Hagupit ng tadhana
Ganap na ang sikat ng araw nang mapukaw ang katahimikan ng umaga. Dumagundong ang tunog ng isang malaking gong sa bukana ng kastilyo. Ang gayong pangyayari ay bantad na sa mga mamamayan. Alam nilang iyon ay isa na namang hudyat ng pagdiriwang, at ang malaking bahagi ng gugulin ay sa kanila nanggaling. Naghihimagsik ang kanilang kalooban.
Naging masaya ang kainan at pagdiriwang sa loob at labas ng kastilyo. Panay ang mga papuri sa dalawang bayani raw na nagdugtong-buhay sa Rahana nang gumambala ang magkakasunod at walang patlang na huni ng trumpeta.
Si Rahana Salina ang unang napapitlag sa harap ng hapagan. Muli niyang narinig ang tunog ng trumpeta, pagkaraan ng dalawampung taon. Kinabahan siya. Alam niyang dumating na si Cordova. Ang pinakamakapangyarihang nilalang sa kanilang kapuluan.
NATITILIAN din ang mga bagong lupon ng matatanda na kabilang din sa pagdiriwang na iyon. Natuwa sila at humandang maghintay sa gagawing pakikiharap.
“Ibigay ang kagalang-galang na pagsalubong sa ating mga panauhin!” sigaw ni Salina at nagpaunang lumabas sa kastilyo, kahit hindi pa tapos kumain.
Nanatili sa hapag-kainan sina Orolfo at Rendon. Katabi ang kani-kanilang asawa. Nagtataka. Hinintay ang kaliwanagan. Tumindig at buong gilas na nagsipamaywang, bago tinanaw ang pagpasok ng mga panauhin.
“Sino ba sila?” tanong ni Orolfo.
“Baka mayayamang mangangalakal na kaibigan ng ating mahal na Rahana.” Sagot ni Rendon.
“Maaaring totoo ang sinabi mo. Pero, hindi karapat-dapat na salubungin sa ganyang paraan. Halos magpatirapa ang mga tao sa pagpugay kabilang ang Rahana at mga matatandang ulyanin.” sabi ni Orolfo at binalingan ang kanyang asawa upang magpaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang ikinikilos ng mga taga Haranggani nang pumasok ang mabibikas na nilalang ng Mauritanya.
“Hindi ko sila kilala.” iling ni Giliw. “Ang mahalaga, tayo’y dugong berde na dapat nilang panganinuhan.”
“Tama ang sinabi ng kapatid kong Giliw. Wala tayong dapat na ikagulat sa kanila.” sabi naman ni Sinta.
“Totoo nga ‘yon! Sino ba sila upang tayong may dugong berde ang yuyukod sa kanilang harapan?” tanong pa ni Orolfo at lalong pinagilas ang tindig.
Tumawa naman si Rendon bago nagwika. “Kung si Haring Hugo ay pinagtaguan natin at hindi pinansin. Sila pa!”
“Oo nga, ano?” nakatawa ring sabi ni Orolfo. “Hindi nga natin pinakiharapan kahit balitang may dugo silang malabughaw ng kahariang Curcuerra.”
“Sasabihin ko ang katotohanan.” ani Rendon. Halata ang gagawing panunudyo sa bikas ng mukha. “Paano tayong haharap? Daig tayo sa uri ng kanilang dugo at sa dami ng kayamanan! Pero ang higit nating pinangingilagan ay ang manugang nilang Prinsipe na nasa kalapit lamang ng ating kaharian. Dati ay dugong malaberde lamang. Ngunit ngayon, yumabang mula nang mag-asawa at lagi tayong pinasisikatan sa maganda niyang kapalaran.” ang dugtong at pinalungkot pa ang mukha.
“Isa pa ‘yan sa dahilan kaya tayo nagtago. Tiyak na magmamataas na naman si Prinsipe Dalandanan, ang malaberdeng dugo ng kahariang Fortuna.” ayon ni Orolfo.
“Ganoon nga ang nangyari.” ayon din ni Rendon. “Isipin mong anak lang siya ng Punong Ministrong si Bartolo, ngayon, nalahiran na siya ng dugong malabughaw ng kahariang Curcuerra kaya daig tayo sa pataasan ng baba, kapag nakatingala.
