Ang Pagsilang

Noon ay kasalukuyan pang umiiral ang nakalipas na panuntunan ng panahon. Sa isang reynadong bansa ay nangunguna ang kaharian ng Mauritanya sa lahat ng bagay. Pinakamayaman at makapangyarihan sa buong kalupaan ng isang malawak na kapuluan. Ang namamahala roon ay isang Radam na ang ibig sabihin ay hari ng mga hari. Siya ay si Radam Cordova. Asawa ni Mahalya Arminya. Ang reyna ng mga reyna. Nasa anyo nila ang kabataan, kakisigan at kagandahanan. Dalawang taon pa lamang silang nakakasal, ngunit sa kabila ng ganoong kataasan sa antas ng kapangyarihan, nagluluksa ang buong palasyo sa napakabigat na suliranin.

Ilang araw nang naghihirap sa panganganak ang butihing Mahalya. Parang wala nang katapusan ang dinaranas niyang sakit sa paghilab ng bata. Nakapikit. Laging dumaraing. Daing na pahina nang pahina at halatang hindi na magtatagal ang kanyang buhay.
“Dakilang Radam.” Baling ng punong manggagamot na si Urbano sa maharlikang pinuno ng palasyo. “Sa buong kasaysayan ng ating kaharian, wala pang babae ang dumanas nang ganitong paghihirap sa panganganak. Parang may kapangyarihang pumipigil upang ang butihing Mahalya ay makapanganak.
“Mayroon nga!” sagot ni Cordova. Nakakuyom ang kanang kamao at nakaupo sa himlayan ng kanyang asawa.
Napakunot ang noo ang ubaning si Urbano. “Ano’ng ibig sabihin ng kanyang kamahalan?” tanong pa nito.
“Ngayong lang ako lubusang naniwala sa kapangyarihan ni Soraia.” sagot ni Cordova. “Siya ang Mahikantadang sumasakop sa ating kabundukan. Naging kasintahan ko siya at dahil sa pagtalikod ko sa aming pagmamahalan, itinakda niyang mamamatay sa panganganak ang sino mang mapapangasawa ko.” dugtong pang kasabay ang pagtindig at lumakad nang pabalik-balik.
“Totoo ang sinasabi mo kamahalan.” ani Urbano. “Talagang makapangyarihan ang mga Mahikantada. Sana, kung nalikha na ng ating mga paham ang mabisang pampamanhid, mailalabas ko ang sanggol sa pamamagitan ng pagtistis sa tiyan ng Mahalya. Kulang pa tayo sa kaalaman. Ang maipapayo ko kamahalan, pakiusapan nyo si Soraia. Magpakababa ka dakilang Radam. Alang-alang sa kaligtasan ng butihing Mahalya.” sabi pa ng uugod-ugod na manggagamot.
“Para sa aking Mahalya,” ani cordova. “Muli kong ibababa ang aking pagkatao. Magtutungo ako sa bundok.” kasunod pang sabi at matagal na pinagmasdan ang naghihirap niyang Mahalya na nasa pangangalaga rin ng mga babaing manggagamot.

