← Don Donaio
Chapter 13 of 18
KABANATA 13

Wagas na Pag-iibigan

Sa bayan ng Haranggani at sa kanugnog na kaharian ay may likas na kaugaliang sinusunod ang bawat may dugong berde. Lalake man o babae kapag lagpas na sa dalawampung taon, kailangan nang mag-asawa sa kapahintulutan ng kani-kanilang maharlikang magulang sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Ang lalake ay dumarayo sa iba-ibang kaharian upang manligaw. Magagandang babae ang kanilang pinipili.

Kasabay sa pamumukadkad ng mga bulaklak ay lumaganap ang sanghaya ng bango. Panahon na upang tingalain ang mga anak ni Salina. Sa malawakang pamamaraan, nagawa ng Rahana ang di maiiwasang katuparan. Malimit siyang magbigay ng pagtitipon. Mga kasayahan at pagdiriwang. Ang mga panauhin ay pawang nabibilang sa matataas na lahi ng dugong berde. Ang layunin ay upang magkaroon ng maraming kakilalang iibig sa dalawa niyang Dayang at pangalawa na lamang ang sinasabi niyang pakikipagkaibigan sa ibang kaharian.

Ang kagustuhan ni Salina ay nagkaroon ng kaganapan. Dumagsa ang mga lalaking nangayupapa sa kagandahan nina Dayang Giliw at Dayang Sinta. Mga dugong Maharlika, may Prinsipe, may Konde at Duke. Lahat ay matitikas.

Sa ganoong pagkakataon, hindi lang dugong berde ang gusto ng dalawang Dayang. Ang nais ay kasinggulang din nila at malakas ang pangangatawan. Sa madaling sabi, ibig nila ay iyong matipuno. At upang makatiyak, ang lahat ng mangingibig ay dadaan sa isang paligsahan. Ang buno. Ang larong pinakasikat nang panahong iyon. Lakas sa lakas at matira ang matibay.

Para kay Salina, wala siyang panahon para kay Dayang Hirang. Hindi niya hangad na magkaroon iyon ng asawang maharlika. Sa katunayan, hindi niya ipinakikilala sa mga pagtitipon at sa tore lang pinamamalagi.

“Ina kong Rahana. Wala pa bang balak mag-asawa si Dayang Hirang?” minsa’y tanong ni Dayang Giliw nang simulan na ang pagbabalita sa nalalapit na paligsahan.

“Mabuti nga kung siya’y mag-aasawa.” sagot ng Rahana. “Kaya lang, wala pa siya sa tamang gulang at wala rin akong panahon upang ihanap siya ng magandang kapalaran. Bago siya, kayo muna!”

“Ngunit, Ina kong Rahana.” sabad ni Dayang Sinta. “Kung kami’y mag-aasawa at dadalhin sa kaharian ng aming magiging kapalaran, maiiwan dito si Dayang Hirang. Baka siya pa ang magmana ng iyong kapangyarihan.”dugtong pang tila nag-aalinlangan sa pagkakaupo.

“Hindi!” sagot ni Salina. “Kung sino sa inyong dalawa ang maunang magkaanak, sa kanya masasalin ang kapangyarihan sa bayang ito.”

“Matagal pa iyon, Ina kong Rahana!” sabi naman ni Dayang Giliw. “Kailangan ay mag-asawa rin si Dayang Hirang. Iyon ay matutupad sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan kahit wala pa siya sa tamang gulang. At alalahanin mo rin, Ina kong Rahana, sa batas ng ating kaharian, kung sino ang walang asawa, siyang luluklok sa kapangyarihan.” ang sabi pang kasabay ang pagsandal sa kanyang luklukan.

Ang udyok ng sulsol ang biglang nagbukas sa isipan ni Salina. “Hindi! Hindi ako papayag na maiwan siya rito! Mag-aasawa rin siya.” Naniningkit ang matang sabi pa niya pagkat natanim na sa kanyang diwa ang batas nang namayapang Raha. Ang kautusan na kapag dumating ang tamang panahon, ang anak niyang si Dayang Hirang ang magiging Rahana ng Haranggani.

“Ngayon din, Ina kong Rahana. Isama sa paskil ang pangalan ni Dayang Hirang.”

“Siyang tunay, kapatid kong Dayang. Tulad natin, aalis din siya rito kapag nag-asawa rin.” ayon ni Dayang Sinta at bahagya pang pinalungkot ang mukha habang binabanggit ang kanilang paglisan sa sandaling makapag-asawa rin sila.

“Hindi!” asik ni Salina. “Hindi kayo aalis. Mamamalagi kayo rito sa kastilyo kahit may asawa na kayo. Ilalagay natin sa kasunduan ang walang pasubaling pagsang-ayon ng mga magwawaging kalahok. Kailangan pumayag sila sa gusto kong mangyari. Hindi kayo dadalhin sa ibang kaharian.”

“Pero, Ina kong Rahana. Si Dayang Hirang ba ay ganoon din ang kasunduan? Hindi rin aalis at dito rin maninirahan?” tanong ni Dayang Giliw.

Ilang ulit na umuling si Salina. “Kayo lang ang gusto kong maiwan. Si Dayang Hirang ay maaaring ipagsama ng kanyang mapapangasawa kahit saan, huwag lang dito.” sabi pang nanlalaki ang mga mata sa katuwaan. Para siyang may naisip na magandang pangyayari. Kabuktutang walang kapara.

“Ina kong Rahana. Alam ng maraming malalabo ang mata na si Dayang Hirang ay bahagyang nakalalamang ang ganda sa amin, paano kung ang tatlong mananalong kalahok ay siya ang piliin? Paano kung ang pinakamayaman ay siya rin ang piliin? Nangangambang tanong ni Dayang Giliw.

“Siyang tunay, Ina kong Rahana. Paano kung ang pinakamakisig ay siya rin ang piliin?” sabad naman ni Dayang Sinta. Nag-aalala pagkat ayaw niya sa pangit.

Tumawang pakutya si Salina bago sumagot. “Sa babaguhin kong batas, babae ang may karapatang mamili ng mapapangasawa. Ang pinakamatanda sa inyong tatlo ang mauunang pipili, at ang pinakabata ay mahuhuli. Kay Dayang Hirang mapupunta ang pinagpilian.”

“Maganda ang gagawin mong batas, Ina kong Rahana.” natutuwang sabi ni Dayang Giliw. “Ako ang pinakamatanda sa aming tatlo. Makukuha ko ang pinakamayaman sa tatlong mananalo.” dugtong pang kasabay ang pagsandal sa kanyang luklukan.

“Ganoon din ako, mahal kong kapatid. Ako ang susunod na mas matanda kay Dayang Hirang. Mapipili ko rin kung sino ang pinakamakisig sa tatlong magwawagi!” kinikilig pang sabi ni Dayang Sinta.

“Si Dayang Hirang ang sasagap sa pinakamahirap at pinakapangit na mananalo sa paligsahan!” pabulong na wika ni Salina at may kasama pang bayo sa gabay ng kanyang trono. Gagawa siya ng paraan upang ang sinabi niyang pangit ay mapabilang sa tatlong magwawagi.

Nagtawanan pa ang tatlong mag-iina. Maligaya pagkat nasa kanila ang kalamangan kay Dayang Hirang. Nagbulungan, ayon sa isang magandang pakana.

Kumalat ang paskil sa mga kanugnog bayan at kagubatan. Ibinabadya ang napapanahong pag-aasawa ng tatlong Dayang ng Haranggani. Inaanyayahan ang mga maharlikang magkakaroon ng simpatiya sa tatlong nabanggit. Ngunit ang lahat ay dadaan sa isang mahigpit na pagsubok. Magpapaligsahan sila sa pamamagitan ng buno. Ang larong kinahihiligan nang panahon na iyon. Lumaganap ang balita. Marami ang gustong lumahok pagkat nakita na nila ang kagandahan ng dalawang anak ni Salina. Subalit ang hindi nila alam ay kung sino ang pangatlong Dayang.

Ang paligsahan ay gagawin, pagkaraan ng isang buwan upang makapaghanda at makapagsanay ang sino mang lalahok.

Sa gayong subukan ng galing, lumitaw ang maraming magigilas na lalake. Mga maharlika at matitipuno ang katawan. Gustong ipagparangalan ang husay nila sa buno at maging asawa ang magagandang dilag ng Haranggani.