Umasim ang mukha ni Orolfo. Tinanggap ang katotohanan at dinaan na lang sa panunungaw ang nahayag nilang inggit kay Prinsipe Dalandanan.
Sumunod si Rendon ang dalawang Dayang. Tinanaw nila ang harapang ng kastilyo at nakita ang naroong hukbo ni Cordova.
“Kakaunti lang ang kanilang kawal.” bungad ni Rendon sa durungawan.
“Oo nga, pero sagana sila sa damit.” sabi ni Orolfo pagkat maging kabayo ay may kasootan. “Tama ang ating hinala. Sila ay mangangalakal ng tela.” dugtong pang sabi at pinaratangang mababa lamang ang dugo ng kanilang panauhin.
“Lumapit tayo!” aya ni Rendon sa nasang marinig nila ang usapan sa bulwagan.
Hindi sumagot si Orolfo. Humakbang na lamang ng de numero. Mabagal at gustong makatawag-pansin ang kanyang paglapit.
Mula sa malayo, nakita nila ang marangyang anyo ng mag-asawang Cordova at Arminya. Ang may sampung kawal na pumasok din sa loob ng kastilyo. May kung anong hawak na baguhan sa kanilang paningin at inakalang iyon ay sandatang pamaluka o pambundol na may bayoneta sa dulo.
Natawa sina Orolfo at Rendon sa nakita nilang hawak ng mga kawal. Mga sandatang hindi raw maaaring gamitin sa malayuang pamumuksa…
Nasa pintuan pa lang nang maluwang na bulwagan ang mga dugong bughaw at si Salina ay patuloy pa rin ang pag-uusap at pagtatanong.
“Ang mahalagang sadya namin sa pagparito ay tungkol sa aming anak.” Sabi ni Cordova. Bahagyang nakakiling ang ulo. Tutok ang paningin sa Rahana at sandaling tumigil bago nagsalitang muli. “Nakita mo ba ang anak naming si Don Donaio?”
“Ipagpatawad ninyo, o dakilang Radam ng kapuluan. Hindi ko nakita ang magilas na Don Donaio.” sagot ni Salina. Nakatungo at tila nahihiyang ihantad ang mukha.
Bumaba ang paningin ni Cordova. Nabakas sa mukha ang kalungkutan. Nalarawan ang kabiguan at marahang bumaling sa kanyang Mahalya upang isamo ang kapanatagan, ngunit lalo lang siyang nanimdim nang may makitang luhaan ang mga mata ni Arminya. “kukunin ko sa kulungan ng Mahikalandia ang aking anak sukdang durugin ko ang kabundukan!” nabiglang sabi ni Cordova, habang nakakuyom ang mga kamao.
“Kahit dayuhan, wala bang nagagawi rito?” si Arminya ang nagtanong.
“Mayroon, pinakamabunying Mahalya.” sagot ni Salina, kasabay ang ilang ulit na pagtango. “Ngunit malayong maging anak ninyo ang bago kong pastol. Isang pangit. Kuba at puno ng bukol ang katawan.”
Nabigla ang Mahalya. May kung anong kumabog sa kanyang dibdib. Lukso ng dugo at buntong hininga bago nagsalita. “Saan siya galing at ano ang pangalan? Magkasunod pa niyang tanong.
“Galing siya sa kabundukan at naririnig kong pastol kung siya’y tawagin.”
“Nasaan siya ngayon?” halos pasigaw na tanong ng Mahalya.
“Nasa aking pastulan. Siya ang nag-aalaga sa aking bakahan.”
“Ano?” sigaw ng Mahalya. “Ginawa mong pastol ang aking anak?”
“Patawad, kabunyi-bunyiang Mahalya. Ngunit hindi ninyo siya anak. Hindi kayo magkakaanak ng pangit.” sumamo ni Salina at bahagya pang nanikluhod.
“Kahit ano’ng anyo niya! Ang mahalaga, makita ko ang aking anak! Dalhin mo siya rito! Ngayon din!” makapangyarihang pang utos ng Mahalya kasabay ang pandidilat ng mga mata.
“Ngayon din, kamahalan.” Nagmamadaling sagot ni Salina at halos magkandarapa sa pagsunod. Takot siya sa Mahalya. Matatag ang titig at puno ng kapangyarihan ang bawat salita.
