alaga sa’yo. Noon pa ay nais na kitang maging anak.”
“Totoo ang tinuran ng mahal kong Radam.” sabad ni Arminya. “Lagi ka niyang nababanggit sa akin. Damdam ko’y magkatulad ang aming pangarap kahit ngayon lang kita nakita.” dugtong pa ng Mahalya matapos tumindig mula sa kabilang trono at payapos na inakbayan ang dating Dayang.
“Labis po ang kaligayahan ko.” sagot ni Hirang at inihilig ang kanyang pisngi sa balikat ng Mahalya.
Lumapit si Donaio. Nakangiti. Niyapos ang dalawang mahalaga sa kanyang buhay, bago nagwika. “Mahal kong Inang Mahalya. Dito po sa Haranggani, tanging si Dona Hirang lamang ang nagbigay-habag sa aba kong kalagayan. Hindi nangilag sa unang anyo kong nakakarimarin.”
“Natutuwa ako aking anak na Don Donaio at siya ang nakataling puso mo.” nasisiyahang sabi ni Arminya at lalo pang kinabig si Hirang.
“Asawa sa turing, ngunit minsan ma’y hindi nya ‘ko sinaling. Iginalang na may pagmamahal.” sabi ni Hirang. Parang nahihiya.
Napahalakhak si Cordova. Tuwang-tuwa sa pakikinig, at agad nagpasiya. “Upang lalong maging matibay ang inyong pagiging mag-asawa, muli kayong ikakasal sa simbahan ng Mauritanya.
“Salamat po, dakilang Radam at kinasasabikan kong matawag na Ama.” sabi ni Hirang at bahagya pang yumukod.
“Tama ang sinabi mo, o aking anak na babae. Ngayon ay hindi ka na mangungulila sa magulang.” sabi ni Cordova at itinuro pa ang kanyang Mahalya.
“Muli po akong nagpapasalamat. Mula pa sa pagmulat ng aking kaisipan. Wala na akong nagisnang magulang.” wika pa ni Hirang at masuyong niyapos ang nakangiting Mahalya.
Ang magandang pananabik ng bawat isa ay nauntol nang umaligid at dumapo sa balikat ni Donaio ang Lorong matabil ng Mahikalandia.
“Ang kapangitan ay napalitan na ng kakisigan.” bungad ng nagsasalitang ibon. “Mula sa kaharian ng Mahikalandia ay nasubaybayan naming ang ang naging buhay mo, O dakilang Don Donaio. Gusto kang makita ni Reyna Aia, lalo na ang Ina-inahan mong si Naia, bago ka raw lumayo.”
“Ang Ina kong diwata!” karakang patlang ni Donaio at inilagay sa kanyang palad ang matabil na loro. “Sabihin mong darating kami ni Dona Hirang.” sabi pa at agad na nilinga ang mga magulang upang magpaalam. Hindi na inisip si Soraia. Ang alam niya, mas makapangyarihan si Reyna Aia.
“Sasama rin kami!” pagdaka’y wika naman ni Cordova at hinawakan sa kamay ang kanyang Mahalya.
“Gusto ko ring makita ang nag-aruga sa’yo, aking Don Donaio.” Natutuwang wika ni Arminya at saka nilinga pang tinanong ang kanyang esposo. “Mayroon ba tayong masasakyan patungo roon, aking Radam?”
“Hindi maaari ang karuwahe, aking Mahalya. Kabayo lang. Pero, paano kayong mga babae?” nag-iisip na tanong ni Cordova.
“Mayroon po tayong masasakyan, aking tunay na mga magulang.” sabad ni Donaio at agad ikinumpas ang kanyang mahiwagang tungkod sa isang kahilingan.
Bigla ang kislap ng liwanag. Bigla ring lumitaw sa beranda ang kumikinang na gintong karuwahe. Ang sasakyan na anyong hihilahin at ililipad ng apat na kabayong may pakpak sa likod. Puti ang mga kulay at malago ang balahibo.
Nangabigla ang madlang naroon. Bahagyang napaurong at sandaling naumid ang kanilang dila sa pagtataka. Nangingilalas at napatunganga.
“Minsan ay naipangako ko kay Dona Hirang na isasakay ko siya sa isang magandang karuwahe.” sabi ni Donaio at napilitang ipagparangalan ang pambihirang kagandahan nang nabanggit na sasakyan.
“Anak kong Don Donaio!” nagitlang tawag ng Mahalya. “Paano mong nagawa ang gayong kahiwagaan?”
“Galing po ako sa kaharian ng hiwaga. Binigyan ako ni Inang Diwata ng isang mahiwagang tungkod na balanang kabutihan ay maaari kong hilingin.” sagot ni Donaio at inihantad pa sa hangin ang panungkod, kasabay ang pagbabago ng kanyang kasootan. Ang damit na angkop lamang sa isang Don ng kahariang Mauritanya.
Namangha nga at nanggilalas ang mga naroroon. Lalo na si Salina at ang dalawa niyang anak. Sayang na pagkakamali ang lagi nilang nauusal, at ngayon ay naiinggit sila kay Hirang sa pagkakaroon ng asawang sakdalan ang kakisigan. Humahanga sila kay Donaio.
Natutuwang inalalayan ng Radam ang kamay ng kanyang Mahalya upang isakay sa kumikinang na karuwahe. Hinudyatan din niya si Ogbinar sa pamamagitan lamang ng kindat ng mata at paputol-putol na pangungusap.
Yumukod ang nasabing heneral at ikinalat ang pasabing hindi magtatagal, babalik ang kanilang Radam. Itutuloy ang pagdiriwang at babalikatin ng Mauritanya ang handaan.
Matapos ang masigabong paalaman, inalalayan ni Donaio ang kanyang asawang Hirang sa pagsakay sa karuwahe. Magkakaharap sila sa likmuan at mababakas naman sa mukha ng Radam at Mahalya ang labis na kaligayahan.
Kumampay ang pakpak ng mga kabayo. Hinila ang karuwahe at may kung anong hiwaga ang marahang pagtaas sa papawirin. Para bang may pakpak din ang gintong sasakyan.
“Ngayon lang natupad ang pangako ko sa’yong balang araw, isasakay kita sa isang magandang karuwahe.” ani Donaio sa katabing Hirang. Naliligayahan.
“Salamat, aking Don.” tanging nasambit ng Dona. Halata ang tila nahihiyang kaligayahan. Sa bahagi ring iyon, naalala niya ang pinsang si Dayang Giliw. Hindi sila inangkas sa karosa at hinayaang maglakad sa init ng araw. Iyon ang dahilan kung kaya nakapangako si Donaio tungkol sa ganoong sasakyan. At ngayon, naranasan niya ang katuparan, kasama pa ang mga sakdal kapangyarihang dugong bughaw ng Mauritanya.
“Sa buong kasaysayan ng aking buhay,” ani Cordova. “ngayon ko lang naranasan ang sumakay sa lumilipad na karuwahe.” dugtong pang nakatawa at panay silip sa durungawan.
“Kung hindi sa ating anak.” sabi naman ni Arminya. “Malayong maranasan natin ang ganitong kalagayan. Kay gandang tanawin!” sabi pang nakatanaw din sa ibaba ng bundok at mga punong kahoy.
“Parang nakakapanibago.” muling sagot ni Cordova. Nagtataka. “Nawala ang malalaki at maiitim na tipak ng bato sa paligid ng Mahikalandia.”
“Dahil sa gising na po ang makapangyarihang Reyna Aia.” Sagot ni Donaio. “Ang mga batong iyon na likha ng mga Burukantada ay malikmata lamang at hindi po tunay na bato.”
“Ganoon ba ‘yon?” natatawa pang wika ni Cordova at agad naisip ang dalawampung taong paghahanda upang mapasabog ang mga batong iyon, gayong pangitain lang pala at hindi totoong mga bato. Subalit hindi naman niya pinanghihinayangan ang mahabang panahon na ginugol sa pagtuklas ng mga sandatang pumuputok. Nakatulong iyon sa pagliligtas at katahimikan ng bayang Haranggani.
Sa bahaging iyon, nagbago ang kanilang pananaw nang magluningning ang sikat ng malamlam na araw. Nasa tapat na sila ng kahariang Mahikalandia na tila binakuran ng kabundukang nakapaligid.
“Hayun ang templong kristal na nagniningning sa sikat nang papalubog na araw!” turo ni Cordova sa nasabing kaharian na minsan na niyang nakita nang isama siya roon ni Soraia.
“Napakaganda!” sabay pang puri nina Arminya at Hirang habang nakapanungaw sa karuwaheng lumilipad.