Marami ang nagpatala sa paligsahang iyon. Kanya-kanyang pagmamakapuri at pagpaparangalang sila ay mayaman. Makapangyarihan ang kanilang kaharian at makikisig na lalake. Ngunit minsan man, hindi nila nakaharap o nakita si Dayang Hirang. Gayon man, hindi na sila naghanap pagkat para sa kanila, sapat na ang ganda ng dalawang Dayang upang iyon ay pag-agawan.

Naging suliranin naman kaya Dayang Hirang ang naging kagustuhan ni Salina. Ayaw pa niyang mag-asawa kung hindi rin lang sa lalaking nagpatibok ng kanyang puso. Ang lalaking nasalamin niya sa tubig. Ang anyo ni Donaio sa tunay na katauhan. Subalit batid niyang walang katuparang makalahok si Donaio sa ganoong paligsahan, pagkat ang mga makikipagsubukan ay pawang dugong berde at sarado sa mga tinatawag na dugong pula lamang, ibig sabihin ay aba lamang.

Ang bawat kaharian ay may silid-sanayan. Doon ay walang sawa ang kanilang pagsasanay. Kahit matatandang Hari na wala nang Reyna ay nangangarap pa rin na muling makapag-asawa. Sumasabay sila kung ano ang ginagawa ng batang mambubuno. Ang mahalaga, gusto nilang makipagsapalaran. Lumipas ang mga linggo at araw na lamang ang nalalabi sa pagdadalaga ng tatlong Dayang. Masaya ang mga anak ni Salina pagkat kilala na nila ang mga lalahok sa paligsahan. Marami ang mayayaman at magagandang lalake. Subalit kabaligtaran naman ang nadarama ni Dayang Hirang. Malimit siyang tumatangis. Nangangarap na kahit pastol lamang si Donaio ay tulutang makalahok sa paligsahan. Datap’wat siya na rin ang pumutol sa kanyang pangarap. Alam niyang hindi papayag si salina na mahaluan ng dugong pula ang mga dugong berde sa loob ng arena. At lalo pa siyang napaiyak pagkat baka hindi alam ni Donaio ang gaganaping subukan.

Mali ang itinakdang hinala. Lagi ring nalulumbay si Donaio mula nang mabalitaan niya sa kawal na tagapagdala ng kanyang pagkain ang tungkol sa paligsahan. Nais niyang humiyaw sa paghihinagpis. Kung maaari lang, ibig niyang itago si Dayang Hirang sa kanyang lukbutan upang hindi makuha ng ibang tao, o kaya’y kung may bisa lang sa ganoong pagkakataon ang kanyang mahiwagang tungkod, hiniling na niyang maging makisig siya at tambakan ng kayamanan si Salina. Ngunit hindi siya masamang nilalang na maaaring sumuway sa mga bilin ng kanyang Ina-Inahang Diwata na si Naia. Ang mga pangaral sa kanya na huwag siyang gagawa ng masama lalo na kung hindi makakabuti sa ibang tao. Siya ay laan lamang sa kabutihan at kailan ma’y hindi niya aangkinin si Dayang Hirang sa masamang paraan. Takot siya sa Diyos at nangangambang baka matakot din sa karahasan ang kanyang nililiyag. Hindi niya alam kung ano ang kanyang gagawin.

Nakatalungko si Donaio sa lilim ng punong kahoy. Nalulungkot habang tinatanaw ang mga asong-bundok at iba pang hayop na siyang kumakain sa pagkaing dinadala ng kawal at karagdagan pang maituturing na sadya niyang nilalabisan ang paghiling sa mahiwagang tungkod upang mabusog ang mga nasabing hayop, sanhi upang maging maamo sa kanya ang mga iyon at lagi siyang inaaliw sa kalungkutan.

Noon nama’y tapos na ang mga balaking binalangkas ni Salina tungkol sa mga kalahok ng paligsahan. Natitiyak niyang matutupad ang naisip nilang paraan. Siya lang at ang dalawa niyang anak ang nakakaalam kung ano ang kanyang iniisip sa tulong din ng ibang tao at sa taglay niyang kapangyarihan.

Dumating ang sandali ng paligsahan sa harap ng bayan. Isa-isang pumasok sa arena ang mga maharlikang makikipagsubukan sa lakas. Matitikas ang anyo at nag-iigtingan ang katawan sa soot nilang damit na pitis ang pagkakayari.

Sa itaas ng arena ay may entablado. Doon nakaupo ang Rahana at ang tatlong Dayang. Naroon din at nakatayo ang ilang kawal, kasama ang dalawa pang lalaking malalaki ang katawan. Hawak ang malalaking pamaypay upang mahanginan ang mga dugong berde.

Ang bawat kalahok na makapasok sa arena ay karakang tumingala sa entablado upang magpugay sa mga naroroon. Bakas sa kanilang mukha ang pagkabigla. Hindi nila inaasahan ang kakaibang kagandahan ni Dayang Hirang. Lahat sila ay humanga at nangarap na maging kapalad ang nasabing kariktan.

Sa sandaling iyon, kapansin-pansin ang magkaibang tanawin. Dalawang Dayang ang laging nakangiti at isa ang nalulumbay. Anyong humihikbi at hindi makatutol sa kapangyarihan ng kanilang Rahana.

“Kalabisang ulitin ko pa ang batas ng paligsahan.” bungad ni Salina matapos tumindig. “Iyon ay nakasulat sa paskil. Ang idaragdag ko na lang ay dapat maging maginoo ang lahat, lalo na ang talunan. Ang salita ko ay batas. Ang lahat ng naririto sa loob ng arena ay may karapatang maging asawa ng tatlong Dayang kung mananalo sa labanang buno. Maglalabu-labo kayo at ang tatlong matirang nakatindig ay siyang panalo.”

Nagpalakpakan ang mga maharlika habang pumapasok sa pinto ng arena. Sa labas ay gayon din ang mga manonood na mamamayan. Nagkakaingay at nagsisigawan na kahit dugong pula o maralita lamang ay pasalihin sa paligsahan. Ang iba naman ay nangangantiyaw lamang upang sumaya ang ganonng pagkakataon.

Alumpihit si Dayang Hirang. Nabuo sa kanyang isipan ang umayaw sa subukang iyon bago magsimula ang labanan. Tatakbo siya kahit harangan man ng sibat. Hindi siya mag-aasawa kung hindi rin lang sa itinitibok ng kanyang puso.

Patuloy ang hiyawan sa labas. Nagkakatuwaan pagkat muli nilang nakita si Donaio. Pasilip-silip sa awang ng mga manonood. May hinahanap.

Sa araw na iyon, hindi kayang tiisin ni Donaio ang lumagi na lamang sa pastulan. Nakatulong pa sa kanyang marubdob na hangarin ang kawal na tagapagdala ng pagkain. Hinimok siyang sumama sa bayan upang mapanood ang paligsahan. Nangako pa itong tutulungan siyang makalapit at makausap si Dayang Hirang kung siya ay sasama at pansamantalang iiwan ang pastulan. Gayon man, upang makatiyak, iniwan niya ang kanyang tungkod sa nasang magamit ng kalabaw sa pagbabantay ng mga baka. At ngayon nga, sa harap ng arena ay palipat-lipat ng puwesto si Donaio pagkat siya’y hukot at natatabingan lamang ng mga matatangkad. Ibig niyang makita si Dayang Hirang kahit sa huling pagkakataon lamang.

Di kawasa’y hinila siya ng kawal na itinuturing niyang kaibigan. Dinala siya sa pinto ng arena at tila sinadya namang ang paglapit niya ang hinihintay upang simulan ang pagsasara ng pintuan, ngunit bago lubusang naipinid ang nasabing lagusan, biglang may sumipa sa puwitan ni Donaio habang ito’y nakatunganga at pagulong siyang nakapasok sa arena. Kapagkuwa’y mabilis siyang bumangon at lumingon upang malaman kung sino ang sumipa sa kanya. Subalit ayaw niyang magbintang liban sa hinalang ang kawal na nasa likuran niya ang may gawa.

Lalong lumakas ang kaguluhan. Nagtawanan ang mga tao nang Makita nilang nasa loob ng arena si Donaio at parang di alam ang gagawin.