Nagkaroon ng magandang hinala ang matalinong Radam. Humakbang siyang palayo at nagmasid sa paligid. Lumuwag ang kanyang paghinga at pinag-ugpong ang mga usapang naganap sa araw na iyon. nalaman niyang nakapag-asawa ng pastol si Hirang. at ang pastulan na binanggit kanina ay maaaring doon din naninirahan si Hirang. Kapag nagkataon, mapapasigaw siya sa galak kapag ang hinala niya ay nagkatotoo. Para siyang nangangarap nang gising. Natapatan pa niya ang papalapit na magpinsan at magkapatid na Dayang.
Sina Orolfo at Rendon ang nakatakdang magbukas ng daan upang kausapin ang di nila nakikilalang Radam. Lalong nagmagilas ang kanilang tindig. Isinagad ang taas ng kamay sa pamamaywang at umali-aligid na nakatawa kay Cordova.
“Dahil sa aming kalayuan,” bungad ni Orolfo. “hindi ko narinig at naunawaan kung ano ang inyong napag-usapan. Hindi ko rin malaman kung sino kayo at saan nanggaling?” dugtong pang nakataas ang baba at minamaliit ang tinanong.
Nagmasid lang si Cordova, kapagkuwa’y tinitigang ganap si Orolfo at saka inikom ang mga labi.
“Hindi na mahalaga kung sino sila, pinsan ko at katoto.” sabad ni Rendon. “Ang mahalaga, tayo ang kanilang makilala.” sabing nakaliyad ang tiyan at pinagtitigasan ang leeg.
“Tama ka, katoto kong pinsan.” sabi ni Orolfo. “Dapat nilang malaman na tayo ay may dugong berde. Mga maharlikang Konde at Duke ng kahariang Borgandi at Batalya. May mga hukbong pandigma na ang sandata ay pawang mga makabago. Magsabi ka lang at kami ay tutulong.” dugtong pang nagmamagilas sa pagtindig at halatang tatawa ngunit pinipigil.
“Siyang tunay, katoto kong dayuhan!” nagmamalaking sabi ni Rendon. “Handa kaming magbantay sa inyong kaligtasan. Kung buhay lang ang tanyag na tulisang si Berbon, ubos ang dala niyong kayamanan!”
Napakunot ang noo ni Cordova. Naalala niya ang tinaguriang Hari ng mga tulisang bundok sa panahon ni Haring Shanok ng Portagesa. Subalit dagli rin ang nagdaang alaala ni Cordova nang mapuna niyang kikilos ng pasalungat si Ogbinar. Pinayapa niya sa isang hudyat lamang.
“Totoo ang kanyang tinuran!” sabad naman ni Orolfo. “Sa panahong iyon ang lahi naming ang pinakamakapangyarihan. Kasangga raw naming ang kaharian ng Mauritanya. Patay si Berbon at si Shanok.” sabi pang pahagikgik ang pagtawa.
Saka lang natigilan ang dalawang nagyayabang kay Cordova nang magbalik si Salina at sa kanila lumapit. “Sumama kayo sa mga kawal na susundo sa pastol. Pilitin ninyong maisama siya. Bihisan at gawing maharlika sa tingin!” nagmamadaling utos ng Rahana. Pabulong ang salita at halos hilahin ang dalawa niyang manugang hanggang doon sa pinto ng kastilyo.
Natitigilang napasunod ang dalawang may dugong berde. Nagtataka at nanghihinayang pagkat hindi pa nila lubusang naipaghantaran sa mga bagong dating na dayuhan ang taglay nilang kagalingan. Gayon man, handa nilang sundin ang kautusan upang maging ganap na katawa-tawa ang pastol sa ipapadamit nilang kasootan na pangmaharlika.
Agad namang lumapit at nag-usisa sa Inang Rahana ang dalawang Dayang.
Nagtataka kung bakit ang kani-kanilang asawa ang susundo sa pastol.
Nalilitong sininghalan ni Salina ang dalawa niyang anak. Pinagtabuyang lumayo muna at magmanman na lamang.