Di kawasa’y nagsulputan ang napakaraming lambana sa papawirin. May dalang maliit na bulaklak at isinaboy sa paligid ng karuwahe.
Lumaganap ang mahinhing sanghaya ng pabango at naging kasiya-siyang langhapin.
“Maraming salamat at maligayang sandali sa inyong pagsalubong!” kumakaway na sabi ni Cordova habang nakatawa, pagkat alam niyang ang Radam ay hindi maaaring magpasalamat ayon sa ibang kaharian ng mga maharlika.
“Maligayang pagdating ng mga dinadalisay na dugong bughaw. Naghihintay sa ibaba ang aming sinasambang Reyna Aia ng Mahikalandia.” Salubong ng libu-libong lambana sa paraang inaawit ang kanilang matitinis na kataga. Parang mga tutubing kalabaw na umaaligid sa karuwahe.
Sa ibaba ay naghihintay at kumakaway si Reyna Aia. Puting-puti ang kasootan at nakatayo sa bermudang kapatagan. Katabi niya sina Soraia at Naia habang sa di kalayuan ay nakatingala ring naghihintay ang maraming Mahikantada.
Muling namalas ang mahiwagang pagbaba ng karuwahe. Dahan-dahan at mistulang munting bulak sa paglapag. Bumukas ang pinto at naunang bumaba si Donaio.
Sa simbuyo ng taong marunong tumanaw ng utang na loob, limang hakbang lang, narating niya ang kinatatayuan ni Naia. Lumuhod siya. Ginagap ang dalawang kamay ng diwata at masuyong hinagkan, bago nagwika. “Ina kong Diwata, naririto ako at nananatiling nagmamahal sa iyo.” Saka siya tumindig.
“Anak kong Donaio! Salamat at nagkita pa tayong muli.” ani Naia at nakangiting hinaplos ang mukha ng itinuring niyang anak. Naliligayahan kahit ang talagang gusto niyang makita ay ang dating bukuling tao.
Lalong naging maigting ang tagpong paghaharap ng mga taong makapangyarihan. Ngayon masusubok kung sino sa kanila ang bababa upang kumilala sa sadyang nasa itaas.
Sa pangunguna ni Cordova, umakma siyang magtitiklop-tuhod upang magbigay galang sa harap ni Reyna Aia.
“Huwag mga kamahalan.” saway ni Aia at mabilis na yumukod. “Ako ang nararapat na magbigay galang pagkat nasa kaharian ko ang pagkakasala.”
Agad naman inalalayan ni Arminya si Aia upang iunat ang ang katawan sa pagkakayukod. “Ikaw ang lubos na makapangyarihan sa balat ng lupa.” sabi pa niya. “Kami ang dapat na kumilala sa iyong kalagayan, lalo na ngayong nasa kaharian mo kami.” dugtong pa rin ng Mahalya at dalawang kamay na hinawakan sa balikat si Aia.
Nakangiti lang si Cordova at naliligayahang minasdan ang dalawang babaeng may kanya-kanyang kapangyarihan. Nagbibigayan at sabay pang nauwi sa tawanan.
Si Dona Hirang naman ay lipos ng tuwang hinaplos-haplos ang mahabang buhok ni Naia, matapos lumuhod at magpugay sa itinuturing na Ina ni Donaio. Naging maligaya sila sa pag-uusap at may tawanan pa pagkat nasubaybayan siya ni Naia sa mahiwagang salamin ng buhay.
Di kawasa’y bumaling sina Donaio at Hirang kay Reyna Aia. Lumuhod. Ibinigay ang magandang paggalang at tinaimtim ang pagyukod.
Nakatawang itinindig sila ni Aia at mataos ang katagang binigkas. “Sa paningin ng Panginoong lumikha sa atin. Higit kayong makapangyarihan sa santinapakan. Kayo ang kininilala ng mga tao, samantalang ako ay sa kalikasan lamang at walang karapatan sa inyong buhay. Hindi tulad ni Soraia. Nakialam siya sa inyong kapalaran. At bilang sumamo, sa ngalan ng kahariang Mahikalandia. Ako si Reyna Aia. Humihingi ng kapatawaran sa sinapit ng inyong tadhana.
“Ang nakaraan ay tapos na po, mahal na Reyna. Sapat na po ang makita namin ang maganda ninyong pagtanggap.” sagot ni Donaio habang hawak sa kamay si Hirang.
Kapagkuwa’y bumaling si Aia sa mag-asawang magulang ni Donaio. Lipos ng pagpapakumbabang humingi ng tawad ukol kay Soraia.
“Napakasakit ang ginawang parusa sa amin ni Soraia.” sagot ni Cordova. “Pero tulad ng sinabi ni Don Donaio, nangyari na iyon at wala na kaming magagawa.” dugtong pang tila nalulumbay at padaplis pang tinanaw ang nangungubling si Soraia sa kulumpon ng mga diwata.
“Mahabang panahon akong nangulila sa aming anak.” di napigilang sabi ni Arminya. “Napakasakit ang ginawa niyang pagkuha sa bugtong kong anak.”
“Totoo ang tinuran ng mapagtiis na Mahalya.” amin ni Aia. “Pansamantala. Si Soraia ay makukulong sa kahariang ito. Bawal ang lumabas. Walang hawak na kapangyarihan at kalauna’y matitikman niya ang maaaring ihatol kong parusa. Lulusawin ko ang kanyang katawan upang ihalo sa alabok!” galit pang sabi ni Aia nang makita ang lihim na pagtalilis ni Soraia.
Bubulung-bulong ngang lumayo si Soraia. Matalim ang paninging ipinukol kay Donaio. Nagbabanta. “Sa ngayon, nalagpasan mo ang mga mabibigat na pagsubok, ngunit hindi sa akin. Hindi mo ako maiiwasan pagkat ikaw ay akin lamang!”
“Huwag kang lumayo!” makapangyarihang sigaw ni Aia kay Soraia.
Natigilan ang nasabing makasalanan at hindi na lumisan. Nangubli na lamang sa karamihan at tangkang gagawin din ang paglayo pag nalibang si Aia sa ginagawang pag-aasikaso sa mga dugong-bughaw.
Habol naman ang pananaw nina Donaio at Hirang sa nangungubling Mahikantada. Damdam nila’y ngayon pa lamang nagsisimula ang panganib. Mahihirapan sila sa pagsuong at pag-iwas kay Soraia. Lihim na napaiyak si Hirang. natatakot na mawala ang kanyang asawa. Sanhi, upang higpitan na lamang ang ginawang pagkapit sa bisig ni Donaio.
Sa pagkakataong iyon, habang nakabaling si Aia kay Soraia ay sinamantala ni Arminya ang paglapit kay Naia. Agad na niyakap at naluluhang nagpasalamat. “Dahil sa’yo, muli kong nakita ang aking anak. Napalaki mo siya at natulungan pang nakatakas kay Soraia.”
“Ako’y may pusong mahabagin.” sabi ni Naia at tinugon ang pagyakap ng Mahalya. “Nagpapasalamat din ako dahil minsan sa buhay ko, naranasan ko rin ang maging Ina ni Donaio. Kay sarap pala ang maging tao.
“Daig mo pa ang taong nasa kabila ng iyong kalagayan.” sagot ni Arminya at muli, masuyo niyang ipinadama ang pagkilala sa kabutihang nagawa ng isang taga ibang nilikha.
“Totoo ang sinabi ng aking Mahalya.” bungad ni Cordova sa paglapit. “Isa kang Diwata ngunit daig mo pa ang katulad ni Salina. Walang pusong mapagmahal sa taong hamak sa tingin.”
“Talagang may masama sa mga nilikha ng Panginoong Diyos.” ani Aia sa paglapit. “Ngunit kalimutan muna natin ang mga nakalipas. Halina kayo at may inihanda akong pagkain para sa tao.” masigasig pang alok at marahang hinawakan sa kamay ang Mahalya.
Nakangiti namang nagpatianod ang mga dugong bughaw upang maragdagan pa ang kanilang pag-uusap at lubos na magkalapit ang kanilang mga kalooban.
Marangya ang hapag-kainan. Naroroon nang lahat ang masasarap na pagkain. Mga putaheng galing sa mahiwagang baston ng mga Mahikantada. Walang pagpipilian pagkat ang nakahain ay sagana sa linamnam at naiiba sa panlasa.
Ang labis pang ikinalugod ng mga kumakain ay ang tunay na pag-aasikaso sa kanila ni Reyna Aia at Naia.