Ang kagustuhan ng isang Radam ay hindi mababali. Lumisan siyang pangkaraniwan lang ang anyo. Isang mangangasao kung pagmasdan, sakay ng kabayo at ni isa’y walang kasama.
Muling nagbalik kay Cordova ang nakaraan. Isang binatang lagalag na ayaw pasakop sa kapangyarihan ng palasyo at nag-iisang anak ng matandang Radam. Noon, siya ay si Don Cordova, ang prinsipe ng mga prinsipe.
Dahil sa kagustuhang makaiwas sa babaing napili ng kanyang Ama, naglayas siya. Ayaw niyang pakasal sa isang kondesang taga ibang kaharian hindi pa matiyak kung ano ang sadyang pakay sa pag-ibig.
Mahilig si Don Cordova sa pangangaso. Madalas siya sa kagubatan at doon niya nakilala ang Mahikantadang si Soraia sa anyong pangkaraniwang tao lamang, ngunit may gandang malikmata at nahahalintulad sa isang Engkantada. Nagkaibigan sila at laging nag-uulayaw sa gitna ng kagubatan.
Naging sakim sa pagmamahal si Soraia. Ayaw niyang mawawalay sa paningin si Cordova at gustong ilagi na lamang sa kagubatan. Iyon naman ang bagay na ikinaaayaw ni Cordova, lalo na nang malaman niyang isang diwata si Soraia at hindi pangkaraniwang babae. Lumayo siya hanggang sa makilala niya si Arminya. Isang dalagang nakatira sa liblib ng kabundukan. Pangkaraniwan lang ang ganda, ngunit natitiyak niyang minahal siya dahil siya ay siya.
Nagalit si Soraia, pinairal ang kapangyarihan at isinumpang mamamatay sa panganganak si Arminya.
Hindi pinansin ni Cordova ang sumpang iyon, hanggang sa yumao ang balo at matandang Radam ng Mauritanya. Siya ang humalili, kapiling si Arminya.

At ngayon, patungo nga sa kagubatan si Radam Cordova. Tinahak niya ang masukal na landas sa paligid ng mga nagtatayugang punong kahoy. Alam niya kung saan matatagpuan si Soraia. Sa isang mahalumigmig na halamanan. Laging basa at kulay ginto ang mga dahon.
“Alam ko ang dahilan kung bakit ka nagbalik.” salubong ni Soraia habang nakaupo sa tronong nagniningning sa kagintuan.
“Alisin mo ang parusa sa aking Mahalya.” saad ni Cordova sa anyong alipin. Nakaluhod sa harapan ni Soraia at mistulang mangangaso ang kapara. May pana at palasong nakasukbit sa likuran at may espada pang lapad sa baywang.
“Alam mong hindi ako bumabawi ng sumpa kung walang kapalit lalo na kapag hindi pa napaparam ang poot sa aking dibdib!” sagot ng Mahikantadang lalong pumuti sa kasootang puti na hanggang talampakan ang haba. Tumindig siya at humarap sa maliit na lawang pinaglulunuyan ng magagandang ibon, patong bundok at mga isdang iba-iba ang kulay.
Tumindig si Cordova at masuyong hinawakan sa balikat ang dating katipan saka nagwika. “Alam mo rin ang dahilan kung bakit ako nagtalusira sa ating usapan. Magkalayo ang agwat ng ating kalagayan. Isa kang mahiwagang nilalang at ako’y tao lamang. Paano tayo liligaya kung ako’y tumatanda at ikaw ay hindi? Ganoon pa ba ang pag-ibig mo kung ako’y isa ng hukluban? Magkakasama pa ba tayo sa isang libingan kung ikaw ay walang kamatayan? Hindi Soraia. Lalong hindi ako maaaring manatili sa kagubatang ito pagkat kailangan ako sa kaharian ng Mauritanya.”
“Noon bang una mo akong sinuyo, naisip mo ba ang mga bagay na iyon?” tanong naman ni Soraia at iwinaksi ang kamay ni Cordova sa kanyang balikat. “Hindi, dahil nilasing mo ako ng iyong pagmamahal. Inaliw mo ako at ginamitan ng kapangyarihan. Namulat lang ako sa katotohanan nang magalit ang butihin ninyong Reyna at alisan ka ng gayuma sa pag-ibig.”
“Sa ngayon, hindi ka makakahingi ng tulong sa aming Reyna. Malayo ang aming kaharian, bago mo marating, patay na ang iyong Mahalya. Gayon man, bukod pa rito, nasaktan lang ako, Cordova. Kung uunawain mo lang ang aking kalagayan, ako’y sabik sa pagmamahal ng isang lalake. Simula’t sapol sa gulang kong kasintanda ng kagubatang ito ay ngayon ko lang naranasan ang umibig at masagi ng tulad mong nilalang. Sinubaybayan kita sa madalas mong pangangaso rito. Hinangahan sa taglay mong kakisigan. At pagkatapos, ipinagpalit mo lang ako sa isang tulad ni Arminya na anak lamang ng isang magkakahoy sa kagubatan!” asik pa ng Mahikantadang hindi marunong lumuha.
Tapat ang pagmamahal ni Arminya. Hindi niya alam ang tunay kong pagkatao. Inibig niya ako dahil sa ako ay ako. At saka ko lang siya napilit sumama sa akin nang mag-isa na lang siyang mamuhay sa kagubatan.” sagot ni Cordova. Nakayuko.
“Alam kong binusilak ang budhi ni Arminya kaya ka naakit.” sabi ni Soraia kasabay ang pagharap kay Cordova. “Hindi ko siya mapapatawad. Gusto kong Makita sa lawang ito ang kanyang paghihirap. Ang kanyang masakit na kamatayan!” dugtong pang humahalakhak.
“Maawa ka sa aking Mahalya. Humiling ka kahit anong makakaya ko. Ibibigay ko sa’yo samo pa ni Cordova kasabay ang muling pagluhod.
“Ikaw ang gusto ko. Magbalik ka lang dito, mabubuhay si Arminya at ang anak mo!”
“Parang pinatay mo na rin si Arminya. Pag ako’y Nawala, mamamatay na rin ang kanyang pag-ibig at pagkatao. Mabuti pang sabay-sabay na kaming pumanaw.” ani Cordova at marahang binunot ang kanyang espada. Handang itusong sa ibaba ng kanyang dibdib.