Noon nama’y paulit-ulit ang pagsasalaysay ni Hirang kay Donaio tungkol sa mga dugong bughaw ng Mauritanya. Tiyak na kamukha mo ang dakilang Radam. Napakabait at talagang anak ang turing sa akin. Nanghihinayang din ang mabunying Mahalya nang sabihin kong may asawa na ako. Napakabait niya . Pangkaraniwan lang ang ganda, ngunit nagiging kaaya-aya ang mukha habang pinagmamasdan. Gumaganda. Bihira ang taong may ganoong katangian. Nasasabik akong mayakap sila bilang akin ding magulang.
Walang kibo si Donaio. Balisa. Laging nakatanaw sa kastilyo na kung saan ay alam niyang naroroon ang kanyang mga magulang.
“Ipinagbabawal nila ang tayo’y magtungo roon.” binago ni Hirang ang paksa at nakapangalumbabang tinanaw ang kanyang asawa.
Bumaling ang pastol at tumabi sa kinauupuan ng Dayang sa lilim ng puno. Tinitigan ng mga mata niyang naliligid ng mumunting bukol bago nagsalita. “Hiniling ko sa mahiwagang tungkod na baguhin ang itinakdang pagbabawal sa atin at ipasundo tayo ng mahal na Rahana. Nasasabik akong makita ang aking mga magulang. Kay tagal nilang hinintay ang araw na ito.”
“Natupad na ang kahilingan mo, aking Donaio. Natanaw ko na ang sinasabi mong sundo.” nakatawang sabi ng Dayang at nauna pang tumindig upang makitang ganap ang papalapit na karosa.
Tumindig rin si Donaio at naghintay. Nakita nila ang dalawang kawal na rumerenda sa mga kabayo ng karosa.
“Aba! Sina Konde Orolfo at Duke Rendon ang nakadungaw sa loob ng karosa! Bakit sila pa ang nagtungo rito? Nagtataka pang sabi ng Dayang. Naiinis at halata sa mukha ang galit.
Anyong nag-iisip si Donaio. Hindi nagsalita at tinanaw na lamang ang may kalayuan pang karosa.
“Kung hindi lang sa kuwento mong pangyayari tungkol sa bunga ng pandagiri, maniniwala na sana akong sila nga ang nagdugtong sa hininga ng Rahana!” ani Hirang. Bahagyang nakasimangot at nanlilisik ang mga matang nakatanaw sa karosa. Galit siya, dahil kailan lang, ipinakita ng dalawang iyon ang paghahangad sa kanyang pagkababae. Binalak siyang pagsamantalahan.
“Sila rin ang dapat papurihan.” ani Donaio. “Kung hindi sila nagpunta sa mapanganib na kagubatan ng Pinta Puyo, walang maipanggagamot sa mahal na Rahana.
“Oo nga.” sagot ni Hirang. “Pero kung hindi dahil sa iyo, wala rin silang maiuuwing bunga ng pandagiri, kaya dapat lang na ikaw ngayon ang pangunahing dinadakila sa kastilyo.”
Nauntol ang pag-uusap nila nang mapalapit ang karosa. Bumaba ang dalawang sukab sa kayabangan at umaaglahing nagpugay pa sa kanila.
“Kamahal-mahalang pastol ng mga baka. Ipinasusundo ka ng mahal na Rahana at gusto ka yata ipakilala sa kanyang panauhin.” Nakayukod pang sabi ni Orolfo.
“Marahil,” sabi naman ni Rendon. “Mayroon silang pastulan na pinamumugaran ng mga maligno at gusto kang hiramin upang gawing panakot.”
“Mapalad ka, pastol.” sabi ulit ni Orolfo, matapos tumawa. “Kahit sa araw lang na ito. Isa sa magaganda kong damit ang ipinasusuot sa’yo ng Rahana. Gusto ka niyang magmukhang tao sa harapan ng mga panauhin.” dugtong pang kasabay ang hagis sa naturang kasootan.
Sumampay sa balikat ni Donaio ang maharlikang damit. Ang sapatos at guwantes ay iniabot naman ni Rendon. Naaayon sa kanyang kagustuhan ang pangyayaring iyon. ang makapagsoot ng ukol sa dugong berde bago ang kasootang pang dugong bughaw.
Pumasok sa kubo si Donaio, dala ang kanyang mahiwagang tungkod upang magamit kung may suliranin ang isusuot niyang damit. Kailangang maging lapat at at maganda sa tingin.