Pasibsib na ang araw sa likod ng bundok nang magpaalam si Cordova kay Aia. “Aalis kami na ang alaala ay maiiwan dito. Di ka namin malilimutan. Maraming Salamat sa maganda mong pagtanggap sa amin, o butihing Reyna Aia.” sabi pa niya nang matapos ang masaganang hapunan sa loob nang maluwang na templong kristal. Bukod roon, ginamit pa niya ang di dapat sabihin ng isang Radam. Ang magpasalamat.
“Ikinararangal ko rin ang pagtungo ninyo rito.” sabi ni Aia at saka hinawakan sa kamay si Arminya. “Hindi ko matiyak kung magkikita pa tayong muli.” dugtong pa niyang nalulumbay.
“Sa kasal nina Don Donaio at Dona Hirang ay nais kong ikaw ang aming pangunahing saksi at panauhing pandangal.” agad na sabad ni Cordova.
“Kapag nagkagayon, ipinauuna ko na ang pasasalamat.” sabi ng Mahalya at natutuwang pinagdaop ang kanilang palad.
“Ikinalulungkot ko mga maharlikang tao.” sagot ni Aia. “Walang karapatan ang mga Mahikantada sa ganoong pagkakataon. Hindi pangunahing dahilan sa pagdalo namin ang tinatawag na kasayahan. Ngunit sa ibang pagkakataon, muli tayong magkikita.” matamlay pang dugtong at bahagyang bumaba ang pananaw.
Sa gawing dulo ng hapagan ay tumindig na rin sina Donaio, Hirang at Naia. Masaya ang kanilang usapan at panay pangaral at pangako ng huli na hindi niya pagsasawaang subaybayan ang magiging buhay ni Donaio.
“Paalam na, Ina kong Diwata. Hindi ka namin malilimot.” sabi ni Donio at saka nilinga ang mga hayop na nakapaligid sa di kalayuan.
Naroon nga at tila nagmistulang tao ang mga hayop. Pawang nakatawa sa tingin, lalo na ang kalabaw na naging katulong ni Donaio sa pagtakas. Ang kabayo na parang nagpapasalamat sa pagkakabalik niya sa loob ng Mahikalandia. Gayon din ang iba pang hayop na naging masayang kalaro mula pa sa kamusmusan ng taong pinag-imbutan ni Soraia. Nagtatakbuhan silang paikut-ikot at naglulundagan sa iba-ibang anyo na para bang nagyayabang sa dati nilang kalaro.
Maging si Hirang ay natawa rin sa kanyang paglinga. Di kawasa’y muli siyang bumaling kay Naia at nagwika. “Ang kapalaran ko’y naging maganda sa tulong mo, o mapagpalang Diwata na tinuturing ko na ring Ina. Salamat po.” malugod pang sabi ni Hirang at tila naglalambing na idinikit ang pisngi sa kamay ng kausap.
Sa paglabas nila sa templong kristal ay nanatili lamang na nakamasid si Soraia kay Donaio. Manaka-naka’y bumabaling siya kay Hirang. alam niyang higit na maganda sa kanya ang katutubong Mora. Subalit hindi mahalaga ang gayong kaanyuan. Kapangyarihan ang gagamitin niya upang masarili si Donaio. Papatayin niya ang sino mang hahadlang pagkat nasa puso na niya ngayon ang ugaling Burukantada. Gayon man, bigo siya sa hangaring makatakas matapos kunin ang kapangyarihan niyang baston na kung saan ay alam din niya kung saan nakatago. Ang dahilan, mahigpit ang pagbabantay sa kanya ng mga lambana. Galit siya sa mga iyon at binantaang lulusawin kapag nagkaroon ng pagkakataon.
Malungkot ang naging hantungan nang makasakay sa karuwaheng ginto ang mga dugong bughaw. Mabigat sa kanilang kalooban ang sandali ng paghihiwalay, lalo na kay Naia.
“Huwag mong kalilimutan ang mga kabutihang itinuro ko sa’yo, lalo na sa paggamit ng mahiwagang tungkod.” nalulumbay na wika ni Naia sa anak-anakan.
“Hindi-hindi aking Inang Diwata.” pangako ni Donaio habang nakasungaw sa durungawan ng karuwahe.
“Nawa’y hindi na maulit ang kapighatiang dinanas ninyo sa loob ng dalawampung taon.” sabi naman ni Reyna Aia kasabay ang pagkaway sa mga dugong bughaw.
“Salamat, butihing Reyna Aia.” sagot ni Cordova. “Magkaroon sana ng biglang dahilan upang kayo’y makarating sa araw ng kasal nina Don Donaio at Dona Hirang.”
Tumawa lang si Aia at pilit na nakipagsilipan kay Arminya habang papataas ang karuwaheng lumilipad. Gusto rin nilang makita nang harapan ang kasalan ngunit sa kanilang katayuan, ang isang Mahikantada ay hindi dumadalo sa kasayahan at baka maging sanhi pa upang sila ay pangilagan o katakutan ng mga tao.
Laganap na ang dilim nang sapitin ng karuwaheng ginto ang tanging maalab na liwanag na nagmumula sa kastilyong hugis moski. Lumabas sa karuwahe ang mga dugong bughaw at nakangiting tinanaw ang mga mamamayan ng Haranggani. Nangakayuko sa pagpugay.
Ang mga kawal-Mauritanya naman ay mistulang matitigas ang katawan sa pagkilos. Mabibilis at palipat-lipat sa kamay ang kanilang baril habang nakahilera sa daraanan ng mga dugong bughaw at bawat matapatan, tumitikas ang tindig.
Si Heneral Ogbinar ang unang lumapit sa mga makapangyarihang nilalang nang maglaho sa tingin ang karuwaheng ginto. Nag-ulat matapos magbigay-galang sa paraang tulad ng isang tunay kawal-Mauritanya. “Walang pinagbago ang bilang ng ating kawal. Malulusog, maging ang kaisipan at handang tumalima sa ano mang ipag-uutos.”
“Magaling!” sagot ni Cordova. “Nasaan si Haring Gustavo at ang dating Rahana Salina?” dugtong pang tanong.
“Si Haring Gustavo ay kasabay ninyong lumisan. Nagbalik siya sa kanyang kaharian ng Portagesa upang sunduin ang kanyang Reyna sa layuning dadalo sa natatanging kasalan sa Mauritanya. Ayon sa napag-alaman kong balita sa ibaba, dumating na sila at paakyat na rito. Tungkol naman sa dating Rahana Salina. Patay na siya, dakilang Radam.”
“Ano?! Bakit?” gulat na tanong ni Cordova at kasunod niyang nanggilalas ang iba pang kasama, lalo na si Hirang.
“Nang malaman niya sa lupon ng matatanda ang hatol na hindi na siya maaaring umupong Rahana ng Haranggani at sa kahihiyang dinanas, nagsaksak siya sa sarili.” sagot ni Ogbinar.
Saglit ding nagmuni-muni si Cordova at iyon ay sinamantala ni Hirang.
“Nasaan ang bangkay ng aking tiyahin?” lumuluhang tanong ni Hirang. masigasig sa hangaring kung ano ang kanyang gagawin.
“O, mutyang Dona Hirang. Nasa kandili siya ng dalawa niyang anak. Dadalhin daw sa Borgandi na kung saan ay doon susunugin.” muling sagot ni Ogbinar.
Napahikbi si Hirang bago nakapagsalitang muli. “Ang kawawang kapatid ng aking Ina. Hindi man lang kita nakita sa huling sandali ng iyong paghihirap.”
Agad namang lumapit si Donaio upang suyuin at kalamayin ang loob ng kanyang asawa. Niyakap-yakap at pinahiran ang luha sa pamamagitan ng kamay, ng labi at nagsabi pang walang kapangyarihan ang kanyang tungkod sa ganoong pagkakataon.
Umalo rin ang mag-asawang Cordova at Arminya. Pinaliwanagan sa magagandang pakiusap at pakikiramay.
Isinuko ni Hirang ang namimighating damdamin. Tinanggap ang pagpanaw ni Salina at idinalangin na lamang ang katiwasayan ng kanyang tiyahin sa kabilang buhay. Ang mahalaga, tapos na ang nakalipas na pangyayari at ang haharapin niya ngayon ay batbat naman ng kaligayahan sa piling ni Donaio.
Nabigla man ay dagli ring napayapa ang kalooban nina Gustavo at Onova sa pagpapatiwakal ni Salina. Saglit din silang nagbigay ng huling panalangin, bago isinawalat ang talagang layunin.