Natigilan si Soraia. Sa abot ng kanyang kapangyarihan, alam niyang matutupad ang banta. “Baliw ka sa iyong pagmamahal! Gayon man, bibigyan ko kayo ng pagkakataon na kapwa mabuhay. Babawiin ko ang sumpa kung ang iluluwal ni Arminya ay mapapapasa akin.”
“Hindi! Soraia. Hindi ako papayag. Ang sanggol ay bunga ng aming pagmamahalan at ipinaglaban pa ng butihin kong Mahalya. Hindi niya inalintana ang sumpa mong mamamatay siya sa panganganak.
“Mamili ka, Cordova. Si Arminya o ang sanggol?”
Natigilan ang Radam. Nangangalit ang mga matang itinitig sa Mahikantada.
“Mamili ka, Cordova. Si Arminya o ang sanggol.” ulit ni Soraia. “Isipin mo na lang, pagnamatay si Arminya, mamamatay rin ang sanggol. Pumayag ka na at hintayin na lamang ang susunod ninyong magiging anak.”
Marahang napatungo si Cordova, bago nagwika. “Alang alang sa kaligtasan ng aking Mahalya, pumapayag ako. Pero ano’ng gagawin mo sa sanggol?” tanong pa niyang kasabay ang pagtindig mula sa pagkakaluhod.
“Hihintayin ko siyang maging binata. Kami ang magsasama, dahil alam kong magiging kamukha mo rin siya sa kanyang paglaki.
“Kailan manganganak ang aking Mahalya?” muling tanong habang patungo siya sa kanyang kabayo.

“Pagdating mo sa iyong kaharian, nakapanganak na siya. At tandaan mo, Cordova! Pagkaraan ng ika-pitong araw, kukunin siya ni Dambu.” Hindi kumibo si Cordova. Sumakay sa kanyang kabayo at walang lingon na lumisan pagkat alam niyang si Dambu ay isang Higante. Dating tulisang bundok at pinalaki lang ni Soraia upang gawing alipin.