Naiwan sa labas si Hirang. hinawakan ang panabak na nakasandal sa upuang kawayan. Ang panabak na nakuha ni Donaio nang maiwan ng mga Ulikba. Ang panabak na handa niyang gamitin kapag naulit ang pagtatangka ng dalawa niyang bayaw.
Nakamasid lang ang magpinsan. Tumatakam ngunit hindi kumilos ng masama dahil higit na mahalagang maisama nila ang pastol.
Ilang sandali lang ay lumabas si Donaio. Lapat nga sa kanya ang kasootan ni Orolfo. Nakapahukot pa rin ang tindig sa anyong kuba, at iyon ay hindi naging suliranin dahil sa mahiwagang tungkod. Sa pangyayaring iyon, mukha lang ang nakalitaw sa kanya. Maitim at maraming bukol. Ngunit may pagbabago ang hubog ng katawan dahil sa naiibang kasootan.
“Sumama ka na rin, o marilag na Dayang Hirang.” nanunuksong sabi ni Orolfo at tumawa pang kay Donaio nakatingin. Pahiwatig na napakaalangan ng pastol sa nataguriang marilag na Dayang.
“Talagang sasama ako.” sabi ni Hirang. “Gusto kong makita ang masayang sandali sa buhay ng asawa ko.”
“Magbihis ka na rin, aking Dayang.” sabi ni Donaio. “Nasa kubo ang bago mong damit.” dugtong pang ipinanturo ang hawak na tungkod.
Pumasok sa kubo ang dilag ng pastulan. Nakita niya roon ang napakagandang kasootan na angkop lamang sa isang Rahana. Alam niyang iyon ay galing sa mahiwagang tungkod ni Donaio.
Ang dalawa namang sukab ay walang tigil sa kabubungisngis. Palihim pa kung ituro si Donaio at pinagtatawanan sa di angkop na kaanyuan. Libang na libang sila sa panunudyo nang bumukas ang pinto ng kubo. Nakita nilang lumabas ang Dayang mula sa loob ng kubo. Saka lang napadilat ang mga mata nilang naniningkit sa pagtawa. Napanganga. Hangang-hanga sila sa kariktan ni Hirang na wari’y bagong Rahana ng Haranggani sa taglay na kasootan. Nagtataka rin sila kung saan galing ang damit ni Hirang. Naisip nilang baka iyon ay ninakaw ng pastol. Gayon man, upang hindi maabala, nagkibit na lang sila ng balikat at ibinadya na lang ang kanilang patutunguhan.
May katusuhang nagpaunang umakyat sa karosa si Orolfo. Ang tangka’y siya ang sasalubong at aalalay sa magandang Dayang.
Gayon din si Rendon. Humarang siya sa pinto ng karosa at tangka ring makahipo man lang sa katawan ng kanyang minimithi.
Datap’wat mailap ang Dayang. Pinauna niyang sumakay si Donaio at saka siya nagpaabot. Nagpaalalay at mahigpit pang yumakap sa kanyang asawa.
Maluwag ang pagdaan sa pintuan pagkat nang umakyat si Donaio sa karosa, agad nangilag ang dalawang palamara. Sumiksik sa sulok at halatang ayaw madaiti ang katawan sa pinandidirihang pastol. Ngunit nanlaki naman ang kanilang mga mata sa labis na inggit. Nakita nila ang pagkakayakap ng Dayang sa mabukol na tao.
Tapos na ang marangyang kainan sa kastilyo nang umalingawngaw ang malaking gong sa bukana ng kaharian. Ibinabadya ang pagbabalik ng mga dugong berde kasama sina Donaio at Hirang.
Maliksing tumindig si Arminya at iniwan ang burdaderong dulugan ng pagkain. Nagtungo siya sa terasang nakaharap sa bukana ng bayan at nananabik na makita ang kanyang anak.
Sumunod rin si Cordova. Tinanaw nila ang pagbaba sa karosa ng apat na nilalang. Nakatudla ang kanilang paningin sa taong kawangis ng unggoy kung maglakad. Kuba, maitim at maraming tambok sa mukha.
Nauna ring nagbalik sa bulwagan si Arminya nang makitang pumasok na sa pinto ng kastilyo ang taong sa tingin nila ay may kaakibat na lukso ng dugo. Nasasabik na agad silang makalapit.