“Ako ang maghahandog ng piging sa araw ng bukas. Dala ko ang mga kakataying hayop at iba pang kailangan sa pagdiriwang,“ sabi ni Gustavo sa harap ng mga mamamayan. Ibig niyang maging masaya ang muli nilang pagkikita ni Cordova.
Ang naturang handaan ay hindi naman suliranin sa pagkakataong iyon dahil ang lahat ay matutupad sa pamamagitan ni Donaio at ng mahiwagang tungkod. Ngunit higit daw na nakakasiyang masdan ang pagkaing niluluto at pinagpaguran kaysa bigla na lang lilitaw sa iyong harapan. Ang tanging hiniling na lang ni Donaio ay mailigpit ang mga bangkay ng digmaan at ibalik sa pook na pinanggalingan upang kusang mailibing sa tiyan ng lupa.
Si Reyna Onova naman ng mga sandaling iyon ay kumakaway bilang pagbati sa mga mamamayan ng Haranggani. Matanda na at puti na rin ang buhok. Nakatawa dahil sa pangyayaring ang asawa niyang Hari ay biglang naging marangya sa pagbibigay ng piging o paghahanda sa isang pagdiriwang pagkat dati, pagtitipid lamang ang nalalaman.
Pagkaraan pa ng mga sandali, pumasok sa bulwagan ang mag-asawang maharlika ng Portagesa. Agad silang nagpugay sa paanan ng trono na kinauupuan nina Cordova at Arminya. Nakatungo ang kanilang ulo at nakapikit ang kanilang mga mata. Sabay namang tumindig ang mag-asawang dugong bughaw at inalalayan sa balikat ang mag-asawang dugong berde. Nagdaop ang mga palad at nagpalitan ng batiang may kimkim na tuwa.
“Sa tanang buhay ko.” ani Onova. “Ito na ang pinakadakilang araw pagkat nakaharap ko ang sakdal kabunyiang Mahalya ng Mauritanya.”
“Ngayon lang nga tayo nagkaharap, Reyna Onova. Hindi ako makalabas ng kaharian. Nangangamba ang aking Radam sa panganib na banta ni Soraia.” sabi naman ni Arminya at inaya si Onova sa bagong karagdagang luklukang trono sa tabi ng kanyang kinauupuan.
Naging masaya ang pag-uusap ng mga maharlika at napagkasunduang tuloy ang piging sa kinabukasan. Ang gagawing pagdiriwang ay handog ni Gustavo kay Cordova sa dahilang walang pagkakataon pagkat hindi magdaraan sa Portagesa ang taga Mauritanya sa kanilang pag-uwi at ang sadyang malawak na lansangan ang tutuntunin.
Bago lumalim ang gabi, napagkasunduan ng mga mag-asawa ang pagtulog upang makapagpahinga at maging magaan sa kanila ang araw ng bukas. May kanya-kanya silang silid-pandangal at tanging si Hirang lamang ang pumili sa dati niyang silid-tulugan.
“Huwag mong sabihing sa lapag ka pa rin matutulog, aking Don Donaio?” natatawang sabi ni Dona Hirang habang nakaupo sa malambot na himlayan.
“Nalilito ako, aking Hirang. hindi ko alam ang aking gagawin.” ani Donaio at tila nagmistulang nalarawan sa kanya ang isang batang walang karanasan sa larangan ng pagsinta. Nakaupo siya sa lapag at kung hindi aawatin, doon pa rin matutulog.
Bahagyang narinig ang tawa ni Hirang. Naisip niyang wala nga palang nakakaugnayang babae si Donaio kundi siya lamang at magkahiwalay pa ang kanilang himlayan sa kubo ng pastulan. Tumayo siya at lumapit sa asawang nag-aalinlangan pagkat alam niyang lumaki iyon sa kaharian ng Mahikalandia. “Hindi ako papayag na ang dugong bughaw ay sa lapag lamang matutulog.” sabi pa niya at hinila sa kamay ang asawang iniirog.
Nagpatianod lang si Donaio at sumunod sa hila ni Hirang. dalawang kamay niyang hinawakan sa baywang at masuyong hinaplos ng tingin ang magandang mukha ng kanyang asawa.
“kung wala kang alam,” sabi ni Hirang. “hindi kita pipiliting gumanap sa iyong tungkulin.” dugtong pang nakangiti at saka hinaplos ng kanyang daliri ang makisig na mukha ni Donaio.
Parang naalimpungatan ang anak ng Radam. Naalala niya ang ginagawa ng mga magsing-irog na kalapati sa loob ng Mahikalandia. Nagkikiskisan ng tuka at sa bahaging iyon nababakas ang pagsinta. Naisip din niyang makinis na ang kanyang mukha at mga labi. Maaari na niyang idantay sa kinauukulan.
Napapikit si Hirang nang maramdaman ang labi ni Donaio sa kanyang pisngi. Napayakap siya sa kanyang asawa at hinintay ang gumagapang na labi patungo sa kanyang bibig. At nang mag-abot, napadilat ang dating Dayang.
Ginaya ni Donaio ang ginagawa ng ibon. Pabaling baling na ikiniskis ang kanyang labi sa bibig ni Hirang. nakakaramdam siya ng ligaya tuwing magdidikit ang kanilang bibig. Gusto niyang lumagi sa labi ng kanyang asawa, subalit nangangamba siyang baka iyon ay mali at kailangang sundin niya ang ginagawa ng ibon.
Si Dona Hirang ang hindi nakatiis. Ayaw niya ang kiskisan lamang ng labi. Hinapit niya sa batok si Donaio at pinigilang huwag magbaklas ang kanilang mga labi.
Doon na naging ganap ang pagkalalaki ni Donaio. Matagal na naghinang ang kanilang mga labi at marahil, sapat na iyon para sa kanyang kaligayahan. Nakatulog silang magkatabi sa himlayan. Magkayakap at labi lamang ang manaka-nakang nag-uugnayan.
Kinabukasan, sumusungaw pa lamang ang araw ay masigla na ang mamamayan ng Haranggani sa itinakdang pagdiriwang. Hindi na nila naging suliranin ang pagliligpit sa bangkay ng mga Ulikba at mga kawal kapatagan. Ang alam nila, naghambalang sa loob at labas ng kastilyo ang masaganang pagkain sa hapagan. Lahat ay inaanyayahang dumulog sa kainan, maging iyon man ay mababa ang kaanyuan.
Lumaganap ang kasayahan nang halos sabay-sabay na magising ang mga maharlikang panauhin ng Haranggani. Lumabas sila sa kastilyo at nagtuloy sa liwasang bayan na kung saan ay naroroon ang maluwang na arena. Iyon ay nagagayakan ng dahong anahaw at mga bulaklak na galing pa sa kabundukan.
Ang marangyang hapagan sa entablado ay punung-puno ng pang-agahang pagkain. Doon kumain ang mga maharlika, kabilang sina Ogbinar, Sotelo at Versoza habang pinapanood ang mga kabataang Moro at Mora sa ginagawa nilang katutubong sayaw. Maraming bagay ang ipinamalas sa umagang iyon. mga palatuntunang ipinagpaparangalan upang malibang ang mga dugong bughaw at berde. Iba’t ibang sayaw, awit at tugtugin sa pamamagitan ng maliliit at katamtamang laki ng gong.
Madalas namang nagtatawanan ang mag-asawang Donaio at Hirang. parang nababakas pa nila ang nakalipas na subukan sa arenang iyon. ang tangkang pakikipagbuno ni Donaio sa mga maharlikang kalaban na nakikipag-agawan sa dating Dayang Hirang. natatawa sila kapag naalala ang pag-iwas ng mga kalaban kay Donaio dahil sa taglay na bukol. Nanalo siya sa labanan na ang sanhi ay ang pandidiri ng kalaban.
Ang pagdiriwang ay totoong nakakalibang hanggang sa magdaan ang maghapon at dumating ang sandali ng pamamaalam. Nagbalik sa kastilyo ang karuwahe ng mga maharlikang panauhin. Inabutan nila roon ang iba pang kawal-Mauritanya at kawal-Portagesa sa masayang pagsasalo sa hapag-kainan.
Ang lupon naman ng mga matatanda ay naghihintay sa magiging kapasiyahan ni Dona Hirang kung sino ang mamumuno sa bayan ng Haranggani kung siya ay wala.
“Hinihirang kong maging Raha si Hagibis. Ang pinunong magiting. Dakila kung magmahal sa bayan at sa mamamayan.” makapangyarihang gawad ni Hirang kay Hagibis sa harap ng mga pamunuan at lupon ng matatanda.