Nanlaki naman ang mga mata ni Salina. Halata ang katuparan ng kanyang kagustuhan. Kunwa’y bigla siyang nagsiklab at nagsalitang nakaturo ang daliri sa pastol. “Sino ang may sabing kasama ka sa paligsahang ito?”

Hindi makasagot si Donaio. Namalagi sa pagkakatayong hantad sa harap ng entablado. Nakatulala at hindi pa rin alam kung ano ang ikikilos.

Muling naghiyawan ang taong bayan. Iisa ang kahulugan. “Ang batas ay batas! Ang nasabi na ay dapat sundin! Ang sino mang nasa loob ng arena ay kasali sa paligsahan!” palit-palitan nilang sigaw habang naghahalakhakan.

Ang kunwang galit ni Salina ay nahalinhan nang dahan-dahang pagsaya ng mukha at pagngiti, hanggang nauwi sa malakas na halakhak. “Ang inyong Rahana ay hindi nagbabago ang salita. Ang batas ay batas. Nasa loob ng arena ang panakot ng maligno. Kasali siya sa buno.” ang sabi pa na parang nakakatiyak na isa si Donaio sa magwawagi.

Naglundagan sa tuwa ang mga mamamayan. Hindi dahil sa kapalaran kundi dahil sa katatawanang lilikhain ni Donaio.

Para namang naalimpungatan si Dayang Hirang. Napaangat sa upuan at halos humaba ang leeg sa pagtanaw kay Donaio. Nabakas sa kanyang mukha ang kaligayahan pagkat parang nakikita niya ang mukhang nakalarawan sa tubig. Ang kakisigang itinago ng masamang tadhana at nasalamin lang niya nang kasalukuyang nagpapaligo ng kalabaw si Donaio sa isang sapa. Unat ang likod. Walang bukol sa katawan at isang magilas na kabalyero ang kapara.

Saka lang umalingawngaw ang malagom ng tunog ng dambuhalang gong na nakasabit sa isang mataas na bantayan. Ang malakas na dagundong ay nagbabadya upang simulan na ang labanan. Ang paligsahan na matira ang matibay. Palakasan.

Ang dagling kaligayahan ni Dayang Hirang ay nahalinhinan ng timping pangamba. Paano kung hindi magwagi si Donaio? Hindi mapabilang sa tatlong mananagumpay. Kinabahan siya at ang lahat nang patungkol sa panalangin ay iniukol niyang lahat sa sinisintang lalake. Tumulo ang kanyang luha at ikinubli sa balana.

Nagbago ang kaanyuan sa loob ng arena nang maghubad ng damit ang mga maharlikang kalahok sa paligsahan at bahag na lamang ang natira sa katawan. Nahantad sa karamihan ng mambubuno ang matipunong katawan. Magigilas ang tindig at lalo pang pinaalsa ang namimintog nilang kalam’nan na kung wawariin, mapipisa ang sino mang malingkisan.

Gumaya si Donaio, hinubad ang pang-itaas niyang saplot na walang manggas at walang kwelyo. Nakaputot lamang na hanggang tuhod ang haba at halata ang nagninisnis na laylayan.

Doon na sumigabo ang halakhakan ng mga manonood. Parang mga baliw. Naglulundagan sa panunudyo, pagkat nahantad sa kanilang paningin ang higit pang nakakarimarim na anyo ng pastol. Baluktot ang katawan, puno ng bukol at nangingitim ang balat na wari’y nangangapal sa libag.

Napakagat-labi si Dayang Hirang. Para bang hindi niya kayang panoorin ang hirap na maaaring danasin ni Donaio. Nagdasal siya ng walang patlang.

Halata naman ang tagong tawanan ng tatlong mag-iinang magkakasapakat sa pangyayaring iyon. Laging umaayon at hindi na kailangang utusan ang pastol upang mag-alis ng damit tulad ng ibang mambubuno. Kaya naman, panay ang turo ni Salina kay Donaio. Nang-aalipusta at tinitiyak na iyon ang magiging kapalarang ni Dayang Hirang. Alam nilang kasama sa tatlong magwawagi ang hamak nilang pastol dahil sa tinatawag na pandidiri ng kalaban. At alam din nila iyon kung kanino makakasal.

Lumaganap ang katahimikan nang magsimulang magharap-harap ang mga kalahok. Nagsunggaban at nagbalitian. Naghampasan sa lupa. Nagyakapan upang pairalin ang lakas na ginaya sa lingkis ng sawa. Pagulong-gulong sa lupa at ang may malakas na katawan, siyang nakatindig.

Karamihan sa mga nakahilata sa lupa ay ang matatandang Hari. Hindi nila makayanan ang lakas ng kabataan. Minabuti nilang makapagpahingang nakahandusay. Masakit ang katawan at namumula ang balat sa pagkakalamog.

Lumawig pa ang labanan. Dumami ang mga nakatumba at nabawasan ang nakatindig. Pawang magigilas at nagmamadaling matapos na ang subukan.

Dahil doon, nahantad sa madla si Donaio. Patalun-talon at talagang lalaban kahit mahirapan. Ngunit isa mang katunggali ay walang gustong sumagi sa kanya. Agad umuurong kapag siya ang nakakaharap.

Muling umugong ang malakas na tawanan. Walang hindi napapalundag sa pagtawa. Itinuturo si Donaio na naging payaso sa tingin at talagang sumasakit ang tiyan nila sa kakahalakhak. Ang iba nama’y umiiyak na sa labis na katuwaan at naglulupasay pa sa lupa, pagkat higit pa sa libong lukayo ang kanilang nakikita.

Namayani ang galing ng magpinsang Konde Orolfo ng kahariang Borgandi at Duke Rendon ng Batalya. Sila ay kapwa pamangkin ni Haring Gustavo ng Portagesa. Totoong magaling sila sa pandaraya pagkat halos araw at gabi, wala silang sawa sa pagsasanay kung paanong mananatiling nakatindig. De numero ang kanilang kilos sa labanan. Kunwa’y tunay silang magkagalit. Palitan kung matumba at sadyang hinihintay lamang na mahandusay sa hirap ang ibang kalahok.

Ang igting ng labanan ay umabot sa sukdulan. Apat na lamang ang nakatindig. Sila ang magpinsang pamangkin ni Haring Gustavo. si Donaio at ang isang Punong Ministro ng kahariang Fortuna. Isang bayan na nagigitnaan ng Borgandi at Batalya. Siya ay si Bartolo. Pandak, mataba at malaki ang tiyan pero, may bahagyang kakisigan.

Wala namang tigil ang hagikgik ni Salina, parang alam na niyang si Donaio ay hindi masasaling ng kalaban. Pandidirihan at mamamalaging nakatindig sa gitna ng arena. Ibig sabihin, maiiwan sa pagpipilian ng dalawa niyang anak si Donaio at mapupunta naman kay Dayang Hirang. Ang pamangkin na gusto niyang ibagsak sa napakapangit na kalagayan at mapalayas upang masarili ang kaharian. Gayon man, may nakikita pa siyang balakid. Ang tusong si Bartolo na walang ginawa sa labanan kundi ang tumakbo nang tumakbo at umiwas sa pakikipagbuno.

Noon nama’y palipag-lipat ang tingin ng apat na lalaking nakatindig sa gitna ng arena. Gustong itumba ang isa upang maging tatlo lamang ang nakatayo, ngunit ang dalawang may taglay na kakisigan ay biglang nagbago ang layunin. Bakit pa sila magpapagod, samantalang tiyak na ang kanilang kapalaran sa dalawang Dayang.

“Kayong dalawa ang dapat na maglaban!” biro ni Konde Orolfo kina Donaio at Bartolo. Pigil ang pagtawa, ngunit halata naman sa kilos ang pangungutya.

“Tama!” katig ni Duke Rendon. “Isa sa inyo ang mapupunta kay Dayang Hirang”

Biglang nayanig si Bartolo. Kung tutuusin, higit nga siyang mapalad kung maitutumba niya si Donaio, pagkat sa tatlong Dayang, nakikita niyang nangingibabaw ang ganda ni Dayang Hirang. Subalit nandidiri naman siyang dumaiti sa kalaban na kung tingnan ay tila may hinog na duhat sa balat at baka kung masaling ay mapisa. Kapagkuwa’y bumaling siya sa magpinsan. Lalong hindi maaaring kalabanin at baka digmain ng mga iyon ang maliit nilang kaharian.