Sa bungad pa lamang ng Mauritanya ay napansin agad ni Cordova ang kasayahan ng mga tao. Nagbubunyi at nagsisigawang nakapanganak na ang kanilang Mahalya.
Salamat sa Panginoon at tinupad ni Soraia ang aming usapan. Bulong ni Cordova at ipinagpatuloy ang pangangabayo. Nilagpasan ang mga taong nagsasayawan sa lansangan. Hindi siya nakilala dahil sa anyong pangkaraniwan lamang at sa panakip-ulong may nakatusok pang pakpak ng agila.
Labis ang kaligayahan ni Cordova sa pangyayaring iyon. Napatunayang mahal siya ng taong bayan. Iyon ay dahil sa kanyang pagkatao. Mapagmahal at matulungin sa mga nasasakupang mamamayan ng Mauritanya, gayon din sa mahihirap na karatig kaharian.
Malakas ang dupikal ng mga kampana. Parang pinagyayabang ang balitang kaligtasan ng Mahalya. Tuloy tuloy sa loob ng palasyo si Cordova habang isa-isang inalis sa katawan ang mga sandatang inihahagis lamang kung saan sa kagustuhang makita agad ang kanyang mag-ina. Hindi na niya pinansin ang biglang pagpupugay ng mga kawal at Henerales.

Sa bungad pa lang ng pinto, halos tumalon sa galak si Cordova nang makitang magkatabi sa himlayan ang kanyang mag-ina.
“Salamat sa Panginoon at ligtas ang sinisinta kong Mahalya. Gayon din ang Don ng kahariang Mauritanya.” paunang bigkas ni Cordova at agad nang niyapos ang nakapasandal na asawa.
“Aking Radam,” sabi ni Arminya. “May kinalaman kaya sa pagtungo mo kay Soraia ang dahilan ng aking kaligtasan at paano mong nalaman na lalake ang ating anak?” dugtong pang may halong panibugho.
Tumango lang si Cordova. Hindi niya masabi ang katotohanan sa kasunduan nila ni Soraia pagkat mahina pa ang katawan ng Mahalya. Inamin na lang ang paghingi niya ng tawad kay Soraia. “Kay gandang bata.” ang namutawi pa sa kanyang bibig at marahang kinalong ang anak. Tuwang-tuwa ngunit bigla sumagi sa kanyang isipan ang kasunduan nila ni Soraia. Agad siyang nalumbay.
“Bakit, mahal kong Radam?” tanong ni Arminya. Nag-aalala.
“Wala aking Mahalya. Naisip ko lang paghihirap mo sa batang ito. Ang ating Don. Ang prinsipe ng mga prinsipe.”
“Siyang tunay, mahal kong Radam. Buhay ang itinaya ko sa kanya. Hindi ko matatanggap na mawala siya sa ating piling.”
Napayuko si Cordova. Dinaan na lang sa di pagkibo at paghalik sa bugtong na anak ang kanyang suliranin. Paano niyang ipagtatapat ang kapalaran naghihintay sa ika-walong araw?
“Gusto ko sanang ipangalan sa kanya ang Donaio. Pangalang lagi kong binabanggit sa panaginip. Tinatawag ko siyang Don Donaio habang ako’y naghihirap sa panganganak.”
“Magandang pangalan. Angkop sa kanyang pagiging Don.” ayon ng maharlikang lalake at ipinadama ang pagpayag sa pamamagitan ng pagpisil sa kamay ng maharlikang babae. “Sa ika-limang pagsikat ng araw, pabibinyagan natin si Don Donaio. Lahat ng simbahan sa buong Mauritanya ay makikiisa na patnubayan ang ating anak.” sabi pa ni Cordova.
“Sunud-sunuran ako sa iyong kagustuhan, aking Radam.” anang Arminya. Halata ang hirap na dinanas sa panganganak at nanlalamlam pa ang mga mata.
“Magpahinga ka na, aking Mahalya. Kakausapin ko lang ang ating mga opisyales.” sabi ni Cordova nang mahalatang mahina pa ang kanyang asawa. Madaling ipinatawag ni Cordova ang ang dalawa niyang matataas na henerales. Sina Ogbinar at Rancudo. Ipinatawag din niya ang mga paham at maging ang mga pantas sa labas ng palasyo ay kanya ring pinatipon.