Sumigabo ang palakpakan sa pahayag ni Hirang. Maligaya ang mga mamamayan pagkat batid nilang si Hagibis ang talagang nararapat sa tungkulin. Natitiyak din nilang magiging maunlad ang bayan, lalo na ngayong nasa ibang kaharian na ang dalawang mapanghamak na Dayang. Sina Giliw at Sinta.
“Pansamantala.“ patlang ni Hirang. “Ang lupon ng ilang matatandang hindi na makayanan ang malayong paglalakbay ay silang mamamahala rito, pagkat isasama ko sa Mauritanya si Hagibis upang masaksihan niya ang araw ng aking kasal at matanim sa isipan ng lahing Moro ang kinasapitan kong kapalaran. Ang lahat ay aking inaanyayahan.” dugtong pa sa hangaring maihatid siya ng mga kababayan.
Sa tagpong nag-aagaw ang dilim at liwanag ng lisanin ng mga taga Mauritanya ang bayan ng Haranggani. Dalawang karuwahe ang makikitang pinalilibutan ng mga kawal. Ang una ay kay Cordova. Ang pangalawa ay kay Gustavo. ang Hari at Reyna ng Portagesa ang napili ni Cordova upang maging pangunahing saksi sa kasal nina Donaio at Hirang.
Magdamag ang paglalakbay. Tulog ang mga nasa karuwahe at gising naman ang pinaghalong kawal-Mauritanya, Portagesa at ilang kawal ng Haranggani.
Ngayon ay isang libo na lang ang bilang ng mga alalay ni Gustavo pagkat naiwan na sa Portagesa ang malaking bilang ng kanyang kawal. Iba na rin ang kanilang kasootan at sadyang ibinagay sa dadaluhang kasalan. Marami na ring bayan ang kanilang naraanan. Bawat isa ay nag-aalay ng tanglaw sa daraanan ni Cordova. Nagsisindi sila ng sulo upang lumiwanag ang landasin ng mga dugong bughaw. Kung kaya naman, sa gayong pangyayari, marubdob silang inanyayahan ni Cordova sa nalalapit na kasalang labis nilang ikinagulat nang makita si Donaio.
Sa muling pagsikat ng araw ay makikitang patuloy pa rin ang paglalakbay ng mga maharlika. Kapansin-pansin sa lansangan ang humabang hanay ng mga karuwahe. Iyon ang sinsakyan ng mga matitikas na Hari ng bawat bayan na maraanan ni Cordova. Nasa hulihan sila at libu-libo ring kawal ang sa kanila’y nangangalaga.
Si Donaio at Hirang ang namahala sa pamamahagi ng pagkaing nagmumula sa mahiwagang tungkod. Totoong napakasarap at hindi pagsasawaan, sa ganoong pagkakataon, isa ma’y walang nag-usisa kung saan galing ang napakaraming pagkain. Ang alam nila, galing si Donaio sa kaharian ng Mahikalandia. Sadyang hiwaga at di na nila inalintana ang bagay na iyon, lalo na sa pangyayaring walang hindi nabusog sa mga nakasupot na pagkain.
Maligamgam ang sikat ng araw nang marating nila ang huling bayan na kung saan ay bago marating ang Mauritanya. Iyon ang kahariang Curcuerra ni Haring Hugo. Malayo pa ay natatanaw na nila ang maraming tao sa lansangan.
Ganap nga ang kasabikan ng mga taga Curcuerra sa balitang kukunin ni Cordova ang anak niyang si Donaio sa kaharian ng Mahikalandia. Naghihintay at nag-aabang ang mga mamamayan upang malaman kung nagtagumpay ang Mauritanya sa kanilang layunin.
Sa pangunguna ni Haring Hugo at Reyna Aguerra, lumabas sila sa palasyo upang sumalubong. Naroon din ang anak nilang si Prinsesa Agata at ang manugang na si Prinsipe Dalandanan. Masigla ang kanilang kilos habang tinatanaw ang papalapit na karuwahe ng mga dugong bughaw. Sa kanilang paningin, nagtagumpay si Cordova sa kanyang layunin, pagkat higit na mataas na hilera ng mga bandila ang tagdan ng kulay luntiang watawat na siyang sumasagisag kapag nakamit ang nilalayon. Alam nilang kasama si Donaio sa mga dumarating pagkat masigla rin ang tunog ng trumpeta.
Si Prinsesa Agata ay natutuwang makita ang sinasabing anak ni Cordova. Natitiyak niyang makisig si Donaio at mapalad ang babaing makakaisang dibdib ng tinaguriang anak ng Mauritanya. Ang tanging tagapagmana ng setro at korona. Ngayon ay tila ba binabagabag siya ng isang pagsisisi. Sa ganoong pagkakataon, nagbalik sa kanyang gunita ang nakalipas niyang pagdadalaga. Noon pa ay lagi siyang pinapaalalahanan ng kanyang Amang Hari at Inang Reyna upang maghintay at antabayanan ang pagdating ni Don Donaio. Gusto nilang maparam ang malabughaw nilang dugo at mapalitan ng purong dugong bughaw kapag napaibig ni Agata si Donaio. Ngunit sinuway ng Prinsesa ang pangarap ng kanyang mga magulang. Humanga siya sa inaakala niyang kakisigan ni Prinsipe Dalandanan pagkat hindi niya tiyak kung makakabalik pa si Donaio sa Mauritanya.
Si Prinsipe Dalandanan ay naghahanda naman ng isang magandang pagsalubong sa nasabing tagapagmana. Kailangang ibigay niya ang buong gilas na pangangayupapa upang maging kaibigan niya ang Prinsipe ng mga Prinsipe.
Ilang sandali pa’y naghanay na sa lansangan ang mga karuwaheng galing sa iba’t ibang bayan. Nangunguna ang sasakyan ng mga dugong bughaw at humimpil sa harapan ng palasyo.
Mula sa tore ay muling nagbagsakan ang mababangong bulaklak. Parang ulan na pumatak sa gilid ng lansangan, kasabay ang masayang pagtunog ng trumpetang mula sa itaas ng palasyo.
Bumaba sa karuwahe si Cordova at masiglang tumindig na animo’y sintikas ng nagwaging kabalyero sa torneo. Nagmamalaki pagkat tagumpay ang kanyang layunin.
Agad namang nagpugay ang mga maharlika ng Curcuerra, maging ang mga kawal ni Hugo na nakahanay sa magkabilang gilid ng lansangan ay naging matikas ang tindig sa paggalang.
Sa pangunguna ni Hugo, nahayag ang isang pangungusap. “Di man magsalita ang dakilang Radam, alam naming kasama ninyo ang pinakamapalad na anak ng Mauritanya.”
“Tumpak ang tinuran mo, Haring Hugo. Nasa loob siya ng karuwahe!” masiglang sagot ni Cordova at anyong tatawagin ang sinasabing mapalad na tagapagmana ng korona.
Noon nama’y nakasilip sa awang ng kurtina sina Donaio at Hirang. Nakita nila at nakilala ang mga taong nanghamak sa kanila noong sila’y nasa hardin at kuwadra ng kastilyong Moski. Masasakit ang mga salitang ikinapit sa kanilang pagkatao.
“Aking anak na Don Donaio.” tinig ni Cordova. “Buksan ang kurtina upang ikaw ay kanilang makita.” dugtong pang nangunguna sa paghawi ng tabing sa kagustuhang ipagmalaki ang kanyang anak sa mga taga Curcuerra.
“O! Kay kisig na dugong bughaw!” naunang bigkas ni Prinsesa Agata at muling nagpugay sa maharlikang nakapanungaw.
Agad namang nagpakitang gilas si Prinsipe Dalandanan. Matigas at matatag ang katawan sa bawat pagkilos. Ibinali ang isang tuhod at paluhod na nagpugay kasabay ang malakas na salita. “Magiting na Prinsipe ng mga Prinsipe! Ituring mo sana akong tapat mong katoto.”
“Ang lahat ng gustong makipagkaibigan sa akin ay maluwag kong tinatanggap. Tumindig ka, Prinsipe Dalandanan.” sabi ni Donaio kasabay ang pagbaba sa karuwahe. Magilas ang tindig at larawan ng kakisigan.
Muling napabuntung-hininga si Agata at hindi napigilan ang sarili sa paghanga. Hinawakan niya ang kamay ni Donaio at idinikit sa kanyang pisngi, matapos haplusin ng halik.