Sapilitang umisip ng paraan si Bartolo. Kailangang gulatin niya si Donaio at baka sakaling mapatakbo kung bibiglain sa malakas na sigaw.

Ngunit matatag si Donaio. Ipaglalaban niya ang kanyang pag-ibig kay Dayang Hirang, sukdulang mapisa mang lahat ang nasabing duhat na nakadikit sa kanyang balat.

Isa pang maparaang panduduro ang isinagawa ni Bartolo. Lumayo siya at tumakbong pabalik kay Donaio. Sumisigaw at nakaunat ang mga kamay sa anyong may dadaklutin.

Napamaang ang binatang tila ipinaglihi sa hitik na bunga ng duhat. Pilit na pinaglabanan ang sindak, pagkat papalapit ang wari’y kulog na sigaw. Napausal siya. “O mahiwagang tungkod na kaloob ng Ina kong Diwata. Kahit malayo ka sa akin, tulungan mo akong magkaroon nang katuparan ang wagas kong pagmamahal kay Dayang Hirang.”

Kung ano naman ang bilis ni Bartolo sa pagsugod, gayun din ang biglang pagtigil. Parang binulaga lang niya si Donaio at saka tumalikod upang muling tumakbo.

Nagulat nga si Donaio. Napatalon ng malakas. Bumagsak at napakubabaw sa likuran ni Bartolo. Nakayakap sa leeg at maging ang mga paa ay sumaklay din sa baywang ng kalaban. Mahigpit.

Lalong naging malakas ang sigaw ni Bartolo. Hiyaw na may kilabot pagkat naramdaman niya ang bigat na nakaukyabit sa kanyang likuran. Ang kalaban na kahit kasintaas lang niya sa tingin ay d makakailang malaking lalake rin kung hindi baluktot o kuba ang pagkakatayo.

Patuloy ang nakakakilabot na hiyaw ng Punong Ministro ng Fortuna. Sumagad ang nakakarimarim na pandidiri nang maramdaman niyang nagputukan ang ilang bukol ng kalaban na kahit hangin lamang ang laman, para siyang hinipan nang mainit na bagay.

Ngayon ay nagtatarang na si Bartolo. Pilit na iwinawaksi ang tila pagkit na taong nakadikit sa kanya, hanggang sa siya ay mapagod at nanghihinang nahandusay na nakadapa. Latag ang katawan sa lupa.

Agad namang tumindig si Donaio at tila bayaning nagpugay sa madla. Datapwat hindi matiyak kung sadyang nagkabisa ang hiling niya sa mahiwagang baston o likas na nandiri lamang ang Punong Ministro kung kaya hinimatay.

Nagpalakpakan ang mga tao. Naghiyawan. Tuwang-tuwa sila sa pagkakapanalo ni Donaio. Ipinagbunyi nila ang nasabing pastol bilang isang katatawanan.

Nakipalakpak din sina Konde Orolfo at Duke Rendon upang papaniwalain ang mga tao na sila’y umaayon sa hatol ng bayan. Gusto nilang magpakita ng kaginoohan sa harap ng mga Dayang. Ngunit bakas naman sa kanilang ngiti ang galit kay Donaio. Hindi matanggap na ang kalahi nilang maharlika ay matalo lamang ng kung sinong nilalang na napakapangit pang tingnan.

Tumayo si Rahana Salina. Tiwasay ang mukha. Halatang gusto pang tumawa at malakas ang tinig nang magsalita. “Ang batas ay batas. Walang makakasira sa kaugaliang minana pa natin sa ating mga ninuno. Kung sino ang pinakamatanda sa tatlong Dayang, siyang may karapatang maunang pumili ng kanyang makakaisang puso. Ikaw Dayang Giliw ang panganay. Piliin mo sa tatlong iyan ang karapat-dapat sa iyong kagustuhan.”

Natutuwang napatindig ang nasabing Dayang at agad na itinuro si Konde Orolfo. Ang pinakamayaman sa kanyang pagkakaalam.

Buong yabang namang nagmalaki si Konde Orolfo. Yumukod pa at nagpalipad ng halik sa hangin. Tanggap na rin ang kapalaran, kahit ang tunay niyang napapansin ay si Dayang Hirang.

Pagkatapos pumalakpak ni Salina, muli siyang nagsalitang pasigaw. “Ang susunod namang mamimili ay ang pangalawang mas bata kay Dayang Giliw. Siya ay si Dayang Sinta!” at pinalakpakan din ang pagtayo ng kanyang anak.

Nakatawa si Dayang Sinta nang ituro si Duke Rendon. Ang pinakamakisig at magilas ang tindig. Ang katangiang gusto ng nakababatang anak ni Salina.

Mababakas sa mukha ng dalawang Dayang ang nag-uumapaw na kaligayahan. Naniniwalang sila ang mapalad pagkat sa tatlong pagpipilian, hindi sa kanila mapupunta ang inaakala nilang hamak at pangit na pastol.

Nag-uumapaw din sa puso ni Donaio sa kaligayahan. Nakatakdang mapasakanya ang nililiyag na dilag. Gusto rin niyang maging magilas sa tingin. Pilit na inunat ang baluktot na likod upang tumaas kahit bahagya lamang.

Pagkaraan ng masayang pamamalakpak ni Salina, bumaling siya sa kinauupuan ni Dayang Hirang. Halata ang kunwa’y lungkot sa kanyang mukha nang magsalita at higit na malakas. “Ang batas ay batas. Hindi makakaiwas si Dayang Hirang na sa kanya mapupunta ang hamak kong pastolero. Hindi siya makatatanggi pagkat ito ang kagustuhan ng taong bayan. Sila ang humiling na ipatupad ko ang banal na kaugalian ng ating lipi. Ngayon, Dayang Hirang. Ituro mo ang lalaking para sa’yo!”

Matamis ang ngiti ng pinakabatang Dayang at itinuro si Donaio. Walang pagkukunwari at sadyang bukal sa puso.

Higit na masigabo ang palakpakan at hiyawan ng mga mamamayan. Iyon ay hindi sanhi ng magandang pangyayari kundi dahil sa katatawanan.

Pagkatapos noon ay bumaba sa entablado ang tatlong Dayang at lumapit sa kani-kanilang mapapangasawa. May ngiti ang kanilang mga labi at bakas ang kasiyahan.

Ang kaiga-igayang tagpo ay biglang nauntol nang magsalita ang Rahana. Mataginting at lalo pang pinalakas. “Ang kastilyo ng Haranggani ay tahanan ng mga maharlika. Hindi ko matatanggap na doon manirahan ang hamak kong pastol. Magiging mababa ang aming kalagayan. Ikaw, Dayang Hirang. Sumama ka sa pastol. Doon ka manirahan sa pamayanan ng mga hayop. At ngayon din, sa ngalan ng aking kapangyarihan at likas na batas ng ating lahi, ibinibigay ko ang karapatan na kayo ay magsama bilang mag-asawa.

Hindi nakatiis na di sumagot si Dayang Hirang. “Ako’y pamangkin ninyo, o mahal na Rahana. Bakit ako’y inyong pinaaalis?”

“Kailan man, labag sa ating kinagisnang lahi ang gawing mababa ang banal na kastilyo ng Haranggani.” sagot ni Salina at hinudyatan ang mga mamamayan upang lumisan.

“Ngunit may karapatan din ako sa ating banal na kaharian, pagkat ako ay anak ng yumaong Raha.” giit ni Dayang Hirang.

“Iyon ay noong buhay pa ang iyong Ama. Subalit ang lahat ay naparam. Ako na ngayon ang makapangyarihan at balang naisin ko ay matutupad.

Hindi na kumibo si Dayang Hirang. Sa luha na lang idinaan ang sagot. Talagang ganoon ang kanyang ugali. Nauunang sumusuko sa pakikipagtalo. Hindi pinalalalim ang suliranin sukdang malagay siya sa alanganin.