Nakamasid lang si Salina. Laging nakahandang tumugon sa ano mang sasabihin ng Mahalya. Kumakaba ang dibdib at para bang may napipintong pangyayaring dapat niyang ikahiya at pagsisihan.
Sina Dayang Giliw at Dayang Sinta ay laging nakatanaw sa kilos ng kanilang Ina. Nagtataka rin sa mga pangyayari kung bakit naging mababa sa tingin ang kapaligiran. Laging mataas at makapangyarihan kung magsalita ang mga bagong dating na panauhin. Maging ang mga kawal-Haranggani ay laging malugod ang pakikitungo sa mga kawal-Mauritanya. Para silang magkakapatid na malaon ding hindi nagkita-kita. Dahil sa yamot, nagdadabog na lumisan ang magkapatid na Dayang upang sumalubong sa kani-kanilang asawa.
Pagpasok pa lang ni Donaio sa bulwagan ay sumalubong na si Arminya. Nanginginig ang katawan sa pagkilos, ngunit humihigop ang tila bato-balaning kapangyarihan na nagsasabing iisa lamang ang uri ng dugong nananalaytay sa kanilang ugat.
Gayon din si Cordova. Titig na titig kay Donaio at wari’y lipos ng pagkamangha ang buong kaanyuan. Gustong sumigaw sa indayog ng kasabikan, kahit ano pa ang anyo ng kanyang nakikita.
“Anak ko. Saan ka nanggaling?” tanong ni Arminya. Namamaos ang tinig sa nakikita niyang pagkatulala ng taong bukulin ang mukha.
“Sa kaharian po ng Mahikalandia.” Napukaw na sagot ni Donaio at wala sa loob na inunat ang likod. Nawala ang pagkakuba at namalas ang magandang tindig na tulad kay Cordova. Matangkad.
Nabigla ang mga nakasaksi sa dating bantad na pagkakuba ni Donaio. Napamulagat lalo na si Salina.
Sa ganoong katugunan ng anak, umapaw sa puso ng Ina ang katiyakan. Nagyakap sila at bumukal sa mata ng Mahalya ang luha ng kaligayahan.
“Siya nga ang aming anak!” makapangyarihang sigaw ni Cordova upang marinig ng balana at ipaabot ang kanyang kaligayahan.
Ang sigaw ay lumikha ng tila palakpak na ginawa ng mga kawal-Mauritanya. Pianglipat-lipat sa kamay ang kanilang baril kasabay ang padyak upang tumindig ng tuwid at maging magilas sa pagkakahanay.
“Bakit nagkaganyan ang mukha mo, anak kong Don?” tanong ni Cordova habang hawak sa balikat ang bugtong na anak.
“Si Soraia po ang may gawa at naparam lamang sa pagsapit ko sa dalawampung taong gulang.” sagot ni Donaio. “Antipas na lang po ang soot ko ngayon bilang patunay na ako pa rin ang pastol ng mga baka.
“Alisin mo, anak ko!” nasasabik namang wika ni Arminya at hinaplos pa ang mukhang nakabalatkayo.
Lalong nasabik ang mga taong naroroon, lalo na si Hirang na sinadyang mangubli sa likuran ng balana upang tulutan na makuhang lahat ni Donaio ang pagtingin ng mga dugong bughaw.
Kataliwasan naman si Salina. Nangangamba siya sa isang matinding kahihiyan. Para bang nakikita na niya ang katuparang magbabagsak sa kanyang kapalaluan.
Hinilang paitaas ni Donaio ang antipas na nakasuklob sa kanyang ulo. Nalantad ang kabataang anyo ni Cordova at bahagya pang nakakahigit sa kakisigan.
“Pinalakpakan ng mga tao ang dating pastol. Masigabo ang hiyawan dahil sa pagkamangha. Nahubad sa kanilang paningin ang pangit na anyo at nahantad ang kakisigang walang kapara.
Tumulo ang luha ni Hirang sa kaligayahan. Walang kurap ang kanyang mga matang nakatanaw kay Donaio. Gusto niyang lumapit at haplusin ang mukha ng kanyang asawa, ngunit kailangan pa niyang maghintay at pagbigyan ang kasabikan ng mga dugong bughaw. Nanatili siya sa isang tabi.