Napamaang si Dona Hirang nang makitang hinagkan ni Prinsesa Agata ang kamay ni Don Donaio. Bahagyang nanlisik ang malamlam niyang mga mata, tanda ng paninibugho. Gusto niyang bumaba ng karuwahe, ngunit siya’y nagpigil.
Nang sandaling iyon, nangangarap si Agata. Kung dalaga lang siya, pipilitin niyang angkinin ang anak ng Radam upang maging asawa, ngunit iyon ay malabong mangyari, at ngayon lang niya napagtantong hindi makisig ang kanyang Prinsipe. Ayaw na niya at gustong ipalit si Donaio upang kainggitan ng balana.
Lihim namang napangiti si Arminya sa kilos ni Hirang. Tumindig siya at inayang bumaba sila ng kanyang manugang at ipakita tuloy sa harapang iyon.
Muling naganap ang pugayan ng mga taga Curcuerra nang matambad sa kanilang paningin si Arminya. Nasa likuran niya si Hirang at nakukublihan.
“Hanggang sa huling liwanag ng araw ay may dulot pa ring biyaya sa pagdating ng mabunying Mahalya Arminya.” bigay puri ni Reyna Aguerra matapos umunat sa pagkakayuko.
Hindi nagsalita si Arminya. Ngumiti lamang at sinadyang humakbang na paiwas upang mahantad si Hirang. Nasa anyo niya ang pagpaparangalan sa pagkakaroon ng manugang na ang ganda at kabaitan ay pambihira. Kung alam lang niya at kung nagsumbong lang si Hirang na ang mga iyon ang lumait kay Donaio at sa kanyang manugang.
“Aba!” gulat na sabi ni Agata. “Bakit naririto sa aming kaharian ang asawa ng hamak na pastol?” dugtong pa niyang nanlilisik ang mga mata nang makita si Hirang.
“Marahil, ngayon ka lang nagising!” sabi naman ni Dalandanan sa paglinga. “Iniwan mo na ba ang pangit mong asawa?” kasunod pang tanong habang naghahanap sa paligid.
Nagulantang si Cordova. Kumunot ang noo. Namula ang mukha ngunit hindi nagsalita. Nais niyang lumawak pa ang usapan bago siya manalasa.
Ganoon din si Arminya. Parang nakita rin niya ang nakaraang pangyayari. Nakiramdam na lamang at ang pansin ay nasa kanyang manugang na sadyang hindi umimik at wari’y hinihintay lamang ang karagdagang panahon o pagkakataon upang silang mga magulang na dugong bughaw ang magsimulang magsalita.
“Ang natitiyak ko!” sabi uli ni Agata. “Iniwan niya ang kanyang asawa upang sumama at mamasukan sa mga dugong bughaw. Sa gayon nga naman, malalapit siya sa magiting na Don Donaio at madaling makapang-akit.”
“Malayong mangyari ang sinasabi mo, aking Prinsesa.” Wika ni Dalandanan. “Ang magiting na Don ay mataas at hindi nababagay sa mababang kalagayan.” dugtong pa niya.
Hindi man nagsalita ang Hari at Reyna ng Curcuerra, halata naman sa kilos at ngiti ang pag-uyam sa babaing nakatapak sa kanilang kaharian. Naiinis pagkat sa katotohanan, alam nilang nasapawan sa ganda ang inaakala nilang pinakamagandang anak ng Curcuerra. Si Agata.
Hindi na nakatiis si Cordova. Siya ang unang sumalag. “Ang babaing sinasabi ninyong mababa ay isa na ngayong Rahana ng Haranggani dahil sa pagkamatay ni Salina.”
Nabigla si Hugo at nagwika sa mahinang tinig. “Bakit namatay? Paano na ang aming palitan ng kabayo at baka?”
Iba naman ang nasa isip ng ibang nakarinig, lalo na si Agata. “Kahit siya ang Rahana ng Haranggani, dugong berde pa rin ang kanyang kalagayan.”
“Kung gayon,” sabad ni Dalandanan. “lalong naging alangan ang asawa niyang pastol.” dugtong pang nakatawa.
“Hindi pastol ang kanyang asawa!” sapilitang bulas ni Arminya. “At hindi lang siya dugong berde. Kundi isa na ngayong dugong bughaw. Lalong hindi na niya kailangang akitin pa ang aming Don Donaio pagkat sila ay mag-asawa na!” nagdudumiin pang dugtong ng Mahalya. Nanlilisik ang mga mata.
Parang natulig ang mga taga Curcuerra sa kanilang narinig. Si Hugo ang nagtanong. “Paanong nangyari ang aming narinig?”
Si Cordova ang sumagot. “Sa kagagawan ni Soraia. Pinapangit ang aming anak. At bago dumating ang takdang pagbabalik sa tunay niyang anyo, tumakas siya at ginawa namang pastol ni Salina. Sa ganoong pagkakataon, ang habag ng babaing sinasabi ninyong dugong berde lamang ay nahalinhinan ng tunay na pag-ibig. Naging mag-asawa sila sa napakahiwagang dahilan. Siya ngayon ay si Dona Hirang. Ang aming manugang.”
Sa paliwanag na iyon, biglang natulala si Hugo at marahang bumaling kay Hirang. gustong takpan ang isang malaking kahihiyan. “Kung gayon,” sabi niya. “tuloy ang usapan namin ni Rahana Salina. Ipadadala ko na ang mga kabayo, kapalit ng inyong matataba at malalaking baka.”
“Huwag na lang po, Mahal na Hari.” Umiiling na sabi ni Hirang. “Hindi na po namin kailangan ang maraming kabayo at kakaunti na rin po ang aming baka.”
Hindi nakatiis na di sumabad ni Cordova. “Ang isang dugong bughaw ay hindi namumupo sa ganitong pagkakataon. Higit na mataas ang uri ng iyong dugo kaysa sa kanila!” dumiin at tumatag ang tinig ni Radam pagkat hindi niya nagustuhan ang pananalita ng mga taga roon.
Dagling nagbago ang himig ng pananalita ni Hugo. Bumaling siya kay Cordova at nagwika. “Paumanhin po o dakilang Radam ng kapuluan kung ang naging tingin naming kay Dona Hirang ay dugong berde lamang.”
Agad namang lumapit si Donaio kay Hirang. masuyong inakbayan. Ipinaghantaran ang tunay niyang pag-ibig sa babaing Mora. Hinagkan niya sa pisngi at saka niyakap.
Patuloy na nanlalaki ang mga mata ni Agata sa pagkakatitig kay Hirang. Nagimbal siya sa napagtantong pangyayari at kataasan ng kanyang hinahamak. Hindi siya makapagsalita at tila namamalikmatang nakatunganga.
Nakatitig din si Hirang kay Agata. Hindi nagsasalita at may talim lamang ang mga mata. May ibig sabihin. Nanunumbat at parang ipinauunawa ang nasa kanyang kalooban.
Tinanggap ni Agata ang ibig sabihin ni Hirang. Naalala ang mga panlalait na ginawa niya noon sa babaing Mora. At ngayon, sa muli nilang pagkikita ay naroroon ang tanong. Sino ang higit sa kanila ang mababa ang pagkatao at ang pinagmamalaking makisig ang kanyang asawa. Mga alaalang nagpatulo ng kanyang luha. Yumukod siya at nangayupapa sa paanan ng isang Dona.
Nakatulala rin si Dalandanan habang nakatitig kay Donaio. Hindi rin nagsalita o nanumbat sa kanya, ngunit wari’y nabasa rin niya ang ibig sabihin ng kanyang pinagkasalahan. Ipinaaalala ang paratang niyang si Donaio ay dugong burak lamang at hindi nababagay sa isang Dayang. Sa bahaging iyon, nanlambot ang kanyang mga tuhod at nagpugay na nakaluhod ang dalawang paa. Nagsisisi.
Si Reyna Aguerra ay hindi rin maitaas ang baba. Laging nakatungo at hindi maisulyap ang mga mata sa dalawang pinagkasalahan din niya. Nangangambang baka bigla siyang sigawan ng Mahalya at tuloy mapalundag sa takot.
Ang mga pangyayaring nakita ni Cordova ay nakapagpalubag sa kanyang kalooban. Binago ang pananalita at bumaba ang tinig. “Sa susunod na pagsikat ng araw at bago lumubog, muling ikakasal sa simbahan ng Mauritanya sina Don Donaio at Dona Hirang. Inaanyayahan ko kayong lahat na dumalo tulad ng mga maharlikang nasa gawing likuran ang kanilang karuwahe.”