Nanatili namang walang kibo si Donaio. Natanim sa kanyang isip ang ugali ni Salina. Mapagmataas. Walang nakikita kundi ang katanyagan ng isang tao. Balang araw, alam niyang may hangganan ang pag-akyat sa taluktok ng bundok. Hanggang doon na lamang at hindi na dapat pilitin ang pamamayagpag pagkat ang kabilang hahakbangan sa bundok ay pababa na.

Namalagi ring nakatitig si Donaio kay Dayang Hirang. Nahahabag at nagmamahal. Napilitan siyang magsalita. “Kung inalisan ka man ng karapatan sa kahariang ito, balang araw, sa dako pa roon, ipapasok kita sa maunlad na kaharian.”

“Magaling!” nang-uuyam na sabi ni Salina. “Magaling kang mangarap. Kung sa langit ay may ulap, dito naman sa lupa ay may burak! Kailan man, ang putik ay hindi makakarating sa alapaap. Hangang burak ka na lang. Hindi ka na makakaahon sa kumunoy! Patuloy kang mamamastulan sa aking bakahan. Makakaalis na kayo!” dugtong pang punung-puno nang di masikmurang pang-aalipusta kay Donaio.

Sa pagkakataong iyon, si Dayang Hirang ang labis na nasaktan. Nagtakip ng palad sa mukha at para bang ayaw nang makita ang kapaligiran.

Noon naman, pagkatapos umismid ni Salina. Agad niyayang pabalik sa kastilyo ang dalawa niyang anak, kasama ang mga naging kapalaran.

Ang gayong pangyayari ay matagal nang pinag-isipan ni Salina. Umiral sa kanya ang labis na kasakiman. Ayaw na niyang bumaba ng trono, gayong sa batas nila, si Dayang Hirang na anak ng namayapang Raha ang siyang karapat-dapat sa ganoong luklukan, ngunit nagawang dagdagan ni Salina ang batas ng kanilang lipi. Ang Dayang ay kailangang makapag-asawa ng isang lalaking mataas ang uri, pagkat maharlika lamang ang dapat manatili sa kastilyo. May angking kakayahan at anyo sa loob ng kaharian.

Hindi rin makapangatuwiran ang lupon ng matatanda pagkat nabago na ang batas at takot din sila kay Salina.

Dahil sa pagdaramdam at pag-aalipusta ni Salina kay Donaio, agad nagyaya si Dayang Hirang sa kanyang asawang pastol upang lumisan. Hindi na inalintana ang kanyang kalagayan. Walang dalang damit o ano pa mang ikabubuhay. Sasama na siya kay Donaio kahit aba lamang ang maging buhay.

“Huwag kang matakot sa anyo kong nakakarimarim. Hindi kita sasalingin at mananatili kang dalaga sa aking paningin.” sabi ni Donaio habang naglalakad silang may agwat sa palanas na lansangan.

Hindi kumibo si Dayang Hirang. Saglit lang niyang tinanaw ang lalaking pangit, kapagkuway itinuwid ang paningin sa daraanan nilang nalilimliman ng mga punong kahoy. Para siyang nahihiya sa pangyayaring ilang sandali lang, naging asawa niya ang dayuhang pastol. At bukod roon, nakita rin niyang nasa mata ng mga tao ang pagtawa habang sila ay nagdaraan.

Si Donaio nama’y hindi makatingin. Nag-aalinlangan siya sa ganda ng kanyang asawa. Isipin mang makasampung ulit, hindi maaaring idampi ang labi niyang nangangapal sa bukol, samantalang ang nakikita niyang labi ni Dayang Hirang ay tila rosas na namumukadkad ang kapara. Mga labing kung iisipin niya ay napakasarap hagkan. Halik na kusang natututuhan kahit hindi pa niya nasusubukan, ngunit siya’y natatakot. Wala siyang makitang dahilan kung bakit naatim ng Dayang na siya ang maging asawa. Kalauna’y naisip niyang baka iyon ay may pusong maaawain. Awa lamang ang dahilan. Subalit siya na rin ang sumira sa kanyang akala. Hindi ganoon kadali ang sumubo sa pag-aasawa. Gayon man, kailangan niyang tumbasan ng kabutihan ang pagpapakasakit na sinuong ni Dayang Hirang.

Ang madlang kalikasan ay saksi sa dalawang naglalakad. Malamig ang dapyo ng hangin na para bang patnubay upang maibsan ang init at pagod ng dalawang bagong mag-asawa, ngunit biglang nagbago ang nasa isip ng tadhana.

“Kung naririnig mo man lang ako, o makapangyarihang tungkod.” bulong ni Donaio. “Kahit wala ka sa aking piling, dinggin mo sana ang aking hiling. Gawin mong kaaya-aya sa tingin ang loob nang tinitirhan kong kubakod at may masarap na pagkaing nakahain sa hapagan.” dugtong pa niyang nag-aagam-agam dahil kaninang dumating ang kawal na tagapagdala ng pagkain ay ibinalik niya sa dating pangit na anyo ang kubo.

Sanay sa paglalakad si Dayang Hirang. Narating nila ang pastulan na di man lang siya napagod. Nakakaginhawa pa ang malamig na simoy ng hangin at ang manaka-nakang huni ng mga ibon sa punong kahoy.

Una pang nanibago si Donaio nang matanaw ang tinutuluyang kubo. Walang sira ang dingding. May sarahan na ang pinto at bintana. Noon lang niya napatunayan na kahit malayo sa kanya ang tungkod, maaari siyang humiling lalo na kung sa kabutihan lamang iuukol.

Bago sila pumasok sa loob ng kubo ay muling nilingon ni Donaio ang malabay na puno sa tabi ng pinto. Doon ay may hapagan na dati ay wala. Yari sa kawayan at nakapaikot sa puno. Ganoon din ang luklukan na may sandalan. Magandang masdan at wari’y masarap upuan.

Sa bungad pa lang ng pinto ay humanga na agad si Dayang Hirang sa inaakalang masinop na pananahan ni Donaio. Kahit lalake ay marunong mag-ayos ng tahanan. Walang silat ang sahig at may tulugan na kasinlambot ng tunay na himlayan sa palasyo. Mabango ang paligid at labas-masok ang sariwang hangin.

“Paano mong napaganda ang ganitong kubakob?” humahangang tanong ni Dayang Hirang pagkat ang talagang hilig niya ay isang panirahang yari sa kawayan. Pumasok siya sa loob at luminga ang paningin.

Hindi kumibo si Donaio. Ayaw niyang magsinungaling at idinaan na lang ang sagot sa bahagyang pagtawa.

Hindi na rin nag-usisa si Dayang Hirang. Siya na rin ang sumagot sa sarili. Naisip niyang masipag sa bahay si Donaio. Malinis at maparaan sa mga gawain, ngunit isang bagay ang nais sana niyang malaman kung saan galing ang malinis at malambot na sapin sa himlayan. Hindi na rin siya nagtanong.

“Maninibago ka sa iyong kapaligiran.” wika ni Donaio. “Sanay ka sa karangyaan. Dito ay kahirapan.” dugtong pa niya at inalok na maupo ang Dayang sa likmuang kawayan na naroon. May sandalan at kahit dalawang tao ay maaaring magkasya.

“Higit akong nasisiyahan sa ganitong kalagayan. Nasa dugo ko ang ugaling katutubo. Maaari sa kastilyo at maaari din sa kubakob.” sagot ng Dayang nang makaupo sa likmuang pahaba.

“Maganda ka na, maganda pa rin ang ugali mo. Mapalad ang lalaking mamahalin mo.” nalilito ngunit naliligayahang sabi ni Donaio.

“Ikaw na nga ang lalaking iyon.” natatawang sabi ni Dayang Hirang.

Panatag na sumandal sa upuan at nakatawa pa ring nilinga ang kausap.

Mandi’y nagulat si Donaio. Gustong liwanagin ang katanungang di niya kayang sagutin. “Bakit mo nasabing ako ang lalakaing mapalad sa iyong pagmamahal? Paano mo akong natanggap?”

Ang pagtawa ni Dayang Hirang ay nahalinhinan ng pagkatigagal. Hindi siya makapagsalita at mangyari man iyon, paano niya sasabihing nabihag siya sa natatagong kisig ni Donaio. Agad siyang umibig sa pangitaing nasalamin niya kay Donaio sa tubig ng sapa.