Sa pagkakataong iyon, makikitang nagsibaba sa karuwahe ang mga Haring nasa hulihan sa pangunguna ni Gustavo. parang nauunawaan nila ang pagkakasalang nagawa ng kahariang Curcuerra sa dalawang ikakasal.
“Sumainyo ang maganda at papalapit na paglubog ng araw, Haring Hugo at Reyna aguerra.” bungad ni Haring Gustavo kasunod ang mga haring nasa likuran niya, ngunit silang lahat ay hindi nagyuko ng ulo at pagluhod dahil si Cordova lang ang kinikilalang Hari ng mga Hari.
Tumangu-tango lang si Hugo kasabay ang anyong pagngiti na di lang malaman kung nakangisi dahil sa kapal ng kanyang balbas-sarado. Ang katiyakan lang ay ang lihim niyang paghihimagsik. Nagngingitngit ang kanyang kalooban sa dahilang minsan man, walang Hari ang yumukod sa kanyang pagiging dugong malabughaw. Halos isumpa niya ang pangyayaring iyon. Gusto niyang matawag na isang dakilang Radam. Kinaiingitan niya si Cordova.
Mga sandali ring iyon, makikitang nakakulumpon sa harapan ng palasyo ang libu-libong kawal mula sa iba’t ibang kaharian. Sila ang mga alalay ng bawat isang Hari. Handang ipagtanggol ang itinuturing nilang panginoon.
Malakas na napatikhim si Cordova. Parang hinihintay ang kasagutan sa kanyang anyaya.
Parang bigla ang alimpungat ni Hugo. Nakatawang bumaling kay Cordova kalakip ang pagngisi, bagamat ang inanyong iyon ay hindi rin mahalata dahil sa makapal niyang bigote at balbas bago siya nagwika. “Ikinararangal namin ang mapabilang sa mararangal na panauhin ng Mauritanya. Makakaasa kayo, dakilang Radam.”
“Kung gayon,” ani Cordova. “Sumunod na lang kayo sa amin.”
“Masusunod ang dakilang Radam, pagkatapos naming maihanda ang isang pambihirang alaala sa mga ikakasal.” sagot ni Hugo na may angking kasamaan ang nasa isip at sinadyang kinalimutang mag-anyaya sa loob ng kanyang palasyo.
Tumango lang si Cordova kasunod ang aya sa kanyang mga kasama upang sumakay sa mga karuwahe.
Muling nagpatuloy ang paglalakbay ng mga maharlikang nilalang ng bawat kaharian. Pitong Hari at Reyna ang nakalulan sa mga nasa hulihang karuwahe. Bawat Hari ay may alalay na isang libong kawal.
Samantala, naiwang nakangisi si Hugo. Lumitaw ang tunay niyang pagkatao habang kausap si Albarado. Ang pinakamataas na Heneral ng Curcuerra. Nasa tore sila ng palasyo at tinatanaw ang papalayong pulutong na patungo sa Mauritanya. “Mapalad pa rin ang palalong si Cordova. Nakaligtas siya sa kamatayan dahil sa mga Haring kasama niya!” sabi pa niyang nandidilat ang mga mata sa pagtawa.
“Tama ang sinabi mo, kamahalan.” sagot ni Albarado. “Masisira tayo sa paningin ng ibang kaharian.” dugtong pa ng taong mabalasik ang mukha at mahaba ang baba.
Patuloy ang pagngisi ni Hugo. Ngunit ang totoo, nang sandaling iyon, takot din siyang magkaroon ng digmaan dahil sa dami ng mga dayuhang kawal na nasa kanyang pananaw. Maubos man ang mga iyon, natitiyak niyang marami rin sa kanila ang mamamatay. Umayon na lang siya sa sinabi kanina ni Albarado. “Ganoon nga ang mangyayari. Magagalit sa atin ang ibang kaharian. Pero, isang pagkakamali ang ginawang pag-anyaya sa atin ni Cordova. Titiktikan natin at aalamanin kung ano ang puwersang mayroon siya? Kung ano’ng uri ng sandata ang hawak nila at kung ano ang bisa?” sabi pa niya.
“Kung sa mata lang susuriin.” sabi ni Albarado. “Ang hawak nilang sandata ay isang panumbok, pamalo at panusok, pagkat may bayoneta sa dulo. Ang ipinagtataka ko. Bakit wala silang dalang pana?” tanong pa ng Heneral.
“Magdala man sila.” ani Hugo, “Daig pa rin natin pagkat ang pana natin ay hindi lang isa ang naikakasang palaso, kundi apat. Humanda siya. Matagal ko nang pangarap ang maagaw sa kanya ang pagka-Radam. Ako ang karapat-dapat dahil mas malaki ang bayan ng Curcuerra kaysa Mauritanya.” dugtong pang humahalakhak habang paikot-ikot sa hapagang bilog na may alak.
“Siyang tunay kamahalan.” ayon ni Albarado. “Ikaw talaga ang nararapat sa taguriang Radam.”
“Pero, higit na mayaman ang Mauritanya. Marami silang minahan ng ginto at diyamante. Saka higit silang bihasa sa digmaan.” Alinlangang sabi ni Hugo na tila nangangapa sa dilim kung talagang mapapasok nila ang liwanag.
“Maaaring ganoon nga kamahalan, ngunit natitiyak ko, kaya nating lupigin ang kahariang iyon. Higit na mabisa ang ating sandata. Mas malaki at maraming palaso ang iigkas sa isang binitan lamang.” udyok pa ni Albarado.
Lumakas ang halakhak ni Hugo. Naniwala siya sa mga salita ni Albarado. Dahil doon, isang mabilis na kapasiyahan ang kanyang ginawa.
Samantala. Mula sa labas ng palasyo, hanggang sa bago manaig ang dilim. Narating ng mga dugong bughaw ang napakagandang kaharian ng Mauritanya. Sa malayo pa lang ay matatanaw na ang nagtatayugang tore ng palasyo na animo’y umabot sa mausok na ulap ng kalangitan. Ang matataas na pader, bilang bakod at doon nakahilera ang maraming kanyon sa bawat bitak ng bato.
Maraming mamamayan ang sumalubong sa mga bagong dating. Nagbubunyi at nagpalakpakan. Hindi sila yumukod. Sapat na ang sila’y natutuwa o nagsasaboy ng bulaklak sa pagdating ng kanilang Radam at Mahalya. Sabik silang makita si Don Donaio.
Nanungaw naman sa karuwahe ang anak ng Mauritanya. Ang dugong bughaw na matagal ding napasaibang kaharian. Kumaway siya at ngumiti. Nasasabik na makita ang kanyang mga kababayan.
Nagsigawan sa galak ang balanang naroroon. Hindi nasayang ang kanilang paghihintay. Nakita nila ang pinakamakisig na nilalang sa kapuluan. Si Don Donaio na hindi rin nila niyukuran.
Iyon ang talagang gusto ni Cordova. Ang kanyang mga mamamayan ay itinuturing din niyang mataas ang uri. Hindi tinutulutang yumukod na parang alipin, kaya siya minahal nang ganoon na lamang.
Habang papalapit sa palasyo ang nangungunang pangkat ni Ogbinar. Agad na nag-utos upang hipan ang kanilang trumpeta bilang hudyat ng kanilang pagdating.
Dahil doon, naging kabi-kabila ang tunog ng mga trumpeta. Gumanti ng pagbati ang mga nasa palasyo. Masigla at maindayog ang himig, kasunod ang pagpapaulan ng bulaklak mula sa itaas ng mga tore nang makalapit ang mga bagong dating.
Sa pagpasok pa lang ng mga maharlikang Hari sa loob ng kaharian, agad silang napatulala at nabadha sa mukha ang labis na paghanga sa nakitang kaunlaran ng Mauritanya.
Ang maraming kawal sa loob ng bakuran ay nagbigay pugay sa mga dugong bughaw. Ang maganda nilang pagkakahanay at paglakad nang sabay-sabay ay nagdulot ng kasiyahan sa paningin ng mga dayuhan. Ang bawat hakbang nila ay naaayon sa bawat utos ng isang nakakataas ang tungkulin. Malakas ang boses at sadyang pinagdidiinan ang pag-uutos kung saan babaling o susulong. Ang paghawak naman ng kanilang baril ay may tunog kapag nililipat-lipat sa kamay at ang pagsayad ng puluhan sa patag na tuntungan ay marahan lamang kasabay ang matikas na pagtindig.