“Bakit hindi ka makasagot?” nakayukong tanong ni Donaio pagkat natatakot siyang makita na nagbibiro lamang ang Dayang at sabihing napasubo lang siya dahil sa kagustuhan ni Salina.

“Kahit hindi ko masabi sa’yo ang tunay na dahilan.” wika ng Dayang. “Naakit din ang puso ko sa taong may malinis na kalooban. Mabait at gustong mabuhay ng marangal na paraan. Ganyan ka sa tingin ko Donaio,”

“Salamat sa pagtitiwala mo, mahal kong Dayang. Sana dumating ang panahong mahubad sa pagkatao ko ang kalagayan ko ngayon. Gusto kong maging karapat-dapat sa iyong kagandahan.”

Napatitig si Dayang Hirang kay Donaio. May ibig sabihin ang narinig niyang pangungusap. Lalong tumibay sa kanyang pandamdam ang isang hinala, ngunit hanggang doon lamang pagkat nahihiya siyang mag-usisa.

Di kawasa’y iniba ni Donaio ang usapan. Niyaya niya sa labas ang Dayang. Bitbit ang isang lutuang pangkalanan at pangnan na iba-ibang pagkain ang laman.

Naupo si Dayang Hirang sa lilim ng punong kahoy. Pinanood ang ginagawa ng pastol sa kalapit na dapugan. Ang baga ay nagmumula sa malaking kahoy na naging uling. Nakita niyang baka nangangaso ang pastol kapag walang ginagawa. Naamoy din niya ang nakakagutom na samyo ng inihaw. Ang umaamoy na sabaw nang kung ano sa lutuan at ang nagbabanguhang bungang kahoy na sadyang hinog sa panahon.

Kahit sa ganoong anyo, mabilis kumilos si Donaio. Halata ang pagmamadali pagkat malapit nang tumirik ang sikat ng araw.

Nakangiti namang tumindig si Dayang Hirang. Lumapit at tangkang tumulong kay Donaio. Gusto niyang madaliin ang pagpapainit ng mga pagkain. Talagang nagutom siya sa nakakaganang amoy ng mga niluluto.

“Mauulingan ka, Mahal kong Dayang. Maupo ka at ako na lang ang magsisilbi sa’yo.” Amuki ni Donaio at gusto pa sanang akayin ang Dayang, ngunit siya ay natigilan.

“Hindi akong pastol.” Iling ng natatawang Dayang. “Ayokong pinaglilingkuran. Gusto kong magkatulong tayo sa gawain pagkat masarap kainin ang pinagpaguran. Siya nga pala. Saan mo kinuha ang lahat nang iyan?” dugtong pang tanong.

“Sa kabundukan.” sagot ni Donaio, “Doon ay hindi mauubos ang pagkain.” sudlong pang kasabay ang pagturo sa kagubatan.

“Hindi, mahal kong asawa.” iling ng Dayang. “Ngayon ay napapanahon ang pagdami ng lahing Ulikba. Dahil sa kanila, nasasalot ang kagubatan at mabilis maubos ang likas na pagkaing bundok. Ilang buwan pa, ayon sa matatanda, matututo na naman silang kumain ng tao. Mag-iingat ka sa kanila.” sabi pang nangangamba at tinitigan ang mga matang mailap sa kanya.

May ligaya namang nakintal sa puso ni Donaio, dahil tinawag siyang asawa ni Dayang Hirang at sa mataos na pag-aalala niyon. Agad siyang nangatuwiran. “Sa ayos kong ito, mas gugustuhin pa nila ang mamatay sa gutom kaysa kainin ako. Di ba?”

Natawa si Dayang Hirang ngunit dagli ring iniba ang usapan. “Kapag nagpaligo ka ng kalabaw, isama mo ako.”

“Bakit? Ano’ng gagawin mo sa sapa?” nagtatakang mga tanong ni Donaio.

“Wala. Gusto ko lang mamasyal. Ayon sa kuwento. Doon daw tinambangan ng mga Ulikba ang Ama kong Raha.”

Nag-isip si Donaio bago nagsalita. “Masusunod ang gusto mo, aking Dayang, pero, pagkatapos pa nating kumain at makapagpahinga ka sa loob ng kubo. Matulog ka muna at magbabantay ako rito sa labas.”

Ngayon lang nanamnam ni Dayang Hirang ang maganang pananghalian. Nararamdaman niyang mas kaiga-igayang manirahan sa ganoong kubo pagkat doon ay wala siyang suliranin. Malaya ang kanyang kilos at wala ring pinakukundanganan.

Bandang hapon nang gumayak patungong sapa ang dalawang nataguriang mag-asawa. Nakasakay sa kalabaw si Dayang Hirang at akay naman ni Donaio ang nasabing hayop. Kung titingnan, wari’y sanay sumakay sa ganoong sasakyan si Dayang Hirang. Patagilid ang pagkakaupo. Nakabaluktot ang kaliwang paa at nadadaganan naman nang nakaunat na kanang paa sa tagiliran ng kalabaw habang minamasdan ang paglakad ni Donaio. Patikod pagkat bahagya ring maiksi ang isang paa. Naaawa siya sa may ganitong kapansanan.

Sa paglalakad ni Donaio, masalimuot ang kanyang isip. Paano niyang bibigyan ng pamalit na damit si Dayang Hirang. Mga gamit sa pang-araw-araw na pangangailangan. Madali sana pagkat mayroon siyang makapangyarihang tungkod na mawalay man sa kanya ay kusa ring nagbabalik. Mahihiling niya roon ang kahit anong bagay na kailangan ng kanyang asawa, ngunit sa ngayon, ayaw pa niyang ipaalam sa ninuman na siya ay hindi lang pangit kundi may taglay ding kapangyarihan.

Ganoon din si Dayang Hirang. Nililimi ang kamatayang nangyari sa kanyang Amang Raha. Alam niyang sa pook na iyon naganap ang kapahamakan. Ang kaawa-awa niyang ama na hindi niya nakita sa pagiging dalaga. Napatungo siya. Matagal, hanggang sa manumbalik ang dating pag-asam. Nasasabik na siyang makarating sa patutunguhan upang muling mapatunayan ang tanawing nasalamin niya sa tubig ng sapa. Gustong makitang muli ang kakisigang bumihag sa pihikan niyang puso, at matagal na mapagmasdan upang maisaulo ang kaanyuang iyon.

Di naman nagtagal, sinapit nila ang sapa. Bumaba sa kalabaw si Dayang Hirang. Hindi siya inalalayan ni Donaio pagkat tinutupad lang ang pangakong hindi siya sasalingin kahit sa daliri man lamang.

Padausdos ang ginawang pagbaba ni Dayang Hirang sa lupa. Agad siyang tumindig sa pook na kung saan ay doon niya nasalamin sa tubig ang tunay na anyo ni Donaio. Malakas ang pintig ng kanyang puso.

Wala naman sa loob na inilusong ni Donaio ang kalabaw sa sapa. Sinabuyan pa niya ng tubig at saka hiniluran sa pamamagitan ng uhay na hinablot lang niya sa kung anong halaman.

Napakunot ang noo ni Dayang Hirang at naging mapanuri ang mga mata. Nakita na naman niya ang kakisigan na laging napapangarap kahit hindi siya natutulog. Ang anyong magilas. Hindi kuba. Maputi. Makinis ang balat. Bahagyang may alon ang buhok at tama lang ang lusog ng katawan. Lalo siyang naakit habang iyon ay kanyang tinititigan.

Patuloy lang si Donaio sa kanyang gingawa. Hindi na niya pinansin ang panunuri ni Dayang Hirang. Buhos ang loob niya sa ginagawa upang matapos agad at makabalik na sa kubo. Nag-aalala siyang baka mangawit na sa katatayo ang kanyang kasama.

Buhos din ang loob ni Dayang Hirang sa ginagawang pananalamin sa tubig. Kung maaari lang, ibig niyang tanggalin ang tila balatkayong kasuotan ni Donaio upang mahantad ang tunay na pagkatao. Ngunit siya na rin ang pumipigil sa kanyang sarili. Wala siyang kapangyarihan upang gawin ang kagustuhan ng kanyang mga mata.

Umahon sa tubig si Donaio, kasunod ang kalabaw na wari’y turuan kahit hindi na akayin sa lubid. “Halika na aking Dayang. Baka tayo gabihin sa daan.” sabi pa niya na may angking hinala pagkat nasa mata ng kanyang hirang ang kislap ng kaligayahan.

“Ha!? Oo” nabiglang sagot ng Dayang na patuloy ang tingin sa tubig kahit wala na ang sinisintang pangitain.

“Alam kong nakita mo ang hiwagang bumabalot sa aking pagkatao.” Sabi ni Donaio nang sila’y kapwa naglalakad sa lansangan pagkat basa ang balat ng kalabaw at ayaw sakyan ni Dayang.

“Totoo ang sabi ng mga matatandang manggagamot ng kastilyo. Ang tao raw na tulad mo, sa tubig masasalamin ang tunay na anyo.” anang Dayang na may angking puwersa ang salita kaya napaamin niya si Donaio. Tumango sa kanya.

Ang nangyari sa akin ay sapol pa sa aking kamusmusan. Ang kasaysayan ay ipinakita ng Ina-inahan kong Diwata sa pamamagitan ng mahiwagang salamin. Doon ay maliwanag kong nalaman kung saan ako nanggaling.” tumigil sa pagsasalita si Donaio. Nilingon ang pasibsib na araw at saka nilinga ang Dayang. Tinitigan at parang lalo siyang naakit sa anyo niyon na nasasabik.

“O, bakit?” tanong ng babae. “Ituloy mo ang kuwento. Saan ka galing?

Bumagal ang hakbang ni Donaio, muling nilingon ang Dayang at nagwika. “Baka abutin tayo ng dilim sa daan. Saka ko na lang itutuloy ang aking salaysay.”

Hindi na kumibo si Dayang Hirang. Minadali ang paglalakad. Nangangamba. Naalala niya ang nababalitang lumilipana na naman ang lahing Ulikba. Marami ang nakakitang umabot na ang mga iyon sa pook na di kalayuan sa pastulan. Mapanganib na ang kapaligiran.

Takipsilim na nang marating ng dalawa ang munting kubo sa kaparangan. Agad nagsindi ng tinghoy si Donaio upang lumiwanag ang kabahayan. Pagkatapos, dagli ring lumabas upang ihanda naman ang kanilang hapunan. Sa taong may hawak na kapangyarihan, madali lamang ang ano mang gawain.

Lumabas din si Dayang Hirang. Tumulong sa pagsusulong ng gatong, ngunit ang totoo, ibig lang niyang marugtungan ang kuwento tungkol sa buhay ni Donaio at kung saan nagmula.

“Mahaba ang aking kasaysayan. Bukas na lamang upang maaga kang makatulog.” anang pastol habang tinatayantang sa baga ang isang malaking isda at pinapalis ang dumikit na abo.

Bantulot ang Dayang sa mungkahi ni Donaio. Parang gustong ipilit na marinig ang buhay at karanasan ng pastol. Tumitig siya sa kausap at ipinahiwatig ang kagustuhan.

Umiling si Donaio bago nagwika. “Unang gabi mo rito. Sanayin mo muna ang iyong sarili sa maagang pagtulog.”

Natawa si Dayang Hirang. Hindi na nagpumilit at umasa na lang sa katiyakang bukas itutuloy ang gusto niyang malaman. Iniba na lang ang paksa. “Malayo tayo sa dagat, paano kang nagkaroon ng isdang-alat?”

Natigilan si Donaio. Hindi malaman ang isasagot. Tumindig at kunwa’y inihanda ang hapagan. Umanyo siyang abala sa gawain at pabulong na lang ang sagot. “Galing nga iyan sa malayong karagatan. Ngunit sa tulad kong galing sa kahiwagaan, hindi suliranin ang bagay na iyan.”

Napasunod lang ang tingin ni Dayang Hirang kay Donaio. Para siyang natigilan sa pagiging mausisa. Hindi niya lubos na naunawaan ang paliwanag kaya tumahimik na lang siya.

Naging masarap ang hapunan ng dalawang magkasalo. Lalong sumarap sa panlasa ni Dayang Hirang ang inihaw na isda. Ngayon lang siya nakatikim ng ganoong pagkain na kapag isinawsaw sa di niya malamang sangkap ay nag-iibayo ang linamnam. Marami siyang nakain.

Naging abala rin si Donaio sa paghahanda ng himlayan ni Dayang Hirang. Mula sa isang malaki at lumang baul, inilabas niya ang tanging kumot na binusilak sa kaputian. Parang pelus sa lambot. Makapal at angkop sa malamig na gabi. Naglabas din siya ng tatlong unan. Matatambok at malambot. Ang isa ay para sa ulo at ang dalawa ay dantayan ng mga paa.

“Natatakot ako, aking asawa. Baka tayo paslangin ng mga lahing ulikba.” Sabi ni Dayang Hirang habang nakaupo sa malambot na himlayan.

Huwag kang matakot, aking Dayang. Hindi sila makakalapit dito, tulad nang ginawa kong pagpapalayas sa mga maligno.’ anang pastol sa nasang pumayapa ang loob ng babae .

Agad namang naniwala si Dayang Hirang sa kakayahan ni Donaio. Matiwasay siyang nahiga nang makalabas ng kubo ang pastol matapos isara ang mga lagusan.

Nanatiling dilat ang mga mata ni Dayang Hirang. Nag-iisip at humahanga sa pagkalalake ni Donaio. Hindi siya gagalawin at maghihintay muna ng takdang panahon kapag ganap na ang hinaharap. Marahil may dala ring pambili ng gamit si Donaio at ang lahat ng ito ay galing sa bayan.” bulong pa niya habang hinahaplos ang kanyang himlayan na bagamat mumurahin lamang ang kapara ay masarap namang higaan.

Si Donaio ay sa labas ng kubo natulog. Nakabaluktot sa mahabang upuan. Walang kumot at unan. Hantad sa balana at tiwangwang sa ihip ng hangin. Ngunit bago iyon, matagal siyang nagmuni-muni at nangarap ng kaligayahan. Nasa piling na niya ang babaing pinaka-iibig at parang hindi pa rin siya makapaniwala sa gayong pangyayari. Sana raw, huwag na siyang magising kung iyon ay pangarap lamang.

Sa kadilimang iyon, mapapansin ang mahiwagang tungkod sa ibabaw ng hapagan. Parang bantay na handang mamaluka kung may masama ang tangka.

Sa unang gabi ay paninibago. Hindi nga makatulog si Dayang Hirang. Laging sinisilip sa labas si Donaio sa pangambang nakahantad iyon sa panganib. Mag-uumaga na nang siya ay makatulog.

Mataas na ang araw nang magising si Dayang Hirang. Agad siyang lumabas ng kubo at hinanap ng tanaw si Donaio. “Wala siya. Saan kaya nagpunta?” bulong pa niya habang nililinga ang paligid. Di kawasa’y naupo siya sa likmuang kawayan at napasulyap sa hapagan. Nakita niya ang sartin na may umaasong inuming kakaw. Ang isang malaking tinapay na anyong galing sa hurnuhan at ang malapot na gatas ng baka sa paraang pinatigas at kung tawagin ay keso.

Agad tumindig si Dayang Hirang at naglakad sa paligid. Ang alam niya ay nasa malapit lamang si Donaio pagkat mainit pa ang nakahandang almusal, ngunit siya’y nagkamali. Mula sa malayo ay natanaw niyang papalapit ang pangit na pastol. May dalang kung ano at naglalakad lamang.

“Saan ka galing?” tanong ng Dayang sa pagsalubong.

“Sa bayan.” sagot ni Donaio. “Bumili ako ng gamit mo sa araw-araw, tulad ng damit.” ang dugtong matapos ibaba mula sa balikat ang tungkod niyang nakatusok sa isang balutan.

“Ang gaganda naman ng damit na binili mo. Saan ka kumuha ng pambili? Nagtataka pang tanong ni Dayang Hirang pagkat alam niyang aliping-kain lamang ang katayuan ng kanyang asawa.

“Ipinagpalit ko ang aking kalabaw.” Kunway malungkot na sagot ni Donaio. Gayong ang totoo, pinabalik na niya sa Mahikalandia upang muling magkasama-sama ang mag-iinang kalabaw at magkaroon din ng kasagutan ang kanyang mga dahilan.