Pumasok sa napakalaking palasyo ang mga maharlikang galing pa sa magkakalayong kaharian. Doon ay lalo sila namangha. Ang bawat kasangkapan sa paligid ay pawang nalahiran ng ginto. Kumikinang at nagbibigay ng kakaibang kagandahan na higit pa sa alin mang kaharian. Kulang na lang ang sabihing ginto ang buong palasyo.
Ang bawat libong alalay ng mga Hari ay naiwan sa pinakapuyo ng liwanag na kung saan ay naroroon ang pahingahan ng mga kawal. Sagana sila sa pagkain at ano mang kailangan sa pagtulog.
Marangya rin ang hapagan ng mga maharlika sa mahabang bulwagan ng palasyo. Maganda ang ipinakitang pagtanggap ni Cordova sa kanyang mga panauhing Hari at Reyna. Walang hindi nasiyahan sa magdamag na pamamahinga sa hiwa-hiwalay na silid-tulugan.
Maging sina Donaio at Hirang ay maagang namahinga, matapos ang ilang bagay na natutunan ng Una sa ngalan ng pag-ibig. Ang halik at pagyakap habang sila ay natutulog. Ngunit ang gayong pangyayari ay hindi palalagpasin ng Huli at bibigyan niya ng buhay ang nararamdamang paghahangad ng kanyang asawa. Tutulungan niya upang iyon ay matupad.
Kinabukasan. Agaw dilim at liwanag pa lamang ay patungo na sa kaharian ng Mauritanya ang karuwaheng kinalululanan ng mga dugong malabughaw ng Curcuerra. Higit na marami ang alalay nilang kawal. Isang libo sa harapan at ganoon din sa likuran. Pawang nakaputi. Kapansin-pansin ang pana at palaso nilang may iba-ibang kulay. Ang matatangkad na kabayong puti na nakukuwintasan ng kung anu-anong pakisap mula ulo hanggang buntot. Maging sa paa ay may nakapalupot na bagay. Mga naglalakihang abaloryong tinuhog-tuhog at kumikinang sa sikat ng araw.
Sa loob ng malagintong karuwahe ay nakalulan sina Haring Hugo, Reyna Aguerra, Prinsipe Dalandanan at Prinsesa Agata. Ang kasootan nila ay masasabing pinakamaganda sa kaharian ng Curcuerra. Maraming alahas sa katawan. Nangungusap ang kinang at nagtitimpalakan sa uri ng mga batong hiyas.
Bago pa lamang umiinit ang sikat ng araw nang marating ng mga taga Curcuerra ang Mauritanya. Sinalubong sila ng pabugsu-bugsong himig ng trumpeta at mga bulaklak, mula kung saan-saang matataas na sabuyan. Bumango ang kanilang paligid at para bang sila lamang ang makapangyarihan sa pook na iyon.
Nagsimulang umikot ang paningin ng mga pangunahing opisyales ni Hugo nang sila’y makapasok sa unang entrada, patungo sa gusto nilang malaman at mapag-aralan ang talagang pakay. Ang unang libong kawal na pinamumunuan ni Heneral Albarado ay nagpakitang gilas sa pamamagitan ng maindayog na pagwawasiwas ng kanilang malaking baril de pana. Para bang sinadya nilang ipakita ang tatlong palasong nakakasa sa bagting na sumisikad.
Ang pangalawang libo naman na nasa gawing likuran ng karuwahe ni Hugo ay pinamumunuan ni Heneral Zablan. Matikas ang anyo kahit matanda na sa paningin. Ipinaghahantaran din ang kanilang malalaking panang de balantok na may nakakasang apat na mahahabang palaso sa isang bagtingan lamang.
Sa bukana pa lamang ay nagpalakpakan na ang mga kawal ng iba’t ibang kaharian. Iyon ay ayon sa utos ng kani-kanilang Hari bilang paggalang sa mga dugong malabughaw ng kahariang Curcuerra at tuloy binigyan ng daan upang kay Cordova naman magpugay.
Ang balanang kawal-Curcuerra ay pinipili ang sinusulyapan. Ang mga kawal-Mauritanya ang lagi nilang inuusisa ng tingin. Minamasdan ang hawak na sandata ng mga iyon. minamaliit pagkat kung susuriin nila paanong makakapuksa sa maramihang paraan kung ganoon lamang ang kaanyuan. Isang pamalo o panumbok na maaaring gamitin lamang sa malapitang labanan. Mahina. Iyon ang nasa kanilang isip, lalo na ngayong nakikita nila ang bayoneta sa baywang ng mga kawal-Mauritanya. Maiksi at walang laban sa mahahaba nilang espada sa baywang.
Sa ganoong pagkakataon, ang mga kawal ni Cordova ay hindi naglalagay ng bayoneta sa dulo ng baril. Iyon ang kanilang patakaran sa loob ng palasyo. Kailangan ay sa baywang lang nila nakasuksok ang bayoneta. Ang patalim na kung susuriin sa tagpong iyon, masasabing isang espada lamang. Maikli at hindi katatakutan.
Sa malawak na bulwagan ng palasyo ay naroroon ang trono nina Cordova at Arminya. Doon nagtuloy ang angkan ni Hugo at muling nagkaharap ang dalawang makapangyarihang nilalang sa magkaibayong pook. Ilog ang nakapagitan sa kanila.
“Taglayin ng dakilang Radam at mabunying Mahalya ang maaliwalas na umaga.” bigay pugay sa pangunguna nina Hugo at Aguerra, kasama ang kanilang anak at manugang.
“Sumainyo rin ang maliwanag na sikat ng araw.” ganting sagot ni Cordova sa ngalan din ng kanyang asawa.
Nakangiti si Hugo, ngunit sa kabila ng kanyang mabalahibong mukha, naroroon ang poot. Ayaw niyang masabi na pangalawa lamang siya sa angking kapangyarihan. Matagal na niyang pangarap ang maibaba si Cordova sa pagiging Radam upang siya ang pumalit. Sa ngayon, mandi’y nakikita na ang katuparan ng kanyang pangarap. Ang alam niya, mahinang uri ang sandatang ginagamit ng Mauritanya at madaling madaig ng Curcuerra.
Matapos pa ang ilang tanungan tungkol sa gagawing kasalan, nagtungo na ang lahi ni Hugo sa trono na sadyang nakalaan sa mga Hari. Ang maluwang na bulwagan ay may kanya-kanyang umpukan ng mga maharlika. Doon ay may mga trono na animo’y nakapaloob sa isang altar. Layu-layo ang agwat at sinadya pa ni Hugo na lumayo sa kapwa niya Hari pagkat para sa kanya, yagit lamang ang mga iyon kung ihahambing sa kanyang pagkamaharlika. Ayaw niyang makipag-usap.
Ganoon din ang mga kawal-Curcuerra na nasa labas ng palasyo. Hindi nila pansin ang mga kawal na naroon, liban sa tinitiktikan nilang kawal-Mauritanya. Lihim silang nagtatawanan sa pag-asang malalagpasan nila ang sinasabing pinakamagaling na kaharian sa larangan ng digmaan.
Nang sandali ring iyon, sina Don Donaio at Dona Hirang ay tila walang sawa sa pamamasyal sa paglibot ng malawak na kaharian. Nakasakay sila sa karuwaheng ginto na walang rumerenda pagkat iyon ay nasa kapangyarihan ng mahiwagang tungkod. Nauutusan ang mga kabayo kung lalakad o titigil. Maligaya ang dalawang nakalulan pagkat bago lumubog ang araw sa maghapong iyon, ikakasal na sila sa simbahan ng kristiyano.
Sa di kalayuan ay nakaantabay si Rancudo. Ang Heneral na di kumukupas ang tikas kahit puti na ang buhok. Handa siyang umalalay kung kakailanganin nina Donaio at Hirang ang kanyang tulong, dahil sa panahong marami ang dayuhang nasa loob ng kaharian.
Naroon din si Raha Hagibis, kasama ang ilang lupon ng matatanda at kawal ng Haranggani. Tinatanaw nila ang kataas-taasan nilang kalipi. Si Hirang na kung sambahin nila ay itinulad sa isang panginoon. Ginawang Rahana at ngayon ay isa nang Dona.
Sa likod ng palasyo ay wala ring humpay ang ginagawang paghahanda sa gaganaping pagdiriwang. Naroon nang lahat ang uri ng pagkain. Patunay na talagang maluho ang kasal nina Donaio at Hirang. Ang bawat gumaganap sa tungkulin ay masigla. Sila ang mamamayan ng Mauritanya. Walang kapaguran sa pagluluto pagkat ngayon lang nila nakita ang napawalay na anak ng Radam at ang napakagandang Mora ng Haranggani.