“Ano?” nabiglang sabin i Dayang Hirang. Lumungkot ang mukha. Alam niyang hindi na sila magpapaligo ng kalabaw sa sapa at hindi na rin niya masasalamin sa tubig ang kinasasabikang kakisigan ni Donaio. “Bakit mo pinagpalit?” nanghihinayang pang tanong.

Hindi makasagot si Donaio. Nahihiya sa kanyang pagsisinungaling. Hindi niya masabing galing sa mahiwang tungkod ang dala-dalahan niyang bagay.

Napatungo na lamang ang Dayang sa pagwawalang kibo ng pastol. Hindi na rin niya tinanong kung bakit hanggang ngayon ay mainit pa ang kanilang almusal kung talagang ang asawa niya ay galing nga sa bayan. Ang alam niya, totoong mahiwaga si Donaio. At ngayon, gusto niyang marinig ang karugtong ng kasaysayang sumasaad sa buhay ng pastol.

Ganoon nga ang nangyari. Habang nag-aalmusal sila ay nagkuwento si Donaio. Mula noon hanggang ngayon. Wala siyang inilingid maliban sa taglay niyang mahiwagang tungkod. Ayaw niyang magkaroon ng pag-aalinlangan ang Dayang na baka gamitan siya ng kapangyarihan sa mabuti man o masama.

“Kung gayon, ikaw ang anak ng dakilang Radam,” sabi ng Dayang, kinabahan at saglit na tumigil sa pagkain. “Isa kang Don. Ang pinakamataas na uri ng dugo. Ang dugong bughaw. Ikaw si Don Donaio.” dugtong pang tila may bikig sa lalamunan at nanggigilalas.

Nanahimik lang si Donaio at ipinagpatuloy ang pag-aalmusal. Parang nahihiyang aminin na siya ay may dugong bughaw. Angkan ng may pinakamatayog na kapangyarihan at kayang saklawan ang buong kapuluan. Ngunit gusto niyang ipaglihim muna ito.

“Ang dakilang Radam ay bantog sa kakisigan. Ang nasalamin kong anyo mo sa tubig ay patunay lang na ikaw ay nagmana sa iyong Ama.” ani Dayang Hirang at siya naman ang biglang napatulala bago muling nagwika. “Ilang araw na lang, magbabalik ka sa dati mong anyo. Kaya lang, paano kung kunin kang muli ni Soraia?”

Saka lang tumigil sa pagsubo si Donaio. Nag-isip bago nagsalita. “Higit siyang makapangyarihan. Hindi ko alam kung paano ko siya maiiwasan.”

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, aking Donaio. Itataya ko ang aking buhay, kapalit ng iyong kalayaan.” anang Dayang at gusto sanang haplusin ang mukha ng asawang sa tingin niya ay kulang sa pamamaraan at pag-iisip.

Agad inilayo ni Donaio ang kanyang mukha. Nahihiyang ipahaplos ang magaspang niyang balat. Tumindig siya at nagkataon namang mula sa malayo ay natanaw niya ang mga taong Ulikba na may hilang baka. Agad niyang dinampot ang mahiwagang tungkod upang sansalain ang mga iyon.

“Sandali lang!” anang pastol kay Dayang Hirang at nagdudumaling lumisan.

“Donaio!” sigaw ng Dayang at tumakbong humabol sa pastol. “Mapanganib sila! Baka mapahamak ka?” sabi pang nagdudumali sa paglapit.

Ang alingasngas na iyon ang nagbigay pansin sa mga ulikba. Ang ilan ay nagkasa ng pana at humakbang na palapit sa dalawang nag-uusap. Nakita nila ang kagandahan ni Dayang Hirang. Sabik sila sa ganoong kariktan. Parang mga baliw na sumugod at tangkang manghalay sa pagkakataong iyon.

Habang tumatakbo, nagpawala ng palaso ang mga Ulikba. Pinuntirya nila si Donaio. Gustong alisin ang pangit na sagabal sa kanilang layunin, pagkat nasasabik sila sa kagandahang natatanaw.

Sa pangyayaring iyon, napilitang salingin ni Donaio si Dayang Hirang upang ikubli sa nagliliparang mga palaso. Kinabig niya ang asawa at ginawang pangubli ang kanyang likod. Subalit sa nakapagtatakang dahilan, lahat ng palaso ay lumihis kay Donaio.

Habang tumatakbong pasugod ang mga Ulikba, muli silang nagkasa ng palaso sa pana. Talagang tatapusin nila ang buhay ng pastol, ngunit isa na namang himala ang naganap. Sabay-sabay na nadapa ang may sampung Ulikba at nangudngud ang mukha sa batuhan. Bawat bangon ay nadarapa. Ang iba naman na may hilang baka ay biglang nagtakbuhan nang suwagin sila ng mga toro. Nagkawatak-watak sila at kung saan-saan napasuling.

Ang mga kaganapang iyon ay mahihinuhang galing sa kapangyarihan ng tungkod. Halos pagapang na lumisan ang mga Ulikba, ngunit nagbabantang muli silang magbabalik upang ubusin ang mga baka. Kunin si Dayang Hirang at lusubin ang kastilyo.

Samantala, mula sa di kalayuan ay papalapit ang kawal na tagapagdala ng pagkain nina Donaio at Dayang Hirang. Sumusuray at tila nanghihina sa paglalakad.

Nagtatakang nakamasid lamang sina Donaio at Hirang. Hinintay nila ang mabagal na paglapit ng nasabing kawal. Dahil sa katagalan, lumakad na silang pasalubong.

“Bakit kawal?” gilalas na tanong ng Dayang nang Makita ang palasong nakatarak sa likod ng tinanong.

“Natambangan ako ng isang gutom na Ulikba. Nagpatay-patayan ako. Gusto niya akong kainin. Mabuti na lang, nakita niya ang dala kong pagkain at ako’y iniwan.” Gumagaralgal at nanghihinang sagot ng kawal at tuluyang napahiga sa lupa.

Napabaling ang Dayang kay Donaio. “Dalhin natin siya sa bayan upang magamot.” “Huwag na, mahal na Dayang. Hindi na magtatagal ang buhay ko. May mahalaga akong sasabihin. Patawad. Ako ang dahilan kaya naging asawa mo ang pastol.” mabagal at mahina ang salita ng kawal. Naghihirap.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ng Dayang. Hindi malaman ang gagawin sa sugatang kawal.

“Ako ang inutusan ng Rahana upang makapasok sa arena ang pastol. Patawad.” habol ang hininga ng kawal bago hinigit ang balikat.

“Hindi!” anang Dayang. “Wala kang kasalanan. Dapat pa nga akong magpasalamat sa iyo. Talagang mahal ko si Donaio.:

Namatay ang kawal. Masaya ang mukha at parang gustong ngumiti. Pumanaw siyang panatag ang loob. Naibsan ang sumbat ng budhi nang mabatid na hindi mali ang kanyang ginawa.

Nakamasid lang si Donaio. Lalong hindi malaman ang gagwin kung bubuhayin niya ang patay. Kapagkuwa’y naisip din niyang ang kagustuhan ng Maykapal ay hindi maaaring hadlangan ng sino pa man. Naisip na lang niyang ilibing ang kawal na naging bahagi rin ng kanyang kaligayahan.

Ang suliranin ay hindi mapipigilan. Nakasulat na sa kasaysayan ng Haranggani ang napipintong panganib sa pagdating ng panibagong dalawampung taon. Muling dumami ang lahing Ulikba. Parang mga hayop na palipat-lipat sa mga babae upang magkaanak lamang. Mga babaing hindi isinasama sa digmaan kung kaya dumami ang bilang ng mga taong pusa, o taong Ulikba. Sa ngayon, ang bilang nila ay umabot sa dalawang ulit, kaysa noong gapihin sila ni Cordova. Mayroon na rin silang pana at higit pang magagaling sa pagtudla, pagkat bata pa sila, laging hawak ang ganoon sandata sa pagsasanay. Mayroon na rin silang Hari. Ito ay si Babagwa. Ang kilabot daw sa paghawak ng pana. Malaki ang katawan Pabulusok kung kumilos. Mahilig sa babae at laging ninanamnam na matikman si Dayang Hirang.